The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Kasaysayan ng Paglikha
1 Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa;[a] 2 ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos[b] sa ibabaw ng tubig. 3 Sinabi(A) ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. 4 Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. 5 Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang unang araw.
6 Sinabi(B) ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!” 7 At nangyari ito. Ginawa ng Diyos na pumagitan ang kalawakan sa tubig na nasa itaas at sa tubig na nasa ibaba. 8 Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalawang araw.
9 Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At nangyari nga ito. 10 Tinawag niyang Lupa ang tuyong bahagi at Dagat naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan. 11 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng tumutubong halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga.” At nangyari ito. 12 Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan. 13 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikatlong araw.
14 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. 15 Mula sa langit, ang mga ito'y magbibigay ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari. 16 Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw: ang Araw, upang magbigay liwanag sa maghapon, at ang Buwan, upang tumanglaw kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. 17 Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magbigay ng liwanag sa daigdig, 18 tumanglaw kung araw at gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y kanyang mamasdan. 19 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaapat na araw.
20 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay, at magkaroon din ng mga ibon sa himpapawid.” 21 Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, gayundin ang lahat ng uri ng ibon. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. 22 Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Magpakarami ang lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig at punuin ang karagatan; magpakarami rin ang mga ibon at punuin ang daigdig.” 23 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalimang araw.
24 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa—maaamo, maiilap, malalaki at maliliit.” At gayon nga ang nangyari. 25 Ginawa nga niya ang lahat ng ito, at nasiyahan siya nang ito'y kanyang mamasdan.
26 Pagkatapos,(C) sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” 27 Nilalang(D) (E) nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, 28 at sila'y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa. 29 Ibinibigay ko rin sa inyo ang lahat ng uri ng halamang nagkakabinhi at mga bungangkahoy bilang pagkain ninyo. 30 Ang lahat ng halamang luntian ay ibinibigay ko naman sa lahat ng hayop sa ibabaw ng lupa at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. 31 Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaanim na araw.
2 Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. 2 Tinapos(F) (G) niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya'y nagpahinga sa ikapitong araw. 3 Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. 4 Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa.
Ang Halamanan ng Eden
Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, 5 wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. 6 Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa.[c]
7 Pagkatapos,(H) ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao[d] mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.
8 Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. 9 Pinatubo(I) niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.
10 Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. 11 Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. 12 Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. 13 Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia.[e] 14 Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates.
15 Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. 16 Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, 17 maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”
18 Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.” 19 Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito. 20 Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya.
21 Kaya't pinatulog ng Panginoong Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. 22 Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki,
“Sa wakas, narito ang isang tulad ko,
laman ng aking laman, buto ng aking buto;
babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki[f] siya'y kinuha.”
24 Ito(J) ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila'y nagiging isa. 25 Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.
Talaan ng mga Ninuno ni Jesu-Cristo(A)
1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
2-11 Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid; Juda na ama ni Fares at Zara kay Tamar; Fares, Esrom, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab; Obed na anak ni Boaz kay Ruth; at Jesse na ama ni Haring David.
6b-11 Mula(B) naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Ammon, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.
12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.
Isinilang si Jesu-Cristo(C)
18 Ito(D) ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan[a] si Maria nang palihim.
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang(E) siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
23 “Maglilihi(F) ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
(ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”).
24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit(G) hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.
Ang Pagdalaw kay Jesus
2 Panahon ng paghahari ni Herodes[b] sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. May mga pantas[c] mula pa sa silangan na dumating sa Jerusalem. 2 Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.”
3 Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. 4 Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” 5 Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘At(H) Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno
na mamamahala sa aking bayang Israel.’”
7 Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. 8 Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” 9 Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy sa paghahanap. Ang bituin na nanguna sa kanila mula pa sa silangan ay tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita ang bituin. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.
12 Nang papauwi na ang mga pantas, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.
UNANG AKLAT
Ang Tunay na Kagalakan
1 Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
2 Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
3 Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
4 Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
5 Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
6 Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan
1 Ang(A) mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2 Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. 3 Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. 4 Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. 5 Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. 6 Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.