Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 32:13-34:31

13 Kinabukasan, si Jacob ay naghanda ng regalo para kay Esau. Pumili siya ng 14 dalawampung barako at dalawandaang inahing kambing, dalawandaang inahing tupa at dalawampung barako, 15 tatlumpung gatasang kamelyo na may mga anak, apatnapung inahing baka at sampung toro, at dalawampung inahing asno at sampung lalaking asno. 16 Bawat kawan ay ipinagkatiwala niya sa isang alipin. Sinabi niya sa kanila, “Mauna kayo sa akin, ngunit huwag kayong magsasabay-sabay; lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.” 17 Sinabi niya sa naunang alipin, “Kung masalubong mo ang aking kapatid at tanungin ka, ‘Sino ang iyong panginoon? Saan ka pupunta? Kaninong mga hayop ito?’ 18 Sabihin mong, ‘Ito po'y galing sa inyong lingkod na si Jacob. Regalo po niya ito sa panginoon niyang si Esau.’ Sabihin mo ring kasunod na ninyo ako.” 19 Ganito rin ang iniutos niya sa pangalawa, pangatlo at sa lahat ng aliping kasama ng kawan. 20 Ipinasabi rin niya sa mga ito na siya'y kasunod nila. Inisip ni Jacob na sa ganitong paraa'y patatawarin siya ni Esau, kung sila'y magtagpo, dahil sa mga regalong padala niya. 21 Ang mga regalong ito'y nauna sa kanya; nagpahinga muna siya sa kanyang kampo nang gabing iyon.

Nakipagbuno si Jacob sa Peniel

22 Nang gabi ring iyon, gumising si Jacob at itinawid sa Ilog Jabok ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang asawang-lingkod. 23 Pagkatapos(A) maitawid ang lahat niyang ari-arian, 24 naiwang(B) mag-isa si Jacob.

Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa pagbubukang-liwayway. 25 Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya madadaig si Jacob, hinampas niya ito sa balakang at ang buto nito'y nalinsad. 26 Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!”

“Hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ako binabasbasan,” wika ni Jacob. 27 Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya'y si Jacob.

28 Sinabi(C) sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo'y Israel[a] na ang itatawag sa iyo, at hindi na Jacob, sapagkat nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 “Ano(D) namang pangalan ninyo?” tanong ni Jacob.

“Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob.

30 Sinabi ni Jacob, “Nakita ko ang mukha ng Diyos, gayunma'y buháy pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel[b] ang lugar na iyon. 31 Sumisikat na ang araw nang umalis siya roon at papilay-pilay na lumakad. 32 Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayo'y hindi kinakain ng mga Israelita ang litid ng pigi ng hayop, sapagkat iyon ang bahaging napilay kay Jacob.

Nagkita sina Jacob at Esau

33 Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila.

“Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau.

“Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau.

“Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya.

Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.”

10 Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! 11 Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob.

12 “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau.

13 Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. 14 Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.”

15 “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau.

“Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. 16 Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. 17 Pumunta naman si Jacob sa Sucot[c] at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon.

18 Mula sa Sucot, si Jacob ay tumawid sa Shekem at nagtayo ng kanyang tolda sa isang parang sa tapat ng lunsod. Nagbalik siya sa Canaan matapos manirahan nang matagal sa Mesopotamia. 19 Ang(E) parang na pinagtayuan niya ng tolda ay binili niya sa tagapagmana ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang sandaang pirasong pilak. 20 Doon siya nagtayo ng altar at tinawag niyang El-Elohe-Israel, na ang kahulugan ay si El ang Diyos ng Israel.

Ginahasa si Dina

34 Minsan, si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob kay Lea, ay dumalaw sa ilang kababaihan sa lupaing iyon. Nakita siya ni Shekem, anak na binata ni Hamor na isang Hivita at pinuno sa lupaing iyon. Sapilitan siyang isinama nito at ginahasa. Ngunit napamahal na nang husto kay Shekem si Dina at sinikap niyang suyuin ito. Sinabi ni Shekem sa kanyang ama na lakaring mapangasawa niya ang dalaga.

Nalaman ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem ang kanyang anak, ngunit hindi muna siya kumibo sapagkat nagpapastol noon ng baka ang kanyang mga anak na lalaki. Nagpunta naman si Hamor kay Jacob upang makipag-usap. Siya namang pagdating ng mga anak na lalaki ni Jacob mula sa kaparangan. Nabigla sila nang mabalitaan ang nangyari sa kapatid, at gayon na lamang ang kanilang galit dahil sa ginawa ni Shekem. Ito'y itinuring nilang isang paglapastangan sa buong angkan ni Jacob. Sinabi ni Hamor, “Yaman din lamang na iniibig ni Shekem si Dina, bakit hindi pa natin sila ipakasal? Magkaisa na tayo! Hayaan nating mapangasawa ng aming mga binata ang inyong mga dalaga, at ng aming mga dalaga ang inyong mga binata. 10 Sa gayo'y maaari na kayong manatili dito sa aming lupain. Maaari kayong tumira kung saan ninyo gusto; maaari kayong maghanapbuhay at magkaroon ng ari-arian.”

