Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 31:17-32:12

17 Isinakay niya sa kamelyo ang kanyang mga asawa't mga anak. 18 Dinala niya ang kanyang mga kawan at lahat ng kayamanang naipon niya sa Mesopotamia at bumalik sa Canaan, sa lupain ng kanyang amang si Isaac. 19 Wala noon si Laban sapagkat naggugupit ito ng balahibo ng mga tupa. Sinamantala iyon ni Raquel upang kunin ang mga diyus-diyosan sa tolda ng kanyang ama. 20 Nilinlang ni Jacob si Laban na Arameo; hindi niya ipinaalam ang kanyang pag-alis. 21 Tinawid niya ang Ilog Eufrates papunta sa bulubundukin ng Gilead, dala ang lahat niyang ari-arian.

Hinabol ni Laban si Jacob

22 Makaraan ang tatlong araw, nalaman ni Laban ang pag-alis nina Jacob. 23 Isinama niya ang kanyang mga tauhan at hinabol nila si Jacob. Inabot nila ito sa bulubundukin ng Gilead pagkaraan ng pitong araw. 24 Nang gabing iyon, si Laban ay kinausap ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip. Sinabi sa kanyang huwag pagbabantaan ng anuman si Jacob. 25 Nang dumating si Laban, si Jacob ay nakapagtayo na ng kanyang tolda sa kaburulan. Nagtayo rin ng tolda si Laban sa kaburulang iyon ng Gilead.

26 Tinanong ni Laban si Jacob, “Bakit mo ako nilinlang at itinakas mo pa ang aking mga anak na parang mga bihag? 27 Bakit mo inilihim sa akin ang iyong pag-alis? Sana'y inihatid ko kayo na may tugtugan at awitan sa saliw ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo man lamang ako binigyan ng pagkakataong mahagkan ang aking mga anak at mga apo bago sila umalis. Napakalaking kahangalan ang ginawa mong ito! 29 Kung sabagay, kaya kitang saktan, ngunit hindi ko iyon gagawin sapagkat kagabi'y sinabi sa akin ng Diyos ng iyong ama na huwag kitang pagbantaan sa anumang paraan. 30 Alam kong ginawa mo ito dahil sabik na sabik ka nang umuwi sa inyo. Subalit bakit mo naman ninakaw ang aking mga diyos?”

31 Sumagot si Jacob, “Natakot po ako na baka hindi ninyo pasamahin sa akin ang inyong mga anak. 32 Ngayon, kung makita ninyo ang inyong mga diyos sa sinuman sa amin, dapat siyang mamatay. Saksi ang naritong mga kamag-anak natin; tingnan ninyo kung mayroon kayong anumang ari-arian dito at kunin ninyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel ang kumuha ng mga diyus-diyosan ni Laban.

33 Hinalughog ni Laban ang tolda ni Jacob, ang kay Lea, at gayon din ang sa dalawang aliping babae, ngunit hindi niya nakita ang kanyang mga diyos. Pumasok din siya sa tolda ni Raquel, 34 ngunit naitago na nito ang mga diyus-diyosan sa upuang nasa likod ng kamelyo at iyon ay kanyang inuupuan. Hinalughog na mabuti ni Laban ang buong tolda, ngunit wala siyang nakita. 35 Sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag po kayong magagalit sa akin kung sa harapan ninyo'y hindi ako makatayo, sapagkat ako po'y mayroon ngayon.”[a] Patuloy na naghanap si Laban, ngunit hindi rin niya nakita ang kanyang mga diyus-diyosan.

36 Nagalit nang husto si Jacob at tinanong niya si Laban, “Ano bang pagkakasala ang ginawa ko sa inyo? May batas ba akong nilabag at gayon na lamang ang paghahalughog ninyo? 37 Kung may nakuha kayong ari-arian sa sinuman sa amin, ilabas ninyo at hayaan ninyong hatulan tayo ng ating mga kasamahan! 38 Dalawampung taon tayong nagkasama. Patuloy ang pagdami ng inyong mga tupa't kambing, at ni isang tupang barako sa kawan ninyo'y di ko pinangahasang kainin. 39 Kung may tupang sinila ng mababangis na hayop, hindi ko na ipinapakita sa inyo. Pinapalitan ko agad. Pinipilit ninyo akong magbayad ng anumang nawawala, maging iyo'y ninakaw sa gabi o sa araw. 40 Mahabang panahon akong nagtiis ng matinding init ng araw, at lamig ng gabi. Kulang na kulang ako sa tulog. 41 Iyan ang naranasan ko sa loob ng dalawampung taóng kasama ninyo. Labing-apat na taon akong naglingkod sa inyo dahil sa dalawa ninyong anak na babae, at anim na taon pa para sa inyong mga kawan. Sa kabila noon, sampung beses ninyong binago ang ating partihan. 42 Mabuti na lamang at kasama ko ang Diyos ng aking mga magulang, ang Diyos ni Abraham na sinamba ni Isaac. Kung hindi, marahil ay pinalayas ninyo ako nang walang kadala-dala. Alam ng Diyos ang aking hirap at pagod, kaya, kagabi'y pinagsabihan niya kayo.”

Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban

43 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Ang lahat ng dala mo'y akin: aking mga anak, aking mga apo at aking mga kawan. Ngunit ano pa ang magagawa ko? 44 Ang mabuti'y gumawa tayo ng kasunduan. Magbunton tayo ng bato na siyang magpapaalaala ng ating kasunduan.”

45 Naglagay si Jacob ng isang bato bilang isang alaala. 46 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na maglagay rin doon ng bato. Pagkatapos, kumain sila sa tabi ng bunton ng mga bato. 47 Ito'y tinawag ni Laban na Jegar-sahaduta,[b] at Gal-ed[c] naman ang itinawag doon ni Jacob, 48 sapagkat sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ng mga bato ang tagapagpaalala ng kasunduan nating dalawa.” 49 Tinawag ding Mizpa[d] ang lugar na iyon sapagkat sinabi ni Laban, “Bantayan nawa tayo ni Yahweh samantalang tayo'y magkalayo. 50 Kapag inapi mo ang aking mga anak, o nag-asawa ka ng iba, alalahanin mo na wala man ako roon, ang Diyos ang saksi sa ating kasunduan.” 51 Pagkatapos, sinabi pa ni Laban, “Narito sa pagitan natin ang mga batong ibinunton ko, at narito rin ang batong inilagay mo. 52 Ang mga ito ang ating palatandaan. Ito rin ang magiging hanggahan natin upang maiwasan ang paglusob sa isa't isa. 53 Ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor ang hahatol sa atin.” At sa pangalan ng Diyos na sinamba ng ama niyang si Isaac ay sumumpa si Jacob na tutupad siya sa kasunduang ito. 54 Pagkatapos, nagpatay siya ng isang hayop at ito'y inihandog doon sa bundok. Nagsalu-salo sila at doon na rin nagpalipas ng gabi. 55 Kinaumagahan, umuwi na si Laban matapos hagkan ang kanyang mga anak at mga apo.

Humanda si Jacob na Salubungin si Esau

32 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “Ito ang hukbo ng Diyos,” kaya tinawag niyang Mahanaim[e] ang lugar na iyon.

Nagpadala siya ng mga sugo sa kapatid niyang si Esau sa lupain ng Seir, sa lupain ng Edom. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Ako si Jacob na abang lingkod mo. Matagal akong nanirahan sa Tiyo Laban at ngayon lamang ako uuwi. Marami akong mga baka, asno, tupa, kambing at mga alipin. Pinauna ko ang mga sugong ito upang ipakiusap sa iyo na magkasundo na tayo.”

Pagbalik ng mga sugo, sinabi nila, “Nakausap po namin si Esau at ngayon po'y nasa daan na siya at may kasamang apatnaraang lalaki upang salubungin kayo.” Natakot si Jacob at lubhang nabahala. Kaya't pinagdalawa niyang pangkat ang kanyang mga tauhan pati mga hayop upang, kung salakayin sila ni Esau, ang isang pangkat ay makakatakas.

At nanalangin si Jacob, “Diyos ni Abraham at ni Isaac, tulungan po ninyo ako! Sinabi po ninyong ako'y bumalik sa aming lupain at mga kamag-anak, at hindi ninyo ako pababayaan. 10 Hindi po ako karapat-dapat sa lahat ng kagandahang-loob ninyo sa akin. Nang tumawid po ako sa Jordan, wala akong dala kundi tungkod, ngunit ngayon sa aking pagbabalik, dalawang pangkat na ang aking kasama. 11 Iligtas ninyo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Nangangamba po akong sa pagkikita nami'y patayin niya kami pati mga babae at mga bata. 12 Nangako(A) po kayong hindi ninyo ako pababayaan. Sinabi ninyong pararamihin ninyo ang aking lahi, sindami ng mga buhangin sa dagat.”

Mateo 10:24-11:6

24 “Walang(A) alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. 25 Sapat(B) nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”

Ang Dapat Katakutan(C)

26 “Kaya(D) huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan.[a] 28 Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. 29 Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. 30 At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. 31 Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”

Pagpapatotoo kay Cristo(E)

32 “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit(F) ang sinumang ikaila ako sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.”

Hindi Kapayapaan Kundi Tabak(G)

34 “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. 35 Naparito(H) ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. 36 At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay.

37 “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang(I) hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang(J) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”

Mga Gantimpala(K)

40 “Ang(L) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. 42 Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.”

Ang mga Isinugo ni Juan na Tagapagbautismo(M)

11 Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral sa mga bayang malapit doon.

Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. Nakakakita(N) ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling[b] ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

Mga Awit 13

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

13 Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?
    Gaano katagal kang magtatago sa akin?
Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin
    at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?
    Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?

Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,
    huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.
Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,
    at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.

Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,
    magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
O Yahweh, ika'y aking aawitan,
    dahil sa iyong masaganang kabutihan.

Mga Kawikaan 3:16-18

16 Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman,
    may taglay na kayamanan at may bungang karangalan.
17 Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman,
    at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw.
18 Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan,
    para siyang punongkahoy na mabunga kailanman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.