Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 32:28-52

28 “Sila'y isang bansang salat sa katuwiran,
    isang bayang wala ni pang-unawa man.
29 Kung sila'y matalino, naunawaan sana nila nangyaring pagkatalo.
    Kung bakit sila nagapi, sasabihin nila ito:
30 Paano matutugis ng isa ang sanlibo?
    O ang sampung libo ng dalawa katao?
Sila'y pinabayaan ng kanilang batong tanggulan
    na sa kanila'y nagtakwil at nang-iwan.
31 Tunay ngang tanggulan nila'y hindi tulad ng sa atin;
    maging ating mga kaaway ito rin ang sasabihin.
32 Sila ay sanga ng ubasan ng Sodoma, mga nagmula sa taniman ng Gomorra;
    mga ubas nila'y tunay na lason at mapakla.
33 Ang alak na dito'y kinakatas,
    ay gaya ng mabagsik na kamandag ng ahas.

34 “Hindi ba't iniingatan ko ito sa aking kaban,
    natatakpang mahigpit sa aking taguan?
35 Akin(A) ang paghihiganti, ako ang magpaparusa;
    kanilang pagbagsak ay nalalapit na.
Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating,
    lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin.
36 Bibigyan(B) ng katarungan ni Yahweh ang kanyang bayan,
    mga lingkod niyang hirang kanyang kahahabagan.
Kapag nakita niyang sila'y nanghihina,
    at lakas nila'y unti-unting nawawala.
37 Pagkatapos itatanong ng Diyos sa kanyang bayan,
    ‘Nasaan ngayon ang inyong mga diyos,
tanggulang inyong pinagkatiwalaan?
38 Sinong umubos sa taba ng inyong handog,
    at sino ang uminom ng alak ninyong kaloob?
Bakit hindi ninyo sila tawagin at tulong ay hingin?
    Hindi ba nila kayo kayang sagipin?

39 “‘Alamin ninyong ako ang Diyos—Oo, ako lamang.
Maliban sa akin ay wala nang iba pa.
Ako'y pumapatay at nagbibigay-buhay,
    ako'y sumusugat at nagpapagaling din naman.
Wala nang makakapigil, anuman ang aking gawin.
40 Isinusumpa ko ito sa harap ng kalangitan, habang ako'y nabubuhay,
    Diyos na walang hanggan.
41 Hahasain ko ang aking tabak na makinang
    upang igawad ang aking katarungan.
Mga kaaway ko'y aking paghihigantihan,
    at sisingilin ko ang sa aki'y nasusuklam.
42 Sa aking mga palaso dugo nila'y dadanak,
    laman nila'y lalamunin nitong aking tabak;
hindi ko igagalang sinumang lumaban,
    tiyak na mamamatay bilanggo ma't sugatan!’

43 “Mga(C) bansa, bayan ni Yahweh'y inyong papurihan,
    mga pumapatay sa kanila'y kanyang pinaparusahan.
Ang kanilang mga kaaway kanyang ginagantihan,
    at pinapatawad ang kasalanan ng kanyang bayan.”[a]

44 Ito nga ang inawit nina Moises at Josue sa harapan ng mga Israelita. 45 Pagkatapos bigkasin ni Moises ang lahat ng ito sa harap ng buong bayan ng Israel, 46 sinabi niya, “Itanim ninyo sa isip ang mga salitang narinig ninyo sa akin ngayon. Ituro ninyo sa inyong mga anak, upang masunod nilang mabuti ang buong kautusan. 47 Mahalaga ang mga salitang ito sapagkat dito nakasalalay ang inyong buhay. Kung susundin ninyong mabuti, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing sasakupin ninyo sa kabila ng Jordan.”

Ipinatanaw kay Moises ang Canaan

48 Nang(D) araw ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Moises, 49 “Umakyat ka sa Abarim, sa Bundok ng Nebo na sakop ng Moab, sa tapat ng Jerico, at tanawin mo ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 50 Doon ka mamamatay sa bundok na iyon tulad ng nangyari kay Aaron sa Bundok ng Hor, 51 sapagkat sinuway ninyo ako sa harapan ng bayang Israel noong sila'y nasa tabi ng tubig sa Meriba-kades sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinakita sa mga Israelita na ako ay banal. 52 Matatanaw mo ang lupaing ibibigay ko sa bayang Israel ngunit hindi mo ito mararating.”

Lucas 12:35-59

Mga Aliping Laging Handa

35 “Maging(A) handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad(B) kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Pinagpala ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Pinagpala sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. 39 Sinasabi(C) ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Ang Tapat at Di Tapat na Alipin(D)

41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?”

42 Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Pinagpala ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ bubugbugin niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing, 46 darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan[a] ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.

47 “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”

Pagkabaha-bahagi ng Sambahayan(E)

49 “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May(F) isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.

53 Ang(G) ama laban sa anak na lalaki,
    at ang anak na lalaki laban sa ama;
ang ina laban sa anak na babae,
    at ang anak na babae laban sa ina;
ang biyenang babae laban sa manugang na babae,
    at ang manugang na babae laban sa biyenang babae.”

Pagkilala sa mga Palatandaan(H)

54 Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyo agad na uulan, at ganoon nga ang nangyayari. 55 At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?”

Makipagkasundo sa Kaaway(I)

57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang tamang gawin? 58 Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo ka sa nagsakdal sa iyo bago dumating sa hukuman; baka kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”

Mga Awit 78:56-64

56 Ngunit(A) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57     katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
    nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
    nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
    itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(B) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
    yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(C) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
    binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
    kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
    dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
    ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.

Mga Kawikaan 12:24

24 Balang araw ang masikap ang mamamahala,
    ngunit ang tamad ay mananatiling alila.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.