The Daily Audio Bible
Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.
Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases
48 Nabalitaan ni Jose na may sakit ang kanyang ama, kaya't isinama niya ang dalawang anak na lalaki, sina Manases at Efraim, at dinalaw ang matanda. 2 Nang sabihin kay Jacob na dumating si Jose, nagpilit siyang bumangon at naupo sa kanyang higaan. 3 Sinabi(A) niya kay Jose, “Nang ako'y nasa Luz, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Diyos at binasbasan ako. 4 Sinabi niya na darami ang aking mga anak at ang aking lahi ay magiging isang malaking bansa, at ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon habang panahon. 5 Ang dalawa mong anak na isinilang dito sa Egipto bago ako dumating ay ibibilang sa aking mga anak. Kaya, tulad nina Ruben at Simeon, sina Efraim at Manases ay magiging tagapagmana ko rin. 6 Ngunit ang susunod mong mga anak ay mananatiling iyo at ibibilang na lamang sa lipi ng dalawa nilang kapatid. 7 Ipinasiya(B) ko ito alang-alang kay Raquel na iyong ina. Nang pabalik ako buhat sa Mesopotamia, namatay siya sa Canaan, malapit sa Efrata. At dinamdam ko nang labis ang kanyang pagpanaw. Doon ko na siya inilibing.” (Ang Efrata ay tinatawag ngayong Bethlehem.)
8 Nang makita ni Israel ang mga anak ni Jose, tinanong ito, “Ito ba ang iyong mga anak?”
9 “Opo! Sila po ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos dito sa Egipto,” tugon niya.
Sinabi ni Israel, “Ilapit mo sila sa akin at babasbasan ko.” 10 Halos hindi na makakita noon si Israel dahil sa kanyang katandaan. Inilapit nga ni Jose ang mga bata at sila'y niyakap at hinagkan ng matanda. 11 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak.”
12 Inalis ni Jose ang mga bata sa kandungan ni Israel at yumuko siya sa harapan nito.
13 Pagkatapos, inilapit niya sa matanda ang dalawang bata, si Efraim sa gawing kaliwa at si Manases sa gawing kanan nito. 14 Ngunit pinagkurus ni Israel ang kanyang kamay at ipinatong ang kanan sa ulo ng nakababatang si Efraim at ang kaliwa sa ulo ni Manases. 15 At sila'y binasbasan,
“Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan,
ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham;
ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay,
simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.
16 At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas,
pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas;
maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras
ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac.
Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”
17 Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases. 18 Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.”
19 Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”
20 Sinabi(C) pa niya ito:
“Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin,
dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din.
Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin:
‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’”
Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.
21 Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.”
Ang Pahayag ni Jacob tungkol sa Kanyang mga Anak
49 Ipinatawag ni Jacob ang kanyang mga anak at sinabi, “Lumapit kayo sa akin, at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa hinaharap:
2 “Kayo mga anak, magsilapit sa akin,
akong inyong ama ay sumandaling dinggin.
3 “Si Ruben ang aking panganay na anak,
sa lahat kong supling ay pinakamalakas;
4 mapusok ang loob, baha ang katulad, bawat madaanan ay sumasambulat.
Sa kabila nito'y hindi ka sisikat, hindi mangunguna, hindi matatanyag;
pagkat ang ama mo ay iyong hinamak,
dangal ng aliping-asawa ko ay iyong winasak.
5 “Simeon at Levi na magkapatid,
ang sandata ninyo'y ipinanlulupig;
6 sa usapan ninyo'y di ako sasali,
sa inyong gawain, hindi babahagi.
Kapag nagagalit agad pumapatay,
lumpo pati hayop kung makatuwaan.
7 Kayo'y susumpain, sa bangis at galit,
sa ugali ninyo na mapagmalabis;
kayo'y magkawatak-watak sa buong lupain,
sa buong Israel ay pangangalatin.
8 “Ikaw naman, Juda, ay papupurihan niyong mga anak ng ina mong mahal,
hawak mo sa leeg ang iyong kaaway,
lahat mong kapatid sa iyo'y gagalang.
9 Mabangis(D) na leon ang iyong larawan,
muling nagkukubli matapos pumatay;
ang tulad ni Juda'y leong nahihimlay,
walang mangangahas lumapit sinuman.
10 Setrong sagisag ng lakas at kapangyarihan
sa kanya kailanma'y hindi lilisan;
mga bansa sa kanya'y magkakaloob,
mga angkan sa kanya'y maglilingkod.
