The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Araw ng Pagdaraos Nito
29 “Ito(A) ay tuntuning susundin ninyo magpakailanman. Tuwing ikasampung araw ng ikapitong buwan, mag-aayuno kayo at huwag magtatrabaho. Dapat itong tuparin ng lahat, maging Israelita o dayuhan, 30 sapagkat sa araw na ito ay tutubusin kayo sa inyong mga kasalanan upang maging malinis kayo sa harapan ni Yahweh. 31 Ito'y araw ng ganap na pamamahinga. Mag-aayuno kayo at susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. 32 Ang paghahandog para sa kasalanan ay gagampanan ng pinakapunong pari na nanunungkulan sa panahong iyon. Magsusuot siya ng mga sagradong kasuotang lino at 33 gagawin niya ang rituwal ng paglilinis ng Dakong Kabanal-banalan, ng Toldang Tipanan, ng altar, ng mga pari at ng buong bayan. 34 Ito'y batas na palaging tutuparin ng mga Israelita minsan isang taon upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan.”
At ginawa nga ni Moises ang utos ni Yahweh.
Sagrado ang Dugo
17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita, ‘Ito ang iniuutos ko: 3 Ang sinumang Israelita na magpapatay ng toro, tupa o kambing sa loob o labas man ng kampo 4 nang hindi dinadala sa pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay nagkakasala dahil sa dugong pinadanak niya. Dapat siyang itiwalag sa sambayanan. 5 Ang layunin nito'y upang ihandog kay Yahweh ang mga hayop, sa halip na patayin sa parang. Dapat nilang dalhin iyon sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. 6 Iwiwisik ng pari ang dugo nito sa altar sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang taba niyon ay susunugin at ang usok nito'y magiging mabangong samyo para kay Yahweh. 7 Sa gayon, hindi na nila iaalay ang mga hayop na ito sa demonyo na anyong kambing na kanilang sinasamba. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.’
8 “Sabihin mo sa kanila na sinumang Israelita o dayuhang kasama nila ang magsunog ng handog, 9 na hindi dinadala sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay ititiwalag sa sambayanan.
10 “Ang(B) sinumang kumain ng dugo ay kapopootan ko at ititiwalag ko sa sambayanan, maging Israelita o dayuhan man. 11 Sapagkat(C) ang buhay ay nasa dugo at iniuutos ko na dapat ihandog iyon sa altar bilang pantubos sa inyong buhay. 12 Kaya nga, hindi ito dapat kainin ninuman, maging siya'y Israelita o dayuhan man.
13 “At kapag ang sinuman sa inyo, maging Israelita o dayuhan ay humuli ng hayop o ibong makakain, dapat niyang itapon ang dugo niyon at tabunan ng lupa. 14 Sapagkat ang buhay ng bawat hayop ay nasa dugo, kaya huwag kayong kakain ng dugo. Ang sinumang lumabag dito'y ititiwalag sa sambayanan.
15 “Sinumang kumain ng hayop na namatay sa peste o pinatay ng kapwa hayop ay dapat maglaba ng kasuotan at maligo. Hanggang gabi siyang ituturing na marumi. 16 Kung hindi niya gagawin iyon, siya'y mananagot.”
Mga Bawal na Pagtatalik
18 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh ang inyong Diyos. 3 Huwag ninyong gagayahin ang mga kaugalian sa Egipto na inyong pinanggalingan o ang mga kaugalian sa Canaan na pagdadalhan ko sa inyo. 4 Ang sundin ninyo'y ang mga kautusan at tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. 5 Ang(D) sinumang tutupad ng aking mga kautusan at tuntunin ay mabubuhay; ako si Yahweh.’
