Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 1:1-2:10

Nabihag ng Lipi nina Juda at Simeon ang Hari ng Bezek

Pagkamatay ni Josue, nagtanong kay Yahweh ang mga Israelita, “Sino sa amin ang unang sasalakay sa mga Cananeo?”

“Ang lipi ni Juda ang mauuna. Ipapasakop ko sa kanila ang lupain,” sagot ni Yahweh.

Sinabi ng mga kabilang sa lipi ni Juda sa mga kabilang sa lipi ni Simeon, “Tulungan ninyo kami sa pagsakop sa lugar na nakalaan para sa amin, at pagkatapos ay tutulungan naman namin kayo sa pagsakop sa lupaing para sa inyo.” Tumulong nga ang lipi ni Simeon. Tinulungan sila ni Yahweh na matalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo. Umabot sa sampung libo ang napatay nila sa Bezek. Doon nila nilabanan ang hari ng Bezek, mga Cananeo at mga Perezeo. Tumakas ang hari ng Bezek ngunit hinabol nila ito, at nang mahuli ay pinutulan ng hinlalaki sa paa't kamay. Sinabi ng hari ng Bezek, “Pitumpung hari na ang naputulan ko ng hinlalaki ng paa't kamay, at pinamulot ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayo'y pinagbayad ako ng Diyos sa aking ginawa.” Dinala ito sa Jerusalem at doon namatay.

Nasakop ng Lipi ni Juda ang Jerusalem at Hebron

Ang Jerusalem ay sinalakay at nasakop ng lipi ni Juda. Pinatay nila ang mga nakatira roon at sinunog ang lunsod. Pagkatapos, nilabanan naman nila ang mga Cananeo sa mga kaburulan, sa kapatagan at sa disyerto sa katimugan. 10 Sinalakay ng lipi ng Juda ang mga Cananeong nasa Hebron, dating Lunsod ng Arba, at natalo nila sina Sesai, Ahiman at Talmai.

Nasakop ni Otniel ang Debir(A)

11 Mula sa Hebron, sinalakay naman nila ang Debir, ang dating Lunsod ng Sefer. 12 Sinabi ni Caleb, “Ang anak kong si Acsa ay ibibigay ko para maging asawa ng sinumang makakasakop sa Lunsod ng Sefer.” 13 Si Otniel na anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb ang nakasakop sa lunsod, kaya siya ang napangasawa ni Acsa. 14 Nang sila'y ikasal na, inutusan ni Otniel si Acsa[a] na humingi ng bukirin sa kanyang amang si Caleb. Kaya, nagpunta si Acsa kay Caleb. Pagdating doon, tinanong naman siya agad nito kung ano ang kailangan niya. 15 “Bigyan mo po sana ako ng lugar na may tubig. Ang lupang ibinigay mo sa akin ay walang mapagkukunan ng tubig,” sabi ni Acsa. At ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga balon sa gawing itaas at ibaba.

Ang mga Tagumpay ng Lipi nina Juda at Benjamin

16 Ang angkan ni Hobab na isang Cineo, na kamag-anak ng biyenan ni Moises, ay sumama sa lipi ni Juda mula sa Jerico, ang Lunsod ng mga Palma, hanggang sa ilang ng Juda, sa timog ng Arad. Nanirahan silang kasama ng mga Amalekita.[b] 17 Ang lipi naman ni Simeon ay tinulungan ng lipi ni Juda sa pagsakop sa Lunsod ng Sefat. Winasak nila ito nang husto at pinangalanang Horma.[c] 18 Nasakop din nila ang buong Gaza, Ashkelon at Ekron. 19 Tinulungan ni Yahweh ang Juda, kaya't nasakop nila ang mga kaburulan. Ngunit hindi nila nasakop ang mga nasa kapatagan sapagkat ang mga tagaroon ay may mga karwaheng bakal. 20 At(B) tulad ng sinabi ni Moises, ibinigay nga kay Caleb ang Hebron. Pinalayas niya roon ang tatlong anak ni Anac. 21 Ang(C) mga Jebuseo namang naninirahan sa Jerusalem ay hindi pinaalis ng lipi ni Benjamin, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito.

Sinakop ng mga Lipi ni Jose ang Bethel

22-23 Ang lunsod naman ng Bethel na dating Luz ay sinalakay ng mga lipi ni Jose at tinulungan din sila ni Yahweh. Nagpadala muna sila roon ng mga espiya. 24 Sa daan ay may nasalubong silang isang tao mula sa lunsod. Sinabi nila rito, “Ituro mo sa amin ang pagpasok sa lunsod at gagantimpalaan ka namin.” 25 Itinuro naman nito sa kanila, at pinatay nila ang mga tagaroon maliban sa lalaking napagtanungan nila pati ang pamilya nito. 26 Pagkatapos, ang lalaking iyon ay nagpunta sa lupain ng mga Heteo at nagtayo ng isang lunsod na hanggang ngayo'y tinatawag na Luz.

