Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 8-9

Ang Ikalawang Salot: Ang Napakaraming Palaka

Pagkaraan noon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 2-3 Kapag hindi ka pumayag, patuloy kong pahihirapan ang buong Egipto. Pupunuin ko ng palaka ang Ilog Nilo. Papasukin ng mga ito ang palasyo at aakyatin pati higaan mo. Papasukin din ng mga ito ang bahay ng mga tauhan mo at ng lahat ng Egipcio, ganoon din ang inyong mga lutuan at lalagyan ng pagkain. Ikaw, ang iyong mga tauhan, at ang buong bayan ay pahihirapan nito.”

Sinabi pa ni Yahweh, “Sabihin mo naman kay Aaron na itapat niya sa ilog ang kanyang tungkod, gayon din sa mga kanal at mga lawa upang mapunô ng palaka ang buong Egipto.” Ganoon nga ang ginawa ni Aaron. Umahon sa ilog ang mga palakang di mabilang sa dami at kumalat sa buong Egipto. Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan.

Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya.”

Sinabi ni Moises, “Karangalan kong malaman kung kailan ninyo nais na idalangin ko kayo kay Yahweh, pati ang inyong mga tauhan at nasasakupan. At mawawala na ang mga palaka, maliban ang mga nasa ilog.”

10 “Bukas kung ganoon,” sabi ng Faraon.

“Matutupad po ayon sa inyong sinabi para malaman ninyo na walang kapantay ang Diyos naming si Yahweh. 11 Mawawala ang mga palaka at ang matitira lamang ay ang nasa ilog.” 12 Lumakad na sina Moises at Aaron. At tulad ng pangako nila, idinalangin ni Moises na alisin ang mga palakang nagpapahirap sa Faraon. 13 Tinugon naman siya ni Yahweh; namatay lahat ang mga palaka sa mga bahay at mga bukid. 14 Ibinunton ng mga Egipcio ang mga patay na palaka at umaalingasaw ang baho nito sa buong Egipto. 15 Ngunit nagmatigas muli ang Faraon nang ito'y makahinga na naman nang maluwag. At tulad ng sinabi ni Yahweh, hindi pa rin siya nakinig kina Moises at Aaron.

Ang Ikatlong Salot: Ang mga Niknik

16 Inutusan ni Yahweh si Moises na sabihin kay Aaron na ihampas sa lupa ang tungkod upang maging niknik ang lahat ng alikabok sa buong Egipto. 17 Inihampas nga ni Aaron ang tungkod at ang lahat ng alikabok sa buong Egipto ay naging niknik na labis na nagpahirap sa mga tao't mga hayop. 18 Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik. 19 Dahil(A) dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.

Ang Ikaapat na Salot: Ang mga Langaw

20 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 21 Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran. 22 Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito. 23 Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.” 24 Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa.

25 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa inyong Diyos, huwag lamang kayong lalabas ng Egipto.”

26 Sumagot si Moises, “Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay. 27 Ang kailangan po'y maglakbay kami ng tatlong araw at sa ilang kami maghahandog kay Yahweh tulad ng utos niya sa amin.”

28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong umalis, ngunit huwag kayong masyadong lalayo. At ipanalangin din ninyo ako.”

29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko po rito'y ipapanalangin ko kay Yahweh na alisin sa inyo ang mga langaw, gayon din sa inyong mga tauhan at nasasakupan. Ngunit huwag na ninyo kaming dadayain; huwag ninyo kaming hahadlangan sa paghahandog namin kay Yahweh.”

30 Umalis si Moises at nanalangin. 31 Tinugon naman siya ni Yahweh, at umalis nga ang mga langaw; walang natira ni isa man. 32 Ngunit nagmatigas pa rin ang Faraon; hindi niya pinayagang umalis ang mga Israelita.

Ang Ikalimang Salot: Ang Pagkamatay ng mga Hayop

Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon at sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng mga Hebreo, na payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag pinigil pa niya kayo, paparusahan ko ng kakila-kilabot na salot ang kanyang mga hayop: ang mga kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. Mamamatay ang lahat ng mga hayop ng mga Egipcio, ngunit isa mang hayop ng mga Israelita ay walang mamamatay. Naitakda ko na ang oras, bukas ito mangyayari.”

Kinabukasan, ginawa nga ni Yahweh ang kanyang sinabi at namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, ngunit kahit isa'y walang namatay sa hayop ng mga Israelita. At nang patingnan ng Faraon, wala ngang namatay sa mga hayop ng mga Israelita. Ngunit nagmatigas pa rin ito at ayaw pa ring payagan ang mga Israelita.

