The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Nagkasala ang Tao
3 Ang(A) ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”
2 Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, 3 huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.”
4 Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! 5 Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.”
6 Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. 7 Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.
8 Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno. 9 Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?”
10 “Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad,” sagot ng lalaki.
11 Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
12 “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.
13 “Bakit(B) mo ginawa ang bagay na iyon?” tanong ng Panginoong Yahweh sa babae.
“Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” sagot naman nito.
Inihayag ng Diyos ang Kaparusahan
14 At sinabi ng Panginoong Yahweh sa ahas:
“Sa iyong ginawa'y may parusang dapat,
na ikaw lang sa lahat ng hayop ang magdaranas;
mula ngayon ikaw ay gagapang,
at ang pagkain mo'y alikabok lamang.
15 Kayo(C) ng babae'y aking pag-aawayin,
binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin.
Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo,
at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw.”
16 Sa babae nama'y ito ang sinabi:
“Sa pagbubuntis mo'y hirap ang daranasin,
at sa panganganak sakit ay titiisin;
ang asawang lalaki'y iyong nanasain,
pasasakop ka sa kanya't siya mong susundin.”
17 Ito(D) naman ang sinabi ng Diyos kay Adan:
“Dahil nakinig ka sa iyong asawa,
nang iyong kainin ang ipinagbawal kong bunga;
dahil dito'y sinusumpa ko ang lupa,
sa hirap ng pagbubungkal, pagkain mo'y magmumula.
18 Mga damo at tinik ang iyong aanihin,
halaman sa gubat ang iyong kakainin;
19 sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagaling
maghihirap ka hanggang sa malibing.
Dahil sa alabok, doon ka nanggaling,
sa lupang alabok ay babalik ka rin.”
20 Eva[a] ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat siya ang ina ng sangkatauhan. 21 Ang mag-asawa'y iginawa niya ng mga damit na yari sa balat ng hayop.
Pinalayas sa Hardin si Adan at si Eva
22 Pagkatapos,(E) sinabi ng Panginoong Yahweh, “Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bungangkahoy na nagbibigay-buhay at hindi na siya mamatay.” 23 Kaya, pinalayas niya sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan.
24 Pinalayas nga siya ng Diyos. At sa dakong silangan ng halamanan ng Eden ay naglagay ang Diyos ng bantay na kerubin. Naglagay rin siya ng espadang nagniningas na umiikot sa lahat ng panig upang hindi malapitan ninuman ang punongkahoy ng buhay.
Si Cain at si Abel
4 Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito'y nagdalang-tao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh.” Kaya Cain[b] ang ipinangalan niya rito. 2 Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay naging magsasaka. 3 Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid. 4 Kinuha(F) naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, 5 ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. 6 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? 7 Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang magsaya. Kung masama naman, ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.”
8 Isang(G) araw, niyaya ni Cain ang kanyang kapatid, “Abel, pumunta tayo sa bukid.” Sumama naman ito, ngunit pagdating nila sa bukid ay pinatay ni Cain si Abel.
9 Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan ang kapatid mong si Abel?”
Sumagot siya, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?”
10 At(H) sinabi ni Yahweh, “Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan. 11 Sinusumpa kita ngayon, at hindi mo na maaaring bungkalin ang lupa dahil dumanak doon ang dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. 12 Bungkalin mo man ang lupa upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matitirhan at magiging lagalag ka sa daigdig.”
13 “Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain kay Yahweh. 14 “Ngayong pinapalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.”
15 “Hindi,” sagot ni Yahweh. “Paparusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay sa iyo.” Kaya't nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin. 16 Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden.
Ang Angkan ni Cain
17 Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nagdalang-tao ito at nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Enoc. Pagkatapos, nagtayo si Cain ng isang lunsod at ito'y tinawag na Enoc, bilang alaala sa kanyang anak. 18 Si Enoc ang ama ni Irad na ama ni Mehujael. Anak naman nito si Metusael na ama ni Lamec. 19 Nag-asawa si Lamec ng dalawa, sina Ada at Zilla. 20 Naging anak ni Ada si Jabal, ang ninuno ng mga nagpapastol ng mga baka at ng mga tumitira sa tolda. 21 Kapatid nito si Jubal na siya namang ninuno ng mga manunugtog ng alpa at plauta. 22 Naging anak naman ni Zilla si Tubal-cain na ninuno ng lahat ng panday ng mga kagamitang tanso at bakal. Si Tubal-cain ay may kapatid na babae, si Naama. 23 Sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa:
“Dinggin ninyo itong aking sasabihin,
Ada at Zilla, mga asawa kong giliw;
may pinatay akong isang kabataan,
sapagkat ako'y kanyang sinugatan.
24 Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito'y pitong patong agad;
ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu't pitong patong ang kaparusahan.”
Ang Angkan ni Set
25 Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito'y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina, “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel na pinatay ni Cain;” at ito'y tinawag niyang Set.[c] 26 Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba.
Ang Pagtakas Papunta sa Egipto
13 Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” 14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. 15 Doon(A) sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.”
Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki
16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga pantas. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga pantas.
17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:
18 “Narinig(B) sa Rama ang isang tinig,
tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
Ang Pagbalik mula sa Egipto
19 Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Bumangon ka. Dalhin mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya't bumangon nga si Jose at dinala sa Israel ang kanyang mag-ina.
22 Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea, 23 at(C) doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: “Siya'y tatawaging Nazareno.”
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(D)
3 Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. 2 Ganito(E) ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” 3 Si(F) Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,
“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”
4 Gawa(G) sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 5 Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. 6 Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
Ang Haring Pinili ni Yahweh
2 Bakit(A) nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?
Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
2 Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,
hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
3 Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;
dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”
4 Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,
lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
5 Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;
sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
6 “Doon sa Zion, sa bundok na banal,
ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”
7 “Ipahahayag(B) ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,
‘Ikaw ang aking anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
8 Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,
maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
9 Dudurugin(C) mo sila ng tungkod na bakal;
tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”
10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,
ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,
sa paanan ng kanyang anak
12 yumukod kayo't magparangal,
baka magalit siya't bigla kayong parusahan.
Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.
Payo sa mga Kabataan
7 Ang(A) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.
8 Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama,
at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina;
9 sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo,
parang kuwintas na may dalang karangalan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.