The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang mga Kagamitan sa Toldang Tipanan(A)
10 “Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin 11 ng tabernakulo, ng tolda at ng mga tabing nito, ng mga kawit at ng mga patayo at pahalang na balangkas, ng mga tukod at ng mga patungan nito. 12 Sila rin ang gagawa ng Kaban ng Tipan at ng mga pasanan nito, gayundin ng Luklukan ng Awa at ng tabing nito. 13 Sila rin ang gagawa ng mesa, ng mga paa at lahat ng kagamitan nito, ng lalagyan ng tinapay na ihahandog sa Diyos, 14 ng ilawan, ng mga kagamitan nito, ng mga ilaw at langis para rito. 15 Sila rin ang gagawa ng altar na sunugan ng insenso, pati ang mga pasanan nito, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ng kurtinang ilalagay sa pintuan ng tabernakulo, 16 ng altar na sunugan ng mga handog, ng parilyang tanso, ng mga pasanan at ng mga kagamitang kasama ng altar, ng palanggana at ng patungan nito. 17 Sila rin ang gagawa ng mga tabing ng bulwagan, ng mga tukod na pagkakabitan, at ng mga patungan ng tukod pati ng kurtina sa pintuan. 18 Sila rin ang gagawa ng tulos, ng mga lubid na gagamitin sa tabernakulo at sa mga tabing, 19 ng mamahaling kasuotan ng mga pari na gagamitin pagpasok nila sa Dakong Banal—ng mga damit na gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang paglilingkod sa akin bilang mga pari.”
Dinala ang mga Handog
20 Ang mga Israelita'y nagbalikan na sa kani-kanilang tolda. 21 Lahat ng nais tumulong ay naghandog kay Yahweh ng inaakala nilang magagamit sa paggawa ng Toldang Tipanan, ng mga kagamitan sa pagsamba at ng kasuotan ng mga pari. 22 Babae't lalaki ay naghandog. May nagdala ng pulseras, hikaw, singsing, kuwintas at iba pang alahas na ginto. Dinala ng bawat isa ang kanyang alahas na ginto at inihandog kay Yahweh. 23 May naghandog din ng lanang kulay asul, kulay ube at pula, ng telang lino, telang yari sa balahibo ng kambing, pinapulang balat ng tupa at balat ng kambing. 24 Ang iba nama'y naghandog ng pilak o tansong kagamitan, at ng kahoy na akasya para sa tabernakulo. 25 Ang mga babae namang marunong sa pagsisinulid ay gumawa ng sinulid na lanang asul, kulay ube at pula, gayundin ng pinong lino, at ito ang kanilang ipinagkaloob. 26 May gumawa rin ng sinulid mula sa balahibo ng kambing. 27 Ang mga pinuno ay naghandog ng kornalina, mga alahas na ipapalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. 28 May nagdala naman ng langis para sa ilawan, ng pabangong ihahalo sa langis na pantalaga at sa insenso. 29 Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises.
Ang mga Gagawa sa Toldang Tipanan(B)
30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ni Yahweh si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. 31 Siya'y pinuspos niya ng Espiritu ng Diyos[a] at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. 32 Ginawa niya ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. 33 Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. 34 Siya at si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula sa lipi ni Dan, ay binigyan ni Yahweh ng kakayahan para maituro nila sa iba ang kanilang nalalaman. 35 Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain.
36 “Si Bezalel, si Aholiab at ang lahat ng manggagawang binigyan ni Yahweh ng kaalaman at kakayahan ang gagawa ng lahat ng kailangan sa santuwaryo, ayon sa sinabi ni Yahweh.”
Marami ang Handog ng mga Israelita
2 Tinawag ni Moises sina Bezalel, Aholiab, ang lahat ng binigyan ng kakayahan ni Yahweh at ang lahat ng nais tumulong at pinagsimula nang magtrabaho. 3 Ibinigay niya sa kanila ang lahat ng handog ng mga Israelita para sa gagawing santuwaryo. Patuloy pa rin sa paghahandog ang mga Israelita tuwing umaga, 4 kaya't nagpunta kay Moises ang mga manggagawa. 5 Sinabi nila, “Napakarami na po ang ibinigay ng mga tao ngunit patuloy pa rin silang nagdadala.”
6 Kaya iniutos ni Moises, “Huwag na kayong magdala pa ng kaloob para sa gagawing santuwaryo.” Noon lamang tumigil ang mga tao sa pagdadala ng handog. 7 Gayunman, sumobra pa rin ang mga handog na naroon.
