The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
28 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 29 “Sabihin mo rin ito sa bayang Israel: ‘Ang sinumang maghahandog para sa kapayapaan ay magbubukod ng bahagi nito para sa akin. 30 Siya mismo ang maghahandog nito. Dadalhin din niya ang taba at dibdib nito sa harap ng altar upang ihain bilang tanging handog. 31 Kukunin ng pari ang taba nito at susunugin sa altar, ngunit ang dibdib ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. 32 Ang kanang hita naman ay ibibigay sa paring 33 nagbuhos ng dugo sa altar at nagsunog ng tabang handog pangkapayapaan. 34 Sapagkat iniuutos ko sa bayang Israel na ang dibdib at ang hita ng hayop na handog pangkapayapaan ay ipagkakaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito'y panghabang panahong tungkulin ng bayang Israel. 35 Ito nga ang bahagi ng handog kay Yahweh na nakalaan kay Aaron at sa kanyang mga anak mula nang sila'y gawing mga pari para kay Yahweh. 36 Nang araw na iyon, iniutos ni Yahweh na ito'y ibigay sa kanila. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng bayang Israel habang panahon.’”
37 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na pambayad sa kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog pangkapayapaan. 38 Iniutos ito ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, noong sila'y nasa ilang, nang araw na ang mga Israelita'y utusan ni Yahweh na maghandog sa kanya.
Ang Pagtatalaga sa mga Pari(A)
8 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Isama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Dalhin mo ang kanilang kasuotan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa 3 at tipunin mo roon ang buong bayan.”
4 Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh. Nang ang buong kapulungan ay nagkatipon na, 5 sinabi ni Moises sa sambayanan na ang gagawin nila'y utos ni Yahweh.
6 Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila'y pinaliguan ayon sa rituwal. 7 Pagkatapos, isinuot niya kay Aaron ang mahabang panloob na kasuotan at ang damit bago ang efod, at inilagay sa kanyang baywang ang pamigkis. Isinuot din niya sa kanya ang efod, at pinagkabit ito sa pamamagitan ng isa pang pamigkis sa kanyang baywang. 8 Pagkatapos, ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim. 9 Sinuotan ng turbante at sa noo nila ay ikinabit ang palamuting ginto na may tanda ng kabanalan, ayon sa iniutos ni Yahweh.
10 Pagkatapos nito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang tanda na ang mga ito'y nakalaan lamang kay Yahweh. 11 Gayundin ang ginawa niya sa altar at sa mga kagamitang naroon, pati na ang palangganang hugasan at ang patungan nito; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito. 12 Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh. 13 Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh.
14 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang torong handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ihahandog. 15 Pinatay niya ito, kumuha ng kaunting dugo at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay pinahiran ang mga sungay ng altar upang ito'y gawing malinis. Ang natirang dugo ay ibinuhos sa paanan ng altar bilang pagtatalaga at pagtubos. 16 Kinuha ni Moises ang taba ng laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati ang taba nito at kanyang sinunog sa altar. 17 Ang balat, laman at dumi nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
18 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang lalaking tupa na iaalay bilang handog na susunugin. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito bago niya ito pinatay. 19 Ibinuhos ni Moises ang dugo nito sa palibot ng altar. 20 Kinatay niya ang tupa at sinunog ang ulo't mga pira-pirasong laman pati taba nito. 21 Hinugasan niya ang laman-loob at mga hita nito, at sinunog lahat sa altar bilang handog na susunugin, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh. Ang usok nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh.
22 Pagkatapos, kinuha niya ang isa pang lalaking tupa na handog naman para sa pagtatalaga. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito. 23 Pinatay ni Moises ang hayop at ang kaunting dugo nito'y ipinahid niya sa lambi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa nito. 24 Tinawag ni Moises ang mga anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo ang lambi ng mga kanang tainga at ang hinlalaki ng mga kanang kamay at paa ng mga ito. Ibinuhos niya ang natirang dugo sa mga gilid ng altar. 25 Pagkatapos kinuha niya ang taba ng buntot, ang tabang bumabalot sa laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati taba nito at ang kanang hita ng tupa. 26 Sa basket na nasa altar ay dumampot siya ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, isang tinapay na manipis, at ipinatong ang mga ito sa taba at kanang hita ng pinatay na tupa. Ang mga tinapay na ito'y walang pampaalsa. 27 Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inialay nila ito bilang natatanging handog kay Yahweh. 28 Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa altar, saka sinunog bilang handog para sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh. 29 Kinuha ni Moises ang parteng dibdib ng tupa at inialay bilang natatanging handog kay Yahweh; ito ang kanyang bahagi sa tupang handog na pantalaga gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan.
