Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 9-11

Ang Kagandahang-loob ni David

Minsa'y(A) nagtanong si David, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul? Gusto kong ipadama sa kanya ang aking kagandahang-loob alang-alang kay Jonatan.”

Nang buháy pa si Saul, may alipin siyang Ziba ang pangalan, kaya't ipinatawag ito ni David. Paglapit ni Ziba, tinanong siya ng hari, “Ikaw ba si Ziba?”

“Ako nga po, mahal na hari” tugon niya.

“May(B) nalalaman ka bang buháy sa sambahayan ni Saul? Gusto ko siyang pakitaan ng mabuti, ayon sa aking pangako sa Diyos,” wika ng hari.

“Mayroon po. Si Mefiboset[a] na anak ni Jonatan. Siya po'y isang lumpo,” tugon ni Ziba.

“Saan siya naroon?” tanong muli ng hari.

“Nasa Lo-debar po, nakatira sa bahay ni Maquir na anak ni Amiel,” sagot ni Ziba. Ipinasundo agad ni David si Mefiboset,[b] anak ni Jonatan at apo ni Saul. Nang maiharap siya kay David, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang.

“Ikaw ba si Mefiboset?”[c] tanong ng hari.

“Ako nga po, mahal na hari” sagot naman nito.

Sinabi ni David, “Huwag kang matakot. Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para sa iyo, alang-alang kay Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at laging nakahanda ang aking hapag para sa iyo.”

Nagpatirapang muli si Mefiboset,[d] at sinabi niya, “Sino po ako para pag-ukulan ng pansin? Ako'y walang silbi!”

Tinawag ni David si Ziba at sa harapan niya'y sinabi, “Ibibigay ko sa apo ni Saul ang lahat ng ari-arian niya at ng kanyang sambahayan. 10 Kayo ng iyong mga anak at mga alipin ang magbubungkal ng kanyang lupain. Aalagaan ninyong mabuti upang mag-ani nang sagana at magkaroon ng sapat na pagkain ang sambahayan ng iyong panginoon. Ngunit si Mefiboset[e] ay sa akin sasalo ng pagkain.” Ang mga anak ni Ziba ay labinlima at dalawampu ang kanyang mga alipin.

11 Sumagot si Ziba, “Masusunod pong lahat ang utos ninyo, Kamahalan.”

At mula noo'y kasalo na ni David si Mefiboset,[f] parang tunay na anak niya. 12 Si Mefiboset[g] ay may bata pang anak na lalaki na ang pangala'y Mica. Mula nga noon, ang buong sambahayan ni Ziba ay naglingkod kay Mefiboset.[h] 13 Kaya't si Mefiboset[i] na pilay ang parehong paa ay nanirahan sa Jerusalem, at kasalo ng hari sa pagkain.

Nalupig ang Ammon at Aram(C)

10 Hindi nagtagal at namatay ang hari ng mga Ammonita. Ang pumalit dito ay ang anak niyang si Hanun. Sinabi ni David, “Kakaibiganin ko si Hanun, ang anak ni Nahas, sapagkat kaibigan kong matalik ang kanyang ama.” Kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makiramay sa kanya.

Ngunit nang dumating ang mga ito, sinabi ng mga pinunong Ammonita kay Hanun, “Nakakatiyak ba kayo na talagang pinaparangalan ni David ang inyong ama sa kanyang pakikiramay sa inyo? Hindi kaya lihim na nagmamanman lamang ang mga sugong ito para masakop ang lunsod?”

Kaya't ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang kanilang kasuotan hanggang sa balakang, saka ipinagtabuyan. Nang mabalitaan ni David ang ginawang paghamak na ito, ipinasalubong niya ang kanyang mga sugo sapagkat sila'y nahihiyang magbalik. Inutusan niyang doon na muna sila sa Jerico, hanggang hindi tumutubong muli ang kanilang balbas.

Nang malaman ng mga Ammonita na ito'y ikinagalit ni David, umupa sila ng 20,000 kawal mula sa Aram buhat sa Beth-rehob at Soba. Umupa rin sila ng 1,000 tauhan sa pangunguna ng hari ng Maaca, at 12,000 pang taga-Tob. Nalaman ito ni David, kaya't pinalabas niya si Joab kasama ang lahat niyang mandirigma. Dumating naman ang mga Ammonita at humanay sa pintuan ng lunsod. Samantala, sa labas ng kapatagan naman humanay ang mga kawal ng Aram, kasama ang mga tauhan nina Tob at Maaca.

