The Daily Audio Bible
Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.
Nanalangin si Moises
22 Kaya, nanalangin si Moises, “Yahweh, bakit po ninyo pinahihirapan ng ganito ang inyong bayan? Bakit pa ninyo ako sinugo kung ganito rin lamang ang mangyayari? 23 Mula nang makipag-usap ako sa Faraon ay lalo niyang pinahirapan ang inyong bayan, ngunit wala kayong ginagawa upang tulungan sila.”
6 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Hindi lamang siya mapipilitang pumayag na kayo'y umalis, ipagtatabuyan pa niya kayo.”
Muling Isinugo si Moises
2 Sinabi(A) ng Diyos kay Moises, “Ako si Yahweh. 3 Nagpakita ako kina Abraham, Isaac at Jacob bilang Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pangalang Yahweh. 4 Gumawa ako ng kasunduan sa kanila at nangako akong ibibigay sa kanila ang Canaan, ang lupaing tinirhan nila noon bilang mga dayuhan. 5 Narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio, at hindi ko nalilimutan ang ginawa kong kasunduan sa kanilang mga ninuno. 6 Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo'y palalayain ko mula sa pagkaalipin. 7 Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. 8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.’” 9 Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, ngunit ayaw na nilang maniwala dahil sa panghihina ng loob at dahil sa matinding kahirapang kanilang dinaranas.
10 Nang muli silang mag-usap, sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Pumunta ka sa Faraon, at sabihin mong payagan nang umalis ang mga Israelita.”
12 “Kung ang mga Israelita ay ayaw makinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Ako'y hindi mahusay magsalita.” sagot ni Moises.
13 Ngunit sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na inatasan ko kayo na ilabas sa Egipto ang mga Israelita.”
Ang Pinagmulang Angkan nina Moises at Aaron
14 Ito ang mga puno ng pinagmulang angkan nina Moises at Aaron: ang kay Ruben na siyang panganay ni Israel ay sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi. 15 Ang kay Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul na anak ng isang Cananea. 16 Kay(B) Levi naman ay sina Gershon, Kohat at Merari. Si Levi ay nabuhay nang 137 taon. 17 Ang naging anak naman ni Gershon ay sina Libni at Seimei. 18 Ang kay Kohat naman ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat nang 133 taon. 19 Naging anak ni Merari sina Mahali at Musi. Ito ang mga angkan sa lipi ni Levi.
20 Napangasawa ni Amram si Jocebed na kapatid ng kanyang ama at naging anak nila sina Aaron at Moises. Si Amram ay nabuhay nang 137 taon. 21 Naging anak ni Izar sina Korah, Nefeg at Zicri. 22 Ang mga anak naman ni Uziel ay sina Misael, Elzafan at Sitri.
23 Napangasawa ni Aaron si Elisabet na kapatid ni Naason at anak ni Aminadab. Naging anak nila sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 24 Ang mga anak ni Korah ay sina Asir, Elcana at Abiasaf. Ito ang mga angkan sa lipi ni Korah. 25 Napangasawa ni Eleazar na anak ni Aaron ang isang anak ni Futiel at naging anak nila si Finehas. Ito ang mga puno ng angkan ng mga Levita ayon sa kani-kanilang lipi.
26 Sina Aaron at Moises ang inutusan ni Yahweh na manguna sa Israel upang mailabas sila sa Egipto ayon sa kani-kanilang lipi. 27 Kaya't sinabi nila sa Faraon na palayain ang mga Israelita.
Inutusan sina Moises at Aaron
28 Nang si Moises ay kausapin ni Yahweh sa Egipto, 29 ganito ang sinabi sa kanya: “Ako si Yahweh. Sabihin mo sa Faraon, sa hari ng Egipto, ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
30 Ngunit sumagot si Moises, “Paano ako papakinggan ng Faraon gayong hindi ako mahusay magsalita?”
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin kitang parang Diyos sa harapan ng Faraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging tagapagsalita mo. 2 Lahat ng sabihin ko sa iyo ay sasabihin mo kay Aaron; siya naman ang magsasabi sa Faraon na payagan na kayong umalis ng Egipto. 3 Ngunit(C) patitigasin ko ang puso ng Faraon, at gumawa man ako ng maraming kababalaghan sa Egipto 4 ay hindi siya makikinig sa iyo. Kung magkagayon ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay. Paparusahan ko ang buong Egipto at ilalabas ko mula roon ang aking mga hukbo, ang aking bayan, ang mga Israelita. 5 Makikilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita.” 6 At ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng iniutos ni Yahweh. 7 Walumpung taon si Moises at walumpu't tatlo naman si Aaron nang makipag-usap sila sa Faraon.
Ang Tungkod ni Aaron
8 Sinabi pa ni Yahweh kina Moises at Aaron, 9 “Kapag sinabi sa inyo ng Faraon na magpakita kayo ng kababalaghan bilang katunayan ng pagkasugo ko sa inyo, sabihin mo kay Aaron na ihagis ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at magiging ahas iyon.” 10 Nagpunta nga sila sa Faraon tulad ng sinabi ni Yahweh. Pagdating doon, inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito. At naging ahas nga ang tungkod. 11 Kaya ipinatawag ng Faraon ang mga matatalinong tao at mga salamangkero at sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan ay ipinagaya ang ginawa ni Aaron. 12 Inihagis nila sa lupa ang kanilang mga tungkod at naging ahas din, ngunit ang mga ito'y nilulon ng tungkod ni Aaron. 13 Gayunma'y nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh.
Ang Unang Salot: Naging Dugo ang Tubig
14 Sinabi(D) ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita. 15 Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog. 16 Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. 17 Ngunit(E) tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig 18 at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’”
19 Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.”
20 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto. 22 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. 23 Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo. 24 Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.
25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.
Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad
21 Lumapit(A) si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”
22 Sinagot(B) siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.[a] 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.[b] 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.
28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso.[c] Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.
31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”
Katuruan tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(C)
19 Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit.
3 May ilang Pariseong lumapit sa kanya na humanap ng maipaparatang sa kanya. Tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot(D) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? 5 At(E) siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ 6 Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
7 Tinanong(F) siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?”
8 Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. 9 Ito(G) ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid, [itinutulak niya ang kanyang asawa na mangalunya][d] at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya [at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya].”[e]
10 Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.”
11 Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. 12 Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay isinilang na may ganitong kapansanan; ang iba nama'y dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito.”
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
22 Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang,
siya ang magdurusa sa sariling kasalanan.
23 Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay
at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.