The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Tuntunin tungkol sa mga Sakit sa Balat
13 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 2 “Kung ang balat ninuman ay mamaga, magnana o kaya'y magkaroon ng parang singaw, at ang mga ito'y maging sakit sa balat na parang ketong, dapat siyang dalhin kay Aaron o sa mga anak niyang pari. 3 Susuriin ito ng pari at kung makita nitong namuti ang balahibo sa balat at sa palagay nito'y tagos hanggang laman, ang taong iyon ay maysakit sa balat na parang ketong. Kung magkagayon, ipahahayag niya itong marumi. 4 Ngunit kung balat lamang ang namuti at hindi pati balahibo, ihihiwalay siya nang pitong araw. 5 Pagkatapos, susuriin siyang muli sa ikapitong araw at kung sa tingin ng pari ay hindi lumalala ang sakit sa balat, pitong araw pa niya itong ihihiwalay. 6 Pagkaraan ng pitong araw, susuriin niyang muli ang may sakit. Kung nagbalik sa dati ang kulay ng kanyang balat at ang sakit sa balat ay hindi kumalat sa ibang bahagi ng kanyang katawan, ipahahayag siyang malinis dahil isa lamang itong pamamaga. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y magiging malinis na. 7 Ngunit kung mamaga uli ang kanyang balat at kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan, muli siyang haharap sa pari. 8 Sisiyasatin siyang muli at kung ang pamamaga ay kumakalat nga, ipahahayag ng pari na ang maysakit ay marumi. May sakit sa balat na parang ketong ang taong iyon.
9 “Ang sinumang magkaroon ng sakit na ito ay dapat dalhin sa pari 10 para masuri. Sisiyasatin ito at kung ang namamagang balat ay mamuti at magnaknak at ang balahibo nito ay mamuti rin, 11 hindi na siya ihihiwalay pa sapagkat tiyak ngang siya'y marumi. 12 Kung kumalat ito sa buong katawan, 13 sisiyasatin siya ng pari at kung naging maputing lahat ang balat niya, ipahahayag siyang malinis. 14 Subalit sa sandaling magbalik ang dating kulay at ang balat ay muling magsugat-sugat, ituturing siyang marumi. 15 Sisiyasatin siya ng pari at kung gayon nga ang makita rito, ipahahayag nitong marumi ang taong iyon. Ang paglitaw ng mga sugat ay tanda na ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong at siya ay maituturing na marumi. 16 Kung sakaling gumaling ang sugat at pumuti ang balat, dapat siyang pumunta sa pari 17 upang muling magpasuri. Kung makita ng pari na ang kanyang sugat ay pumuti, ipahahayag siyang magaling na. Malinis na siya ayon sa rituwal.
18 “Kung magkapigsa ang alinmang bahagi ng kanyang katawan at gumaling, 19 ngunit ito'y mamaga uli at mamuti o mamula, dapat humarap sa pari ang taong iyon. 20 Kung makita niyang tagos sa laman ang sugat at ang balahibo nito ay namuti, ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong; ang pinagmulan nito ay sa pigsa. 21 Ngunit kung hindi naman tagos sa laman at hindi namuti ang balahibo, ang maysakit ay ibubukod nang pitong araw. 22 Kung lumaganap ito sa ibang bahagi ng katawan, ipahahayag siyang marumi sapagkat siya'y may nakakahawang sakit sa balat. 23 Kung hindi naman kumalat sa ibang bahagi ng katawan, ito'y marka lamang ng pigsa at ipahahayag ng pari na malinis ang taong iyon.
24 “Kung mapaso ang isang parte ng katawan at ang parteng hindi napaso ay namula o namuti, 25 susuriin ito ng pari. Kung pumuti ang balahibo nito at tumagos sa laman ang sugat, ito'y sakit sa balat na parang ketong. Ipahahayag na marumi ang taong iyon. 26 Kung makita ng pari na ang balahibo ng napasong parte ng katawan ay hindi namuti at hindi tagos sa laman ang sugat, ihihiwalay niya ang taong iyon nang pitong araw. 27 Pagkatapos, ito'y susuriin ng pari at kung ang sakit ay kumakalat sa katawan, ipahahayag na marumi ang taong iyon. Siya ay may sakit sa balat na parang ketong. 28 Ngunit kung hindi kumakalat o humahawa sa ibang panig ng katawan at maputla ang kulay, pamamaga lamang ito ng napaso; ipahahayag siya ng pari bilang malinis sapagkat ito'y paltos lamang.
