Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 18:16-19:38

Nanalangin si Abraham Alang-alang sa Sodoma

16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma. 17 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin, 18 sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain. 19 Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.”

20 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. 21 Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.”

22 Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham. 23 Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama? 24 Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon? 25 Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”

26 At sumagot si Yahweh, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa limampung mabubuting tao.”

27 “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, sapagkat ako'y isang hamak na tao lamang. 28 Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang mabubuti, wawasakin pa rin ba ninyo ang lunsod?”

“Hindi, hindi ko wawasakin alang-alang sa apatnapu't limang iyon,” tugon ni Yahweh.

29 Nagtanong muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?”

“Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.

30 “Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang mabuting tao roon, wawasakin ba ninyo?”

Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa tatlumpung iyon.”

31 Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu na lamang ang mabubuting tao roon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa dalawampung iyon,” muling sagot sa kanya.

32 Sa huling pagkakataon ay nagtanong si Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Paano po kung sampu lamang ang mabubuting tao roon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa sampung iyon,” sagot ni Yahweh. 33 Pagkasabi nito, umalis na si Yahweh at umuwi naman si Abraham.

Ang Labis na Kasamaan sa Sodoma

19 Nang gabing dumating sa Sodoma ang dalawang anghel, nakaupo si Lot sa may pintuan ng lunsod. Pagkakita sa kanila'y tumayo si Lot at sinalubong sila. Nagpatirapa siya sa harapan ng mga anghel. “Mga ginoo,” wika niya, “inaanyayahan ko po kayo sa amin. Doon na kayo maghugas ng paa at magpalipas ng gabi. Bukas na ng umaga kayo magpatuloy ng paglalakbay.”

Ngunit sumagot sila, “Huwag na, dito na lang kami sa lansangan magpapalipas ng gabi.”

Ngunit pinilit niya ang mga ito kaya sumama na rin sila sa kanya. Nagluto si Lot ng tinapay na walang pampaalsa, naghanda ng masarap na hapunan at kumain sila.

Nang matutulog na sila, pinaligiran ng mga lalaking taga-Sodoma ang kanyang bahay. Lahat ng kalalakihan sa lunsod, bata at matanda ay naroon. Pasigaw(A) nilang tinanong si Lot, “Nasaan ang mga panauhin mong lalaki? Ilabas mo't makikipagtalik kami sa kanila!”

Lumabas si Lot at isinara ang pinto. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag, mga kaibigan, napakasama ng gagawin ninyong iyan. Ako'y may dalawang anak na dalaga, sila na lang ang ibibigay ko sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo, huwag lamang ninyong galawin ang mga lalaking ito. Mga panauhin ko sila at dapat ko silang ingatan.”

Ngunit sumigaw sila, “Huwag kang makialam, dayuhan! Sino kang magtuturo sa amin ng aming gagawin? Tumabi ka kung ayaw mong masaktan nang higit kaysa kanila!” Itinulak nila si Lot at tinangkang wasakin ang pinto. 10 Ngunit hinaltak siya ng kanyang mga panauhin, at isinara ang pinto. 11 Pagkatapos,(B) binulag nila ang mga tao sa labas kaya't hindi makita ng mga ito ang pinto.

Iniwan ni Lot ang Sodoma

12 Sinabi ng dalawang panauhin kay Lot, “Magmadali ka! Isama mong lahat ang iyong mga anak at iba pang kamag-anak na nakatira sa lunsod na ito. Umalis na kayo rito, 13 sapagkat gugunawin na namin ang lunsod na ito! Pinakinggan ni Yahweh ang mabibigat na sumbong laban sa mga taga-Sodoma at pinapunta kami ni Yahweh upang wasakin ang lunsod na ito.”

14 Kaya't pinuntahan ni Lot ang mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi sa kanila, “Umalis na kayo agad sapagkat wawasakin ni Yahweh ang lunsod na ito.” Ngunit akala nila'y nagbibiro lamang si Lot.

