Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 11-12

Mga Hayop na Maaari at Di Maaaring Kainin(A)

11 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ganito ang sabihin ninyo sa bayang Israel: Sa mga hayop na lumalakad sa lupa, makakain ninyo ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Kaya ang kamelyo kahit na ngumunguya ito ngunit hindi biyak ang kuko ay di dapat kainin. Ang dagang gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing mula sa sikmura ngunit hindi biyak ang kuko; hindi ito malinis, kaya di dapat kainin. Ang kunehong gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing galing sa sikmura ngunit hindi rin biyak ang kuko nito; hindi ito malinis. Ang baboy, biyak nga ang kuko, ngunit hindi naman ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura, kaya hindi ito dapat kainin. Huwag kayong kakain ng karne ni hihipo man ng bangkay ng mga hayop na ito; marurumi ito para sa inyo.

“Sa mga nilikhang nasa tubig, maging alat o tabang, ang maaari lamang ninyong kainin ay ang mga isdang may palikpik at kaliskis. 10 Ngunit ang isdang walang palikpik at kaliskis, malaki man o maliit, sa dagat o ilog ay marumi para sa inyo. 11 Huwag kayong kakain nito at iwasan ninyo ang mga patay nito. 12 Lahat ng nilikha sa tubig na walang palikpik at kaliskis ay huwag ninyong kainin.

13 “Tungkol naman sa mga ibon, ang mga ito ang huwag ninyong kakainin sapagkat marurumi: ang agila, ang buwitre at ang agilang-dagat; 14 ang lawin at ang limbas at mga kauri nito; 15 lahat ng uri ng uwak; 16 ang ostrits, panggabing lawin, lawing dagat at mga kauri nito; 17 lahat ng uri ng kuwago, ibong maninisid ng isda, 18 ang kuwagong parang may sungay, at ang pelicano; 19 ang lahat ng uri ng tagak, ang tariktik, paniki at kabag.[a]

20 “Lahat ng kulisap na may pakpak at may apat na paa ay marurumi para sa inyo, 21 maliban sa mga kulisap na lumulundag, 22 tulad ng lahat ng balang na mahahaba ang ulo, balang na kulay berde at bawat balang sa ilang. 23 Ang lahat ng naglipanang lumilipad na may apat na paa ay ituturing ninyong marurumi.

24 “Ang sinumang humawak sa bangkay ng mga hayop na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 25 Ang sinumang dumampot sa mga ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw at dapat niyang labhan ang kanyang damit. 26 Bawat hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura ay marumi nga at ituturing na marumi rin ang bawat humawak rito. 27 Ituturing ninyong marumi ang mga hayop na may apat na paa, ngunit ang kuko'y hindi sumasayad sa lupa kapag lumalakad. Ang sinumang humawak sa bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 28 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang humawak nito at siya ay ituturing ninyong marumi hanggang sa paglubog ng araw.

29 “Sa mga hayop na naglipana sa lupa, ituturing ninyong marumi ang mga sumusunod: ang bubuwit, ang daga, at lahat ng uri ng bayawak; 30 ang tuko, ang buwaya, ang butiki, ang bubuli at ang hunyango. 31 Marurumi ang lahat ng ito at sinumang humawak sa alinmang patay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Kung ang alinman sa mga ito ang mamatay at lumagpak sa damit, kagamitang kahoy, balat o anumang kagamitang pang-araw-araw, ituturing na marumi ang nilagpakan nito hanggang sa paglubog ng araw; kailangang ibabad sa tubig ang nasabing kagamitan. 33 Kung sa palayok ito mahulog, ituring ding marumi ang laman nito at dapat nang basagin ang palayok. 34 Anumang pagkaing may sabaw o inuming tubig na malagay dito ay ituturing na marumi. 35 Marumi nga ang anumang lagpakan ng ganitong uri ng patay na hayop. Kung mahulog sa kalan o palayok, dapat sirain ito; ituturing nang marumi iyon. 36 Ngunit ang batis o ipunan ng tubig na malagpakan nito ay mananatiling malinis; gayunman, ang humawak sa patay na hayop ay ituturing na marumi. 37 Kung ang patay na hayop ay lumagpak sa binhing pananim, ito'y mananatiling malinis, 38 ngunit kung ang binhi ay babad na sa tubig, magiging marumi na ito.

39 “Kung mamatay ang anumang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humawak rito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 40 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang kumain o bumuhat nito, at siya'y ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.

41 “Lahat ng maliliit na hayop na gumagapang sa lupa ay huwag ninyong kakainin sapagkat ito'y marurumi, 42 maging ito'y gumagapang sa lupa o naglalakad na may apat na paa o higit pa. 43 Huwag ninyong dudumhan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa maruruming hayop na ito. 44 Panatilihin(B) ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. 45 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal.”

46 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga hayop, sa mga ibon at sa mga nilikha sa tubig, 47 para malaman ninyo ang malinis o hindi, ang makakain at hindi makakain.

Tuntunin sa Paglilinis ng Nanganak

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad nang panahong siya'y may regla. Pagdating(C) ng ikawalong araw, dapat nang tuliin ang sanggol. Tatlumpu't tatlong araw pa ang hihintayin ng ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humawak ng anumang bagay na sagrado at hindi rin dapat pumasok sa santuwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon. Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw pa siyang maghihintay bago siya ituring na malinis.

“Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae man ang kanyang anak. Magdadala siya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang isang taóng gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ihahandog ito ng pari para sa nanganak, at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak.

“Kung(D) hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.”

Marcos 5:21-43

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Dinudugo(A)

21 Si Jesus ay sumakay sa bangka[a] at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”

24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.

25 Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Hirap(B) na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” 29 Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.

30 Naramdaman agad ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?”

31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?”

32 Subalit lumingun-lingon si Jesus upang tingnan kung sino ang humipo sa damit niya. 33 Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.”

35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.

36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus,[b] sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”

37 At hindi pinayagan ni Jesus na sumama sa kanya ang mga tao maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.”

40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!”

42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng makakain ang bata.

Mga Awit 38

Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap

Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
    O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
    at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
    dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
    mabigat na lubha itong aking dala.

Malabis ang paglala nitong aking sugat,
    dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
Wasak at kuba na ang aking katawan;
    sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
    lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
    puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
    ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
    ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
    dahil sa sugat ko sa aking katawan;
    lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
    ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
    maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13 Para akong bingi na di makarinig,
    at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
    walang marinig katulad ng isang bingi.

15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
    aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
    sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
    mahapdi't makirot ang aking katawan.

18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
    mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
    wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
    dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21 Yahweh, huwag akong iiwan;
    maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

Mga Kawikaan 10:8-9

Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa,
    ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita.
Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan,
    ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.