11 Batang asno niya doon natatali,
sa puno ng ubas na tanging pinili;
mga damit niya'y doon nilalabhan,
sa alak ng ubas na lubhang matapang.
12 Mata'y namumula dahilan sa alak,
ngipi'y pumuputi sa inuming gatas.
13 “Sa baybaying-dagat doon ka, Zebulun,
ang sasakyang-dagat sa iyo kakanlong;
ang iyong lupai'y aabot sa Sidon.
14 “Malakas na asno ang katulad mo, Isacar,
ngunit sa kulungan ka maglulumagak.
15 Nang kanyang makita iyong pahingahan,
ang lupain doo'y tunay na mainam,
tiniis na niyang makuba sa pasan,
nagpaalipin na kahit mahirapan.
16 “Si Dan ay magiging isang pangunahin,
katulad ng ibang pinuno ng Israel.
17 Ahas na mabagsik sa tabi ng daan,
na handang tumuklaw sa kabayong daraan;
upang maihulog iyong taong sakay.
18 “Sa pagliligtas mo, O Diyos, ako'y maghihintay.
19 “Haharangin si Gad ng mga tulisan,
lalabanan niya at magtatakbuhan.
20 “Ang bukid ni Asher ay pag-aanihan
ng mga pagkain ng taong marangal.
21 “Si Neftali naman ay tulad ng usa,
malaya't ang dalang balita'y maganda.
22 “Si Jose nama'y baging na mabunga.
Sa tabi ng bukal nakatanim siya,
paakyat sa pader ang pagtubo niya.
23 Mga mangangaso ang nagpapahirap,
hinahabol siya ng palaso't sibat.
24 Subalit ang iyong busog ay mananatiling malakas,
ang iyong mga bisig ay palalakasin,
ang dahilan nito'y ang Diyos ni Jacob,
pastol ng Israel, matibay na muog.
25 Diyos ng iyong ama'y siyang sasaklolo,
ang Makapangyarihang Diyos magbabasbas sa iyo.
Magbuhat sa langit, bubuhos ang ulan,
malalim na tubig sa lupa'y bubukal;
dibdib na malusog, pati bahay-bata'y pagpapalain di't kanyang babasbasan.
26 Darami ang ani, bulaklak gayon din,
maalamat na bundok ay pagpapalain;
pati mga burol magkakamit-aliw.
Pagpapalang ito nawa ay makamit ni Joseng nawalay sa mga kapatid.
27 “Tulad ni Benjami'y lobong pumapatay,
sumisila ito ng inaalmusal.
Kung gabi, ang huli'y pinaghahatian.”
28 Ito ang labindalawang anak ni Israel, at gayon sila binasbasan ng kanilang ama ayon sa basbas na angkop sa kanila.
Namatay at Inilibing si Jacob
29 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang(E) libingang iyo'y nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham, 31 at(F) doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at yungib na iyon ay binili nga sa mga Heteo.” 33 Matapos(G) masabi ang lahat ng ito, siya ay humimlay at namatay.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Pag-alis doon, naglakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. 31 Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.”
33 Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?”
34 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila.
35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 38 May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
39 Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan.[a]
Hiningan ng Tanda si Jesus(B)
16 Lumapit(C) kay Jesus ang ilang Pariseo at Saduseo. Upang siya'y subukin, humingi sila sa kanya ng isang himala mula sa langit. 2 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, [“Kapag dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon dahil maaliwalas ang langit.’ 3 At kapag umaga nama'y sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon dahil madilim ang langit.’ Nakakabasa kayo ng palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon.][b] 4 Lahing(D) masama at taksil sa Diyos! Humihingi kayo ng palatandaan, ngunit walang ibibigay sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Jonas!”
Pagkatapos nito, umalis si Jesus.
Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo(E)
5 Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. 6 Sinabi(F) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.”
7 Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.”
8 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! 9 Hindi(G) pa ba ninyo nauunawaan hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo ang limang tinapay na pinaghati-hati para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 10 Gayundin(H) ang pitong tinapay para sa apat na libo. Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 11 Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” 12 At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay.
Panalangin Upang Magtagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
2 Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
3 Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
4 Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
7 Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
8 Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.
9 O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
ang aming panawagan, ay iyong sagutin.
20 Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
21 Huwag itong babayaang mawala sa paningin,
sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
22 Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay,
nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan.
23 Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan,
pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
24 Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay,
ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.
25 Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw,
ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan.
26 Siyasatin(A) mong mabuti ang landas na lalakaran,
sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay.
27 Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan;
humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.