The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
5 Si Lot, na kasa-kasama ni Abram ay marami na ring tupa, kambing at baka. Mayroon na rin siyang sariling pamilya at mga tauhan. 6-7 Dahil napakarami na ng kanilang mga hayop, hindi na sapat ang pastulan para sa mga kawan nina Abram at Lot. Kaya't madalas nag-aaway ang mga pastol nila. Nang panahon ding iyon, ang mga Cananeo at Perezeo ay naninirahan pa sa lugar na iyon.
8 Kinausap ni Abram si Lot, “Hindi tayo dapat mag-away, at ang mga tauhan natin, sapagkat magkamag-anak tayo. 9 Mabuti pa'y maghiwalay tayo. Mamili ka: Kung gusto mo sa kaliwa, sa kanan ako; kung gusto mo sa kanan, sa kaliwa ako.”
10 At(A) nang iginala ni Lot ang kanyang paningin, nakita niyang ang Kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, tulad ng halamanan ni Yahweh at ng lupain ng Egipto. Nangyari ito noong hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra. 11 Kaya pinili niya ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan, at naghiwalay nga sila ni Abram. 12 Nanatili si Abram sa Canaan. Samantala, si Lot ay nanirahan naman sa mga lunsod sa kapatagan na malapit sa Sodoma. 13 Napakasama ng mga tao sa lunsod ng Sodoma; namumuhay sila nang laban kay Yahweh.
Nanirahan si Abram sa Hebron
14 Pagkaalis ni Lot, sinabi ni Yahweh kay Abram, “Tumanaw ka sa palibot mo. 15 Ang(B) buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa magiging lahi mo magpakailanman. 16 Ang iyong mga salinlahi ay gagawin kong sindami ng alikabok sa lupa na di kayang bilangin ninuman. 17 Libutin mo na ang buong lupain; ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo.” 18 Lumipat si Abram sa Hebron, at doon tumira sa tabi ng malalaking puno sa Mamre. Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh.
Iniligtas ni Abram si Lot
14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Sinar, Arioc ng Elasar, Kedorlaomer ng Elam at Tidal ng Goyim, 2 ay nakipagdigma kina Haring Bera ng Sodoma, Birsha ng Gomorra, Shinab ng Adma, Shemeber ng Zeboim at Zoar ng Bela. 3 Tinipon ng limang haring ito ang kanilang mga hukbo sa kapatagan ng Sidim na tinatawag ding Dagat na Patay. 4 Ang mga ito ay labindalawang taon nang nasasakop ni Kedorlaomer, ngunit nang ika-13 taon, nagkaisa-isa silang umaklas laban sa kanya. 5 Isang taon buhat nang sila'y umaklas, dumating si Kedorlaomer, kasama ang mga haring kakampi niya upang sila'y muling sakupin. Nalupig na niya ang mga bansang kanyang dinaanan: ang mga Refaita sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham at ang mga Emita sa Save-kiryataim. 6 Tinalo na rin nila ang mga Horeo sa kabundukan ng Seir hanggang sa Elparan, sa gilid ng disyerto. 7 Buhat doo'y bumaling silang patungo sa Kades (o Enmispat) at sinakop ang lupain ng mga Amalekita at ng mga Amoreo sa Hazazon-tamar.
8 Tinipon nga ng mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboim at Bela ang kanilang mga hukbo sa Kapatagan ng Sidim. At doon nila hinarap 9 sina Haring Kedorlaomer ng Elam, Tidal ng Goyim, Amrafel ng Sinar at Arioc ng Elasar—lima laban sa apat. 10 Natalo ang limang hari, at nang sila'y tumakas sa labanan, ang hari ng Sodoma at ang hari ng Gomorra ay nahulog sa balon ng alkitran na marami sa dakong iyon. Ang iba'y nakatakas papunta sa kabundukan. 11 Kaya't sinamsam ng apat na hari ang lahat ng ari-ariang natagpuan sa Sodoma at Gomorra, pati ang pagkain doon. 12 Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot na nakatira sa Sodoma, at kinuha ang lahat ng ari-arian nito.
