Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 37-38

Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid

37 Si Jacob ay nanatili sa Canaan, sa lupaing tinirhan ng kanyang ama. Ito ang kasaysayan ng sambahayan ni Jacob:

Nang si Jose ay labimpitong taon na, nag-aalaga siya ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid sa ama, ang mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Alam niya ang masasamang gawain ng kanyang mga kapatid kaya't ang mga ito'y isinumbong niya sa kanilang ama.

Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas.[a] Nang mahalata ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama, kinamuhian siya ng mga ito at ayaw siyang pakisamahang mabuti.

Minsan, nanaginip si Jose at lalong namuhi ang mga kapatid niya nang ito'y ikuwento niya sa kanila. Sabi ni Jose, “Napanaginipan ko, na tayo ay nasa bukid at nagbibigkis ng trigo. Tumayo ang aking binigkis at yumukod sa paligid nito ang inyong mga binigkis.”

“Ano! Ang ibig mo bang sabihin ay maghahari ka sa amin?” tanong nila. At lalo silang nagalit kay Jose.

Nanaginip muli si Jose at isinalaysay sa kanyang mga kapatid ang ganito: “Nakita ko sa aking panaginip na ang araw, ang buwan at labing-isang bituin ay yumuko sa aking harapan.”

10 Sinabi rin niya ito sa kanyang ama, at ito'y nagalit din sa kanya.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ng ama. “Kami ng iyong ina't mga kapatid ay yuyuko sa harapan mo?” 11 Inggit(A) na inggit kay Jose ang kanyang mga kapatid. Inisip-isip namang mabuti ng kanyang ama ang mga bagay na ito.

Ipinagbili si Jose at Dinala sa Egipto

12 Isang araw, nasa Shekem ang mga kapatid ni Jose at pinapastol doon ang kawan ng kanilang ama. 13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.”

“Opo,” tugon ni Jose.

14 Sinabi pa ng kanyang ama, “Tingnan mo kung sila'y nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos, bumalik ka agad at nang malaman ko.” Lumakad nga si Jose mula sa libis ng Hebron at nakarating sa Shekem. 15 Sa kanyang paglalakad, nakita siya ng isang lalaki at tinanong kung anong hinahanap niya.

16 “Hinahanap ko po ang aking mga kapatid na nagpapastol ng aming kawan,” sagot niya. “Saan ko po kaya sila makikita?”

17 Sinabi ng lalaki, “Umalis na sila at ang dinig ko'y sa Dotan pupunta.” Sumunod si Jose at natagpuan nga roon ang mga kapatid.

18 Malayo pa'y natanaw na siya ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. 19 Sinabi nila, “Ayan na ang mahilig managinip! 20 Patayin natin siya at ihulog sa balon, at sabihing siya'y sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”

21 Narinig ito ni Ruben at binalak niyang iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. 22 Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid at dalhin ito sa kanyang ama. 23 Paglapit ni Jose, hinubad nila ang mahabang damit nito na may manggas,[b] 24 at inihulog sa isang tuyong balon.

25 Habang sila'y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Gilead. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. 26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung papatayin natin ang ating kapatid. 27 Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya'y kapatid din natin, laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila'y nagkasundo. 28 Kaya't(B) nang may dumaraang mga mangangalakal na Midianita, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose'y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.

29 Pagbalik ni Ruben sa balon, nakita niyang wala na roon si Jose. Sa laki ng kanyang pagdaramdam, pinunit niya ang kanyang damit. 30 Lumapit siya sa kanyang mga kapatid at ang sabi, “Wala na sa balon si Jose! Ano ang gagawin ko ngayon?”

31 Nagpatay sila ng kambing at itinubog sa dugo nito ang hinubad na damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ito sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ang damit na ito, tingnan nga ninyo kung ito nga ang sa mahal ninyong anak.”

33 Nakilala niya agad ang damit. “Kanya nga ito! Pinatay ng mabangis na hayop ang anak ko! Pihong nagkaluray-luray ang kanyang katawan.” 34 Sinira ni Jacob ang suot niyang damit, at nagsuot ng damit-panluksa. Ipinagluksa niya nang mahabang panahon ang nangyari sa kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat niyang mga anak ngunit patuloy ang kanyang pamimighati. Sinabi niya, “Mapupunta ako sa daigdig ng mga patay na nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng aking anak.” Patuloy siyang nagluksa dahil kay Jose.

36 Samantala, pagdating sa Egipto, ipinagbili si Jose ng mga Midianita kay Potifar, isang punong kawal ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo.

Si Juda at si Tamar

38 Nang panahong iyon, humiwalay si Juda sa kanyang mga kapatid at nakipanirahan kay Hira na isang Adullamita. Napangasawa niya roon ang anak ni Sua, isang Cananeo. Nagkaanak sila ng tatlong lalaki: Er ang ipinangalan sa panganay, ang pangalawa'y Onan, at Sela naman ang pangatlo. Si Juda ay nasa Kizib nang ipanganak si Sela.

Pinapag-asawa ni Juda ang kanyang panganay na si Er at ang napangasawa nito'y si Tamar. Napakasama ng ugali ni Er, kaya't nagalit sa kanya si Yahweh at siya'y pinatay. Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Tungkulin mong sipingan ang biyuda ng iyong kapatid upang magkaroon siya ng mga anak sa pamamagitan mo.” Alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak niya sa kanyang hipag. Kaya itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi upang huwag magkaanak ang kanyang kapatid sa pamamagitan niya. 10 Ito'y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya't pinatay rin siya. 11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar, “Umuwi ka na muna sa inyo at hintayin mong lumaki ang bunso kong si Sela.” Sinabi niya ito dahil sa takot na baka mangyari kay Sela ang sinapit ng kanyang mga kapatid. Kaya't umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.

