Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 30-31

Mga Tuntunin tungkol sa Panata ng Isang Babae

30 Sinabi ni Moises sa mga pinuno ng bawat lipi ng Israel, “Ito ang utos ni Yahweh: Kung(A) kayo'y mayroong panata kay Yahweh, huwag kayong sisira sa inyong pangako. Kailangang tuparin ninyo ang bawat salitang binitiwan ninyo.

“Kung ang isang dalagang nasa poder pa ng kanyang ama ay mamanata o mangako kay Yahweh nang naririnig ng kanyang ama at hindi ito tumutol, may bisa ang panata o pangakong iyon. Ngunit kung tumutol ang ama nang marinig ang tungkol sa panata, walang bisa ang panata ng nasabing dalaga. Wala siyang sagutin kay Yahweh sapagkat hinadlangan siya ng kanyang ama.

“Kung ang isang dalagang nakapanata o nakapangako nang wala sa loob ay magkaasawa, mananatili ang bisa ng panata o pangako kung hindi tututol ang lalaki sa araw na malaman niya iyon. Ngunit kung tumutol ang lalaki sa araw na malaman iyon, mawawalan ng bisa ang panata ng babae, at hindi siya paparusahan ni Yahweh.

“Kung ang isang biyuda, o babaing pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa ay mamanata o mangako, ang bisa nito ay mananatili.

10 “Kung ang isang babaing may asawa ay mamanata o mangako, 11 may bisa ito kapag hindi tumutol ang kanyang asawa sa araw na malaman niya ito. 12 Ngunit ang panata o sumpa ng babae ay hindi magkakabisa kapag tumutol ang lalaki sa sandaling marinig niya ito. Siya'y walang sagutin kay Yahweh sapagkat tutol ang kanyang asawa. 13 Anumang panata o pangakong gawin ng babae ay walang kabuluhan kung tututulan ng kanyang asawa, ngunit magkakabisa kung sasang-ayunan nito. 14 Kapag hindi tumutol ang lalaki sa araw na malaman niya ang panata ng asawa, may bisa ang panatang iyon. 15 Ngunit kapag pinawalang-bisa niya iyon pagkaraan ng ilang araw, siya ang mananagot sa di pagtupad ng kanyang asawa.”

16 Ito ang mga tuntuning sinabi ni Yahweh kay Moises, tungkol sa panata ng mga dalagang nasa poder pa ng kanilang magulang o ng mga babaing may asawa na.

Ang Pakikidigma Laban sa mga Midianita

31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipaghiganti mo muna ang sambayanang Israel sa mga Midianita. Pagkatapos, pamamahingahin na kita sa piling ng iyong mga yumaong ninuno.”

Kaya sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Humanda kayo sa pakikipagdigma laban sa mga Midianita upang maigawad ang parusa ni Yahweh sa kanila. Bawat lipi ng Israel ay magpadala ng sanlibong kawal.”

Nagpadala nga ng tig-iisanlibong kawal ang bawat lipi kaya't nakatipon sila ng 12,000 kalalakihang handang makipagdigma. Pinapunta sila ni Moises sa labanan sa pamumuno ni Finehas na anak ng paring si Eleazar. Dala niya ang mga kagamitan sa santuwaryo at ang mga trumpeta para magbigay-hudyat. Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, nilusob nila ang mga Midianita at pinatay ang lahat ng lalaki kasama ang limang hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba, pati si Balaam na anak ni Beor.

Binihag nila ang mga babae at ang mga bata, at sinamsam ang kanilang mga baka, mga kawan at lahat ng ari-arian. 10 Sinunog nila ang mga lunsod at lahat ng mga toldang tinitirhan roon, 11 subalit sinamsam nila ang lahat ng maaaring samsamin, maging tao o hayop man. 12 Lahat ng kanilang nasamsam ay iniuwi nila sa kanilang kampo na nasa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, at tapat ng Jerico. Dinala nila ang mga ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa sambayanang Israel.

Ang Pagkamatay ng mga Bihag na Babae at Paglilinis ng mga Samsam

13 Ang mga kawal ay sinalubong ni Moises, ng paring si Eleazar, at ng mga pinuno ng Israel sa labas ng kampo. 14 Nagalit si Moises sa mga punong kawal, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa. 15 Sinabi niya, “Bakit hindi ninyo pinatay ang mga babae? 16 Nakalimutan(B) (C) na ba ninyo ang ginawa ng mga babaing ito? Sila ang humikayat sa mga Israelita na magtaksil kay Yahweh at sumamba kay Baal noong sila'y nasa Peor! Sila ang dahilan kaya nagkaroon ng salot sa sambayanan ni Yahweh. 17 Patayin ninyo ang mga batang lalaki at lahat ng babaing nasipingan na. 18 Itira ninyo ang mga dalaga, at iuwi ninyo. 19 Ngunit huwag muna kayong papasok ng kampo. Pitong araw muna kayo sa labas ng kampo. Lahat ng nakapatay at nakahawak ng patay, pati ang inyong mga bihag ay maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw ayon sa Kautusan. 20 Linisin din ninyo ang inyong mga kasuotan, mga kagamitang yari sa balat, telang lana at kahoy.”

