Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 26:17-27:46

17 Kaya, umalis si Isaac at nanirahan muna sa libis ng Gerar. 18 Ipinahukay niyang muli ang mga balon ni Abraham na tinabunan ng mga Filisteo. At ang mga balong iyon ay tinawag ni Isaac sa dating tawag dito ng kanyang ama.

19 Ang mga tauhan ni Isaac ay nakahukay ng isang malakas na bukal sa libis, 20 ngunit nakipag-away ang mga pastol na taga-Gerar at inangkin ang bukal ng tubig na iyon. Kaya't ang balong iyon ay tinawag ni Isaac na “Balon ng Away” sapagkat sila'y inaway ng mga tagaroon.

21 Nang makahukay muli sila, nakipagtalo na naman sa kanila ang mga taga-Gerar, kaya't tinawag naman itong “Balon ng Pagtatalo.” 22 Lumayo sila roon at humukay ng ibang balon. Wala nang umangkin nito, kaya't tinawag niyang “Balon ng Kalayaan.” Ang sabi niya, “Uunlad tayo sa lupaing ito, sapagkat binigyan tayo ni Yahweh ng kalayaang mamuhay sa lupaing ito.”

23 Umalis si Isaac at nagpunta sa Beer-seba. 24 Nang gabing iyon, nagpakita sa kanya si Yahweh, at ang sabi,

“Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham,
huwag kang matakot, sapagkat sasamahan kita;
pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong lahi
alang-alang kay Abraham na tapat kong alipin.”

25 Nagtayo si Isaac ng altar doon at sinamba si Yahweh. Tumigil sila sa lugar na iyon at humukay muli ng balon ang kanyang mga alipin.

Ang Kasunduan ni Isaac at ni Abimelec

26 Dumating(A) si Abimelec buhat sa Gerar kasama si Ahuzat na kanyang tagapayo at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. 27 Tinanong siya ni Isaac, “Bakit mo ako dinalaw? Hindi ba't galit ka sa akin at ako'y pinaalis mo sa iyong bayan?”

28 Ito ang sagot nila: “Naniniwala na kami ngayon na kasama mo ang Diyos; nais naming makipagkasundo sa iyo. Ipangako mo sanang 29 hindi mo kami pipinsalain, sapagkat hindi ka rin naman namin pininsala. Pinakitaan ka namin ng mabuti at hindi ka ginambala sa iyong pag-alis. Ikaw ngayon ang pinagpapala ni Yahweh.” 30 Naghanda si Isaac ng malaking salu-salo at sila'y nagkainan at nag-inuman. 31 Kinaumagahan, sila'y nagsumpaang magiging magkaibigan, at saka mapayapang naghiwalay.

32 Nang araw ring iyon, ibinalita ng mga alipin ni Isaac na sila'y nakahukay na ng tubig. 33 Tinawag niyang “Balon ng Panata” ang balong iyon. Kaya, hanggang ngayon ay Beer-seba[a] ang tawag sa lunsod na itinayo roon.

Nag-asawa ng mga Dayuhan si Esau

34 Apatnapung taon si Esau nang siya'y mag-asawa; si Judit na anak ng Heteong si Beeri ang napangasawa niya. Naging asawa rin niya si Basemat, anak naman ni Elon, isa ring Heteo. 35 Ang dalawang ito ang naging dahilan ng malaking sama ng loob nina Isaac at Rebeca.

Nakuha ni Jacob ang Pagpapala

27 Si Isaac ay matanda na at halos hindi na makakita, kaya ipinatawag niya si Esau, ang anak niyang panganay. Sinabi niya rito, “Anak, matanda na ako at malapit nang mamatay. Pumunta ka sa parang at mangaso. Ihuli mo ako ng hayop at lutuin ang putahing gusto ko. Pagkakain ko'y igagawad ko sa iyo ang aking basbas bago ako mamatay.”

Nakikinig pala si Rebeca samantalang kinakausap ni Isaac si Esau. Kaya't nang umalis ito upang sundin ang bilin ng ama, tinawag ni Rebeca si Jacob at sinabi, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau: ‘Ihuli mo ako ng hayop at lutuin mo para sa akin. Pagkakain ko, babasbasan kita sa harapan ni Yahweh bago ako mamatay.’ Kaya't ganito ang gawin mo, anak: Kumuha ka agad ng dalawang kambing na mataba at iluluto ko para sa iyong ama. Ipaghahanda ko siya ng pagkaing gustung-gusto niya, 10 at ipakain mo sa kanya upang ikaw ang mabigyan ng basbas bago siya mamatay!”

11 Ngunit sumagot si Jacob sa kanyang ina, “Balbon po si Esau, samantalang ako'y hindi. 12 Malalaman ng aking ama na nililinlang ko siya kapag ako'y kanyang nahipo; susumpain niya ako sa halip na basbasan.”

13 Sumagot ang ina, “Hayaan mong sa akin tumalab ang anumang sumpa niya. Basta't sumunod ka, anak; ako na ang bahala. Kumuha ka na ng kambing.” 14 Kumuha nga si Jacob ng kambing, at iniluto ng kanyang ina ang putahing gustung-gusto ng kanyang ama. 15 Binihisan ni Rebeca si Jacob ng pinakamagarang damit ni Esau na nakatabi sa bahay. 16 Ang mga braso at leeg ni Jacob na walang balahibo'y binalutan niya ng balat ng kambing. 17 Pagkatapos, ipinadala sa anak ang putahe na may kasama pang tinapay na niluto rin niya.