12 Pagkalipas ng panahon ay namatay ang asawa ni Juda. Matapos ang pagluluksa, nagpunta si Juda sa Timnat para tingnan ang paggugupit sa balahibo ng kanyang mga tupa. Kasama niya ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adullam. 13 Samantala, may nagsabi kay Tamar na pupunta sa Timnat ang kanyang biyenan upang gupitan ng balahibo ang mga tupa nito. 14 Pagkarinig nito, hinubad niya ang kanyang damit-panluksa. Nagtalukbong siya at naupo sa pagpasok ng Enaim, bayang nadadaanan patungo sa Timnat. Ginawa niya ito sapagkat alam niyang binata na si Sela, ngunit hindi pa sila ipinakakasal ng kanyang biyenan.

15 Nakita ni Juda si Tamar; inakala niyang ito'y isang babaing nagbebenta ng aliw sapagkat may takip ang mukha. 16 Lumapit siya at inalok ang babae na makipagtalik sa kanya. Hindi niya alam na ito ang kanyang manugang.

“Anong ibabayad mo sa akin?” tanong ng babae.

17 Sumagot si Juda, “Padadalhan kita ng isang batang kambing.”

“Payag ako,” sabi ng babae, “kung bibigyan mo ako ng isang sangla hangga't hindi ko tinatanggap ang ipadadala mo.”

18 “Anong sangla ang gusto mo?” tanong ni Juda.

Sumagot siya, “Ang iyong singsing na pantatak kasama ang kadena at ang tungkod mo.” Ibinigay niya ang hiningi ng babae at sila'y nagsiping. Nagdalang-tao si Tamar. 19 Pagkatapos, umuwi siya at inalis ang kanyang talukbong at isinuot muli ang kanyang damit-panluksa.

20 Pag-uwi ni Juda, isinugo niya ang kaibigan niyang taga-Adullam upang dalhin sa babae ang ipinangako niyang kambing, at bawiin naman ang iniwang sangla. 21 Nagtanung-tanong siya sa mga lalaking tagaroon, at ang sagot ng mga ito'y walang gayong babae roon.

22 Nagbalik kay Juda ang kanyang kaibigan at sinabi ang nangyari sa kanyang lakad. 23 Kaya't sinabi ni Juda, “Hayaan mo na sa kanya ang iniwan kong sangla, baka tayo'y pagtawanan pa ng mga tao. Dinala mo na sa kanya ang kambing, ngunit wala siya roon!”

24 Makaraan ang tatlong buwan, may nagsabi kay Juda, “Ang manugang mong si Tamar ay naglaro ng apoy at ngayo'y nagdadalang-tao.”

“Ilabas ninyo siya at sunugin!” ang utos ni Juda.

25 Habang siya'y kinakaladkad na palabas, ipinasabi niya sa kanyang biyenan, “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng aking dinadala. Tingnan mo kung kanino ang singsing, kadena at tungkod na ito.”

26 Nakilala ni Juda ang iniwan niyang sangla, kaya't sinabi niya, “Wala siyang kasalanan, ako ang nagkulang; dapat sana'y ipinakasal ko siya kay Sela.” At hindi na niya ito muling sinipingan.

27 Dumating ang panahon ng panganganak ni Tamar at natuklasang kambal ang kanyang isisilang. 28 Sa oras ng kanyang panganganak, lumabas ang kamay ng isa at ito'y tinalian ng hilot ng pulang sinulid upang makilala ang unang inianak. 29 Ngunit iniurong ng sanggol ang kanyang kamay at naunang lumabas ang kanyang kakambal. Sinabi ng hilot, “Ano't nakipagsiksikan kang palabas?” Dahil dito, Fares[c] ang ipinangalan sa bata. 30 Ang sanggol na may taling pulang sinulid ang huling iniluwal. At ito'y pinangalanang Zara.[d]

Mateo 12:22-45

Si Jesus at si Beelzebul(A)

22 Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” 24 Nang(B) marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” 25 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 26 Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? 27 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang ginagawa nila ang magpapatunay na maling-mali kayo. 28 Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

29 “Hindi(C) mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. 30 Ang(D) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang paglapastangan sa Espiritu Santo. 32 Sinumang(E) magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.”

Sa Bunga Nakikilala(F)

33 “Sinasabi(G) ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. 34 Lahi(H) ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. 35 Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso.

36 “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. 37 Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.”

Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(I)

38 Sinabi(J) naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” 39 Sumagot(K) si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung(L) paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. 41 Sa(M) Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. 42 Sa(N) araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(O)

43 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan 44 ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos, 45 aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.”

Mga Awit 16

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Miktam[a] ni David.

16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.

Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
    kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”

Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
    Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.

Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
    sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
    hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.

Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
    lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
    kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
    napakaganda ng iyong pamana!

Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
    at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
    hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.

Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
    hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
    sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
    sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
    ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Mga Kawikaan 3:27-32

27 Ang(A) kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa,
    kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ.
28 Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,
    huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.”
29 Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan
    na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan.
30 Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,
    kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan.
31 Huwag kang maiinggit sa taong marahas
    ni lalakad man sa masama niyang landas.
32 Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot,
    ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.