Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 2:22-4

Si Eli at ang Kanyang mga Anak

22 Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. 23 Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon? 24 Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo. 25 Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh. 26 Si(A) Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao.

Ang Pahayag tungkol sa Pamilya ni Eli

27 Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Nangusap ako sa ninuno mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ang hari ng Egipto. 28 Sa(B) mga lipi ni Israel ay siya ang pinili kong maging pari. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng insenso, magsusuot ng linong efod, at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan. 29 Bakit ninyo pinagnanasaang maangkin ang mga alay at handog sa akin? Mas iginagalang mo pa yata ang iyong mga anak kaysa sa akin? Bakit mo sila pinababayaang magpasasa sa pinakapiling bahagi ng mga handog para sa akin? 30 Ipinangako ko noon na tanging ang sambahayan mo lamang ang makakalapit sa akin habang panahon. Ngunit hindi na ngayon. Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin. 31 Darating ang araw na papatayin ko ang mga kabataan sa iyong sambahayan at sa iyong angkan. Paiikliin ko ang inyong buhay at maaga kayong mamamatay. 32 Maghihirap kayo at di ninyo matitikman ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Paiikliin ko nga ang inyong buhay. 33 Hindi ko kayo aalising lahat sa paglilingkod sa altar, ngunit ang ititira ko'y daranas ng katakut-takot na paghihirap ng kalooban. Mamamatay sa tabak ang iyong buong pamilya. 34 Bilang(C) katunayan nito, sabay na mamamatay ang mga anak mong sina Hofni at Finehas. 35 Samantala, pipili ako ng isang paring magiging tapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng sambahayan na maglilingkod sa akin habang panahon sa harapan ng mga haring aking hihirangin. 36 Ngunit ang matitira sa iyong sambahayan ay mamamalimos sa kanya. Magmamakaawa siyang gawing katulong ng pari para lamang mabuhay.’”

Ang Pangitain ni Samuel

Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid. Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo, siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!”

“Narito po ako,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.

Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.” Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya.

Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag ninyo ako.”

Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata, kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel. 10 Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!”

Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”

11 Sinabi ni Yahweh, “Hindi magtatagal at may gagawin akong kakila-kilabot na bagay sa Israel. Lahat ng makakabalita nito'y mabibigla. 12 Pagdating ng araw na iyon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli, mula sa umpisa hanggang sa katapusan. 13 Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong paparusahan ang kanyang sambahayan sapagkat hinayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak. Ni hindi man lamang niya pinahinto ang mga ito. 14 Dahil dito, isinusumpa kong hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganang ginawa ng sambahayan ni Eli.”

15 Natulog muli si Samuel at kinaumagaha'y binuksan ang pintuan ng bahay ni Yahweh. Ngunit natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Subalit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.”

“Ano po iyon?” sagot ni Samuel.

17 Sinabi ni Eli, “Anong sinabi sa iyo ni Yahweh? Huwag ka nang maglihim sa akin. Mabigat ang parusang ibibigay sa iyo ni Yahweh kapag hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Kaya't ipinagtapat ni Samuel ang lahat kay Eli; wala siyang inilihim dito. Pagkatapos, sinabi ni Eli, “Iyon ang kagustuhan ni Yahweh. Mangyari nawa ang ayon sa kanyang kalooban.”

19 Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ni Yahweh, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. 20 Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ni Yahweh. 21 Patuloy na nagpapahayag si Yahweh sa Shilo, sapagkat siya'y nangungusap kay Samuel sa Shilo. Dinirinig ng buong Israel ang salitang ipinapahayag ni Samuel.

Nalupig ang Israel

Dumating ang araw na nakipagdigmaan ang mga Israelita laban sa mga Filisteo. Sa Ebenezer nagkampo ang mga Israelita at sa Afec naman ang mga Filisteo. Sumalakay ang mga Filisteo, at pagkalipas ng isang matinding labanan ay natalo nila ang mga Israelita; sila'y nakapatay ng halos apatnalibong kawal ng Israel. Nang makabalik na ang mga nakaligtas sa kanilang kampo, nagtanungan ang matatandang namumuno sa Israel, “Bakit kaya pinabayaan ni Yahweh na matalo tayo ng mga Filisteo ngayon? Ang mabuti pa'y kunin natin sa Shilo ang Kaban ng Tipan upang samahan tayo ni Yahweh. Siguro kung nasa atin iyon ay ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway.” At(D) kinuha nga nila sa Shilo ang Kaban ng Tipan, na kung saan si Yahweh ay nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Sumama sa kanila ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

Napasigaw sa tuwa ang mga Israelita nang dalhin sa kanilang kampo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Halos nayanig ang lupa sa lakas ng kanilang sigawan. Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, “Bakit kaya napakaingay sa kampo ng mga Hebreo?”

Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, natakot sila. Sinabi nila, “May dumating na mga diyos sa kampo ng mga Israelita. Nanganganib tayo ngayon! Ngayon lamang nangyari ito sa atin! Kawawa tayo! Sino ngayon ang makakapagligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba't ibang salot. Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo matalo at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo!”

10 Lumaban nga ang mga Filisteo at ang mga Israelita ay natalo na naman. Ang napatay sa kanila ay 30,000 at nagkanya-kanyang takas pauwi ang mga natira. 11 Nakuha ng mga Filisteo ang Kaban ng Diyos, at kanilang pinatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

Ang Pagkamatay ni Eli

12 Nang araw ring iyon, isang Benjaminita ang patakbong dumating sa Shilo mula sa labanan. Bilang tanda ng kalungkutan, pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan niya ng lupa ang kanyang ulo. 13 Si Eli ay nakaupo noon sa kanyang upuan sa tabing daan, nakatanaw sa malayo at naghihintay ng balita. Nag-aalala siya dahil sa Kaban ng Diyos. At nang ibalita ng Benjaminita ang nangyari, nag-iyakan ang lahat ng taga-lunsod ng Shilo. 14 Narinig ito ni Eli at itinanong niya, “Bakit nag-iiyakan ang mga tao?”

Lumapit kay Eli ang Benjaminita at ibinalita ang nangyari. 15 Noon ay siyamnapu't walong taon na si Eli at hindi na siya nakakakita. 16 Sinabi ng Benjaminita kay Eli, “Ako po'y galing sa labanan. Mabuti na lang po at nakatakas ako.”

“Kumusta naman ang labanan, anak?” tanong ni Eli.

17 Sumagot ang lalaki, “Natalo po ang mga Israelita, at napakarami pong namatay, kabilang ang inyong mga anak na sina Hofni at Finehas. At ang Kaban po ng Diyos ay kanilang naagaw.”

18 Nang marinig ni Eli ang tungkol sa Kaban ng Diyos, siya'y nabuwal sa may pintuan. Nabali ang kanyang leeg sapagkat siya'y mabigat at matanda na. Namatay si Eli pagkatapos ng apatnapung taóng pamamahala sa Israel.

Namatay ang Asawa ni Finehas

19 Kabuwanan noon ng asawa ni Finehas. Nang malaman niyang nakuha ang Kaban ng Diyos, namatay ang kanyang biyenan, at napatay ang kanyang asawa, biglang sumakit ang kanyang tiyan at napaanak nang di oras. 20 Malubha ang kanyang kalagayan. Sinabi ng mga hilot sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob, lalaki ang anak mo.” Ngunit hindi siya umimik.

21 Ang bata ay pinangalanan niyang Icabod[a] na ang kahuluga'y “Umalis na ang kaluwalhatian ng Diyos sa Israel.” Ang tinutukoy niya'y ang pagkakuha sa Kaban ng Diyos at iniisip niya ang pagkamatay ng kanyang biyenan at ng kanyang asawa. 22 Inulit niya, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay wala na sa Israel sapagkat ang Kaban ng Diyos ay nakuha ng mga Filisteo.”

Juan 5:24-47

24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig 29 at sila'y(A) babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan.”

Mga Saksi para kay Jesus

30 “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpadala(B) kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 35 Si(C) Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At(D) ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik(E) ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. 42 Subalit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala sa akin kung ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. 46 Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”

Mga Awit 106:1-12

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

106 Purihin(A) si Yahweh!

Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
    Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
    na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.

Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
    sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
    kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
    ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
    ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
    bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
    upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
    sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
    iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
    lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
    sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.

Mga Kawikaan 14:30-31

30 Ang isip na tiwasay ay nagpapahaba ng buhay,
    ngunit ang kapusukan ay nagbibigay ng kapahamakan.
31 Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal,
    ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng karangalan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.