18 Lumapit si Jacob kay Isaac. “Ama!” sabi niya.

“Sino ka ba?” tanong nito.

19 “Ako po si Esau,” sagot ni Jacob. “Nagawa ko na po ang inyong iniuutos sa akin. Narito na po ang gusto ninyong pagkain; bumangon na kayo at kainin na ninyo ito nang ako'y mabasbasan na ninyo pagkatapos.”

20 “Napakadali mo naman yatang nakahuli?” tanong ni Isaac.

“Tinulungan po ako ni Yahweh na inyong Diyos,” sagot ni Jacob.

21 Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.” 22 Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac. 23 Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob, 24 ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?”

“Ako nga po,” tugon ni Jacob.

25 Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak. 26 “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama. 27 Nang(B) lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan:

“Ang masamyong halimuyak ng anak ko,
    ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas;
28 Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas,
    upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas
    ng saganang pag-aani at katas ng ubas.
29 Hayaan(C) ang mga bansa'y gumalang at paalipin;
    bilang pinuno, ikaw ay kilalanin.
Igagalang ka ng mga kapatid mo,
    mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo.
Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din,
    ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.”

30 Matapos igawad ni Isaac ang kanyang basbas, umalis si Jacob. Siya namang pagdating ni Esau na may dalang usa. 31 Niluto niya ito nang masarap at dinala sa ama. Sinabi niya, “Maupo kayo, ama, at kainin ninyo ang dala kong pagkain upang ako'y inyong mabasbasan.”

32 “Sino ka ba?” tanong ni Isaac.

“Si Esau po, ang inyong panganay,” tugon naman niya.

33 Nanginig ang buong katawan ni Isaac. Sabi niya, “Kung gayo'y sino ang naunang nagdala sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kumain nang ika'y dumating. Binasbasan ko na siya at tataglayin niya iyon magpakailanman.”

34 Humagulgol ng iyak si Esau nang marinig ito at nagmamakaawa, “Basbasan din po ninyo ako, ama!”

35 Ngunit sinabi ni Isaac, “Nilinlang ako ng iyong kapatid kaya nakuha niya ang basbas ko para sa iyo.”

36 Nagsalita(D) si Esau, “Dalawang beses na niya akong dinaya, kaya pala Jacob[b] ang kanyang pangalan! Kinuha na niya ang aking karapatan bilang panganay, at ngayo'y inagaw niya pati ang basbas na ukol sa akin! Wala na ba kayong nalalabing basbas para sa akin?”

37 “Wala na akong magagawa, anak,” sagot ni Isaac. “Siya'y panginoon mo na ngayon; ginawa ko nang alipin niya ang kanyang mga kamag-anak. Ibinigay ko na sa kanya ang kasaganaan sa pagkain at inumin, kaya wala nang nalalabi para sa iyo.”

38 Ngunit(E) patuloy na nagmamakaawa sa kanyang ama si Esau, “Talaga bang iisa lang ang inyong basbas, ama? Basbasan na rin ninyo ako.” At patuloy siyang nanangis.

39 Sinabi(F) ni Isaac sa kanya,
“Ang magiging tahanan mo'y malayo sa kasaganaan,
    pati hamog mula sa langit, ika'y pagkakaitan.
40 Tabak(G) mo ang iyong ikabubuhay,
    kapatid mo'y iyong paglilingkuran;
upang kalayaa'y iyong makamit,
    kailangang ikaw ay maghimagsik.”

41 Namuhi si Esau kay Jacob sapagkat ito ang binasbasan ng kanyang ama. Kaya't ganito ang nabuo sa kanyang isipan: “Pagkamatay ng aking ama, at ito'y hindi na magtatagal, papatayin ko si Jacob!”

42 May(H) nakapagsabi kay Rebeca tungkol sa balak ni Esau, kaya't ipinagbigay-alam niya agad ito kay Jacob. Sinabi niya, “Anak, binabalak ng iyong kapatid na patayin ka upang makapaghiganti siya. 43 Makinig ka sa akin, anak. Umalis ka kaagad! Pumunta ka sa Haran at doon ka muna tumira sa aking kapatid na si Laban. 44 Doon ka muna hanggang hindi humuhupa ang galit ng iyong kapatid; 45 malilimutan din niya ang ginawa mo sa kanya. Hayaan mo't pababalitaan kita kung maaari ka nang bumalik. Masakit man sa loob ko ang malayo ka sa akin, lalong hindi ko matitiis ang kayo'y parehong mawala sa akin.”

Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban

46 Sinabi ni Rebeca kay Isaac, “Hirap na hirap na ang loob ko sa mga dayuhang asawa ni Esau. Kapag Hetea ring tulad nila ang napangasawa ni Jacob, mabuti pang mamatay na ako.”

Mateo 9:1-17

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sarili niyang bayan. Pagdating doon, dinala sa kanya ng ilang tao ang isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” May ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon at sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan niya ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Ano ba ang mas madali, ang sabihing, ‘pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘tumayo ka at lumakad’? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Tumayo nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila'y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.

Tinawag si Mateo(B)

Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya.

10 Nang(C) si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” 12 Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 13 Humayo(D) kayo at unawain ang kahulugan nito: ‘Habag ang nais ko at hindi handog.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”

Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(E)

14 Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, “Kami po ay [madalas][a] mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?” 15 Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.

16 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 17 Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.”

Mga Awit 10:16-18

16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
    mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.

17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
    patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
    upang wala nang taong mananakot ng kapwa.

Mga Kawikaan 3:9-10

Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan,
    at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.
10 Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,
    sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.