The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Dinala nga si Jose sa Egipto at doo'y ipinagbili siya ng mga Ismaelita kay Potifar, isang Egipcio na pinuno sa pamahalaan ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo. 2 Sa(A) buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay. 3 Napansin ni Potifar na tinutulungan ni Yahweh si Jose, 4 kaya ginawa niya itong katiwala sa bahay at sa lahat niyang ari-arian. 5 Mula noon, dahil kay Jose ay pinagpala ni Yahweh ang buong sambahayan ni Potifar pati ang kanyang mga bukirin. 6 Ipinagkatiwala ni Potifar kay Jose ang lahat, maliban sa pagpili ng kanyang kakainin.
Si Jose'y matipuno at magandang lalaki. 7 Dumating ang panahon na pinagnasaan siya ng asawa ni Potifar. Sinabi nito, “Sipingan mo ako.”
8 Tumanggi si Jose at ang sabi, “Panatag po ang kalooban ng aking panginoon sapagkat ako'y narito. Ginawa niya akong katiwala, 9 at ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos.” 10 Hindi pinapansin ni Jose ang babae kahit araw-araw itong nakikiusap na sumiping sa kanya.
11 Ngunit isang araw, nasa bahay si Jose upang gampanan ang kanyang tungkulin. Nagkataong wala roon ang ibang mga utusan. 12 Walang anu-ano'y hinablot ng babae ang kanyang balabal at sinabi, “Halika't sipingan mo na ako!” Patakbo siyang lumabas ngunit naiwan ang kanyang balabal sa babae. 13 Sa pangyayaring ito, 14 nagsisigaw ito at tinawag ang mga katulong na lalaki, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo ng asawa ko ng Hebreong ito para hamakin tayo. Sukat ba namang pasukin ako sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan! Mabuti na lamang at ako'y nakasigaw. 15 Pagsigaw ko'y kumaripas siya ng takbo, at naiwan sa akin ang kanyang damit.”
16 Itinago niya ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang asawa. 17 Sinabi niya rito, “Ang Hebreong dinala mo rito'y bigla na lamang pumasok sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan. 18 Nang ako'y sumigaw, kumaripas ng takbo at naiwan sa akin ang kanyang balabal.”
19 Nagalit si Potifar nang marinig ang sinabi ng asawa, 20 kaya't ipinahuli niya si Jose at isinama sa mga bilanggong tauhan ng Faraon. 21 Ngunit(B) si Jose ay hindi pinabayaan ni Yahweh. Ang bantay ng bilangguan ay naging napakabait sa kanya. 22 Si Jose ay ginawa niyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo, at siya ang tanging nagpapasya kung ano ang gagawin sa loob ng bilangguan. 23 Hindi na halos nakikialam ang bantay ng bilangguan sa ginagawa ni Jose, sapagkat si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain.
Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip
40 Minsan, ang tagapangasiwa ng mga inumin ng Faraon at ang punong panadero ay parehong nagkasala sa kanilang panginoon na hari ng Egipto. 2 Sa galit nito, 3 sila'y ipinakulong sa bahay ng punong guwardiya ng piitang pinagdalhan kay Jose. 4 Si Jose ang naatasan ng kapitan na tumingin at maglingkod sa dalawang bilanggo, kaya't matagal silang magkasama sa bilangguan.
5 Isang gabi, ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero ay parehong nanaginip. 6 Kinaumagahan, nang dumalaw si Jose, napuna niyang nababalisa ang dalawa. 7 Tinanong niya kung bakit, 8 at sila nama'y nagpaliwanag. “Alam mo, pareho kaming nanaginip, ngunit wala ni isa mang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga iyon.”
“Ang Diyos lamang ang nakapagpapaunawa sa atin ng kahulugan ng mga panaginip,” sabi ni Jose. “Ano ba ang napanaginipan ninyo?”
9 Ang tagapangasiwa ng inumin ang unang nagsalaysay. Ang sabi nito, “Napanaginipan kong sa harapan ko'y may puno ng ubas 10 na may tatlong sanga. Pagsibol ng dahon nito, namulaklak na rin at kaagad nahinog ang mga bunga. 11 Hawak ko noon ang kopa ng Faraon, kaya't pinisa ko ang ubas at ibinigay sa Faraon.”