29 “Kung ang isang lalaki o babae ay magkasugat sa ulo o sa baba, 30 susuriin siya ng pari. Kung nangangati at tagos sa laman ang sugat, at ang buhok ay numinipis at naninilaw-nilaw, ipahahayag siyang marumi; siya'y may sakit sa balat na parang ketong. 31 Ngunit kung ang nangangating sugat ay hindi naman umabot sa laman at hindi nanilaw ang buhok, ihihiwalay siya sa loob nang pitong araw. 32 Pagkatapos, susuriin siya ng pari. Kung hindi ito kumakalat at di tagos sa laman o hindi naninilaw ang buhok, 33 mag-aahit ang maysakit maliban sa palibot ng sugat, ngunit pitong araw pa siyang ihihiwalay. 34 Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari. Kung ang sugat ay hindi kumakalat sa ibang panig ng katawan, ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Maglalaba siya ng kanyang damit at siya'y magiging malinis. 35 Ngunit pagkatapos niyang makapaglinis at magkaroon muli ng sugat sa ibang panig ng katawan, 36 susuriin siya ng pari. Kung kumakalat ang sugat, ang taong iyon ay ituturing na marumi kahit hindi naninilaw ang buhok sa may sugat. 37 Kung sa tingin ng pari ay hindi kumakalat ang sugat at tinutubuan na ito ng itim na buhok, magaling na ang taong iyon at ituturing nang malinis.
38 “Kung ang sinumang babae o lalaki ay magkaroon ng mga batik na puti sa kanyang balat, 39 susuriin siya ng pari. Kung hindi masyadong maputi ang batik, an-an lamang iyon; siya'y ituturing na malinis.
40 “Kung nalalagas ang buhok ng isang tao, hindi siya ituturing na marumi kahit siya'y kalbo. 41 Kung malugas ang buhok sa gawing noo, siya ay kalbo rin, ngunit ituturing na malinis. 42 Ngunit kung may lumitaw na mamula-mulang sugat sa kalbo niyang ulo o noo, ito'y maaaring sakit sa balat na parang ketong. 43 Susuriin siya ng pari. Kung ang sugat na iyon ay tulad ng sakit sa balat na parang ketong na tumubo sa ibang bahagi ng katawan, 44 ipahahayag ng pari na siya'y marumi dahil sa sakit sa balat na parang ketong na nasa kanyang ulo.
45 “Ang taong may sakit sa balat na parang ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, huwag mag-aayos ng buhok, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, ‘Marumi ako! Marumi ako!’ 46 Hangga't siya'y may sugat, ituturing siyang marumi at sa labas ng kampo maninirahang mag-isa.”
Tuntunin tungkol sa Mantsa sa Damit o Kagamitang Katad
47 “Kung magkaroon ng amag[a] ang damit na lana o lino 48 o ang sinulid na lana o lino na di pa nahahabi o anumang yari sa balat, at 49 kung berde o mamula-mula ang amag, ito'y dapat ipakita sa pari. 50 Susuriin niya ito at pitong araw na ipapatago ang damit na nagkabatik. 51 Sa ikapitong araw, muli niyang titingnan ito at kung ang amag ay humawa sa ibang bahagi ng damit, maging ito'y kagamitang yari sa tela o balat, ituturing itong marumi. 52 Susunugin na niya ang mga ito sapagkat ito'y nakakahawa.
53 “Subalit kung hindi naman humahawa sa ibang parte ang mantsa nito, maging ito'y sa damit, sa kagamitang yari sa balat o sinulid, 54 iuutos niyang labhan iyon, ngunit ipapatago pa niya nang pitong araw. 55 Pagkatapos, muli itong sisiyasatin ng pari. Kung hindi pa rin nagbabago ang kulay nito, kahit hindi humahawa, ituturing na itong marumi at dapat sunugin, kahit ang amag ay nasa loob o nasa labas na bahagi ng kagamitan.
56 “Ngunit kung mapuna niyang kumupas ang mantsa, ang bahaging iyo'y gugupitin niya sa damit o kagamitang yari sa tela o balat. 57 At kung may lumitaw pang ibang mantsa, ang damit ay dapat nang sunugin. 58 Ngunit kung malabhan ang damit, kagamitang yari sa balat o sinulid, at maalis ang mantsa, ito'y lalabhang muli at ituturing nang malinis.”
59 Ito ang tuntunin tungkol sa mga amag ng anumang kasuotang damit o balat upang malaman kung marumi o malinis ang mga iyon.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 3 Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[a] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.
4 Dahil(B) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” 5 Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)
Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. 7 Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, 8 at(D) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. 9 Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”
10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(E) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”
12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(F) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)
14 Nakarating(H) kay Haring Herodes[b] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”
16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(I) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[c]
21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[d] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.
24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.
25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”
26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.
29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Pagtatapat ng Taong Nahihirapan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
habang nakapalibot, silang mga masasama.
2 Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
3 Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
4 “Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”
5 Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
6 Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!
7 Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
8 Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
9 Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]
12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.
10 Ang malilikot na mata ay lagi sa kaguluhan,
at ang bibig na maluwang, hahantong sa kapahamakan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.