The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
18 Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako'y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito: 19 Kung talagang nagsasabi kayo ng totoo, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba'y makakaalis na at maaari nang iuwi ang pagkaing binili ninyo para sa inyong mga pamilya. 20 Ngunit pagbalik ninyo'y kailangang isama ninyo ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo'y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo mamamatay.” Sumang-ayon ang lahat.
21 Pagkatapos, ang sabi nila sa isa't isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.”
22 “Iyan(A) na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Ruben. “Nakiusap ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.” 23 Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng tagasalin sa wika kapag humaharap sa kanila. 24 Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi na niya mapigil ang pag-iyak. Nang panatag na ang kanyang kalooban, bumalik siya at ibinukod si Simeon. Ipinagapos niya ito sa harapan nila.
Nagbalik ang mga Kapatid ni Jose sa Canaan
25 Iniutos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sako at ilagay doon ang salaping ibinayad nila. Pinabigyan pa sila ng makakain sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang utos ni Jose. 26 Ikinarga ng magkakapatid sa mga asno ang kanilang biniling pagkain, at sila'y umalis. 27 Pagsapit ng gabi, tumigil sila upang magpahinga. Binuksan ng isa ang kanyang sako upang pakainin ang asno niya at nakita ang salapi sa loob ng sako. 28 Napasigaw ito, “Ibinalik sa akin ang aking salapi! Heto sa aking sako!”
Nanginig sila sa takot at nagtanong sa isa't isa, “Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?”
29 Pagdating nila sa Canaan, isinalaysay nila kay Jacob ang nangyari sa kanila. Sinabi nila, 30 “Ama, napakabagsik pong magsalita ng gobernador sa Egipto. Akalain ba naman ninyong pagbintangan pa kaming mga espiya! 31 Sinabi po naming mga tapat na tao kami at hindi mga espiya. 32 Ipinagtapat pa naming kami'y labindalawang magkakapatid na lalaki at iisa ang aming ama. Sinabi po namin na patay na ang isa naming kapatid, at ang bunso nama'y kasama ninyo rito sa Canaan. 33 Pagkatapos po naming sabihin ito, akalain ninyong susubukan daw niya kung kami'y nagsasabi ng totoo! Pinaiwan po si Simeon, at pinauwi na kaming dala ang pagkaing aming binili. 34 Ngunit mahigpit po ang bilin niya na bumalik kaming kasama ang aming bunsong kapatid bilang katunayang kami'y nagsasabi ng totoo. Kung magagawa namin ito, nangako po siyang palalayain si Simeon at pahihintulutan kaming manirahan at magnegosyo sa kanyang bansa.”
35 Nang isalin nila ang kani-kanilang sako, nakita nila ang salaping kanilang ibinayad. Kaya't pati si Jacob ay natakot. 36 Sinabi niya, “Iiwan ba ninyo akong mag-isa? Wala na si Jose, wala rin si Simeon, ngayo'y gusto pa ninyong isama si Benjamin? Napakabigat namang pasanin ito para sa akin!”
37 Sinabi ni Ruben, “Ama, kung hindi ko maibalik sa inyo si Benjamin, patayin na ninyo ang dalawa kong anak. Ipaubaya ninyo sa akin si Benjamin at ibabalik ko siya.”
38 Ngunit sinabi ni Jacob, “Hindi ko papayagang sumama sa inyo ang aking anak, patay na ang kanyang kapatid at siya na lamang ang nasa akin. Sa tanda ko nang ito, kung siya'y masasawi sa daan, hindi ko na ito makakayanan; mamamatay akong nagdadalamhati.”
Nagbalik kay Jose ang Magkakapatid
43 Lalong tumindi ang taggutom sa Canaan. 2 Nang maubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Bumili uli kayo kahit kaunting pagkain sa Egipto.”
3 Sinabi ni Juda sa kanya, “Mahigpit po ang bilin sa amin ng gobernador doon na huwag na kaming magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang kapatid naming bunso. 4 Kung pasasamahin ninyo siya, bibili po kami ng pagkain doon. 5 Kung hindi ninyo pahihintulutan, hindi po kami maaaring humarap sa gobernador.”
6 Sinabi ni Israel, “Bakit kasi sinabi ninyong mayroon pa kayong ibang kapatid? Ako ang pinahihirapan ninyo sa nangyayaring ito.”
7 Nagpaliwanag sila, “Inusisa pong mabuti ang ating pamilya. Itinanong sa amin kung mayroon pa kaming ama at iba pang kapatid. Sinagot po lamang namin ang kanyang mga tanong. Hindi po namin alam na pati si Benjamin ay pipiliting iharap namin sa kanya.”
8 Kaya sinabi ni Juda kay Israel, “Ama, mamamatay tayo sa gutom. Pasamahin na ninyo si Benjamin at nang makaalis na kami. 9 Itinataya ko ang aking buhay para sa kanya. Ako po ang bahala sa kanya. Kung hindi ko siya maibalik nang buháy, ako ang buntunan ninyo ng lahat ng sisi. 10 Kung hindi ninyo kami pinaghintay nang matagal, marahil ay nakadalawang balik na kami ngayon.”