12 “Ito ang kahulugan ng panaginip mo,” sabi ni Jose. “Ang tatlong sanga ay tatlong araw. 13 Sa loob ng tatlong araw, ipapatawag ka ng Faraon at patatawarin. Ibabalik ka sa dati mong tungkulin. 14 Kaya, kapag naroon ka na, huwag mo naman akong kakalimutan. Banggitin mo naman ako sa Faraon at tulungan mo akong makalaya sa bilangguang ito. 15 Ang totoo'y kinuha lamang ako sa lupain ng mga Hebreo, at wala akong nalalamang dahilan upang mabilanggo rito.”
16 Pagkakita ng punong panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip ng kanyang kasama, sinabi nito kay Jose, “Ako'y nanaginip din. May buhat daw akong tatlong basket sa aking ulo. 17 Sa basket na nasa ibabaw ay nakalagay ang iba't ibang pagkaing hinurno para sa Faraon, ngunit ang pagkaing iyo'y tinutuka ng mga ibon.”
18 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: 19 sa loob ng tatlong araw ay ipapatawag ka rin ng Faraon at pupugutan ka. Pagkatapos, ibibitin sa kahoy ang iyong bangkay at hahayaang tukain ng mga ibon.”
20 Ang ikatlong araw ay kaarawan ng Faraon, at naghanda siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga kagawad. Iniharap niya sa kanyang mga panauhin ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero. 21 Ibinalik niya sa tungkulin ang tagapangasiwa ng mga inumin, 22 ngunit ipinabitay ang punong panadero. Natupad nga ang sinabi ni Jose sa dalawa, 23 ngunit siya'y nakalimutan ng tagapangasiwa ng mga inumin.
Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip ng Faraon
41 Pagkaraan ng dalawang taon, ang Faraon naman ang nanaginip. Napanaginipan niyang siya'y nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 2 Walang anu-ano'y may pitong magaganda't matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain ng damo. 3-4 Umahon din mula sa ilog na iyon ang pitong pangit at payat na baka. Lumapit ang mga ito at kinain ang pitong matatabang baka. At nagising ang Faraon. 5 Nakatulog siyang muli at nanaginip na naman. May pitong uhay na tumubo sa isang puno ng trigo. Malalaki at matataba ang mga butil nito. 6 Pagkatapos, may sumibol na pitong uhay. Ang mga ito ay payat at tuyot ang mga butil dahil sa hampas ng hanging silangan. 7 Kinain ng mga payat ang matatabang uhay, at muling nagising ang Faraon. Noon niya nalamang siya pala'y nananaginip. 8 Pagsapit(C) ng umaga, nabagabag siya, kaya't ipinatawag niyang lahat ang mga salamangkero at mga matatalinong tao sa buong Egipto. Isinalaysay niya ang kanyang mga panaginip, ngunit isa ma'y walang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga ito.
9 Lumapit sa Faraon ang tagapangasiwa ng mga inumin at sinabi sa kanya, “Ako po'y may malaking pagkukulang na nagawa. 10 Nang magalit po kayo sa amin ng punong panadero at ipabilanggo ninyo kami sa tahanan ng kapitan ng mga tanod, 11 kami po'y parehong nanaginip. 12 Isa pong binatang Hebreo na alipin ng kapitan ng mga tanod ang kasama namin doon. Siya po ang nagpaliwanag ng aming panaginip. 13 Sinabi po niyang ako'y mababalik sa tungkulin at ang punong panadero'y bibitayin; nangyari pong lahat ang kanyang sinabi.”
14 Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. 15 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.”
16 “Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(A)
46 Habang si Jesus ay nagsasalita sa maraming tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas dahil nais nila siyang makausap. [47 May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”][a] 48 Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.”
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(B)
13 Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. 2 Dahil(C) sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao 3 at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya:
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. 4 Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. 5 May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, 6 ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. 7 May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. 8 Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. 9 Makinig ang may pandinig!”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(D)
10 Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” 11 Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagkat(E) ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 13 Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. 14 Natutupad(F) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,
‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman,
at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman.
15 Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
at pinagaling ko sila.’
16 “Subalit(G) pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! 17 Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
Ipinaliwanag ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(H)
18 “Makinig kayo at unawain ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.
20 “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong nakikinig ng mensahe na kaagad at masayang tumatanggap nito 21 ngunit hindi tumitimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nananatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.
22 “Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga.
23 “At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Panalangin ng Isang Walang Sala
Panalangin ni David.
17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.
3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.
4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.
6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.
8 Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
9 mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.
Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
10 mayayabang magsalita, suwail at matatapang;
11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.
12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
mga batang leon na nakahandang sumagpang.
13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!
14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang, sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!
15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.
33 Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama,
ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
34 Ang(A) mga palalo'y kanyang kinasusuklaman,
ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.
35 Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan,
ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.