Nang makita ni Joab ang mga kaaway sa kanilang harapan at likuran, itinapat niya sa mga kawal ng Aram ang pinakamahuhusay na kawal Israelita. 10 Ang iba niyang kawal ay ipinailalim niya sa pamumuno ni Abisai na kanyang kapatid, at iniharap naman sa mga Ammonita. 11 Sinabi ni Joab kay Abisai, “Kung hindi namin makakaya ang mga kawal ng Aram, tulungan ninyo kami. Kung hindi naman ninyo kaya ang mga Ammonita, kayo ang tutulungan namin. 12 Magpakatapang kayo! Lakasan ninyo ang loob sa paglaban alang-alang sa bayan at sa mga lunsod ng ating Diyos, at mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.” 13 Lumusob sina Joab at nang malapit na sila'y nagtakbuhan sa takot ang mga kawal ng Aram. 14 Pagkakita ng mga Ammonita sa nangyari, umatras na rin sila at pumasok sa lunsod dahil sa takot kay Abisai. Mula sa labanan, si Joab ay nagbalik sa Jerusalem.

15 Nang malaman ng mga taga-Siria na sila ay natalo ng mga Israelita, muli nilang tinipon ang kanilang hukbo. 16 Ipinatawag ni Hadadezer ang kanyang mga tauhan sa silangan ng Ilog Eufrates. Dumating sila sa Elam at ipinailalim sa pamumuno ni Sobac. 17 Umabot agad ito sa kaalaman ni David, kaya't tinipon niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila ng Ilog Jordan upang harapin ang mga kaaway sa Elam. Humanda naman ang mga kawal ng Aram, at sila'y naglaban. 18 Nalupig na naman sila at nagsitakas habang tinutugis ng mga Israelita. Ang napatay nina David ay 700 nakakarwahe at 40,000 kawal na nakakabayo. Pati si Sobac ay nasugatan nang malubha at namatay sa pook ng labanan. 19 Nang makita ng mga haring sakop ni Hadadezer na wala silang kalaban-laban sa Israel, sumuko na sila. Mula noon, hindi na tumulong kailanman ang mga taga-Siria sa mga Ammonita.

Si David at Batsheba

11 Nang(D) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang nakikipagdigma ang mga hari, pinalabas ni David ang buong hukbo ng Israel. Sa pangunguna ni Joab at ng iba pang mga pinuno, pinuksa nila ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem.

Isang hapon, pagkagising ni David, umakyat siya sa bubungan ng palasyo at naglakad-lakad. Mula roon, may natanaw siyang isang babaing naliligo. Napakaganda ng babae. Ipinagtanong niya kung sino iyon. Sinabi sa kanya na iyo'y si Batsheba, anak ni Eliam at asawa ni Urias na isang Heteo. Ipinakuha niya si Batsheba na noo'y katatapos pa lamang ng kanyang paglilinis ayon sa tuntunin para sa mga babaing nireregla. Sinipingan siya ni David, at pinauwi pagkatapos. Dahil sa nangyaring ito, si Batsheba'y nabuntis, at ipinasabi niya ito kay David.

Inutusan agad ni David si Joab na papuntahin sa kanya si Urias na Heteo. Iyon nga ang ginawa ni Joab. Nang dumating ito, tinanong siya ni David, “Kumusta si Joab at ang hukbo? Ano ang lagay ng labanan?” Sinabi pa niya kay Urias, “Umuwi ka na at sipingan ang iyong asawa sapagkat nanggaling ka pa sa malayong paglalakbay.” Lumakad nga si Urias. Ang hari ay nagpadala pa ng regalo para sa tahanan nito. Ngunit hindi pala ito nagtuloy sa kanila. Sa halip, doon siya natulog sa may tarangkahan ng palasyo, kasama ng mga bantay. 10 Nalaman ito ni David at sinabi niya kay Urias, “Hindi ba't kararating mo lang buhat sa isang mahabang paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi?”

11 Sumagot siya, “Ang Kaban ng Tipan at ang mga kawal ng Israel at Juda ay nasa mga tolda lamang, at sa labas naman natutulog ang aking pinunong si Joab at ang inyong mga punong-kawal. Sa ganitong kalagayan, hindi po maaatim ng aking kaloobang ako'y umuwi upang magpakaligaya sa piling ng aking asawa. Sa harapan ng Diyos, hindi ko po magagawa iyon.”

