Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 2:11-3:22

Tumakas si Moises

11 Nang(A) (B) binata na si Moises, dinalaw niya ang kanyang mga kababayan at nakita niya ang hirap na tinitiis ng mga ito dahil sa mabibigat na gawain. Nakita pa niyang sinasaktan ng isang Egipcio ang isang Hebreo. 12 Tumitingin-tingin siya sa paligid. Nang wala siyang makitang tao, pinatay niya ang Egipcio at tinabunan ito ng buhangin. 13 Nagbalik siya kinabukasan at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo sinasaktan ang kapwa mo Hebreo?”

14 “Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang mangasiwa at humatol sa amin? Papatayin mo rin ba ako, tulad ng ginawa mo sa Egipcio?” tanong nito sa kanya. Natakot si Moises nang marinig niya ito at noon niya nabatid na may nakakita pala sa ginawa niya sa Egipcio. 15 Nakarating(C) ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito'y nakatakas at nakarating sa Midian.

Pagdating sa Midian, naupo siya sa tabi ng isang balon. 16 Dumating naman ang pitong anak na babae ng pari roon upang sumalok ng tubig at painumin ang kawan ng kanilang ama. 17 Ngunit may dumating na mga pastol at itinaboy sila. Nakita ni Moises ang pangyayari kaya sinaklolohan niya ang mga babae at tinulungang magpainom sa kawan. 18 Maagang nakauwi ang mga babae, kaya tinanong sila ng kanilang amang si Reuel, “Bakit maaga kayo ngayon?”

19 “Mangyari po, ipinagtanggol kami ng isang Egipcio laban sa mga pastol. Isinalok niya kami ng tubig at pagkatapos pinainom pa niya ang kawan,” sagot nila.

20 “Nasaan siya? Bakit di ninyo isinama rito at nang makasalo natin sa pagkain?” tanong ng ama. At ipinatawag nga si Moises.

21 Mula noon, doon na nanirahan si Moises at ipinakasal sa kanya ni Jetro ang anak nitong si Zipora. 22 Dumating ang araw na si Zipora'y nanganak ng isang lalaki. Sabi ni Moises, “Ako'y dayuhan sa lupang ito, kaya tatawagin kong Gersom[a] ang batang ito.”

23 Pagkalipas ng mahabang panahon, namatay ang Faraon ngunit dumaraing pa rin ang mga Israelita sa patuloy na pang-aalipin sa kanila ng mga Egipcio. 24 Narinig(D) ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob. 25 Nakita niya ang kalagayan ng mga Israelita at siya'y nahabag sa kanila.

Tinawag ng Diyos si Moises

Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai,[b] ang Bundok ng Diyos. Doon,(E) ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.”

Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”

“Ano po iyon?” sagot niya.

Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.

Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 10 Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.”

11 Sumagot si Moises, “Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?”

12 “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos.

13 Sinabi(F) ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”

14 Sinabi(G) ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga.[c] Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. 15 Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. 16 Lumakad ka na at tipunin mo ang mga pinuno ng Israel. Sabihin mo sa kanilang nagpakita ako sa iyo, akong si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako'y bumabâ at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 17 Dahil dito, ilalabas ko sila sa bansang iyon na nagpapahirap sa kanila. Dadalhin ko sila sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita at ng mga Jebuseo.

18 “Papakinggan ka ng aking bayan. Pagkatapos, isama mo ang mga pinuno ng Israel at pumunta kayo sa Faraon. Sabihin mong si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo, ay nagpakita sa iyo at kayo'y maglalakbay ng tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog sa akin. 19 Alam kong hindi siya papayag hangga't hindi siya ginagamitan ng kamay na bakal. 20 Kaya't paparusahan ko ang buong Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Pagkatapos, papayagan na niya kayong umalis.”

21 Idinugtong(H) (I) pa ng Diyos, “Pagagaanin ko sa inyo ang loob ng mga Egipcio upang may madala kayo pag-alis. 22 Ang inyong mga kababaihan ay manghihingi ng damit, alahas na ginto o pilak sa kanilang mga Egipciong kapitbahay at sa sinumang Egipciong babaing kasama nila sa bahay. Ipasusuot ninyo ang mga ito sa inyong mga anak. Sa ganitong paraan ay mapapasa-inyo ang ari-arian ng mga Egipcio.”

Mateo 17:10-27

10 Tinanong(A) siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” 11 Sumagot(B) siya, “Darating nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 At(C) sinasabi ko sa inyo, dumating na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.” 13 Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(D)

14 Pagbalik nila sa maraming tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, 15 “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. 16 Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.”

17 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” 18 Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.

19 Pagkatapos, nang sila-sila na lamang, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?” 20 Sumagot(E) siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.” [21 Ngunit ang ganitong uri ng demonyo ay hindi mapapalayas kundi sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.][a]

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(F)

22 Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo 23 at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot.

Pagbabayad ng Buwis para sa Templo

24 Pagdating(G) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila.

25 “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ba ang nagbabayad ng buwis sa mga hari dito sa mundo, ang mga mamamayan[b] ba, o ang mga dayuhan?” 26 “Ang mga dayuhan po,” tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan. 27 Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang salaping pilak.[c] Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa.”

Mga Awit 22:1-18

Panambitan at Awit ng Papuri

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.

22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
    Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
    di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
    at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
    sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
    nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.

Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
    hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
    inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
    darating ang kanyang saklolo!”

Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
    magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
    mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
    pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.

12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
    mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
    umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.

14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
    ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
    parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
    ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.

16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
    para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
    mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
    tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
    at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.

Mga Kawikaan 5:7-14

Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig,
    huwag lilimutin, salita ng aking bibig.
Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay,
    ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay.
Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba,
    sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga.
10 Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala,
    mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba.
11 Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap,
    walang matitira sa iyo kundi buto't balat.
12 Dito mo nga maiisip:
    “Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid,
    puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig.
13 Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig,
    sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig.
14 At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan,
    isang kahihiyan sa ating lipunan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.