Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 21:1-22:20

Sinalakay ng mga Cananeo ang mga Israelita

21 Nabalitaan(A) ng hari ng Arad, isang haring Cananeo sa timog, na magdaraan sa Atarim ang mga Israelita. Sinalakay niya ang mga ito at nakabihag ng ilan. Kaya ang mga Israelita'y gumawa ng panata kay Yahweh. Sabi nila, “Tulungan ninyo kaming talunin ang mga taong ito at wawasakin namin ang kanilang mga lunsod para sa iyo.” Dininig naman sila ni Yahweh. Kaya, nang mabihag nila ang mga Cananeo ay winasak nga nila ang lunsod ng mga ito, at tinawag nilang Horma[a] ang lugar na iyon.

Ang mga Makamandag na Ahas

Mula(B) sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita patungong Dagat na Pula[b] upang iwasan ang Edom. Subalit nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay. Nagreklamo sila sa Diyos at kay Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto upang mamatay lamang sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Suyang-suya na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil(C) dito, pinadalhan sila ni Yahweh ng mga makamandag na ahas at maraming Israelita ang natuklaw ng mga ito at namatay. Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila, “Nagkasala kami kay Yahweh at sa iyo. Ipanalangin mo kami na kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Nanalangin nga si Moises para sa Israel at ganito ang sagot sa kanya ni Yahweh: “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang mahabang kahoy. Sinumang natuklaw ng ahas at tumingin doon ay hindi mamamatay.” Ganoon(D) nga ang ginawa ni Moises. Kaya lahat ng natuklaw ng ahas ay tumitingin sa ahas na tanso at hindi nga namamatay.

Ang Paglalakbay ng Israel sa Palibot ng Moab

10 Ang bayang Israel ay nagpatuloy sa paglalakbay at nagkampo sa Obot. 11 Mula roon, nagtuloy sila sa mga guho ng Abarim, sa ilang na nasa silangan ng Moab. 12 Pag-alis doon, nagpatuloy sila sa Libis ng Zared. 13 Buhat naman dito ay nagtuloy sila sa kabila ng Ilog Arnon, isang lugar na nasa pagitan ng lupain ng mga Amoreo at ng mga Moabita. 14 Kaya natala sa Aklat ng mga Pakikipagdigma ni Yahweh ang ganito:

“Parang ipu-ipong sinakop niya ang Waheb at ang kapatagan ng Arnon,
15 at ang kataasan hanggang sa kapatagan ng Ar
at sa hangganan ng Moab.”

16 Mula sa Arnon, nagpatuloy sila hanggang sa lugar na tinatawag na Balon. Ang lugar na ito'y tinawag na Balon sapagkat dito sila pinahukay ni Yahweh ng balon para makunan ng tubig. 17 Umawit sila roon ng ganito:

“Bumukal ka ng tubig, O balon
at sa iyo'y awit ang aming tugon,
18 mga pinuno ang humukay sa iyo
na ang gamit ay tungkod at setro.”

Mula sa ilang na iyon ay nagtuloy sila sa Matana, 19 nagdaan ng Nahaliel at Bamot. 20 Pag-alis doo'y nagtuloy sila sa isang kapatagang sakop din ng Moab, sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa ilang.

Nalupig ng Israel sina Haring Sihon at Og(E)

21 Ang mga Israelita'y nagsugo kay Haring Sihon, isang Amoreo. Ipinasabi nila, 22 “Maaari po bang makiraan kami sa inyong lupain? Hindi po kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni iinom sa inyong balon. Sa Lansangan ng Hari po kami daraan hanggang sa makalampas kami sa inyong nasasakupan.” 23 Subalit hindi sila pinahintulutan ni Haring Sihon; sa halip, tinipon niya ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita sa Jahaz. 24 Ngunit nagwagi ang mga Israelita at nasakop ang kanyang lupain, mula sa Ilog Arnon hanggang Jabok, sa may hangganan ng Ammon. Matitibay ang mga kuta ng Ammon. 25 Sinakop ng mga Israelita ang mga lunsod ng mga Amoreo, pati ang Lunsod ng Hesbon at ang mga bayang sakop nito. Pagkatapos, sila na ang nanirahan sa mga lunsod na ito ng mga Amoreo. 26 Ang Hesbon ang siyang punong-lunsod ni Haring Sihon na lumupig sa hari ng Moab at sumakop sa lupain nito hanggang Ilog Arnon. 27 Kaya ang sabi ng mga mang-aawit,

“Halikayo sa Hesbon
at muling itayo ang lunsod ni Sihon.
28 Mula(F) (G) sa Hesbon na lunsod ni Sihon,
lumabas na parang apoy ang kanyang hukbo.
Tinupok nito ang lunsod ng Ar sa Moab,
at nilamon ang kaburulan[c] ng Arnon.
29 Kawawa ka, Moab, sapagkat ito na ang iyong wakas!
Kawawa ka, bayan ng diyos na si Cemos!
Ang mga anak mong lalaki ay hinayaan niyang maging pugante.
Ang mga anak mong babae ay nabihag ni Sihon na hari ng mga Amoreo.
30 Napuksa pati ang mga sanggol
mula sa Hesbon hanggang sa Dibon,
mula sa Nasim hanggang sa Nofa na malapit sa Medeba.”

