The Daily Audio Bible
Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.
Nagpunta sa Egipto ang Sambahayan ni Jacob
46 Naglakbay nga si Israel, dala ang lahat niyang ari-arian. Pagdating sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. 2 Pagsapit ng gabi, tinawag siya ng Diyos sa isang pangitain, “Jacob, Jacob!”
“Narito po ako,” sagot niya.
3 “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama,” sabi sa kanya. “Huwag kang matakot na pumunta sa Egipto. Doon, ang lahi mo'y magiging isang malaking bansa. 4 Sasamahan ko kayo roon at ibabalik muli rito. Nasa piling mo si Jose kapag ikaw ay namatay.”
5 Mula sa Beer-seba'y naglakbay si Jacob. Siya, at ang kanyang mga apo at mga manugang ay isinakay ng kanyang mga anak sa mga karwaheng ipinadala ng Faraon. 6 Dinala(A) rin nila sa Egipto ang kanilang mga kawan at kagamitan mula sa Canaan. Kasama nga niya 7 ang kanyang mga anak, mga manugang at mga apo.
8 Ito ang talaan ng lahi ni Israel na nagpunta sa Egipto—si Jacob at ang kanyang mga anak at mga apo: si Ruben na kanyang panganay 9 at ang mga anak nitong sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi; 10 si Simeon at ang mga anak nitong sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at si Saul na anak ng babaing taga-Canaan. 11 Si Levi at ang mga anak nitong sina Gershon, Coat at Merari; 12 si Juda at ang mga anak nitong sina Sela, Fares at Zara. Si Er at Onan ay namatay sa Canaan. Ang mga anak ni Fares na sina Hezron at Hamul. 13 Si Isacar at ang mga anak nitong sina Tola, Pua, Job at Simron. 14 Si Zebulun at ang mga anak nitong sina Sered, Elon at Jahleel. 15 Ito ang mga anak at apo ni Jacob kay Lea na pawang ipinanganak sa Mesopotamia. Kabilang dito si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob. Tatlumpu't tatlo silang lahat.
16 Kasama rin dito si Gad at ang mga anak nito na sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli; 17 si Asher at ang mga anak nitong sina Jimna, Isua, Isui, Beria at ang babaing kapatid nilang si Sera. Ang mga anak ni Beria ay sina Heber at Malquiel. 18 Ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Zilpa, ang aliping ibinigay ni Laban kay Lea, ay labing-anim.
19 Kabilang din sa talaang ito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel: sina Jose at Benjamin; 20 sina(B) Manases at Efraim, mga anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari sa Heliopolis. Ang dalawang ito'y sa Egipto isinilang. 21 Ang mga anak ni Benjamin ay sina Bela, Bequer, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim at Ard. 22 Labing-apat ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel.
23 Kabilang pa rin dito si Dan at ang bugtong niyang anak na si Husim; at 24 si Neftali at ang mga anak nitong sina Jahzeel, Guni, Jeser at Silem. 25 Pito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Bilha, ang aliping ibinigay ni Laban kay Raquel.
26 Animnapu't anim ang mga anak at mga apo ni Jacob na nagpunta sa Egipto. Hindi kabilang dito ang kanyang mga manugang. 27 Dalawa(C) ang naging anak ni Jose sa Egipto, kaya ang kabuuang bilang ng sambahayan ni Jacob na natipon doon ay pitumpu.
Si Jacob at ang Kanyang Sambahayan sa Egipto
28 Si Juda ang isinugo ni Israel kay Jose upang siya'y salubungin. 29 Dali-daling ipinahanda ni Jose ang sasakyan niya at sinalubong ang kanyang ama sa Goshen. Nang sila'y magkita, agad niyang niyakap ang kanyang ama, at matagal na umiyak. 30 Sinabi naman ni Israel, “Ngayo'y handa na akong mamatay sapagkat nakita na kitang buháy.”
31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa buong sambahayan ni Jacob, “Ibabalita ko sa Faraon na dumating na kayo buhat sa Canaan. 32 Sasabihin kong kayo'y mga pastol; dala ninyo ang inyong mga kawan, at lahat ninyong ari-arian. 33 Kung ipatawag kayo ng Faraon at tanungin kung ano ang inyong gawain, 34 sabihin ninyong kayo'y nag-aalaga na ng mga baka buhat sa pagkabata, tulad ng inyong mga ninuno. Sa gayon, maaari kayong manirahan sa lupaing ito.” Sinabi niya ito sapagkat ang mga taga-Egipto'y namumuhi sa mga pastol.
47 Isinama ni Jose ang lima sa kanyang mga kapatid at nagpunta sa Faraon. Sinabi niya, “Dumating na po ang aking ama't mga kapatid buhat sa Canaan, dala ang kanilang mga kawan, at lahat ng ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” At ipinakilala niya sa Faraon ang kanyang mga kapatid.
3 Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”
“Kami po'y mga pastol, tulad ng aming mga ninuno,” tugon nila. 4 “Nakarating po kami rito sapagkat sa amin sa Canaan ay wala na kaming mapagpastulan. Kung maaari po, doon na ninyo kami patirahin sa lupain ng Goshen.”
5 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong narito na ang iyong ama at mga kapatid, 6 at ikaw naman ang namamahala sa buong Egipto, ibigay mo sa kanila ang pinakamainam na lupain. Doon mo sila patirahin sa Goshen. Kung may mapipili kang mahuhusay na pastol, sila ang pamahalain mo sa aking mga kawan.”