31 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at kainin kasama ang tinapay na nasa basket na ginagamit sa mga handog sa pagtatalaga, gaya ng ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Ang matira ay inyong susunugin. 33 Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hangga't hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ito ang iniutos ni Yahweh para sa araw na ito upang kayo'y matubos sa inyong kasalanan. 35 Sa loob ng pitong araw, araw-gabi kayong magbabantay sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ito ang utos ni Yahweh. Kailangang sundin ninyo ito upang hindi kayo mamatay.” 36 Sinunod nina Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
Ang Handog ni Aaron
9 Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at ang mga pinuno ng Israel. 2 Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro at isang lalaking tupa na walang kapintasan at ihandog mo kay Yahweh. Ang una'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang ikalawa'y handog na susunugin. 3 Sabihin mo naman sa bayang Israel na magdala sila ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Magdala rin sila ng isang guya at isang batang tupa na parehong isang taon ang gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin. 4 Pagdalhin mo rin sila ng isang toro at isang lalaking tupa upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Ihahandog nila ang lahat ng ito na may kasamang harinang hinaluan ng langis. Gawin ninyo ito sapagkat ngayo'y magpapakita sa inyo si Yahweh.” 5 Dinala nga nila ang mga ito sa harap ng Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Moises. Nagtipon ang buong bayan sa harapan ni Yahweh. 6 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh na dapat ninyong tuparin upang mahayag sa inyo ang kaluwalhatian niya.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(A)
31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae].[a]”
33 “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.”
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(B)
4 Muling(C) nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang mga tao sa dalampasigan, 2 at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya: 3 “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. 5 May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. 6 Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. 7 May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. 8 At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami, may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisandaan.” 9 Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.”
Ang Layunin ng Talinghaga(D)
10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinghaga. 11 Sinabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba na nasa labas, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Nang(E) sa gayon,
‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita,
at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa.
Kung hindi sila ganito, nagbalik-loob na sana sila sa Diyos
at napatawad sila.’”
Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(F)
13 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga? 14 Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhing inihahasik ay ang Salita ng Diyos 15 at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumarating si Satanas at inaalis ang salitang inihasik sa kanila.[b]
16 “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. 17 Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko.
18 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa may matitinik na halaman. Sila ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos 19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang Salita ay nawawalan ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakakapamunga.
20 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. Sila ang mga taong nakikinig at tumatanggap sa Salita ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tig-iisandaan.”
Walang Lihim na Hindi Mabubunyag(G)
21 Nagpatuloy(H) si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa ilalim ng takalan,[c] o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Walang(I) natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. 23 Makinig ang may pandinig!”
24 Idinugtong(J) pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig.[d] Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. 25 Sapagkat(K) ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”
12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
pagkat araw nila lahat ay bilang na.
14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
upang ang mahirap dustai't patayin,
at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
pawang mawawasak pana nilang taglay.
16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
ngunit ang matuwid ay kakalingain.
18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
para silang usok na paiilanlang.
21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.
23 Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
24 Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
25 Mula pagkabata't ngayong tumanda na,
sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;
o ang anak niya'y naging hampaslupa.
26 Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;
pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.
27 Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,
upang manahan kang lagi sa lupain.
28 Ang lahat ng taong wasto ang gawain,
ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
29 Ang mga matuwid, ligtas na titira,
at di na aalis sa lupang pamana.
5 Ang nag-iimbak kung tag-araw ay nagpapakilala ng katalinuhan,
ngunit ang natutulog kung anihan ay nag-iipon ng kahihiyan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.