Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 33:40-35:34

40 Nabalitaan(A) ng hari ng Arad na naninirahan sa timog ng Canaan ang pagdating ng mga Israelita sa Bundok ng Hor.

41-49 Mula naman sa Bundok ng Hor hanggang sa kapatagan ng Moab, ang mga Israelita ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: Zalmona, Punon, Obot, Iye-Abarim na sakop ng Moab, Dibon-gad, Almondiblataim, kabundukan ng Abarim malapit sa Bundok ng Nebo, at sa kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan at katapat ng Jerico, sa pagitan ng Beth-jesimon at Abelsitim.

Ang mga Hangganan sa Canaan

50 Nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sinabi ni Yahweh kay Moises, 51 “Ganito ang sabihin mo sa mga Israelita: Pagkatawid ninyo ng Jordan papuntang Canaan, 52 palayasin ninyo ang mga naninirahan doon, durugin ninyo ang kanilang mga rebultong bato at imaheng metal. Gibain din ninyo ang mga sambahan nila sa burol. 53 Sakupin ninyo ang lupaing iyon at doon kayo tumira sapagkat ibinibigay ko sa inyo ang lupaing iyon. 54 Hatiin(B) ninyo ang lupain sa bawat lipi at ang paghahati ay ibabatay sa laki ng lipi. Sa malaking lipi malaking parte, sa maliit ay maliit din. Ang pagbibigay ng kanya-kanyang bahagi ay dadaanin sa palabunutan. 55 Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga nakatira doon, ang matitira ay magiging parang tinik sa inyong lalamunan, at puwing sa inyong mga mata. Balang araw, sila ang gugulo sa inyo. 56 Kapag nangyari ito, sa inyo ko ipalalasap ang parusang gagawin ko sana sa kanila.”

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises ang mga tagubilin para sa bansang Israel, “Pagpasok ninyo sa Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang mga hangganan ng inyong nasasakupan ay ang mga ito: Sa timog, ang ilang ng Zin na katapat ng Edom, ang dulo ng Dagat na Patay, ang daan paakyat sa Acrabim, ang Zin hanggang sa timog ng Kades-barnea, ang Hazaradar at ang Azmon, at ang Batis ng Egipto hanggang sa dagat.

“Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo.

“Sa hilaga: ang bahagi ng Dagat Mediteraneo, ang Bundok ng Hor, ang Hamat, ang Zedad; at ang Zifron hanggang Hazar-enan.

10 “Sa silangan: mula sa Hazar-enan hanggang Sefam; 11 ang Ribla, gawing silangan ng Ayin, ang baybayin ng Lawa ng Cineret, 12 at ang Jordan hanggang sa Dagat na Patay. Ito ang mga hangganan ng inyong lupain.”

13 Sinabi(C) (D) ni Moises sa mga Israelita, “Iyan ang lupaing ibibigay ni Yahweh sa siyam at kalahating lipi ng Israel; ang partihan ay dadaanin sa pamamagitan ng palabunutan. 14 Ang mga lipi ni Ruben, ni Gad, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay mayroon nang bahagi, at nahati na sa kani-kanilang sambahayan. 15 Ito ay nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico.”

Ang mga Namahala sa Paghahati ng Lupain

16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 17 “Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun ang mamamahala sa pagpaparte sa lupain. 18 Pumili ka rin ng isang pinuno sa bawat lipi para makatulong nila sa pagpaparte ng lupain.” 19-28 Ito ang mga pinuno na napili ni Yahweh:

LipiPinuno
JudaCaleb na anak ni Jefune
SimeonSelemuel na anak ni Amiud
BenjaminElidad na anak ni Cislon
DanBuqui na anak ni Jogli
ManasesHaniel na anak ni Efod
EfraimKemuel na anak ni Siftan
ZebulunElisafan na anak ni Parnah
IsacarPaltiel na anak ni Azan
AsherAhiud na anak ni Selomi
NeftaliPedael na anak ni Amiud

29 Ang mga kalalakihang ito ang pinamahala ni Yahweh sa paghahati ng lupain ng Canaan na ibinigay niya sa Israel.

Ang mga Lunsod para sa mga Levita

35 Sinabi(E) ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sa may Jordan sa Jerico, “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ng sariling mga lunsod at mga pastulan ang mga Levita. Ang mga lunsod na iyon ay magiging pag-aari ng mga Levita at doon sila maninirahan. Ang mga pastulang iyon ay para sa kanilang mga bakahan at kawan. Ang sukat ng pastulang ibibigay ninyo sa kanila ay 450 metro mula sa pader ng lunsod, 450 metro sa silangan, 450 sa timog, 450 sa kanluran, at 450 sa hilaga. Bigyan rin ninyo sila ng anim na lunsod-kanlungan na takbuhan ng mga nakapatay nang hindi sinasadya. Bukod dito, bibigyan pa ninyo sila ng apatnapu't dalawang lunsod, kasama ang mga pastulan ng mga ito. Samakatuwid, ang ibibigay ninyo sa kanila ay apatnapu't walong lunsod. Ang bilang ng lunsod na ibibigay ng bawat lipi ay batay sa laki ng lipi; sa malaking lipi, marami ang kukunin, sa maliit ay ilan lang.”