13 Isang takas ang nagbalita ng pangyayaring ito kay Abram na Hebreo, na noo'y nakatira malapit sa tabi ng sagradong kahuyan ni Mamre, isang Amoreo. Si Abram at si Mamre, kasama ang mga kapatid niyang sina Escol at Aner ay may umiiral na kasunduan. 14 Pagkarinig niya sa nangyari sa kanyang pamangking si Lot, tinawag niya ang kanyang mga tauhan at nakatipon siya ng 318 mandirigma. Sinundan nila ang mga kalabang hari hanggang sa Dan. 15 Pagdating doon, nagdalawang pangkat sila, at pagsapit ng gabi, sinalakay nila ang kaaway. Tinalo nila ang mga ito at hinabol hanggang Hoba sa hilaga ng Damasco. 16 Nabawi nilang lahat ang nasamsam na ari-arian at nailigtas si Lot, ang mga kababaihan at ang iba pa nitong mga kasamahan.
Binasbasan ni Melquisedec si Abram
17 Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. 18 Dinalhan(C) siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, 19 at binasbasan,
“Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos,
na lumikha ng langit at lupa.
20 Purihin ang Kataas-taasang Diyos,
na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”
At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan.
21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.”
22 Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. 23 Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. 24 Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.”
Ang Kasunduan ng Diyos kay Abram
15 Pagkaraan ng lahat ng ito, si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Abram, huwag kang matakot. Ako ang iyong kalasag na mag-iingat sa iyo. Bibigyan kita ng napakalaking gantimpala.”
2 Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoong Yahweh, ano pang kabuluhan ng gantimpala mo sa akin kung wala naman akong anak? Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. 3 Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya ang alipin kong ito ang magmamana ng aking ari-arian.”
4 Subalit sinabi ni Yahweh, “Hindi isang alipin ang iyong magiging tagapagmana; ang sarili mong anak ang magiging tagapagmana.” 5 Dinala(D) siya ni Yahweh sa labas at sinabi sa kanya, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.” 6 Si(E) Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid.
7 Sinabi pa ni Yahweh kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa bayan ng Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.”
8 Itinanong naman ni Abram, “ Panginoong Yahweh, paano ko malalamang ito'y magiging akin?”
9 Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang babaing kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batu-bato.” 10 Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakapatong ang pinaghating hayop. 11 Bumabâ ang mga buwitre upang kainin ang mga ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.
12 Nang(F) lumulubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nilukuban siya ng isang nakakapangilabot na kadiliman. 13 Sinabi(G) ni Yahweh, “Ang iyong mga anak at apo ay mangingibang-bayan at magiging alipin doon sa loob ng 400 taon. 14 Ngunit(H) paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami silang kayamanang madadala. 15 Pahahabain ko ang iyong buhay; mamamatay at ililibing kang payapa. 16 Daraan muna ang apat na salinlahi bago sila makabalik dito, sapagkat hindi ko muna paparusahan ang mga Amoreo hanggang sa maging sukdulan ang kanilang kasamaan.”
17 Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng mga pinatay na hayop. 18 At(I) nang araw na iyon, gumawa si Yahweh ng kasunduan nila ni Abram at ganito ang sinabi niya: “Ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates, 19 kasama ang lupain ng mga Cineo, Cenizeo, Cadmoneo, 20 Heteo, Perezeo at Refaita, 21 gayundin ang lupain ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo at Jebuseo.”
Ang Katuruan Laban sa Pangangalunya
27 “Narinig(A) ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung(B) ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung(C) ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”
Paghihiwalay Dahil sa Pangangalunya(D)
31 “Sinabi(E) rin naman, ‘Kapag makikipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit(F) sinasabi ko sa inyo, kapag nakipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid,[a] itinutulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Katuruan tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig(G) din ninyong sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ 34 Ngunit(H) sinasabi ko sa inyo, huwag kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o(I) kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”
Katuruan Laban sa Paghihiganti(J)
38 “Narinig(K) ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong balabal. 41 Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya,[b] pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”
Pagmamahal sa Kaaway(L)
43 “Narinig(M) ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang(N) kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya(O) maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]
6 O(A) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong(B) masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
29 Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan,
kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang.
30 Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,
itinapong parang dumi itong paalala ko.
31 Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,
at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama.
32 Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,
sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman.
33 Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,
mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.