The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NT-HU. Switch to the NT-HU to read along with the audio.
Tinalo ni Josue si Jabin at ang mga Kasama Nito
11 Nang mabalitaan ni Jabin, hari ng Hazor, ang ganitong mga pangyayari, nagpasabi siya kay Jobab, hari ng Madon, at sa mga hari ng Simron at Acsaf. 2 Pinabalitaan din niya ang mga hari sa kaburulan sa dakong hilaga, sa Kapatagan ng Jordan, sa timog ng lawa ng Cineret at sa kapatagan hanggang sa baybayin ng Dor sa gawing kanluran. 3 Nagpasabi rin siya sa mga Cananeo sa magkabilang panig ng Ilog Jordan, sa mga Amoreo, Heteo at Perezeo. Nagpadala rin siya ng mensahe sa mga Jebuseo na naninirahan sa kaburulan, at sa mga Hivita na naninirahan sa paanan ng Bundok Hermon, sa lupain ng Mizpa. 4 Dumating lahat ang mga haring iyon, kasama ang kanilang mga sandatahang lakas. Halos sindami ng buhangin sa tabing-dagat ang bilang ng kanilang hukbo. Napakarami rin ng kanilang mga kabayo at mga karwaheng pandigma. 5 Nagkaisa ang mga haring iyon na pag-isahin ang kanilang mga pwersa at sama-sama silang nagkampo sa may batisan ng Merom upang salakayin ang Israel.
6 Ngunit sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Asahan mo, bukas sa ganito ring oras, lilipulin ko silang lahat para sa Israel. Lalagutan ninyo ng litid upang mapilay ang kanilang mga kabayo at susunugin ang kanilang mga karwahe.” 7 Kaya't sila'y biglang sinalakay ni Josue at ng kanyang mga kawal sa may batis ng Merom. 8 Pinagtagumpay ni Yahweh ang mga Israelita. Hinabol nila ang mga kaaway hanggang sa Dakilang Sidon at sa Misrefot-mayim sa gawing hilaga, at hanggang sa Libis ng Mizpa sa gawing silangan. Nagpatuloy ang labanan hanggang walang natirang buháy sa mga kaaway. 9 Ginawa sa kanila ni Josue ang utos ni Yahweh, pinilayan niya ang mga kabayo at sinunog ang kanilang mga karwahe.
10 Pagkatapos, bumalik si Josue, sinakop ang Hazor at pinatay ang hari roon. Nang panahong iyon, ang Hazor ang kinikilalang pinakamakapangyarihang lunsod sa mga kahariang iyon. 11 Sinunog ng mga Israelita ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon—walang itinira ni isa man. 12 Natalo ni Josue ang lahat ng mga haring iyon at sinakop ang kanilang mga lunsod. Pinatay niyang lahat ang mga tao roon, gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Yahweh. 13 Maliban sa Hazor na sinunog ni Josue, hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lunsod na nasa burol. 14 Sinamsam ng mga Israelita ang kanilang mahahalagang kagamitan at mga baka. Ngunit pinatay nila ang mga tao roon at walang itinirang buháy. 15 Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises, at ibinigay naman ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises.
Sinakop ni Josue ang Buong Lupain
16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon: ang kaburulan at ang mga nasa paanan ng bundok na nasa hilaga at timog, ang buong saklaw ng Goshen, at ang tuyong bahagi sa katimugan nito, pati ang Kapatagan ng Jordan. 17 Buhat sa Bundok Halac paahon sa Seir hanggang sa Baal-gad sa Kapatagan ng Lebanon, sa may paanan ng Bundok Hermon, ay nasakop lahat ni Josue at pinatay ang kanilang mga hari. 18 Matagal ding dinigma ni Josue ang mga bansang ito. 19 Walang nakipagkasundo sa Israel kundi ang mga Hivita na naninirahan sa Gibeon. 20 Ipinahintulot(A) ni Yahweh na mahigpit silang makipaglaban sa mga Israelita, upang walang awa silang lipuling lahat at matupok ang kanilang mga lunsod, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Moises.
21 Nang panahon ding iyon, sinalakay ni Josue ang lahi ng mga higante na tinatawag na mga Anaceo sa kaburulan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kaburulan ng Juda at Israel. Sila'y nilipol niya, 22 kaya't walang natirang Anaceo sa lupain ng Israel. Sa Gaza, sa Gat at sa Asdod lamang may natirang ilan. 23 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, at ipinamahagi sa bawat lipi ng Israel, upang paghati-hatian ng lahat ng bumubuo ng bawat lipi.