11 Sinabi ni Israel, “Kung iyon ang mabuti, sige, payag na ako. Ngunit magdala kayo ng handog sa gobernador, kaunting balsamo, pulot-pukyutan, astragalo, laudano, alponsigo at almendra. 12 Doblehin ninyo ang dalang salapi, sapagkat kailangan ninyong ibalik ang salaping nailagay sa inyong mga sako. Maaaring isang pagkakamali lamang iyon. 13 Isama na ninyo ang inyong kapatid at lumakad na kayo. 14 Loobin nawa ng Makapangyarihang Diyos na kahabagan kayo ng taong iyon upang mabalik sa akin si Simeon at si Benjamin. Kung hindi man sila maibalik, handa na ang loob ko.”
15 Nagdala nga sila ng mga kaloob at salaping dapat dalhin, at nagbalik sa Egipto, kasama si Benjamin. 16 Nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa aliping namamahala sa kanyang tahanan, “Isama mo sila sa bahay. Sila'y kasalo ko mamayang pananghalian. Magkatay ka ng hayop at iluto mo.” 17 Sinunod ng alipin ang utos ni Jose at isinama ang magkakapatid.
18 Natakot sila nang sila'y dalhin sa bahay ni Jose. Sa loob-loob nila, “Marahil, dinala tayo rito dahil sa salaping ibinalik sa ating mga sako nang una tayong pumarito. Maaaring bigla na lamang tayong dakpin, kunin ang ating mga asno, at tayo'y gawing mga alipin.”
19 Kaya't nilapitan nila ang katiwala ni Jose at kinausap sa may pintuan ng bahay nito. 20 Sinabi nila, “Ginoo, galing na po kami ritong minsan at bumili ng pagkain. 21 Nang kami'y nagpapahinga sa daan, binuksan namin ang aming mga sako at nakita sa loob ang lahat ng salaping ibinayad namin sa pagkain. Heto po't dala namin para ibalik sa inyo. 22 May dala po kaming bukod na pambili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng mga salaping iyon sa mga sako namin.”
23 “Huwag kayong mag-alaala,” sabi ng alipin. “Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon. Tinanggap ko na ang inyong kabayaran sa binili ninyong una.” Pagkatapos ay inilabas ng katiwala si Simeon at isinama sa kanila.
24 Sila'y pinapasok ng katiwala sa bahay ni Jose, pinaghugas ng mga paa, at pinakain ang kanilang mga asno. 25 Pagkatapos, inilabas ng magkakapatid ang kanilang handog para ipagkaloob kay Jose pagdating nito. Narinig nilang doon sila magsasalu-salo. 26 Pagdating ni Jose, yumukod silang lahat sa kanyang harapan at ibinigay ang dala nilang handog. 27 Kinumusta sila ni Jose at pagkatapos ay tinanong, “Kumusta naman ang inyong ama? Malakas pa ba siya?”
28 “Ginoo, buháy pa po siya at malakas,” tugon nila. At sila'y lumuhod at yumukod muli sa harapan niya.
29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin, siya ay nagtanong, “Ito ba ang sinasabi ninyong bunsong kapatid? Pagpalain ka ng Diyos, anak!” 30 Hindi mapaglabanan ni Jose ang kanyang damdamin, at halos siya'y mapaiyak dahil sa pagkakita sa kanyang kapatid. Kaya't siya'y pumasok sa kanyang silid at doon umiyak. 31 Nang mapayapa na niya ang kanyang kalooban, naghilamos siya, lumabas, at nagpahain ng pagkain. 32 Si Jose ay ipinaghaing mag-isa sa isang mesa, at ang kanyang mga kapatid ay sa ibang mesa. Magkakasalo naman ang mga Egipcio, sapagkat ikinahihiya nilang makasalo ang mga Hebreo. 33 Kaharap ni Jose ang kanyang mga kapatid na sunud-sunod ang pagkaupo ayon sa gulang. Nagkatinginan sila at takang-taka sa gayong pagkakaayos ng kanilang upô. 34 Idinudulot mula sa mesa ni Jose ang pagkain nila, at limang beses ang dami ng pagkaing idinulot kay Benjamin. Masaya silang kumain at nag-inuman.
Ang Lambat
47 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50 at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”
Kayamanang Bago at Luma
51 “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na tinuruan tungkol sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.”
Si Jesus ay Hindi Tinanggap sa Nazaret(A)
53 Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinghagang ito. 54 Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 55 Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” 57 At(B) siya'y hindi nila pinaniwalaan.
Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya gumawa roon ng maraming himala.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(C)
14 Ang balita tungkol kay Jesus ay nakarating kay Herodes na gobernador ng Galilea,[a] 2 kaya't nasabi niya sa kanyang mga lingkod, “Si Juan na Tagapagbautismo iyon! Siya'y muling nabuhay kaya't nakakagawa ng mga himala!”
3 Itong(D) si Herodes ang nagpahuli kay Juan. Ipinagapos niya ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 4 Sapagkat(E) sinasabi ni Juan kay Herodes, “Bawal na magsama kayo ng asawa ng iyong kapatid.” 5 Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan, ngunit natatakot siya sa mga Judio sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan na Tagapagbautismo.
6 Nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga panauhin. Labis na nasiyahan si Herodes, 7 kaya't sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. 8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga sa hari, “Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 9 Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niya na ibigay sa dalaga ang hiningi nito. 10 Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. 11 Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!
20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.
25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.
28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
upang tanggulan nito ay aking maagaw.
30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(A) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.
35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
7 Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan,
ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
8 Karununga'y pahalagahan at ika'y kanyang itataas,
bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap.
9 Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam,
at putong ng kaluwalhatian sa iyong katauhan.”
10 Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin,
lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.