The Daily Audio Bible
Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.
50 Niyakap ni Jose ang kanyang ama at umiiyak na hinagkan. 2 Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga manggagamot na embalsamuhin ang bangkay. 3 Ayon sa kaugalian ng mga Egipcio, apatnapung araw ang ginugol nila sa paggawa nito. Pitumpung araw na nagluksa ang bansang Egipto.
4 Pagkatapos ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga kagawad ng Faraon, “Pakisabi nga ninyo sa Faraon na 5 hiniling(A)ng aking ama bago namatay na doon ko siya ilibing sa libingan na kanyang inihanda sa Canaan. At aking naipangakong susundin ko ang kanyang bilin. Kaya, humihingi ako ng pahintulot na dalhin ko roon ang kanyang bangkay at babalik agad ako pagkatapos.”
6 Sumagot ang Faraon, “Lumakad ka na at ilibing mo ang iyong ama ayon sa iyong pangako sa kanya.”
7 Sumama kay Jose para makipaglibing ang lahat ng kagawad ng Faraon, ang mga may matataas na katungkulan sa palasyo at ang mga kilalang mamamayan sa buong Egipto. 8 Kasama rin ni Jose ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama. Ang naiwan lamang sa Goshen ay ang maliliit na bata, mga kawan ng tupa, kambing at baka. 9 May mga nangangabayo, may mga sakay sa karwahe—talagang napakarami nila.
10 Pagsapit nila sa giikan sa Atad, sa silangan ng Ilog Jordan, huminto muna sila. Nagdaos sila roon ng luksang-parangal sa yumao, at pitong araw na nagdalamhati roon si Jose. 11 Nasaksihan ng mga taga-Canaan ang ginawang pagpaparangal na ito, kaya't nasabi nila, “Ganito palang magluksa ang mga taga-Egipto!” Dahil dito'y tinawag na Abelmizraim[a] ang lugar na iyon.
12 Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama. 13 Dinala(B) nila sa Canaan ang bangkay at doon inilibing sa yungib na nasa kaparangan ng Macpela, silangan ng Mamre, na binili ni Abraham kay Efron na Heteo. 14 Matapos ilibing ang ama, si Jose'y nagbalik sa Egipto, kasama ang kanyang mga kapatid at lahat ng kasama sa paglilibing.
Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid
15 Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” 16 Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo, 17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.
18 Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila.
19 Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? 20 Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon. 21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.
Ang Pagkamatay ni Jose
22 Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya ng 110 taon bago namatay. 23 Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayundin ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases. 24 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.” 25 Pagkatapos,(C) ipinagbilin niya sa mga Israelita ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na kapag kayo'y inilabas na ng Diyos sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.” 26 Namatay nga si Jose sa gulang na 110 taon. Siya'y inembalsamo sa Egipto at inilagay sa isang kabaong.
Ang Pang-aapi sa mga Israelita
1 Ito(D) ang mga anak ni Jacob na kasama niyang pumunta sa Egipto, kasama ang kani-kanilang sambahayan: 2 sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, 3 Isacar, Zebulun, Benjamin, 4 Dan, Neftali, Gad at Asher; 5 silang lahat ay pitumpu. Si Jose ay matagal nang nasa Egipto noon. 6 Paglipas ng panahon, namatay si Jose, ang kanyang mga kapatid at ang kanilang salinlahi. 7 Ngunit(E) mabilis ang pagdami ng mga Israelita kaya't sila'y naging makapangyarihan at halos napuno nila ang buong lupain.
8 Lumipas(F) ang panahon at nagkaroon ang Egipto ng ibang hari na hindi nakakakilala kay Jose. 9 Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila'y patuloy na dumarami at lumalakas kaysa atin. 10 Kailangang(G) gumawa tayo ng paraan upang mapigil ang kanilang pagdami. Baka salakayin tayo ng ating mga kaaway at kumampi pa sila sa mga ito, at pagkatapos ay tumakas sa[b] ating lupain.” 11 Kaya't naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lunsod ng Pitom at Rameses, mga lunsod na imbakan ng mga pagkain at kagamitan. 12 Ngunit habang inaapi, ang mga ito ay lalo namang dumarami at naninirahan ang mga Israelita sa iba't ibang bayan kaya't sila'y kinatakutan ng mga Egipcio. 13 Dahil dito, ang mga Israelita'y lalong walang awang 14 pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba't ibang mabibigat na gawaing bukid.
