Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 8-9

Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan

Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.

Ang Pagtatalaga sa mga Levita

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.

13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. 15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. 17 Ang(B) mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. 18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, 19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”

20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. 21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. 22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.

Ang Itatagal ng Panunungkulan ng mga Levita

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 24 “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan. 25 Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain. 26 Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.”

Ang Pagdiriwang sa Paskwa

Nang(C) unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sa Egipto ang mga Israelita, sinabi ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, “Iutos mo sa buong Israel na ipagdiwang ang Pista ng Paskwa sa takdang panahon, paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng unang buwan ayon sa mga tuntunin tungkol dito.” Gayon nga ang ginawa ni Moises. Ipinagdiwang nga nila ang Pista ng Paskwa sa ilang ng Sinai noong gabi ng ika-14 na araw ng unang buwan.

Noon ay may ilang taong nakahawak ng patay, kaya't ang mga ito'y itinuring na marumi ayon sa Kautusan at hindi maaaring sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa. Dahil dito, lumapit sila kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Totoo ngang kami'y marumi ayon sa Kautusan sapagkat kami'y nakahawak ng patay. Subalit dapat bang kami'y pagbawalang mag-alay ng handog kay Yahweh kasama ng mga Israelita?”

“Maghintay kayo kung ano ang sasabihin sa akin ni Yahweh tungkol sa inyo,” sagot ni Moises.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, 10 “Ganito ang sabihin mo sa buong Israel: Sinuman sa mga kamag-anak ninyo na itinuturing na marumi dahil nakahawak ng bangkay, o kababayan ninyong naglalakbay at nasa ibang bayan, ay maaari pa ring magdiwang ng Pista ng Paskwa. 11 Gaganapin nila ito sa kinagabihan ng ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Sa gabing iyon, kakain din sila ng korderong pampaskwa, tinapay na walang pampaalsa, at mapait na gulay. 12 Huwag(D) din silang magtitira kahit kapiraso ng korderong pampaskwa at huwag din nilang babaliin kahit isang buto niyon. Sa pagdiriwang nila sa Paskwa, susundin nila ang lahat ng tuntunin ukol dito. 13 Ang sinumang malinis at hindi naglalakbay na hindi sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa ay ititiwalag sa sambayanan, sapagkat hindi siya naghandog kay Yahweh sa takdang panahon. Siya ay paparusahan.

14 “Ang dayuhang nakikipamayan sa inyo ay maaaring sumama sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa kung susundin niya ang mga tuntunin tungkol dito. Iisa ang tuntunin ng Paskwa, maging para sa mga Israelita o sa mga dayuhan.”

Natakpan ng Ulap ang Toldang Tipanan(E)

15 Nang maitayo na ang tabernakulo, ito ay natakpan ng ulap. Kung gabi, nagliliwanag itong parang apoy. 16 Ganoon ang palaging nangyayari. Ang Toldang Tipanan ay natatakpan ng ulap kung araw at ang ulap ay nagliliwanag na parang apoy kung gabi. 17 Tuwing aalis ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, ang mga Israelita'y nagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. Kung saan ito tumigil, doon sila nagkakampo. 18 Nagpapatuloy sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ito ni Yahweh. Hindi sila lumalakad habang nasa ibabaw pa ng tabernakulo ang ulap. 19 Hindi sila lumalakad kahit na magtagal pa ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. Hinihintay nila ang hudyat ni Yahweh. 20 Kung minsan, ang ulap ay ilang araw na nasa ibabaw ng tabernakulo. Ayon sa kalooban ni Yahweh, sila'y nanatili sa kampo, at ayon din sa kalooban ni Yahweh, sila'y nagpapatuloy sa paglalakbay. 21 Kung minsan, isang gabi lamang ito sa ibabaw ng Toldang Tipanan, at kung minsan nama'y maghapon at magdamag. Kapag pumapaitaas ang ulap, sila'y nagpapatuloy. 22 Kahit tumagal pa ito nang dalawang araw, isang buwan o mahigit pa, hindi sila lumalakad. Nagpapatuloy lamang sila kung pumaitaas na ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. 23 Nagpapatuloy nga sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ibinibigay ni Yahweh.

Marcos 13:14-37

Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(A)

14 “Kapag(B) nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan (unawain ito ng nagbabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. 15 Ang(C) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 16 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. 17 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 18 Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, 19 sapagkat(D) sa mga araw na iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. 20 At kung hindi pinaikli ng Panginoon ang mga araw na iyon, walang sinumang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, pinaikli niya ang mga iyon.

21 “Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 23 Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.”

Ang Pagbabalik ng Anak ng Tao(E)

24 “Subalit(F) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, 25 malalaglag(G) mula sa langit ang mga bituin, at magugulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 26 Pagkatapos,(H) makikita nila ang Anak ng Tao na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. 27 Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(I)

28 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag sumisibol na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y halos naririto na. 30 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang kasalukuyang salinlahi. 31 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”

Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(J)

32 “Ngunit(K) walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 33 Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. 34 Ang(L) katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. 35 Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. 36 Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. 37 Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”

Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Mga Kawikaan 10:29-30

29 Si Yahweh ay kanlungan ng mga taong matuwid,
    ngunit kaaway sila ng taong masama ang hilig.
30 Ang matuwid ay mananatili sa kanyang dako,
    ngunit ang masama, kung saan-saan matutungo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.