21 Sinabi ni Eleazar sa mga kawal na nanggaling sa labanan, “Ito ang mga patakarang ibinigay ni Yahweh kay Moises: 22-23 ang mga ginto, pilak, tanso, bakal, lata at lahat ng hindi masusunog ay pararaanin sa apoy para luminis. Pagkatapos, huhugasan ito ayon sa Kautusan. Lahat ng maaaring masunog ay lilinisin sa pamamagitan ng tubig ayon sa Kautusan. 24 Sa ikapitong araw, lalabhan ninyo ang inyong mga damit. Pagkatapos, magiging malinis na kayo ayon sa Kautusan at maaari nang pumasok sa kampo.”

Ang Paghahati sa mga Samsam

25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 26 “Tawagin mo ang paring si Eleazar at ang matatandang pinuno ng bayan at bilangin ninyo ang mga nasamsam. 27 Pagkatapos, hatiin ninyo; ang isang bahagi ay para sa mga kawal, at ang isa'y para sa taong-bayan. 28 Kunin mo ang isa sa bawat limandaang hayop o taong makakaparte ng mga kawal. 29 Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang handog kay Yahweh. 30 Sa kaparte naman ng bayan, kunin mo ang isa sa bawat limampung tao o hayop, at ibigay mo naman sa mga Levita na nangangalaga sa tabernakulo.” 31 Ginawa nga nina Moises at Eleazar ang ipinag-utos ni Yahweh.

32-35 Ang nasamsam ng mga kawal na Israelita mula sa Midian ay 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno, at 32,000 dalagang birhen. 36-40 Ang kalahati nito'y nauwi sa mga kawal: 337,500 tupa ang napunta sa kanila at ang handog nila kay Yahweh ay 675; ang mga baka naman ay 36,000 at 72 nito ang inihandog nila kay Yahweh; ang mga asno naman ay 30,500 at 61 ang inihandog nila kay Yahweh; ang mga babaing nakaparte nila ay 16,000 at ang 32 nito ay inihandog nila kay Yahweh. 41 At tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, lahat ng handog kay Yahweh ay ibinigay niya kay Eleazar.

42-46 Ang kalahati ng samsam na kaparte ng taong-bayan ay 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno, at 16,000 babae. 47 Mula sa kaparteng ito ng bayan, kinuha ni Moises ang isa sa bawat limampung hayop o tao at ibinigay sa mga Levita na siyang nangangalaga sa tabernakulo; ito'y ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.

48 Pagkatapos, lumapit kay Moises ang mga pinunong kasama sa labanan. 49 Sinabi nila, “Binilang po namin ang aming mga kasamahan at isa man po'y walang namatay. 50 Dala po namin ang mga gintong alahas na aming nasamsam tulad ng pulseras, singsing, hikaw at kuwintas, upang ihandog kay Yahweh bilang kabayaran sa aming buhay.” 51 Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na yari sa ginto. 52 Nang bilangin nila ang mga ito ay umabot sa 16,750 pirasong ginto. 53 (Hindi ibinigay ng mga pangkaraniwang kawal ang kanilang nasamsam.) 54 Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga pinuno ay dinala nila sa Toldang Tipanan upang magpaalala sa Israel kung ano ang ginawa ni Yahweh.

Lucas 4:1-30

Ang Pagtukso kay Jesus(A)

Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang at sa loob ng apatnapung araw ay tinukso siya ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom.

Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.”

Ngunit(B) sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao [kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos].[a]’”

Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar, at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig. Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito. Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at maaari kong ibigay kung kanino ko gusto. Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging iyo na ang lahat ng ito.”

Sumagot(C) si Jesus, “Nasusulat,

‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
    at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”

Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka 10 dahil(D) nasusulat,

‘Sa kanyang mga anghel, ika'y ipagbibilin,
    sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,’

11 at

‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”

12 Subalit(E) sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!’”

13 Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon.

Ang Pasimula ng Gawain ni Jesus sa Galilea(F)

14 Bumalik sa Galilea si Jesus taglay ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinangaan siya ng lahat.

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(G)

16 Pumunta si Jesus sa Nazaret, ang bayan kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng kasulatan, 17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:

18 “Ang(H) Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
    sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,
    at sa mga bulag na sila'y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,
19     at upang ipahayag ang panahon
    ng pagliligtas ng Panginoon.”

20 Inirolyo niya ang kasulatan, isinauli sa tagapag-ingat at siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”

22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.

23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ 24 Tandaan(I) ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit(J) sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit(K) hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa(L) dinami-dami ng mga may ketong[b] sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.”

28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Mga Awit 63

Pananabik sa Presensya ng Diyos

Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
    ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
    para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
    at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
    kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
    at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
    magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
    magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
    ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
    kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.

Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
    sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
    kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
    ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
    Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.

Mga Kawikaan 11:20-21

20 Ang kaisipang masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam,
    ngunit ang lakad ng matuwid, kay Yahweh ay kasiyahan.
21 Ang taong masama'y di makakaligtas sa kaparusahan,
    ngunit hindi maaano ang nabubuhay sa katuwiran.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.