11 Nakiusap ding mabuti si Shekem sa ama at mga kapatid ni Dina. Sinabi niya, “Pagbigyan na po ninyo ang aking hangarin, at humiling naman kayo ng kahit anong gusto ninyo. 12 Sabihin po ninyo kung ano ang dote na dapat kong ibigay at kung magkano pa ang kailangan kong ipagkaloob sa inyo, makasal lamang kami.”

13 Dahil sa paglapastangan kay Dina, mapanlinlang ang pagsagot ng mga anak na lalaki ni Jacob sa mag-amang Hamor at Shekem. 14 Sinabi nila, “Malaking kahihiyan namin kung hindi tuli ang mapapangasawa ng aming kapatid. 15 Papayag lamang kami kung ikaw at ang lahat ng mga lalaking nasasakupan ninyo ay magpapatuli. 16 Pagkatapos, maaari na ninyong mapangasawa ang aming mga dalaga at ang inyo nama'y mapapangasawa namin. Magiging magkababayan na tayo at mamumuhay tayong magkakasama. 17 Kung di kayo sasang-ayon, isasama na namin si Dina at aalis na kami.”

18 Pumayag naman ang mag-amang Hamor at Shekem. 19 Hindi na sila nag-aksaya ng panahon sapagkat napakalaki ng pag-ibig ni Shekem kay Dina. Si Shekem ay iginagalang ng lahat sa kanilang sambahayan.

20 Sa may pintuan ng lunsod, tinipon ng mag-ama ang lahat ng lalaki sa Shekem. Sinabi nila, 21 “Napakabuting makisama ng mga dayuhang dumating dito sa atin. Dito na natin sila patirahin, maluwang din lamang ang ating lupain. Pakasalan natin ang kanilang mga dalaga at sila nama'y gayon din. 22 Ngunit mangyayari lamang ito kung ang ating mga kalalakihan ay patutuli na tulad nila. 23 Sa gayon, ang kanilang ari-arian, mga kawan at bakahan ay mapapasaatin. Sumang-ayon na tayong mamuhay silang kasama natin.” 24 Sumang-ayon naman sa panukalang ito ang mga lalaki, at silang lahat ay nagpatuli.

25 Nang ikatlong araw na matindi pa ang kirot ng sugat ng mga tinuli, kinuha nina Simeon at Levi na mga kapatid ni Dina, ang kanilang tabak at pinagpapatay ang mga lalaki roon na walang kamalay-malay. 26 Pinatay nila pati ang mag-amang Hamor at Shekem, at itinakas si Dina. 27 Pagkatapos ng pagpatay sinamsam naman ng ibang mga anak ni Jacob ang mahahalagang ari-arian doon. Ginawa nila ito dahil sa panghahalay sa kanilang kapatid na babae. 28 Sinamsam nila pati mga kawan, mga baka, mga asno at lahat ng mapapakinabangan sa bayan at sa bukid. 29 Dinala nilang lahat ang mga kayamanan, binihag ang mga babae't mga bata, at walang itinirang anuman.

30 Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng napakalaking suliranin. Ngayon, kamumuhian ako ng mga Cananeo at Perezeo. Kapag nagkaisa silang salakayin tayo, wala tayong sapat na tauhang magtatanggol; maaari nilang lipulin ang aking sambahayan.”

31 Ngunit sila'y sumagot, “Hindi po kami makakapayag na ituring na isang masamang babae ang aming kapatid.”

Mateo 11:7-30

Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta?[a] Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 10 Sapagkat(A) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ 11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula(B) nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas.[b] 13 Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa kaharian ng langit.[c] 14 Kung(C) naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. 15 Makinig ang may pandinig!

16 “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa lansangan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”

Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(D)

20 Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, 21 “Kawawa(E) kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo. 23 At(F) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo[d] hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. 24 Ngunit(G) sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom!”

Lumapit sa Akin at Magpahinga(H)

25 Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo.

27 “Ibinigay(I) na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya.

28 “Lumapit(J) kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. 29 Pasanin(K) ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan 30 sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Mga Awit 14

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
    Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!

Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
    tinitingnan kung may taong marunong pa,
    na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
Silang lahat ay naligaw ng landas,
    at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
    wala ni isa man, wala nga, wala!

Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
    itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
    at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”

Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
    ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.

Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
    mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
    kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.

Mga Kawikaan 3:19-20

19 Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig,
    sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit.
20 Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig,
    pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.