Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 37-38

Ang Kaban ng Tipan(A)

37 Yari sa akasya ang ginawa ni Bezalel na Kaban ng Tipan: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. Binalot niya ng ginto ang loob at labas, at ang labi nito'y nilagyan nila ng muldurang ginto. Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. Gumawa rin siya ng kahoy na pampasan na yari sa akasya at binalutan din niya ito ng ginto. Isinuot niya ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid upang maging pasanan nito. Ginawa rin niya ang Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. Ang magkabilang dulo nito ay iginawa niya ng dalawang kerubing yari sa purong ginto, tig-isa sa magkabilang dulo. Ikinabit niya itong mabuti sa Luklukan ng Awa, kaya ito at ang mga kerubin ay naging isang piraso. Magkaharap ang mga kerubin at nakatungo sa Luklukan ng Awa. Nakabuka ang kanilang mga pakpak at nakalukob dito.

Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos(B)

10 Gumawa rin ng mesang akasya si Bezalel; 0.9 na metro ang haba nito, 0.5 metro ang lapad at 0.7 metro ang taas. 11 Binalot niya ito ng ginto at pati na ang paligid. 12 Nilagyan niya ito ng sinepa na singlapad ng isang palad at pinaligiran din ng ginto. 13 Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 14 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 15 Iginawa rin niya ang mesa ng mga pampasan na yari sa akasya at binalutan din ng ginto. 16 Gumawa rin siya ng mga kagamitang ginto para sa mesa: mga plato, tasa, banga at mangkok para sa handog na inumin.

Ang Ilawan(C)

17 Gumawa rin siya ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 18 Mayroon itong anim na sanga, tigatlo sa magkabila. 19 Bawat sanga ay may tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 20 Ang tagdan ay may tig-apat ding bulaklak na tulad ng nasa sanga. 21 May tig-iisang usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat sanga. 22 Ang mga usbong, mga sanga at ang tagdan ng ilawan ay iisang piraso na gawa sa purong ginto. 23 Ang ilawan ay iginawa niya ng pitong ilaw na may kasamang pang-ipit ng mitsa at patungan na pawang dalisay na ginto. 24 Ang nagamit sa ilawan ay tatlumpu't limang kilong purong ginto.

Ang Paggawa sa Altar na Sunugan ng Insenso(D)

25 Gumawa siya ng altar na sunugan ng insenso. Ito ay yari sa punong akasya. Ito ay parisukat, 0.5 metro ang haba, gayundin ang lapad at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar. 26 Binalutan niya ang ibabaw nito ng purong ginto. Ang mga gilid at ang mga sungay ay binalot din ng ginto. 27 Gumawa siya ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa magkabilang gilid sa ibaba para pagsuutan ng pampasan. 28 Gumawa rin siya ng pampasan na yari sa punong akasya at ito'y binalot din ng ginto.

Ang Langis na Pampahid at ang Insenso(E)

29 Si(F) Bezalel din ang naghalo ng sagradong langis na pampahid at ng purong insenso at ito'y parang ginawa ng isang dalubhasa sa paggawa ng pabango.

Ang Altar(G)

38 Akasya rin ang ginamit ni Bezalel sa paggawa ng altar na sunugan ng handog. Ito'y parisukat, 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at 1.3 metro naman ang taas. Ang mga sulok nito'y nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar, at binalot ng tanso. Si Bezalel din ang gumawa ng mga kagamitang tanso para sa altar: palayok, pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. Gumawa rin siya ng parilyang tanso at ikinabit sa ilalim ng baytang, sa kalahatian ng altar. Gumawa siya ng apat na argolya at ikinabit sa apat na sulok ng parilya, para pagsuutan ng pampasan. Akasya rin ang ginawa niyang pampasan. Binalot niya ito ng tanso at isinuot sa mga argolya sa gilid ng altar. Tabla ang ginamit niya sa paggawa ng altar at ito'y may guwang sa loob.

Ang Palangganang Tanso(H)

Gumawa(I) nga siya ng palangganang tanso, at tanso rin ang patungan. Ang ginamit niya rito ay tansong ginagamit bilang salamin ng mga babaing tumutulong sa mga naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.