15 Isang araw, ipinatawag ng Faraon sina Sifra at Pua, ang mga komadronang Hebreo at sinabihan nang ganito: 16 “Sa pagpapaanak ninyo sa mga Hebrea, patayin ninyo kung lalaki ang sanggol, at hayaan ninyong mabuhay kung babae.” 17 Ngunit dahil sa takot nila sa Diyos, hindi sinunod ng mga komadrona ang utos ng hari; hindi nila pinapatay ang mga sanggol na lalaki. 18 Dahil dito'y ipinatawag sila ng hari at tinanong, “Bakit hindi ninyo pinapatay ang mga sanggol na lalaking isinisilang ng mga Hebrea?”
19 “Mangyari po, iba ang mga Hebrea sa mga Egipcia. Madali po silang manganak kaya naisilang na ang sanggol pagdating namin,” sagot nila. 20 Kaya't patuloy na dumami at lumakas ang mga Israelita. Ang mga komadrona naman ay kinalugdan ng Diyos. 21 Sila'y pinagkalooban niya ng mga sariling pamilya. 22 Iniutos(H) naman ng Faraon sa lahat ng kanyang nasasakupan na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Hebrea at hayaan namang mabuhay ang mga babae.
Ang Pagliligtas kay Moises
2 May mag-asawang buhat sa lipi ni Levi 2 na(I) nagkaanak ng isang lalaki. Napakaganda ng bata kaya't tatlong buwan itong itinago ng ina. 3 Nang hindi na siya maaaring itago pa, kumuha ang kanyang ina ng isang basket na yari sa tangkay ng tambo at pinahiran ng alkitran upang hindi pasukin ng tubig. Pagkatapos, inilagay niya rito ang sanggol at inilagay sa talahiban sa may pampang ng ilog. 4 Ang kapatid na babae naman ng sanggol ay tumayo sa di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari.
5 Maliligo noon sa ilog ang anak na babae ng Faraon. Natanaw niya ang basket kaya't ito'y ipinakuha niya sa isa sa kanyang mga katulong na naglalakad-lakad naman sa tabing ilog. 6 Nang maiabot sa kanya ang basket, inalis niya ang takip nito at nakita ang batang umiiyak. Naawa siya at kanyang nasabi, “Ito'y anak ng isang Hebrea.”
7 Ang kapatid naman ng bata ay lumapit sa prinsesa at kanyang sinabi, “Kung gusto po ninyo, ihahanap ko kayo ng isang Hebreang mag-aalaga sa sanggol na iyan.”
8 “Sige, ihanap mo ako,” sagot ng prinsesa. Umalis ang batang babae at tinawag ang mismong ina ng bata. 9 Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang sanggol na ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang sanggol at inalagaan. 10 Nang(J) malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya'y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises[c] ang ipapangalan ko sa kanya.”
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” 14 At(B) sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot(C) si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro,[a] at sa ibabaw ng batong[b] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay(D) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.” 20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(E)
21 Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.”
22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo.”
23 Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
24 Sinabi(F) ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Ang(G) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 26 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat(H) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. 28 Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(I)
17 Pagkaraan(J) ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. 2 Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. 3 At nakita ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, magtatayo ako ng tatlong tolda, isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” 5 Habang(K) nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” 6 Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. 7 Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya. 8 Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita.
9 Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang tungkol sa pangitain hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
21 Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas,
dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak.
2 Iyong ibinigay ang kanyang inaasam,
ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah)[a]
3 Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan,
dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay.
4 Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay,
ng mahabang buhay, na magpakailanman.
5 Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan,
dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay.
6 Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman,
ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan.
7 Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala,
dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala.
8 Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway,
bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam.
9 Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin,
sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin.
10 Walang matitira sa kanilang lahi,
sapagkat sila'y lilipulin ng hari.
11 Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya,
walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila.
12 Sila'y kanyang papanain,
sila'y uurong at patatakbuhin.
13 Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan!
Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan.
Babala Laban sa Pangangalunya
5 Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
2 Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya,
at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya.
3 Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot,
at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot.
4 Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,
hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod.
5 Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,
daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan.
6 Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay,
ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.