Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 31:1-32:27

Si Josue ang Kahalili ni Moises

31 Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita. Ang(A) sabi niya, “Sandaa't dalawampung taon na ako ngayon at hindi ko na kayo kayang pamunuan. Bukod dito, sinabi sa akin ni Yahweh na hindi ako maaaring tumawid sa Jordan. Ang Diyos ninyong si Yahweh mismo ang mangunguna sa inyo. Pupuksain niya ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila. Si Josue ang inyong magiging pinuno gaya ng sinabi ni Yahweh. Ang(B) mga bansang iyon ay lilipulin ni Yahweh tulad ng ginawa niya sa mga haring Amoreo na sina Sihon at Og, at sa kani-kanilang kaharian. Sila'y ipapabihag ni Yahweh sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo. Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.”

Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng sambayanan ng Israel ay sinabi ang ganito: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mangunguna sa bayang ito sa pagsakop sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa kanilang mga ninuno. Si(C) Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”

Dapat Basahin ang Kautusan Tuwing Ikapitong Taon

Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan. 10 Sinabi(D) niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang, 11 basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya. 12 Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos. 13 Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.”

Ang Huling Tagubilin ni Yahweh kay Moises

14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila. 15 Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.

16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 17 Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.

18 “Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan. 19 Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila. 20 Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.”

22 Nang araw ring iyon, sinulat niya ang isang awit at itinuro ito sa mga Israelita.

23 Itinalaga(E) ni Yahweh si Josue na anak ni Nun. Sinabi niya, “Magpakatatag at lakasan mo ang loob mo sapagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagpunta nila sa lupaing ipinangako ko sa kanila. Hindi kita pababayaan.”

24 Matapos isulat ni Moises sa isang aklat ang buong kautusan, 25 sinabi niya sa mga pari, 26 “Dalhin ninyo ang aklat na ito at itabi sa Kaban ng Tipan upang maging babala sa inyo. 27 Alam kong kayo'y mapaghimagsik at matigas ang ulo. Kung ngayong buháy pa ako ay lagi kayong naghihimagsik kay Yahweh, lalo na kung patay na ako. 28 Pupulungin ko ang inyong matatanda at ang inyong mga pinuno. Ipapaliwanag ko sa kanila ang mga bagay na ito, at gagawin kong saksi ang langit at lupa laban sa kanila. 29 Sapagkat natitiyak kong kayo'y magpapakasama pagkamatay ko, lilihis kayo sa daang itinuro ko sa inyo. Darating ang araw na magagalit sa inyo si Yahweh dahil gagawin ninyo ang pinakaaayawan niya.”

Ang Awit ni Moises

30 Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita:

32 “Pakinggan mo, langit, ang aking sasabihin,
    unawain mo, lupa, ang aking bibigkasin.
Pumatak nawang gaya ng ulan ang aking ituturo,
    ang salita ko nawa'y tulad ng hamog na namumuo;
    upang halama'y diligan at damo'y tumubo.
Sapagkat si Yahweh ay aking pupurihin,
    ang kanyang pangalan ay inyong dakilain.

“Si Yahweh ang inyong batong tanggulan,
    mga gawa niya'y walang kapintasan,
mga pasya niya'y pawang makatarungan;
    siya'y Diyos na tapat at makatuwiran.
Datapwat ang Israel sa kanya ay nagtaksil,
    di na karapat-dapat na mga anak ang turing,
    dahil sa pagkakasala nila at ugaling suwail.
O mga mangmang at hangal na tao,
    ganyan ba susuklian ang kabutihan sa inyo ni Yahweh na inyong ama at sa inyo'y lumikha,
    at nagtaguyod na kayo'y maging isang bansa?

“Alalahanin ninyo ang mga lumipas na panahon, ang mga salinlahi ng mga nagdaang taon;
    tanungin ninyo ang inyong ama at kanilang sasabihin,
    pati ang matatanda at kanilang sasaysayin.
Nang(F) ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain,
    nang ang mga bansa'y kanyang hati-hatiin,
mga hangganan nito'y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya.
Pagkat ang lahi ni Jacob ay kanyang pinili,
    sila ang kanyang tagapagmanang lahi.

10 “Sa isang disyerto sila'y kanyang natagpuan,
    sa isang lupang tigang at walang naninirahan.
Doon sila'y kanyang pinatnubayan,
    binantayan at doo'y inalagaan.
11 Isang inahing agila, ang kanyang katulad,
    sila'y mga inakay na tinuruan niyang lumipad;
upang ang Israel ay hindi bumagsak,
    sinasalo niya ng malalapad niyang pakpak.
12 Si Yahweh lamang ang sa kanila'y pumatnubay,
    walang diyos na banyaga ang sa kanila'y dumamay.

13 “Kanyang pinagtagumpay sila sa kaburulan,
    sila'y kumain ng mga ani sa kabukiran.
Nakakuha sila ng pulot sa mga batuhan,
    nakahukay rin ng langis sa lupang tigang.
14 Kanilang mga baka't kambing ay sagana sa gatas;
    pinakamainam ang kanilang kawan, trigo, at katas ng ubas.