Pagkatapos nito, namuhay na nang mapayapa ang mga Israelita sa lupaing iyon.
Ang mga Haring Natalo ng mga Israelita
12 Nasakop(B) ng mga Israelita ang lupain sa silangan ng Ilog Jordan, buhat sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon, at nalupig nila ang mga hari roon. 2 Ang una'y si Sihon, ang hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon. Sakop niya buhat sa bayan ng Aroer sa Ilog Arnon, pati ang kalahati ng libis nito, hanggang sa Batis ng Jabok sa may hangganan ng mga Ammonita. Samakatuwid, sakop niya ang kalahati ng Gilead, 3 gayundin ang Araba sa gawing silangan ng Jordan, buhat sa gilid ng Lawa ng Cineret patungo sa Beth-jesimot sa gawing silangan, hanggang sa Dagat na Patay tuloy sa paanan ng Bundok ng Pisga papuntang timog.
4 Nalupig din nila si Haring Og ng Bashan, isa sa ilang natira sa lahi ng mga higante. Nanirahan ang haring ito sa Astarot at sa Edrei. 5 Sakop niya ang kabundukan ng Hermon, ang Saleca, ang buong Bashan hanggang sa lupain ng mga Gesureo at mga Maacateo. Kasama pa rin ng nasasakupan niya ang kalahati ng Gilead, karatig ng lupain ni Sihon na hari ng Hesbon. 6 Ang(C) dalawang ito'y nilupig ng mga Israelita, sa pamumuno ni Moises. Ibinigay ni Moises na lingkod ni Yahweh ang mga lupain nila sa lipi ni Ruben, ni Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases.
Ang mga Haring Natalo ni Josue
7 Sa pamumuno ni Josue, tinalo ng mga Israelita ang mga hari sa kanluran ng Ilog Jordan: buhat sa Baal-gad, sa kapatagan ng Lebanon hanggang sa Bundok ng Halac, sa pag-ahon ng Bundok Seir. Ang kanilang mga lupai'y pinaghati-hati ni Josue sa mga lipi ng Israel upang maging pag-aari ng mga ito habang panahon. 8 Saklaw ng mga lupaing iyon ang kaburulan, ang mga kapatagan, ang Araba, ang paanan ng mga bundok, ang ilang, at ang Negeb. Doon naninirahan ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 9 Ito ang mga haring tinalo ng Israel sa pamumuno ni Josue: ang mga hari ng Jerico at ng Ai na malapit sa Bethel; 10 ang mga hari ng Jerusalem at Hebron; 11 ng Jarmut at ng Laquis; 12 ng Eglon at ng Gezer; 13 ng Debir at ng Geder; 14 ng Horma at ng Arad; 15 ng Libna at ng Adullam; 16 ng Maceda at ng Bethel; 17 ng Tapua at ng Hefer; 18 ng Afec at ng Lasaron; 19 ng Madon at ng Hazor; 20 ng Simron-meron at ng Acsaf; 21 ng Taanac at ng Megido; 22 ng Kades at ng Jokneam sa Carmelo; 23 ng Dor sa baybayin ng Dor, ang hari ng mga Goyim sa Galilea, 24 at ang hari ng Tirza. Lahat-lahat ay tatlumpu't isang hari.
Pinagaling ang Sampung Ketongin
11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Habang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”
14 Pagkakita(A) sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”
Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.
17 “Hindi ba't sampu ang pinagaling?”
tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
Ang Pagdating ng Kaharian ng Diyos(B)
20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
22 At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, ‘Naroon!’ o, ‘Narito!’ Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat [pagsapit ng takdang araw,][a] ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng salinlahing ito. 26 Ang(C) pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. 27 Ang(D)(E) mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
31 “Sa(F) araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin(G) ninyo ang asawa ni Lot. 33 Ang(H) sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. [36 May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.]”[b]
37 “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad.
Sumagot siya, “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
5 Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan,
ngunit ang salita ng masama ay nakakahiyang pakinggan.
6 Ang mabuti'y iniingatan ng kanyang katuwiran,
ngunit ang masama'y ipinapahamak ng likong pamumuhay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.