31 Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupaing nakuha nila sa mga Amoreo. 32 Pagkatapos, si Moises ay nagsugo ng mga espiya sa Jazer, at nasakop din nila ito pati ang mga karatig-bayan nito. Pinalayas din nila ang mga Amoreo roon.

33 Hinarap naman nila ang Bashan, ngunit nilabanan sila ni Haring Og sa Edrei. 34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Huwag kang matakot sapagkat ipapalupig ko siya sa iyo. Magagawa mo sa kanya ang ginawa mo kay Haring Sihon ng Hesbon.” 35 Napatay nga nila si Og, ang mga anak nito at ang lahat ng kababayan nito, wala silang itinirang buháy. Sinakop nila ang lupaing iyon.

Ipinatawag ni Balac si Balaam

22 Nagpatuloy ng paglalakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa kapatagan ng Moab, sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico. Ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo ay hindi lingid kay Haring Balac na anak ni Zippor. Ngunit hindi siya makakilos laban sa mga Israelita sapagkat napakarami ng mga ito. Natakot sa mga Israelita ang mga Moabita sapagkat lubhang napakarami ng mga Israelita. Kaya sinabi nila sa pinuno ng Midian, “Uubusin ng mga taong ito ang mga bayan sa paligid natin, tulad ng pag-ubos ng baka sa sariwang damo.” At nagsugo si Haring Balac kay Balaam na anak ni Beor, sa bayan ng Petor, sa may Ilog Eufrates sa lupain ng mga Amaw. Ganito ang kanyang ipinasabi: “May isang sambayanang dumating buhat sa Egipto. Nasakop na nila ang mga bansa sa paligid namin. Malapit na sila ngayon sa aking lupain. Napakarami nila. Magpunta ka agad dito at sumpain mo sila. Siguro malulupig ko sila pagkatapos mong sumpain sapagkat alam kong pinagpapala ang binabasbasan mo at minamalas naman ang mga isinusumpa mo.”

Nagpunta ang mga pinuno ng Moab at ng Midian kay Balaam na dala ang pambayad para sumpain nito ang Israel. Sinabi nila ang ipinapasabi ni Balac. Ito ang tugon ni Balaam: “Dito na kayo matulog ngayong gabi para masabi ko agad sa inyo ang anumang sasabihin sa akin ni Yahweh.” At doon nga sila natulog.

Itinanong ng Diyos kay Balaam, “Sino ba 'yang mga taong kasama mo?”

10 Sumagot si Balaam, “Mga sugo po ni Haring Balac ng Moab na anak ni Zippor. 11 Gusto niyang sumpain ko ang sambayanang galing sa Egipto sapagkat nasakop na ng mga ito ang halos lahat ng lupain sa paligid. Baka raw po sa ganoong paraan niya maitaboy sa malayo ang mga iyon.”

12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Hindi ka dapat sumama sa mga taong iyan. Huwag mong sumpain ang mga taong tinutukoy nila sapagkat pinagpala ko ang mga iyon.”

13 Kinaumagahan, sinabi ni Balaam sa mga panauhin niya, “Umuwi na kayo. Ayaw akong pasamahin ni Yahweh sa inyo.” 14 Umuwi nga ang mga pinuno at sinabi kay Haring Balac na ayaw sumama sa kanila ni Balaam.

15 Kaya't nagsugong muli si Balac ng mas marami at kagalang-galang na mga pinuno kay Balaam. 16 Pagdating doon, sinabi nila, “Ipinapasabi ni Balac na huwag kang mag-atubili sa pagpunta sa kanya. 17 Pagdating mo raw doon, pararangalan ka niyang mabuti at ibibigay sa iyo ang anumang magustuhan mo, sumpain mo lamang ang mga Israelita.”

18 Ang sagot ni Balaam, “Ibigay man sa akin ni Balac ang lahat ng ginto't pilak sa kanyang palasyo, kahit kaunti'y hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ni Yahweh na aking Diyos. 19 Gayunman, dito na kayo magpalipas ng gabi para malaman natin kung ano pa ang sasabihin sa akin ni Yahweh.”

20 Kinagabihan, lumapit ang Diyos kay Balaam at sinabi sa kanya, “Sumama ka sa kanila ngunit ang ipinapasabi ko lamang sa iyo ang sasabihin mo.”

Lucas 1:26-56

Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang(A) dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”

29 Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig(B) ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y(C) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.”

34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat(D) walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”

38 Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabeth

39 Hindi nagtagal at si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa bulubundukin ng Juda. 40 Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw(E) siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria

46 At(F) sinabi ni Maria,

“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47     at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48     sapagkat(G) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;
49     dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Banal ang kanyang pangalan!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
    nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal(H) sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
    at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
    at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod,
    at hindi niya kinalimutang kahabagan ito.
55 Tulad(I) ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno,
    kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!”

56 Nanatili si Maria kina Elizabeth nang may tatlong buwan bago siya umuwi.

Mga Awit 57

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
    sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
    ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.

Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
    ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
    ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
    ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[b]

Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
    mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
    matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.

Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
    ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[c]

Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
    purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
    Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
    tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
    Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
    nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

Mga Kawikaan 11:9-11

Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira,
    ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, ang bayan ay nagagalak,
    ngunit higit ang katuwaan kapag ang masama'y napapahamak.
11 Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag,
    ngunit sa kasinungalingan ng masama ang lunsod ay nawawasak.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.