Ang Ikaanim na Salot: Ang mga Pigsa

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Dumakot kayo ng abo sa pugon at ito'y pataas na ihahagis ni Moises na nakikita ng Faraon. Mapupuno ng pinong alikabok ang buong Egipto at ang lahat ng tao at hayop sa lupain ay matatadtad ng mga pigsang nagnanaknak.” 10 Kumuha(B) nga sila ng abo sa pugon at pumunta sa Faraon. Pagdating doon, pataas na inihagis ni Moises ang abo at natadtad nga ng mga pigsang nagnanaknak ang mga tao't mga hayop sa buong Egipto. 11 Ang mga salamangkero'y hindi na nakaharap kay Moises sapagkat sila ma'y tadtad rin ng mga pigsang nagnanaknak. 12 Samantala, ang Faraon ay pinagmatigas pa rin ni Yahweh. Hindi nito pinansin ang mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Ang Ikapitong Salot: Ang Malakas na Ulan ng Yelo

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. 14 Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako'y walang katulad sa buong daigdig. 15 Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana'y patay na silang lahat. 16 Ngunit(C) hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo'y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. 17 Ngunit hanggang ngayo'y hinahadlangan pa niya ang aking bayan, at ayaw pa rin niyang payagang umalis. 18 Kaya, bukas sa ganitong oras, pauulanan ko sila ng malalaking tipak ng yelo na walang kasinlakas sa buong kasaysayan ng Egipto. 19 Pasilungin mo ang lahat ng tao at isilong ang lahat ng hayop, sapagkat lahat ng bagsakan nito ay mamamatay.” 20 Ang ibang tauhan ng Faraon ay natakot sa ipinasabi ni Yahweh kaya pinasilong nila ang kanilang mga alipin at mga hayop 21 ngunit ipinagwalang-bahala ito ng iba at hinayaan nila sa labas ang kanilang mga alipin at mga hayop.

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at uulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto, at babagsak ito sa mga tao't mga hayop na nasa labas, pati sa mga halaman.” 23 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. 24 Malakas(D) na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunud-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. 25 Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. 26 Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito.

27 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. 28 Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo'y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon.”

29 Sinabi ni Moises, “Pagkalabas ko ng lunsod, mananalangin ako kay Yahweh. Mawawala ang mga kulog at titigil ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Sa gayo'y malalaman ninyo na si Yahweh ang siyang may-ari ng daigdig, 30 kahit alam kong kayo at ang inyong mga tauhan ay hindi pa natatakot sa Panginoong Yahweh.”

31 Ang mga tanim na lino at ang mga sebada ay sirang-sira sapagkat may uhay na ang sebada at namumulaklak na ang lino. 32 Ngunit hindi napinsala ang trigo at ang espelta sapagkat huling tumubo ang mga ito.

33 Umalis si Moises at lumabas ng lunsod. Nanalangin siya kay Yahweh at tumigil ang kulog, ang ulan at ang pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. 34 Nang makita ng Faraon na tumigil na ang ulan at wala nang kulog, nagmatigas na naman siya. Dahil dito, muli siyang nagkasala pati ang kanyang mga tauhan. 35 Lalo siyang nagmatigas sa pagpigil sa mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Mateo 19:13-30

Ipinanalangin ni Jesus ang mga Bata(A)

13 May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” 15 Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis.

Ang Binatang Mayaman(B)

16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”

18 “Alin(C) sa mga iyon?” tanong niya.

Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(D) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”

20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”

21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.

23 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! 24 Sinasabi ko rin sa inyo: mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”

25 Lubhang nagtaka ang mga alagad sa kanilang narinig kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”

27 Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?”

28 Sinabi(E) sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. 29 Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,][a] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit(F) maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahúhulí na mauuna.”

Mga Awit 24

Ang Dakilang Hari

Awit ni David.

24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
    ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
    inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
    Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
    hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
    ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
    silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
    si Yahweh, matagumpay sa labanan.

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]

Mga Kawikaan 6:1-5

Mga Dagdag na Babala

Aking(A) anak, sa utang ba ng iba ikaw ay nananagot?
Ikaw ba ay nangako, sa utang niya ay nasangkot?
Kung gayon ay nasasakop ka ng kanyang pagpapasya,
    ngunit ito ang gawin mo nang makaiwas sa problema:
Ikaw ay magmadali sa kanya ay makiusap,
    sabihin mong pawalan ka sa napasukan mong bitag.
Huwag kang titigil, huwag kang maglulubay,
    ni huwag kang iidlip, hanggang walang kalayaan.
Iligtas ang sarili mo parang usang tumatakas,
    at tulad niyong ibong sa kulunga'y umaalpas.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.