Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the MEV. Switch to the MEV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 15-16

15 Hindi nagtagal at dumating ang panahon ng anihan. Dala ang isang batang kambing, dinalaw ni Samson ang kanyang asawa, ngunit ayaw siyang papasukin ng biyenan niyang lalaki. Sa halip ay sinabi, “Akala ko'y galit na galit ka sa kanya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan mo. Ngunit kung gusto mo, nariyan ang mas batang kapatid niya at mas maganda pa sa kanya. Maaari mo na siyang kunin.”

Sumagot si Samson, “Sa ginawa ninyong iyan, hindi ninyo ako maaaring sisihin sa gagawin ko sa inyong mga Filisteo.” Umalis si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat. Pinagtatali niya ang mga ito sa buntot nang dala-dalawa at kinabitan ng sulo. Pagkatapos ay sinindihan niya ang sulo at pinakawalan sa triguhan ang mga asong-gubat. Kaya nasunog lahat ang trigo, hindi lamang ang mga naani na kundi pati iyong hindi pa naaani. Ganoon din ang ginawa niya sa taniman ng olibo. Ipinagtanong ng mga Filisteo kung sino ang may kagagawan niyon, at nalaman nilang si Samson, sapagkat ibinigay ng biyenan niyang taga-Timna ang kanyang asawa sa kasamahan ni Samson. Kaya't pinuntahan nila ang babae at sinunog siya pati ang ama nito.[a] Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa ninyong ito sa akin, hindi ako titigil hangga't hindi ako nakakaganti sa inyo.” Sila'y sinalakay niya at marami ang kanyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at tumira muna sa yungib ng Etam.

Nilupig ni Samson ang mga Filisteo

Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at sinalakay ang bayan ng Lehi. 10 Nagtanong ang mga taga-Juda, “Bakit ninyo kami sinasalakay?”

“Upang hulihin si Samson at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin,” sagot nila. 11 Kaya't ang tatlong libong kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, “Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami'y nadadamay!”

“Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,” sagot niya.

12 Sinabi nila, “Naparito kami para gapusin ka! Isusuko ka namin sa mga Filisteo.”

Sumagot si Samson, “Payag ako kung ipapangako ninyong hindi ninyo ako papatayin.”

13 Sinabi nila, “Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya't siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid at inilabas sa yungib.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay pinalakas ng Espiritu[b] ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid. 15 May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ginamit sa pagpatay sa may sanlibong Filisteo. 16 Pagkatapos, umawit siya ng ganito:

“Sa pamamagitan ng panga ng asno, pumatay ako ng sanlibo;
sa pamamagitan ng panga ng asno, nakabunton ang mga bangkay ng tao.”

17 Pagkatapos, itinapon niya ang panga ng asno; at ang lugar na iyon ay tinawag na Burol ng Panga.

18 Pagkatapos, si Samson ay nakadama ng matinding uhaw. Kaya tumawag siya kay Yahweh at sinabi, “Pinagtagumpay ninyo ako, ngunit ngayo'y mamamatay naman ako sa uhaw at mabibihag ng mga hindi tuling ito.” 19 Kaya't ang Diyos ay nagpabukal ng tubig sa Lehi. Uminom si Samson at nanumbalik ang kanyang lakas. Ang bukal na iyon ay tinawag niyang Bukal ng Tumawag sa Diyos. Naroon pa ito hanggang ngayon.

20 Si Samson ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng dalawampung taon, bagama't sakop pa rin ng mga Filisteo ang lupain ng Israel.

Si Samson sa Gaza

16 Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. Doo'y may nakilala siyang isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Siya ay nagpalipas ng gabi roon kasama ang babaing ito. Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na iyon, at magdamag na nagbantay sa pasukan ng lunsod. Ipinasya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson. Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron.

Sina Samson at Delilah

Pagkatapos nito'y umibig naman si Samson sa isang dalagang nakatira sa libis ng Sorek. Siya ay si Delilah. Ang babaing ito'y nilapitan ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya. Kapag nagawa mo iyan, bawat isa sa ami'y magbibigay sa iyo ng sanlibo't sandaang pirasong pilak.”

Kaya't sinabi ni Delilah kay Samson, “Sabihin mo naman sa akin kung saan nanggagaling ang iyong lakas. Paano ka ba maigagapos at madadaig?”

Sumagot si Samson, “Kapag ako'y ginapos ng pitong sariwang yantok, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”

Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson. Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas.

10 Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.”

11 Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”

12 Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid.

13 Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.”

Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.”

14 Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok.