Ang mga Lunsod-Kanlungan(F)

Sinabi(G) ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita: Pagtawid ninyo ng Ilog Jordan patungong Canaan, 11 pumili kayo ng mga lunsod-kanlungan na matatakbuhan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. 12 Doon siya magtatago habang nililitis pa ang kanyang kaso upang huwag mapatay ng malapit na kamag-anak na gustong maghiganti. 13 Pumili kayo ng anim na lunsod-kanlungan; 14 tatlo sa silangan ng Jordan at tatlo sa Canaan. 15 Ang mga lunsod na ito'y maaaring pagtaguan ng sinumang makapatay nang di sinasadya, maging siya'y Israelita o isang dayuhan.

16-18 “Ang sinumang pumatay ng kapwa sa pamamagitan ng sandatang bakal, bato o kahoy ay nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. 19 Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

20 “Papatayin din ang sinuman na dahil sa galit ay nakapatay sa pamamagitan ng panunulak, o pagpukol ng anuman, 21 o sa pamamagitan ng suntok, sapagkat siya'y nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

22 “Ngunit ang sinumang nakapatay nang hindi sinasadya, maging sa pamamagitan ng tulak, o pukol ng anumang bagay; 23 o kaya'y naghagis ng bato at may natamaang di niya nakikita, at hindi naman niya kaaway, 24 ang taong iyon ay hindi dapat ipaubaya ng sambayanan sa mga kamag-anak ng namatay upang paghigantihan ng mga ito. 25 Siya ay pangangalagaan ng sambayanan sa kamag-anak na gustong maghiganti; ibabalik siya sa lunsod-kanlungan at mananatili roon habang nabubuhay ang kasalukuyang pinakapunong pari. 26 Kapag ang nakapatay ay lumabas ng lunsod-kanlungan 27 at napatay siya ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay niya, ito'y walang pananagutan sa batas. 28 Ang nakapatay ay dapat manatili sa pinagtataguan niyang lunsod-kanlungan habang nabubuhay ang nanunungkulang pinakapunong pari. Pagkamatay nito, maaari nang umuwi ang nakapatay sa kanyang sariling bayan. 29 Ang mga tuntuning ito ay para sa inyo at sa lahat ng inyong mga salinlahi saanman kayo manirahan.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi at Pagtubos sa Nakamatay

30 “Sinumang(H) pumatay ng kapwa ay papatayin din batay sa patotoo ng dalawa o higit pang saksi; walang papatayin dahil sa patotoo ng iisang saksi lang. 31 Sinumang pumatay nang sinasadya ay hindi maaaring tubusin ng salapi; dapat siyang patayin. 32 Sinumang nakapatay nang hindi sinasadya at nagtago sa isang lunsod-kanlungan ay hindi maaaring payagang umalis agad doon sa pamamagitan ng pagbabayad. Kailangang manatili siya roon habang nabubuhay pa ang nanunungkulang pinakapunong pari. 33 Kapag ginawa ninyo ito, dinudungisan ninyo ng dugo ang lupaing inyong tinitirhan. Ang dugo ng pagpaslang ay nagpaparumi sa lupa, at walang ibang makapagpapalinis nito kundi ang dugo ng pumaslang. 34 Huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong tinitirhan, sapagkat akong si Yahweh ay naninirahang kasama ng sambayanang Israel.”

Lucas 5:12-28

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)

12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”[a]

13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais ko. Gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan(B) siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri sa kanya. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.”

15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.

Pinagaling ang Isang Paralitiko(C)

17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo doon. Sila'y galing sa bawat bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.”

21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?”

22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!”

Ang Pagtawag kay Levi(D)

27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.

Mga Awit 65

Pagpupuri at Pagpapasalamat

Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
    dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
    pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
    Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
    gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
    silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
    dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.

Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
    sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
    may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
    dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
    pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
    maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
    natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
    buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.

Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
    umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
    sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10     Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
    ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
    kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
    at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
    naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
    at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!

Mga Kawikaan 11:23

23 Anumang nais ng matuwid ay nagbubunga ng kabutihan,
    ngunit ang mahihintay lang ng masama ay kaparusahan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.