The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
35 Sinabi(A) ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. 3 Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” 4 Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.
5 Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis. 6 Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan, 7 gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel[a] ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid. 8 Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.”
9 Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan, 10 “Jacob(B) ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.” 11 Sinabi(C) pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa. 12 Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.” 13 At iniwan siya ng Diyos. 14 Naglagay(D) si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos. 15 Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon.
Namatay si Raquel
16 Umalis sila sa Bethel. Nang sila'y malapit na sa Efrata, naramdaman ni Raquel na manganganak na siya at napakatindi ng kanyang hirap. 17 Sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, lalaki na naman ang isisilang mo.” 18 Nasa bingit na siya ng kamatayan, at bago siya nalagutan ng hininga, ang sanggol ay tinawag niyang Benoni,[b] ngunit Benjamin[c] naman ang ipinangalan ni Jacob.
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daang patungo sa Efrata na ngayon ay Bethlehem. 20 Ang puntod ay nilagyan ni Jacob ng batong pananda at hanggang ngayo'y makikita pa rin ang panandang iyon sa puntod ni Raquel. 21 Nagpatuloy ng paglalakbay si Israel at nagkampo sa kabilang panig ng tore ng Eder.
Ang mga Anak ni Jacob(E)
22 Samantalang(F) sina Israel ay nasa lupaing iyon, sumiping si Ruben kay Bilha na isa sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Nalaman ito ni Israel.
Labindalawa ang mga anak na lalaki ni Jacob: 23 kay Lea, ang naging anak niya'y sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun; 24 kay Raquel, si Jose at si Benjamin; 25 kay Bilha na alipin ni Raquel, si Dan at si Neftali; 26 kay Zilpa naman na alipin ni Lea, ang naging anak niya'y sina Gad at Asher. Sa Mesopotamia ipinanganak ang lahat ng ito.
Namatay si Isaac
27 Dumalaw(G) si Jacob sa kanyang amang si Isaac sa Mamre, na tinatawag ding Lunsod ng Arba o Hebron. Dito rin tumira si Abraham. 28 Si Isaac ay 180 taon 29 nang mamatay at mamahinga sa piling ng kanyang mga ninuno. Siya'y inilibing nina Esau at Jacob.
Ang mga Nagmula sa Lahi ni Esau(H)
36 Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Esau na tinatawag ding Edom. 2 Ang(I) napangasawa niya ay mga Cananea: si Ada, anak ni Elon na Heteo, si Aholibama, anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hivita, 3 at(J) si Basemat na anak naman ni Ismael at kapatid ni Nebayot. 4 Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz; kay Basemat ay si Reuel; 5 at kay Aholibama ay sina Jeus, Jalam at Korah. Silang lahat ay ipinanganak sa Canaan.
6 Nangibang-bayan si Esau kasama ang kanyang mga asawa, mga anak, mga tauhan, pati ang mga hayop at ang lahat ng ari-arian ay kanyang dinala. 7 Iniwan niya si Jacob sa Canaan, sapagkat ang lupaing ito'y hindi na sapat sa kanilang mga kawan. 8 Sa Seir nanirahan si Esau.
9 Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Esau, ang pinagmulan ng mga Edomita sa kaburulan ng Seir: 10 si Elifaz, anak kay Ada; at si Reuel, kay Basemat. 11 Ang mga anak naman ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz. 12 At si Amalek ang naging anak ni Elifaz kay Timna. Sila ang mga apo ni Esau kay Ada.
13 Ito naman ang mga apo ni Esau kay Reuel na anak ni Basemat: Nahat, Zera, Shammah at Miza.
14 Ang mga anak ni Esau kay Aholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon, ay sina Jeus, Jalam at Korah.
15-16 Ito ang mga pinuno sa lahi ni Esau: Teman, Omar, Zefo at Kenaz, Korah, Gatam at Amalek, mga anak ni Elifaz na kanyang panganay at apo ni Ada. Sila'y naging pinuno sa lupain ng Edom.