15 Nang magbubukang-liwayway na, inapura ng mga anghel si Lot, “Magmadali ka! Umalis na kayo ng iyong asawa't mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lunsod.” 16 Nag-aatubili(C) pa si Lot ngunit sa habag ni Yahweh, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki palabas ng lunsod. 17 Pagkatapos, isa sa mga anghel ay nagsabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa libis! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”

18 Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na po roon, Ginoo. 19 Napakalaki na ng utang na loob ko sa inyo; napakabuti ninyo at iniligtas ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon nang buháy. 20 Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”

21 “Oo, sige, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon. 22 Ngunit magmadali kayo! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga't wala kayo roon.”

Maliit ang bayang iyon kaya ito'y tinawag na Zoar.[a]

Ginunaw ang Sodoma at Gomorra

23 Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar. 24 Saka(D) pa lamang pinaulanan ni Yahweh ng apoy at asupre ang Sodoma at Gomorra. 25 Tinupok ni Yahweh ang mga lunsod na iyon at ang buong libis, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim. 26 Ngunit(E) lumingon ang asawa ni Lot kaya't ito'y naging isang haliging asin.

27 Kinabukasan, maagang nagtungo si Abraham sa dakong pinagtagpuan nila ni Yahweh. 28 Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong libis. Nakita niyang tumataas ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno. 29 Nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod na iyon, hindi nawaglit sa kanyang isipan si Abraham kaya iniligtas niya si Lot.

Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita

30 Sa takot ni Lot na manatili sa Zoar, sila ng dalawa niyang anak na babae ay umakyat sa kaburulan at nanirahan sa isang yungib doon. 31 Minsan, nag-usap ang magkapatid. Sinabi ng nakatatanda, “Wala nang natitirang lalaki sa daigdig. Matanda na ang ating ama at maaaring hindi na tayo magkaanak. 32 Mabuti pa'y lasingin natin siya at ating sipingan para magkaanak tayo.” 33 Nilasing nga nila ang kanilang ama nang gabing iyon. Sa kalasingan ni Lot, hindi niya namalayang nakipagtalik siya sa anak niyang panganay.

34 Kinabukasa'y sinabi ng panganay sa bunso, “Kagabi'y sumiping ako sa ating ama; lasingin natin siya uli mamaya, at ikaw naman ang sumiping nang pareho tayong magkaanak.” 35 Nilasing nga nila uli si Lot nang gabing iyon, at ang bunso naman ang sumiping. Tulad ng dati, hindi namalayan ni Lot ang kanyang pakikipagtalik dahil sa kalasingan. 36 Bunga nito, kapwa nagdalang-tao ang magkapatid. 37 Nagkaanak ng lalaki ang panganay at tinawag niyang Moab.[b] Siya ang ninuno ng mga Moabita ngayon. 38 Lalaki rin ang naging anak ng bunso at tinawag naman niya itong Ben-ammi.[c] Siya naman ang ninuno ng mga Ammonita ngayon.

Mateo 6:25-7:14

25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin][a] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

28 “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit(A) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit nang singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

31 “Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. 33 Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos][b] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.

34 “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”

Paghatol sa Kapwa(B)

“Huwag kayong humatol, nang kayo'y di hatulan. Sapagkat(C) hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba. Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.

“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang banal na bagay, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.”

Humingi, Humanap, Kumatok(D)

“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? 10 Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!

12 “Gawin(E) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”

Ang Makipot na Pintuan(F)

13 “Pumasok(G) kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. 14 Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.”

Mga Awit 8

Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
    Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
    kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
    pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?

Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
    sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
    mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
    lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
    at lahat ng nilikhang nasa karagatan.

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!

Mga Kawikaan 2:6-15

Sapagkat(A) si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan,
    sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay,
    at ang taong matapat ay kanyang iingatan.
Binabantayan niya ang daan ng katarungan,
    at ang lakad ng lingkod niya'y kanyang sinusubaybayan.
Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan,
    at iyong susundan ang landas ng kabutihan.
10 Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan,
    madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman.
11 Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat,
    ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas.
12 Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay,
    at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan;
13 ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan,
    na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman,
14 mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan,
    ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan.
15 Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan,
    sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.