12 Sinabi ni David kay Urias, “Dumito ka muna ng isa pang araw at bukas ka na umalis.” Kaya nanatili siya sa Jerusalem nang araw na iyon. 13 Kinabukasan, inanyayahan ni David sa pagkain si Urias at ito'y kanyang nilasing. Hindi rin ito umuwi nang gabing iyon, bagkus natulog na kasama rin ng mga bantay.

14 Kinabukasan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias. 15 Ganito ang nilalaman: “Ilagay mo si Urias sa unahan kung saan mainit ang labanan. Pagkatapos, iwan mo siya roon at bayaan mo siyang mapatay.” 16 Habang pinapaligiran nina Joab ang lunsod, inilagay niya si Urias sa gawing malalakas ang kaaway. 17 Lumabas ang mga kaaway mula sa lunsod, at sinalakay ang mga kawal ni Joab. Napatay ang ilang pinuno ni David, kasama si Urias. 18 Ipinadala ni Joab kay David ang ulat tungkol sa labanan. 19 Ngunit ito ang ipinagbilin niya, “Matapos mong ibalita sa hari ang tungkol sa labanan, 20 maaaring siya'y magalit at itanong, ‘Bakit kayo nagpakalapit sa lunsod? Hindi ba ninyo alam na maaari kayong panain mula sa itaas ng pader? 21 Hindi(E) ba ninyo alam ang dahilan ng pagkamatay ni Abimelec na anak ni Gideon?[j] Siya'y nabagsakan ng batong gilingan na inihulog ng isang babae mula sa itaas ng pader sa Tebez. Bakit masyado kayong lumapit sa pader?’ Kung magkagayon, saka mo sabihing napatay rin si Urias.”

22 Lumakad ang sugo at nag-ulat kay David ayon sa sinabi ni Joab. 23 Sinabi niya sa hari, “Lumabas po ang maraming mga kaaway at nilusob kami, ngunit napaurong namin sila hanggang sa may pasukan ng lunsod. 24 Noon po nila kami tinudla mula sa pader at ilan sa inyong mga pinuno ang napatay. Napatay rin po si Urias.”

25 Sumagot si David, “Kung gayon, sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, sapagkat talagang ganyan ang labanan, may napapatay. Ipagpatuloy ninyo ang paglusob hanggang sa mawasak ang lunsod. Sabihin mong huwag masisira ang kanyang loob.”

26 Nang mabalitaan ni Batsheba na napatay si Urias, siya'y nagluksa. Pagkatapos ng pagluluksa, 27 ipinatawag siya ni David at naging asawa nito. Nagkaanak siya ng isang lalaki, ngunit hindi nalugod si Yahweh sa ginawang ito ni David.

Juan 15

Ang Tunay na Puno ng Ubas

15 “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

“Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin, gaya ng sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at nasusunog. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo. Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging mga alagad ko. Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.

11 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan. 12 Ito(A) ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Ang pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinuman para sa kanyang mga kaibigan ay ang ialay ang kanyang buhay para sa kanila. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”

Ang Pagkapoot ng Sanlibutan

18 “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, kayo'y mamahalin nito bilang kanya. Ngunit hindi kayo taga-sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. 20 Alalahanin(B) ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. 21 Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito at nagsalita sa kanila, hindi sana mapapatunayang nagkasala sila. Ngunit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawaing hindi pa nagawa ninuman, wala sana silang kasalanan. Ngunit nakita na nila ang aking mga gawa subalit sa kabila nito'y kinapootan pa rin nila ako at ang aking Ama. 25 Subalit(C) nangyari ito upang matupad ang sinasabi sa kanilang Kautusan, ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’

26 “Ngunit pagdating ng Patnubay na susuguin ko mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, siya ay magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat kasama na ninyo ako buhat pa sa simula.

Mga Awit 119:49-64

Pananalig sa Kautusan ni Yahweh

(Zayin)

49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
    pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
    pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
    ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
    ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
    yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
    ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
    Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
    kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.

Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh

(Kheth)

57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
    kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
    sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
    ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
    sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
    ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
    sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
    mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
    ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.

Mga Kawikaan 16:1-3

Mga Kawikaan tungkol sa Buhay at Pag-uugali

16 Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula,
    ngunit mula kay Yahweh ang sagot ng dila.
Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos,
    ngunit sa tunay niyang layon, si Yahweh ang nakatatalos.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin,
    at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.