17 Naging mga pinuno rin sa lupain ng Edom sina Nahat, Zera, Shammah, at Miza na mga anak ni Reuel. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.
18 Sina Jeus, Jalam at Korah ang naging pinuno sa mga anak ni Esau kay Aholibama na anak ni Ana. 19 Ang lahat ng mga liping ito'y nagmula sa lahi ni Esau.
Ang Lahi ni Seir(K)
20 Ito ang mga anak ni Seir, ang Horeo: Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, 21 Dishon, Ezer at Disan. Sila ang mga pinuno ng mga Horeo na unang nanirahan sa lupain ng Edom.
22 Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Heman. Si Timna ay kapatid na babae ni Lotan.
23 Ito naman ang mga anak ni Sobal: Alvan, Manahat, Ebal, Zefo at Onam.
24 Ang kay Zibeon naman ay sina Aya at Ana. Si Ana ang siyang nakatuklas ng mainit na bukal sa ilang samantalang inaalagaan ang mga asno ng kanyang ama. 25 Ang mga anak ni Ana ay si Dishon at ang kapatid nitong babae na si Aholibama. 26 Ang mga anak naman ni Dishon ay sina Hemdan, Esban, Itran at Keran.
27 Sina Bilhan, Zaavan at Acan ang mga anak naman ni Ezer.
28 At ang kay Disan ay sina Hus at Aran.
29 Ito ang mga pinuno ng mga Horeo sa lupain ng Seir ayon sa kanilang angkan: Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, 30 Dishon, Ezer at Disan.
Ang mga Hari ng Edom(L)
31 Ito naman ang mga naging hari sa lupain ng Edom bago nagkaroon ng haring Israelita. 32 Si Bela, ang anak ni Beor, ay naghari sa Lunsod ng Dinaba. 33 Pagkamatay niya, pumalit si Jobab na anak ni Zerah, na taga-Bosra. 34 Nang mamatay naman si Jobab, pumalit si Husam na Temaneo. 35 Namatay si Husam, at humalili naman si Hadad, anak ni Bedad na tumalo sa mga Midianita sa lupain ng Moab. Avit ang tawag sa kanyang lunsod. 36 Pagkamatay ni Hadad, siya'y pinalitan ni Samla na taga-Masreca. 37 Si Saul namang taga-Rehobot sa Eufrates ang sumunod na namahala pagkamatay ni Samla. 38 Pagkamatay ni Saul, ang naghari ay si Baal-hanan na anak ni Acbor. 39 Pagkamatay ni Baal-hanan, pumalit si Hadar. Ang pangalan ng lunsod niya ay Pau. Si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Mezahab ang kanyang asawa.
40 Ito ang mga liping nagmula kay Esau ayon sa kanilang tirahan: Timna, Alva, Jetet, 41 Aholibama, Ela, Pinon, 42 Kenaz, Teman, Mibzar, 43 Magdiel at Iram. Ito ang mga bansa ng Edom ayon sa kani-kanilang tirahan. Si Esau ang ninuno ng mga Edomita.
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
12 Isang(B) Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” 3 Sumagot(C) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok(D) siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. 5 Hindi(E) ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! 6 Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. 7 Kung(F) nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. 8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Kamay(G)
9 Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. 10 May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?”
11 Sumagot(H) siya, “Kung kayo'y may tupang nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? 12 Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”
13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. 14 Kaya't umalis ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.
Ang Lingkod na Hinirang
15 Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. 16 Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. 17 Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
18 “Narito(I) ang lingkod ko na aking hinirang,
ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapahayag ng katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipag-away o maninigaw,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan,
20 hindi niya babaliin ang tambong marupok,
hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap,
hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap;
21 at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.”
Ang Hinihiling ng Diyos
Awit ni David.
15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?
2 Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
3 at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
4 Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.
Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.
Ang Matiwasay na Pamumuhay
21 Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala,
huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita.
22 Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay.
23 At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay,
sa landas mo'y hindi ka matatalisod.
24 Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin,
at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing.
25 Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan,
hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang.
26 Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo,
at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.