7 Isinama ni Jose ang kanyang ama sa palasyo at pagdating doo'y binasbasan ni Jacob ang Faraon. 8 “Ilang taon na kayo?” tanong ng Faraon kay Jacob.
9 Sumagot siya, “Umabot na po sa 130 taon ang aking pagpapalipat-lipat ng tahanan. Maikli at mahirap ang aking naging buhay dito sa lupa. Malayung-malayo sa naging buhay ng aking mga ninuno.” 10 Matapos magpaalam sa Faraon, umalis na si Jacob. 11 Sa utos ng Faraon, ibinigay ni Jose sa kanyang ama at mga kapatid ang pinakamabuting lupain ng Rameses sa bansang Egipto. 12 Ang buong sambahayan ni Jacob hanggang sa kaliit-liitan ay kinalinga ni Jose.
Ang Pamamahala ni Jose sa Panahon ng Taggutom
13 Nang maubos na ang pagkain sa buong Canaan at Egipto, at ang mga tao'y hirap na hirap na sa gutom, 14 kay Jose bumibili ng pagkain ang lahat. Iniipon naman ni Jose ang pinagbilhan at dinadala sa kabang-yaman ng Faraon. 15 Dumating ang panahong wala nang maibayad ang mga tao, kaya't sinabi nila kay Jose, “Mamamatay kami ng gutom, bigyan mo kami ng pagkain.”
16 Kaya't sinabi ni Jose, “Kung wala na kayong salapi, palitan na lang ninyo ng hayop ang pagkaing ibibigay ko sa inyo.” 17 At gayon nga ang kanilang ginawa; ipinagpalit nila ang kanilang mga kabayo, tupa, kambing, baka at asno sa pagkaing kinukuha nila. Isang taon silang binibigyan ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng mga hayop.
18 Nang sumunod na taon, lumapit na naman sa kanya ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi namin maikakaila sa inyong kamahalan na ngayo'y ubos na ang lahat naming salapi at mga alagang hayop. Wala na pong nalalabi sa amin kundi ang aming katawan at bukirin.
19 “Kaya, tulungan naman ninyo kami; huwag ninyo kaming hayaang mamatay sa gutom at mapabayaan ang aming lupain. Bigyan ninyo kami ng makakain at binhing pananim nang kami'y huwag mamatay. Payag na po kaming maging alipin ng Faraon at ibenta sa kanya ang aming lupain.”
20 Nangyari nga ito, kaya't nakuha ni Jose para sa Faraon ang lahat ng lupain ng mga taga-Egipto dahil sa tindi ng taggutom noon. 21 Ang lahat ng tao sa Egipto ay ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon. 22 Ang hindi lamang nabili ni Jose ay ang lupain ng mga pari, sapagkat ang mga ito ay may sapat na sustento ng Faraon. 23 Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayo'y nabili ko na kayo at ang inyong mga lupain para sa Faraon. Bibigyan ko kayo ng binhing itatanim. 24 Ibibigay ninyo sa Faraon ang ikalimang bahagi ng inyong aanihin. Inyo na ang nalalabi para muling itanim at maging pagkain ng inyong pamilya.”
25 Sumagot ang mga tao, “Napakabuti ninyo sa amin; iniligtas ninyo kami. Handa po kaming maglingkod sa Faraon.” 26 Mula noon, ginawang batas ni Jose sa lupain ng Egipto na ang ikalimang bahagi ng ani ay para sa Faraon. Umiiral pa hanggang ngayon ang batas na ito maliban sa lupa ng mga pari, sapagkat ito'y hindi saklaw ng Faraon.
Huling Habilin ni Jacob
27 Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupain ng Goshen sa Egipto. Yumaman sila roon at dumami ang kanilang lahi. 28 Labimpitong taóng tumira roon si Jacob at umabot siya ng 147 taon. 29 Nang(D) maramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Ilagay mo sa pagitan ng aking mga hita ang iyong kamay at ipangako mong magiging tapat ka sa akin, at hindi mo ako ililibing sa Egipto. 30 Ilabas mo ako sa Egipto at isama mo ako sa libingan ng aking mga magulang.”
“Masusunod po ang nais ninyo,” sagot ni Jose.
31 Sinabi ni Jacob, “Kung gayon, sumumpa ka sa akin.” Nanumpa nga si Jose, at si Jacob ay yumuko sa may ulunan ng higaan at nanalangin.
Mga Minanang Katuruan(A)
15 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, 2 “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!”
3 Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Sinabi(B) ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 5 Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ 6 hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina].[a] Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. 7 Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,
8 ‘Ang(C) paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
9 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo at unawain ang aking sasabihin. 11 Ang lumalabas sa bibig ng tao, hindi ang pumapasok, ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.”
12 Pagkatapos, lumapit naman ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Hindi po ba ninyo alam na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?”
13 Sumagot siya, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan(E) ninyo sila. Sila'y mga bulag na taga-akay [ng mga bulag;][b] at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”
15 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinghagang [ito.]”[c]
16 At sinabi ni Jesus, “Pati ba kayo'y wala ring pang-unawa? 17 Hindi ba ninyo nalalaman na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at pagkatapos ay idinudumi? 18 Ngunit(F) ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Iyan ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. 20 Iyan ang nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos. Hindi nagiging marumi ang isang tao kung siya man ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay.”
Ang Pananalig ng Isang Cananea(G)
21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.”
23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” 24 Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.”
26 Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”
27 “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak.
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
14 Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran,
at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan.
15 Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan,
bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan.
16 Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama,
at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa.
17 Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan,
ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan.
18 Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway,
tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal.
19 Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman,
ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.