The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Tore ng Babel
11 Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. 2 Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan,[a] nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. 3 Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. 4 Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.”
5 Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao. 6 Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. 7 Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” 8 At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod. 9 Babel[b] ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.
Ang Lahi ni Shem(A)
10 Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon. 11 Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
12 Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela. 13 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
14 Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber. 15 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
16 Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg. 17 Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
18 Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu. 19 Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
20 Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug. 21 Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
22 Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor. 23 Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
24 Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon. 25 Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
Ang Lahi ni Terah
26 Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran.
27 Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot. 28 Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea. 29 Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya.
31 Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan. 32 Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon.
Tinawag ng Diyos si Abram
12 Sinabi(B) ni Yahweh kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. 2 Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.
3 Ang(C) sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,
at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;
sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”[c]
4 Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot. 5 Isinama ni Abram ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at mga kayamanang naipon nila sa Haran. Pagkatapos nito'y nagtungo sila sa Canaan.
Pagdating nila roon, 6 nagtuloy si Abram sa isang banal na lugar sa Shekem, sa malaking puno ng Moreh. Noo'y naroon pa ang mga Cananeo. 7 Nagpakita(D) kay Abram si Yahweh na nagsabi sa kanya, “Ito ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng altar para kay Yahweh na nagpakita sa kanya. 8 Buhat doon, nagtuloy siya sa kaburulan sa silangan ng Bethel at huminto sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai na nasa silangan. Nagtayo rin siya roon ng altar at sumamba kay Yahweh. 9 Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan.
Pumunta si Abram sa Egipto
10 Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan. 11 Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka. 13 Ang(E) mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.” 14 Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai. 15 Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo. 16 Dahil sa kanya, mabuti ang naging pagtanggap ng Faraon kay Abram at binigyan pa niya ito ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.
17 Dahil dito'y pinahirapan ni Yahweh ang Faraon. Siya at ang buong palasyo ay nagdanas ng katakut-takot na karamdaman. 18 Kaya't si Abram ay ipinatawag ng Faraon at tinanong, “Bakit mo ito ginawa sa akin? Bakit hindi mo sinabing asawa mo siya? 19 Ang sabi mo'y kapatid mo siya, kaya naman kinuha ko siya para maging asawa. Heto na ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Iniutos ng Faraon sa kanyang mga tauhan na paalisin ang mag-asawa, dala ang lahat nilang ari-arian.
Nagkahiwalay sina Abram at Lot
13 Mula sa Egipto, si Abram ay naglakbay na pahilaga patungong Negeb, kasama ang kanyang asawa at ang pamangkin niyang si Lot, dala ang lahat niyang ari-arian. 2 Mayaman na noon si Abram; marami na siyang mga tupa, kambing at baka. Marami na rin siyang naipong ginto at pilak. 3 Mula sa Negeb, unti-unti siyang naglakbay pabalik sa dati niyang pinagkampuhan, sa pagitan ng Bethel at Ai. 4 Pumunta siya sa dating pinagtayuan niya ng altar, at doon sumamba kay Yahweh.
Ang Sermon sa Bundok
5 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad 2 at siya'y nagsimulang magturo sa kanila.
Ang mga Pinagpala(A)
3 “Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.
4 “Pinagpala(B) ang mga nagdadalamhati,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
5 “Pinagpala(C) ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
6 “Pinagpala(D) ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat sila'y bibigyang kasiyahan ng Diyos.
7 “Pinagpala ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
8 “Pinagpala(E) ang mga may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 “Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
10 “Pinagpala(F) ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.
11 “Pinagpala(G) ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan [na pawang kasinungalingan][a] nang dahil sa akin. 12 Magsaya(H) kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo.”
Asin at Ilaw(I)
13 “Kayo(J) ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?
14 “Kayo(K) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Walang(L) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin(M) naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Katuruan tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta.[b] Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan(N) ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”
Ang Katuruan tungkol sa Pagkagalit
21 “Narinig(O) ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.
25 “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang barya na dapat mong bayaran.”
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.
5 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
2 Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
3 Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
4 Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
mga maling gawain, di mo pinapayagan.
5 Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
6 Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.
7 Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
luluhod ako tanda ng aking paggalang.
8 Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.
9 Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.
11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
24 Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo,
ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko.
25 Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,
ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo.
26 Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,
kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
27 Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,
dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan,
at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati,
28 sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan.
Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.