Hindi Pinaalis ng mga Israelita ang mga Cananeo

27 Hindi(D) pinaalis ng lipi ni Manases ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Beth-sean, Taanac, Dor, Ibleam, Megido at sa mga nayong sakop ng mga ito. Kaya't nanatili roon ang mga Cananeo. 28 Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin.

29 Hindi(E) rin pinaalis ng lipi ni Efraim ang mga Cananeo sa lunsod ng Gezer. Sila'y sama-samang nanirahan doon.

30 Hindi pinaalis ng lipi ni Zebulun ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Kitron at Nahalol. Sama-sama silang nanirahan doon, subalit sapilitan nilang pinagtatrabaho ang mga ito bilang mga alipin.

31 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Asher ang mga taga-lunsod ng Acco, Sidon, Ahlab, Aczib, Helba, Afec at Rehob. 32 Sama-sama silang nanirahan doon.

33 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Neftali ang mga taga-Beth-semes at Beth-anat. Sila'y sama-samang nanirahan doon ngunit inalipin nila ang mga tagaroon.

34 Ang lipi naman ni Dan ay napaurong ng mga Amoreo papuntang bulubundukin. Hindi sila pinayagan ng mga Amoreo na makapanirahan sa kapatagan, sa halip ay itinaboy sila sa kaburulan. 35 Hindi umalis sa Heres, Ayalon at Saalbim ang mga Amoreo, ngunit dumating ang araw na nasakop sila ng mga lipi ni Jose at inalipin sila ng mga ito. 36 Ang sakop ng mga Amoreo ay mula sa Pasong Alakdan hanggang sa Petra.

Nagpunta sa Boquim ang Anghel ni Yahweh

Mula sa Gilgal, nagpunta sa Boquim ang anghel ni Yahweh. Sinabi niya sa mga Israelita, “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala sa lupain na aking ipinangako sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ako sisira sa ating kasunduan. Sinabi(F) ko ring huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon, sa halip ay gibain ninyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang inyong ginawa? Hindi ninyo ako sinunod! Kaya ngayon, hindi ko sila paaalisin sa lupaing pupuntahan ninyo. Magiging tinik sila sa inyong landas at ang mga diyus-diyosan nila ay magiging mabigat na pagsubok sa inyo.” Matapos sabihin ito ng anghel ni Yahweh, nag-iyakan ang mga Israelita. Kaya, tinawag nilang Boquim[d] ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Yahweh.

Ang Pagkamatay ni Josue

6-10 Pinalakad(G) na ni Josue ang mga Israelita at kanila ngang tinirhan ang mga lupaing nakatalaga para sa kanila. Si Josue ay namatay sa edad na 110 taon at inilibing siya sa Timnat-heres, isang lugar na sakop ng kanyang lupain sa kaburulan ng Efraim, sa gawing hilaga ng Bundok Gaas. Namatay rin ang buong salinlahing kasabayan ni Josue. Naglingkod nang tapat kay Yahweh ang mga Israelita habang nabubuhay si Josue at ang mga pinunong nakasaksi sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Yahweh para sa Israel. Subalit ang sumunod na salinlahi ay nakalimot kay Yahweh at sa lahat ng ginawa niya para sa Israel.

Lucas 21:29-22:13

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(A)

29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinghaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang kaharian ng Diyos. 32 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang salinlahing ito. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.”

Mag-ingat Kayo

34 “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao.”

37 Araw-araw,(B) si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya.

Ang Balak Laban kay Jesus(C)

22 Malapit(D) nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao.

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(E)

Noon(F) nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa. Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus. Natuwa sila at pumayag na babayaran si Judas ng salapi. Nakipagkasundo siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao.

Paghahanda para sa Pista ng Paskwa(G)

Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siyang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong Pampaskwa. Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating Hapunang Pampaskwa.”

“Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila.

10 Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. 11 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung nasaan ang silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa Hapunang Pampaskwa.’ 12 Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.”

13 Lumakad sila at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskwa.

Mga Awit 90-91

IKAAPAT NA AKLAT

Ang Diyos at ang Tao

Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.

90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
    buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
    hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
    ikaw noon ay Diyos na,
    pagkat ika'y walang hanggan.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
    sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
    sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
    isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
    parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
    kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
    sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
    mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.

Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
    parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
    minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
    pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.

11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
    Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
    itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.

13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
    Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
    at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
    singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
    at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
    magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
    Magtagumpay nawa kami!

Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin

91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
    at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
ay makakapagsabi kay Yahweh:
    “Muog ka't kanlungan,
    ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas,
    at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas.
Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak,
    at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak;
    iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,
    maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway.
    Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,
    sa pagpuksa'y wala kang takot, sa araw man dumating.

Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao,
    sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo;
    di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano.
Ika'y magmamasid at sa panonood, mapapatunayan,
    iyong makikita, taong masasama'y pinaparusahan.

Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
    at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
    kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(C) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
    saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(D) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(E) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
    di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.

14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
    at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
    aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
    aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
    at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”

Mga Kawikaan 13:24-25

24 Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina,
    anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang.
25 Ang matuwid ay sagana sa lahat ng kailangan,
    ngunit ang masama ay palagi namang nagkukulang.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.