Ang Paggawa ng Toldang Tipanan(C)
8 Lahat ng pinakamahusay na manggagawa ang gumawa sa Toldang Tipanan. Ang ginamit dito ay sampung pirasong kurtina na hinabi sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula na may burdang larawan ng kerubin. 9 Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at 2 metro naman ang lapad. 10 Ang mga ito ay pinagkabit-kabit nila nang tiglilima. 11 Gumawa sila ng mga silo na yari sa taling asul at ikinabit sa gilid ng bawat piraso, 12 tiglilimampung silo bawat isa. 13 Gumawa sila ng limampung kawit na ginto at sa pamamagitan nito'y pinagkabit ang dalawang piraso. Kaya ang sampung pirasong damit na ginamit sa tabernakulo ay parang isang piraso lamang.
14 Pagkatapos, gumawa sila ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing upang gawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. 15 Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. 16 Pinagkabit-kabit nila ang limang piraso; ganoon din ang anim na natira. 17 Kinabitan nila ng tiglilimampung silo ang gilid ng bawat piraso. 18 Pagkatapos, gumawa sila ng limampung kawit na tanso at sa pamamagitan nito'y pinagkabit nila ang dalawang piraso para maging isa lamang. 19 Tinakpan nila ito ng pinapulang balat ng tupa at pinatungan pa ng balat ng kambing.
20 Gumawa rin sila ng mga patayong haliging gawa sa akasya para sa tabernakulo. 21 Bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. 22 Bawat haligi ay nilagyan nila ng mitsa para sa pagdurugtong. 23 Dalawampung haligi ang ginawa nila para sa gawing timog 24 at apatnapung patungang pilak na may suotan ng mitsa. 25 Dalawampu rin ang ginawa nilang haligi sa gawing hilaga 26 at apatnapung patungang pilak din, dalawa sa bawat haligi. 27 Para sa likod, sa gawing kanluran ay anim na haligi 28 at dalawa naman para sa mga sulok. 29 Ang mga haligi sa magkabilang sulok ay magkadikit mula ibaba hanggang itaas, sa may unang argolya. 30 Samakatuwid, walo ang haliging nagamit sa likod at may tigalawang patungang pilak ang bawat isa.
31 Gumawa rin siya ng pahalang na balangkas na yari sa akasya, lima sa isang gilid, 32 lima sa kabila at lima rin sa likod. 33 Ang pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang gilid ng dingding. 34 Binalot nila ng ginto ang mga haligi at kinabitan ng argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto.
35 Gumawa rin sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula; ito'y binurdahan nila ng larawan ng kerubin. 36 Gumawa sila ng apat na haliging akasya na kabitan ng tabing. Binalot nila ito ng ginto, kinabitan ng kawit na ginto rin at itinayo sa apat na tuntungang pilak. 37 Para sa pintuan, gumawa sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda. 38 Gumawa sila ng limang posteng pagsasabitan ng kurtina. Kinabitan nila iyon ng mga kawit, ang dulo'y binalot ng ginto, gayundin ang mga haligi at itinayo sa limang tuntungang tanso.
Ipinako sa Krus si Jesus(A)
32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan(B) nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
35 Nang(C) maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
39 Kinukutya(D) siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi,(E) “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”
41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[a] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig(F) siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”
44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.
Ang Pagkamatay ni Jesus(G)
45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang(H) mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48 May(I) isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.
49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”
50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.
51 Biglang(J) nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila.
54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”
55 Naroon(K) din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Sila'y sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea, at naglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
Ang Paglilibing kay Jesus(L)
57 Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. 58 Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. 59 Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. 60 Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. 61 Naroon sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria na nakaupo sa tapat ng libingan.
Ang mga Bantay sa Libingan
62 Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. 63 Sinabi(M) nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. 64 Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”
65 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”
66 Kaya pumunta nga sila roon at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan, nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa kawal.
Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.
34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
2 Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
3 Ang kadakilaan niya ay ihayag,
at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
4 Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
5 Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
6 Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
7 Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
8 Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
9 Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
7 Ang pumupuna sa mapangutya ay nag-aani ng pagdusta,
ang nagtutuwid sa masama'y nagkakamit ng alipusta.
8 Punahin mo ang mapangutya at magagalit pa sa iyo,
ngunit payuhan mo ang matalino at iibigin ka nito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.