15 Kaya't sinabi sa kanya ni Delilah, “Ang sabi mo'y mahal mo ako, hindi pala totoo! Tatlong beses mo na akong niloloko. Bakit ayaw mong sabihin sa akin ang lihim ng iyong lakas?” 16 Araw-araw ay iyon ang inuulit-ulit niya kay Samson hanggang sa mainis ito. 17 Kaya, sinabi na niya ang totoo, “Alam mo, mula sa pagkabata'y inilaan na ako sa Diyos bilang isang Nazareo. Ni minsa'y hindi pa nasasayaran ng panggupit ang aking buhok. Kaya, kapag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao.”

18 Nabatid ni Delilah na nagsasabi na ng totoo si Samson, kaya ipinatawag niya ang mga haring Filisteo. Ipinasabi niyang nagtapat na si Samson kaya maaari na silang magbalik sa Sorek. Nagbalik nga roon ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delilah. 19 Si Samson naman ay pinatulog ni Delilah sa kanyang kandungan. Nang ito'y mahimbing na, tumawag siya ng isang tao at ginupit ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Nang mawala na ang kanyang kakaibang lakas, ginising ni Delilah si Samson 20 at kanyang sinabi, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Nagtangkang bumangon si Samson sapagkat akala niya'y makakawala siyang tulad ng dati. Hindi pa niya namamalayang iniwan na siya ni Yahweh. 21 Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa isang gilingan sa loob ng bilangguan. 22 Samantala, unti-unting humabang muli ang kanyang buhok.

Ang Kamatayan ni Samson

23 Minsan, nagkatipon ang mga haring Filisteo upang magdiwang at maghandog sa diyus-diyosan nilang si Dagon. Sa kanilang pagdiriwang ay umaawit sila ng, “Pinagtagumpay tayo ng ating diyos laban kay Samson na ating kaaway.” 24 Nang siya'y makita ng mga taong-bayan, ang mga ito'y umawit din ng, “Tayo'y pinagtagumpay ng ating diyos laban sa sumira sa ating lupain at pumatay sa marami nating kasamahan.” 25 At sa laki ng kanilang katuwaan, naisipan nilang pagkatuwaan si Samson. Inilabas nila ito sa bilangguan at pinatayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi.

26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya, “Ihawak mo ang aking mga kamay sa mga haligi ng gusaling ito. Gusto kong sumandal doon.” 27 Ang gusali'y napakasikip dahil sa dami ng tao, babae't lalaki, lahat-lahat ay may 3,000. Naroon din ang mga haring Filisteo. Masaya nilang pinagkakatuwaan si Samson.

28 At nanalangin si Samson, “Panginoong Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukot nila sa aking mga mata.” 29 Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang haligi sa gitna ng gusali, 30 at malakas na sinabi, “Mamamatay ako ngunit sama-sama tayong mamamatay!” Ibinuhos niya ang kanyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at nabagsakan ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroon. Kaya, ang napatay ni Samson sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami pa kaysa noong siya'y nabubuhay.

31 Kinuha ng kanyang mga kapatid at mga kamag-anak ang bangkay ni Samson at inilibing sa puntod ng ama niyang si Manoa, sa pagitan ng Zora at Estaol. Dalawampung taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel.

Juan 2

Ang Unang Himala ni Jesus

Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.”

Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang.[a] Hindi pa ito ang aking tamang oras.”

Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa rituwal ng mga Judio. Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.”

At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”

Dinalhan nga nila ang namamahala, at tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!”

11 Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya.

12 Pagkatapos(A) nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.

Pagmamalasakit para sa Templo(B)

13 Malapit(C) na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. 15 Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”

17 Naalala(D) ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”

18 Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”

19 Sumagot(E) si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”

20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”

21 Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus.

Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao

23 Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang naniwala sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. 24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao. 25 Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao.

Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit na katha ni David.

103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
    At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
    at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
    at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
    at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
    kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.

Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
    natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
    ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
    hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
    yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
    hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.

11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
    gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
    gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
    gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
    at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.

15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
    sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
    nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
    ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
    at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.

19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
    mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
    kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
    kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
    sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!

Mga Kawikaan 14:17-19

17 Ang taong mainit ang ulo ay nakagagawa ng di marapat,
    ngunit ang mahinahon ay lagi nang nag-iingat.
18 Ang taong hangal ay nag-aani ng kamangmangan,
    ngunit ang matalino'y nagkakamit ng karunungan.
19 Ang makasalanan ay gumagalang sa mabuting tao,
    at makikiusap na siya'y tulungan nito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.