15 “Si Jacob na irog, tumaba't lumaki—katawa'y bumilog;
ang Diyos na lumalang kanyang tinalikuran,
    at itinakwil ang batong tanggulan ng kanyang kaligtasan.
16 Pinanibugho nila si Yahweh dahil sa mga diyus-diyosan.
    Poot niya'y pinag-alab sa pagsambang kasuklam-suklam.
17 Naghain(G) sila ng handog sa mga demonyo,
    sa mga diyus-diyosang hindi nila alam kung ano;
ngayon lamang dumating mga diyos na bago,
    na hindi sinamba ng kanilang mga lolo.
18 Iniwan ninyo ang batong tanggulan na sa inyo'y nagdalang-tao,
    kinalimutan ninyo ang Diyos na tunay na sa inyo ay nagbigay-buhay.

19 “Nang makita ni Yahweh ang ginawa nilang ito, napuspos siya ng galit,
    poot niya'y nag-alimpuyo laban sa mga anak na inari niyang totoo.
20 ‘Kaya't ako'y lalayo,’ ang sabi niya,
‘Kanilang mga dalangin di na diringgin pa,
    tingnan ko lang ang kanilang sasapitin—
isang lahing suwail, mga anak na taksil.
21 Pinanibugho(H) nila ako sa mga diyos na hindi totoo,
    sa pagsamba sa kanila'y ginalit nila ako,
kaya't bayang hangal kahit hindi akin ay siyang gagamitin,
    upang aking bayan galitin at panibughuin.
22 Galit ko'y bubuga ng nag-aalab na poot,
    maglalagablab hanggang sa kalaliman ng daigdig ng mga patay.
Lupa't bunga nito apoy ang tutupok,
    sa mga saligan ng bundok siya ang susunog.’

23 “‘Tatambakan ko sila ng labis na paghihirap,
    pauulanan ko sila ng aking mga sibat.
24 Padadalhan ko sila ng nakakalunos na salot,
    matinding lagnat at gutom ang aking idudulot.
Mababangis na hayop aking pasasalakayin,
    makamandag na ahas sila'y tutuklawin.
25 Sa mga lansanga'y magkakaroon ng mga patayan,
    sindak at takot naman sa mga tahanan;
binata't dalaga'y kapwa pupuksain,
    maging pasusuhing sanggol at matatandang ubanin.
26 Naisip ko na sana'y sila ang lipulin,
    sa alaala ng madla sila ay pawiin.
27 Subalit ayaw kong mangyari na ang mga kaaway ay pahambog na magsabi:
    Kami ang lumupig sa kanila,
    ngunit akong si Yahweh ang talagang sa kanila'y nagparusa.’

Lucas 12:8-34

Pagkilala kay Cristo(A)

“Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.

10 “Ang(B) sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11 “Kapag(C) kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga pinuno at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Maling Pag-iipon ng Kayamanan

13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na paghatian namin ang aming mana.”

14 Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”

16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos,(D) ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’

20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Pananalig sa Diyos(E)

22 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, sa inyong kakainin, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. 23 Sapagkat ang buhay ay higit pa kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagdagdag sa kanyang buhay[a] ng kahit isang oras dahil sa pagkabalisa? 26 Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nababalisa tungkol sa ibang mga bagay? 27 Tingnan(F) ninyo ang mga bulaklak sa parang kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 28 Kung dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. 30 Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 31 Subalit, bigyang halaga ninyo nang higit sa lahat ang kaharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.”

Ang Kayamanang Hindi Mawawala(G)

32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”

Mga Awit 78:32-55

32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunud-sunod na himala,
    ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33 Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
    bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34 Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
    nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
    ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
    pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37 Sa(A) kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
    hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.

38 Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,
    ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin;
    dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin,
kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
39 Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,
    hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.

40 Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang;
    ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
41 Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,
    ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel.
42 Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain,
    gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
43 Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,
    ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
44 Yaong(B) mga ilog doo'y naging dugong umaagos,
    kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
45 Makapal(C) na mga langaw at palaka ang dumating,
    nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
46 Dumating(D) ang maninira sa taniman ng halaman,
    mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
47 Pati(E) tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,
    anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro.
48 Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,
    sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
49 Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,
    kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,
    mga anghel ang gumanap ng parusang sunud-sunod.
50 Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,
    yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;
    dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
51 Yaong(F) lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,
    ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham.

52 Tinipon(G) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
    inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(H) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
    samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(I) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
    sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(J) niyang lahat ang naroong namamayan,
    pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
    sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.

Mga Kawikaan 12:21-23

21 Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid,
    ngunit ang buhay ng masama ay puno ng ligalig.
22 Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling,
    ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw.
23 Hindi agad sinasabi ang alam ng matalino,
    ngunit kahangalan ay inihahayag ng mangmang na tao.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.