The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Buwis para sa Templo
11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pagkuha mo ng sensus ng mga Israelita, bawat isa'y hingan mo ng pantubos sa kanilang buhay. Ihahandog nila ito sa akin para walang kapahamakang umabot sa kanila habang ginagawa ang sensus. 13 Lahat(A) ng mabilang sa sensus ay magbabayad ng kinakailangang timbang ng pilak ayon sa timbangan ng templo (ang kinakailangang timbang ay katumbas ng 6 na gramo), bilang handog sa akin. 14 Lahat ng may dalawampung taon at pataas ay isasama sa sensus. 15 Pareho ang halagang ibabayad na pantubos ng mayayaman at ng mahihirap, walang labis at walang kulang. 16 Lahat ng ibabayad nila ay gagamitin sa mga kailangan sa Toldang Tipanan. Ang halagang ibibigay nila'y pantubos ng kanilang buhay, at sa pamamagitan nito, maaalala ko ang mga Israelita.”
Ang Palangganang Hugasan
17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 18 “Gumawa(B) ka rin ng palangganang tanso at ng tansong patungan nito. Ilagay mo ito sa pagitan ng altar at ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, lagyan mo ito ng tubig. 19 Ito ang gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa paghuhugas ng kanilang paa't kamay. 20 Kailangang sila'y maghugas bago pumasok sa Toldang Tipanan o bago magsunog ng handog sa altar. Kung hindi, sila'y mamamatay. 21 Kailangan ngang maghugas muna sila ng paa't kamay upang hindi sila mamatay. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.”
Ang Langis na Pampahid at ang Insenso
22 Sinabi(C) ni Yahweh kay Moises, 23 “Pumili ka ng pinakamainam na pabango: 6 na kilong mira, 3 kilong kanela at 3 kilong mabangong tubó 24 at 6 na kilong kasia ayon sa sukatang gamit sa templo. Pagkatapos, kumuha ka ng 4 na litrong langis ng olibo. 25 Paghalu-haluin mo ito tulad ng ginagawa ng mahuhusay na manggagawa ng pabango at gagamitin mo itong pampahid upang 26 maging sagrado ang Toldang Tipanan at ang Kaban ng Tipan, 27 ganoon din ang mesa at lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at mga kasangkapang kaugnay nito at ang altar na sunugan ng insenso. 28 Pahiran mo rin ang altar na sunugan ng mga handog at mga kasangkapan nito, ang palangganang hugasan at ang patungan nito. 29 Ganyan ang gagawin mo sa mga kasangkapang nabanggit upang ang mga ito'y maging ganap na sagrado; magiging sagrado rin ang lahat ng maisagi rito.
30 “Pagkatapos, si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang bubuhusan ng langis na ito upang lubos silang maitalaga bilang mga pari. 31 Sabihin mo sa mga Israelita na ang langis na ito'y banal at siya ninyong gagamitin habang panahon. 32 Huwag ninyo itong gagamitin sa karaniwang tao at huwag gagayahin ang paggawa nito. Ito'y banal at dapat igalang. 33 Ititiwalag ang sinumang gumaya nito at ang sinumang gumamit nito sa dayuhan.”
Ang Insenso
34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Kumuha ka ng magkakasindaming pabango ng estacte, onise, galbano at purong insenso. 35 Paghalu-haluin mo ito at gawing insenso tulad ng ginagawa ng mahusay na manggagawa ng pabangong inasinan, malinis, at banal. 36 Dikdikin mo nang pino ang kaunti nito at ilagay sa harap ng Kaban ng Tipan, sa Toldang Tipanan. Ituring mo itong ganap na sagrado. 37 Huwag ninyong gagayahin ito kung gagawa kayo ng insenso na pansariling gamit. Aariin ninyong ito'y bukod-tangi para kay Yahweh. 38 Ititiwalag ang sinumang gumamit nito bilang pabango.”
Ang mga Gagawa ng Tabernakulo(D)
31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur na mula sa lipi ni Juda. 3 Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[a] at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. 4 Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. 5 Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. 6 Pinili ko rin para makatulong niya si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula naman sa lipi ni Dan. Binigyan ko rin ng kakayahan ang ibang mahuhusay na manggagawa upang sila ang gumawa ng lahat ng iniuutos ko sa iyo. 7 Sila ang gagawa ng Toldang Tipanan, ng Kaban ng Tipan, ng Luklukan ng Awa at lahat ng kasangkapan sa tabernakulo. 8 Sila rin ang gagawa ng mesang patungan ng handog na pagkaing butil at ng lahat ng kagamitan nito; ng ilawang ginto at mga kagamitan nito; ng altar na sunugan ng insenso; 9 ng altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito; ng palangganang hugasan at ng patungan nito. 10 Sila ang gagawa ng mga kasuotan ni Aaron at ng kanyang mga anak. 11 Sila rin ang maghahalo ng langis na pampahid at ng insenso para sa Dakong Banal. Sundin mong lahat ang sinasabi kong ito sa iyo.”
Ang Araw ng Pamamahinga
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 13 “Sabihin mo sa mga Israelita na ipangilin ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang magsisilbing palatandaan sa inyo at sa inyong mga salinlahi na kayo'y aking pinili para maging bayan ko. 14 Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito'y sagrado. Papatayin ang sinumang hindi magpahalaga rito at ititiwalag ang sinumang magtrabaho sa araw na ito. 15 Anim(E) na araw kayong magtatrabaho ngunit ang ikapitong araw ay araw ng ganap na pamamahinga at nakalaan para sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. 16 Ipangingilin ito ng lahat ng inyong salinlahi bilang tanda ng tipan. 17 Ito'y(F) isang palatandaan ko at ng bansang Israel, at ito'y mananatili habang panahon. Sapagkat sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang lupa at nagpahinga ako sa ikapitong araw.”
18 Matapos sabihin ni Yahweh kay Moises ang lahat ng ito sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya rito ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng Kautusan na si Yahweh mismo ang sumulat.
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. 48 Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”
49 Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.
50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.”[a] At siya'y nilapitan nila at dinakip.
51 Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.
52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng higit sa labindalawang batalyon ng mga anghel? 54 Ngunit paano matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?”
55 Pagkatapos(B) sinabi niya sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip.
56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”
Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.
Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(C)
57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. 58 Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari.
59 Samantala, ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghahanap ng maling paratang laban kay Jesus upang siya'y maipapatay, 60 ngunit wala silang nakita kahit na maraming humarap na sinungaling na saksi laban sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap 61 at(D) nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.”
62 Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” 63 Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”
64 Sumagot(E) si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!”
65 Pagkarinig(F) nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan! 66 Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!”
67 Dinuraan(G) nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, 68 at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
27 Nang(A) likhain ang mga langit, ako ay naroroon na,
maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga.
28 Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay,
at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman.
29 Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat,
nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag,
30 ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain,
ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw.
31 Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos,
dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos.
32 “At(B) ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan,
sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.