Ang Bulwagan ng Toldang Tipanan(J)

Pagkatapos, ginawa niya ang bulwagan na pinaligiran niya ng mamahaling telang lino. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing 10 at ito'y ikinabit niya sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso rin. Pilak naman ang mga kawit at ang sabitang baras na ginamit niya. 11 Gayundin ang ginawa niya sa gawing hilaga: 45 metro ang mga tabing na ikinabit sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso; pilak naman ang mga kawit at baras na ginamit dito. 12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isinabit niya sa sampung posteng nakatindig sa sampung tuntungan. Ang mga kawit at baras ay gawa sa pilak. 13 Ang luwang ng harapan ng bulwagan sa gawing silangan ay 22 metro. 14 Sa isang gilid ng pintuan ay nilagyan ng kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. 15 Ganoon din sa kabilang gilid. Kaya ang dalawang gilid ng pintuan ay may tig-isang kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa kanya-kanyang tuntungan. 16 Lahat ng tabing ng bulwagan ay mamahaling telang lino. 17 Tanso ang tuntungan ng mga poste at pilak naman ang mga kawit ng poste, gayundin ang mga haligi. 18 Ang kurtina sa may pintuan ay mamahaling lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Magandang-maganda ang burda nito. Ang haba't lapad nito'y 9 na metro, samantalang 2 metro naman ang taas, tulad ng tabing sa bulwagan. 19 Ito'y nakasabit sa apat na posteng nakapatong sa apat na tuntungang tanso. Ang mga kawit nito at balot ay pawang pilak. 20 Tanso naman ang mga tulos na ginamit sa Toldang Tipanan at sa tabing ng bulwagan.

Ang mga Metal na Ginamit sa Tabernakulo

21 Ito ang listahan ng mga metal na ginamit sa tabernakulo na pinaglagyan sa Kaban ng Tipan. Ang listahang ito'y ipinagawa ni Moises sa mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ni Aaron.

22 Lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises ay ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. 23 Ang pangunahin niyang katulong na si Aholiab ay anak ni Ahisamac at buhat naman sa lipi ni Dan. Siya ay mahusay mag-ukit, isang taga-disenyo at manghahabi ng pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula.

24 Lahat ng gintong ginamit sa santuwaryo ay umabot sa 1,000 kilo ayon sa timbangan sa templo. Ang lahat ng ito'y handog kay Yahweh. 25 Ang(K) pilak namang ibinigay ng mga taong napabilang sa sensus ay umabot sa 3,430 kilo, ayon din sa timbangan sa templo. 26 Ang(L) mga ito ang kabuuan ng lahat ng inihandog ng mga napabilang sa sensus, na umabot naman sa 603,550 katao, mula sa dalawampung taon pataas. Bawat isa'y nagbigay ng kaukulang halaga ayon sa timbangan sa santuwaryo. 27 Ang pilak na nagamit sa mga tuntungan ng santuwaryo at tabing ng bulwagan ay 3,400 kilo: 100 tuntungan na tig-34 na kilo. 28 Ang 30 kilo ay ginamit sa mga kawit ng poste, sa mga dulo nito at sa mga haligi. 29 Ang tansong inihandog kay Yahweh ay umabot naman sa 2,425 kilo. 30 Ito ay ginamit sa mga tuntungan sa pintuan ng Toldang Tipanan, sa altar at sa parilyang tanso gayundin sa lahat ng gamit sa altar, 31 sa tuntungan sa paligid ng patyo, at tuntungan ng poste ng pinto, at sa lahat ng tulos na ginamit sa paligid ng tabernakulo.

Mateo 28

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Jesus upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay.

Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.”

At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.

Ngunit sinalubong sila ni Jesus at binati. Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.”

Ang Ulat ng mga Bantay

11 Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. 12 Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. 13 At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.”

14 Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala sa inyo.”

15 Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang ipinamamalita sa mga Judio.

Isinugo ni Jesus ang Kanyang mga Alagad(B)

16 Pumunta(C) ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. 18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya't(D) humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

Mga Awit 34:11-22

11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
    at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(A) may gusto ng mahabang buhay;
    sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
    pagsikapang kamtin ang kapayapaan.

15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
    sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
    at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
    inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
    at di binibigo ang walang pag-asa.

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(B) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

Mga Kawikaan 9:9-10

Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino,
    ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.
10 Ang(A) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
    ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.