6 “Huwag kayong makipagtalik sa malapit na kamag-anak. Ako si Yahweh. 7 Huwag kayong makipagtalik sa inyong ina, iyan ay kahihiyan sa inyong ama. Hindi ninyo dapat halayin ang inyong ina. 8 Huwag(E) kayong makipagtalik sa ibang asawa ng inyong ama, inilalagay ninyo sa kahihiyan ang inyong sariling ama. 9 Huwag(F) kayong makipagtalik sa inyong kapatid na babae, maging siya'y anak ng inyong ama o ng inyong ina, ipinanganak man siya sa inyong lupain o sa ibang bayan. 10 Huwag kayong makipagtalik sa inyong apo, maging sa anak ninyong lalaki o babae; iyan ay kahihiyan sa inyo. 11 Huwag kayong makipagtalik sa anak ng inyong ama sa ibang babae, sapagkat siya'y kapatid din ninyo. 12 Huwag(G) kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ama, siya'y kadugo ng inyong ama. 13 Huwag kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ina, siya'y kadugo ng inyong ina. 14 Huwag kayong makipagtalik sa asawa ng inyong tiyo, tiya mo na rin siya. 15 Huwag(H) kayong makipagtalik sa inyong manugang na babae; siya'y asawa ng inyong anak na lalaki. Hindi ninyo dapat ilagay sa kahihiyan ang inyong sariling anak. 16 Huwag(I) kayong makipagtalik sa inyong hipag; taglay niya ang kapurihan ng inyong kapatid. 17 Huwag(J) kayong makipagtalik sa anak o sa apong babae ng isang babaing nakatalik ninyo noon. Maaaring ang mga iyon ay kamag-anak ninyo, at iyan ay kahalayan. 18 Hindi ninyo maaaring maging asawa ang inyong hipag kung buháy pa ang inyong asawa. Inilalagay ninyo sa kahihiyan ang iyong asawa na kanyang kapatid.
19 “Huwag(K) kayong makipagtalik sa isang babae habang siya'y may regla sapagkat siya'y marumi. 20 Huwag(L) ninyong durungisan ang inyong sarili sa pakikiapid sa asawa ng iba. 21 Huwag(M) ninyong ibibigay ang alinman sa inyong mga anak upang sunugin bilang handog kay Molec sapagkat ito'y paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh. 22 Huwag(N) kayong makipagtalik sa kapwa ninyo lalaki; iyan ay karumal-dumal. 23 Huwag(O) kayong makipagtalik sa alinmang hayop sapagkat durungisan ninyo ang inyong sarili kung gagawin ninyo ito. Hindi rin dapat pasiping ang sinumang babae sa anumang hayop; ito ay kasuklam-suklam.
24 “Huwag ninyong durungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga gawaing ito. Ganyan ang ginawa ng mga bansang nauna sa inyo, kaya ko sila sinumpa. 25 Pati ang lupain nila'y naging kasuklam-suklam, kaya pinarusahan ko at itinakwil ang mga mamamayan doon. 26 Kaya dapat ninyong sundin ang aking mga utos at tuntunin, at iwasan ninyo ang lahat ng gawaing ipinagbabawal ko, maging Israelita o dayuhan man kayo. 27 Ang mga taong nauna sa inyo rito ay namuhay sa ganoong karumal-dumal na gawain kaya naging kasumpa-sumpa ang kanilang lupain. 28 Kapag sila'y inyong tinularan, palalayasin din kayo sa lupaing ito, tulad ng nangyari sa kanila. 29 Sapagkat ang sinumang gumawa ng alinmang karumal-dumal na gawaing ito ay dapat itiwalag sa sambayanan.
30 “Sundin ninyo ang ipinag-uutos ko at huwag ninyong gagayahin ang mga kasuklam-suklam na kaugalian nila upang hindi kayo maging maruming tulad nila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
Pinagaling ang Anak ng Babaing Taga-Tiro(A)
24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lugar na malapit sa Tiro [at ng Sidon].[a] Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. 25 Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang babae na may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. 26 Ang babaing ito'y isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. 27 Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.”
28 Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit maging ang mga asong nasa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga nalalaglag mula sa kinakain ng mga anak.”
29 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”
30 Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.
Ang Pagpapagaling sa Taong Bingi at Pipi
31 Umalis si Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea. Tinahak niya ang lupain ng Decapolis. 32 Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. 33 Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, dumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. 34 Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga at sinabi sa lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Mabuksan!”
35 Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. 36 Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. 37 Buong paghangang sinasabi nila, “Napakahusay ng lahat ng kanyang ginagawa! Binibigyan niya ng pandinig ang mga bingi at pinapagsalita ang mga pipi!”
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(B)
8 Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, 2 “Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. 3 Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.”
4 “Ito po ay isang liblib na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?” tanong ng mga alagad.
5 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus.
“Pito po,” sagot nila.
6 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. 8 Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 9 May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, 10 sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta.
Panalangin ng Isang Maysakit
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
2 Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
3 Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
4 Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
5 Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
“Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
6 Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
7 Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
8 Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
9 Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.
10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.
13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Amen! Amen!
15 Ang kayamanan ng mayama'y matibay niyang tanggulan,
ngunit ang kahirapan ng yagit ay kanyang kapahamakan.
16 Ang kinikita ng matuwid ay nagbibigay-buhay,
ngunit ang sa masama, winawaldas sa kasamaan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.