The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
23 Umiyak ang mga taong-bayan habang umaalis ang hari at ang kanyang mga tauhan. Tumawid sila ng Batis ng Kidron at nagtuloy sa ilang.
24 Kasama rin nila ang paring si Zadok at lahat ng Levitang nagdadala ng Kaban ng Tipan. Ibinabâ muna nila ito hanggang makalabas ng lunsod ang mga tao. Kasama rin nila ang paring si Abiatar. 25 Tinawag ng hari si Zadok at sinabi, “Ibalik mo na sa lunsod ang Kaban ng Tipan. Kung nasisiyahan sa akin ang Diyos, ibabalik niya ako at makikita kong muli ang Kaban sa pinaglagyan nito. 26 Kung ako nama'y hindi na kinalulugdan, mangyari nawa sa akin ang kanyang kalooban.” 27 Sinabi ng hari kay Zadok, “Hindi ba't ikaw ay isang propeta? Bumalik kayo ni Abiatar at isama ninyo ang anak niyang si Jonatan at ang anak mong si Ahimaaz. Mag-iingat kayo! 28 Dito muna ako sa ilang, sa tabi ng batis at maghihintay ako ng iyong balita.” 29 Ang Kaban ng Tipan ay ibinalik nga nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem, at doon na muna sila nanatili.
30 Si David ay umiiyak na umakyat sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya'y nakatalukbong at umiiyak ding umakyat. 31 May nagbalita sa hari na si Ahitofel ay kabilang sa mga kasabwat ni Absalom, kaya't nanalangin siya, “Yahweh, sana'y gawin ninyong kahangalan ang mga payo ni Ahitofel.”
32 Nang sumapit siya sa taluktok ng bundok kung saan sinasamba si Yahweh, sinalubong siya ni Cusai na Arkita. Sira-sira ang damit nito at puno ng alikabok ang ulo. 33 Sinabi ni David, “Kung sasama ka, isa ka pang magiging pasanin ko. 34 Ngunit malaki ang maitutulong mo sa akin kung babalik ka sa lunsod, at pagdating ni Absalom sabihin mo sa kanyang maglilingkod ka sa kanya tulad ng ginawa mo sa akin. Ngunit lagi mong sasalungatin ang payo sa kanya ni Ahitofel. 35 Dalawang pari ang kasama mo roon, sina Zadok at Abiatar. Lahat ng iyong marinig sa palasyo'y sabihin mo agad sa kanila. 36 Si Ahimaaz na anak ni Zadok at si Jonatan na anak naman ni Abiatar ay kasama nila roon. Ang dalawang ito ang gawin mong tagapaghatid sa akin ng anumang balita.” 37 At si Cusai na kaibigan ni David ay bumalik nga sa lunsod habang papasok naman noon si Absalom sa Jerusalem.
Tinulungan ni Ziba si David
16 Si(A) David ay pababa na noon sa bundok nang sa di kalayua'y nakasalubong niya si Ziba, ang alipin ni Mefiboset. Ito'y may akay na dalawang asno na may kargang dalawandaang pirasong tinapay, sandaang kumpol ng pasas, sandaang buwig ng sariwang prutas, at isang sisidlang balat na puno ng alak. 2 “Anong gagawin mo sa mga 'yan, Ziba?” tanong ng hari.
Sumagot si Ziba, “Ang dalawang asno ay para sakyan ng inyong pamilya, ang tinapay at ubas ay pagkain ng inyong mga alipin, at ang alak po nama'y para sa sinumang manghihina sa ilang.”
3 “Saan(B) naroon ang anak ng iyong panginoong si Saul?” tanong ng hari.
“Nasa Jerusalem po,” tugon ni Ziba, “sapagkat ang paniwala po niya'y ibibigay na sa kanya ang kaharian ng kanyang ama.”
4 Sinabi ng hari, “Ziba, ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset ay magiging iyo.”
Sumagot si Ziba, “Pag-utusan po ninyo ang inyong lingkod; maging karapat-dapat sana ako sa inyong pagtitiwala.”
Nilait ni Simei si David
5 Nang papalapit na sa Bahurim si Haring David, isang kamag-anak ni Saul ang lumabas sa lansangan na nagmumura. Ito'y si Simei na anak ni Gera. 6 Pinagbabato niya si David at ang mga tauhan nito, kahit napapaligiran ang hari ng kanyang mga bantay at kawal. 7 Ganito ang kanyang isinisigaw: “Lumayas ka! Lumayas ka! Mamamatay-tao! Kriminal! 8 Naghiganti na sa iyo si Yahweh dahil sa pagpatay sa sambahayan ni Saul at pag-agaw sa kanyang trono. Ibinigay na kay Absalom ang kanyang kaharian. Tapos na ang mga maliligayang araw mo; isa kang mamamatay tao!”
9 Sinabi ni Abisai, “Mahal na hari, bakit pumapayag kayong lapastanganin ng hampaslupang ito? Ipahintulot po ninyong tagpasin ko ang kanyang ulo.”
10 Ngunit sinabi ng hari kay Abisai at sa kapatid nitong si Joab, “Huwag kayong makialam. Kung iniutos ni Yahweh kay Simei na sumpain ako, sinong may karapatang sumaway sa kanya?” 11 Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang lingkod, “Kung ang anak ko mismo ay nagtatangka sa aking buhay, hindi nga kataka-taka ang ginagawa ng Benjaminitang ito. Hayaan ninyo siyang magmura at sumpain ako. Inutusan siya ni Yahweh na gawin ito. 12 Baka naman kahabagan ako ni Yahweh sa kalagayang ito,[a] at pagpalain ako sa halip na sumpain.” 13 Patuloy sa paglakad sina David at ang kanyang mga tauhan, samantalang sa gilid ng burol, sa tapat nila'y sumasabay si Simei. Hindi ito tumitigil ng panlalait, pambabato, at pagsasaboy ng alikabok sa dakong kinaroroonan nila sa kapatagan. 14 Pagkatapos, dumating ang hari at ang kanyang mga kasamahan na pagod na pagod sa may Ilog Jordan.[b] At nagpahinga muna sila roon.
Pumasok si Absalom sa Jerusalem
15 Hindi nagtagal, pumasok nga sa Jerusalem si Absalom kasama ang lahat ng Israelita pati si Ahitofel. 16 Nang magkita si Absalom at ang kaibigan ni David na si Cusai, sumigaw ito, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!”
17 “Ito ba ang pagpapakita mo ng katapatan sa kaibigan mong si David?” tanong ni Absalom. “Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”
18 Sumagot si Cusai, “Hindi po ako sumama sa kanya, sapagkat ang nais kong paglingkuran ay ang haring pinili ni Yahweh, ng mga tao, at ng bansang Israel. 19 Hindi ba marapat na paglingkuran ko ang anak ng aking panginoon? Paglilingkuran ko po kayo tulad nang paglilingkod ko sa inyong ama.”
20 Tinawag ni Absalom si Ahitofel at humingi ng payo rito, “Ano ba ang mabuting gawin natin?”
21 “Ganito ang gawin mo,” wika ni Ahitofel, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na iniwan niya sa palasyo. Sa ganoon, mababalita sa Israel na talagang kinakalaban mo ang iyong ama, at lalong lalakas ang loob ng mga kumakampi sa iyo.” 22 Kaya't(C) kanilang ipinagtayo si Absalom ng tolda sa itaas ng palasyo upang makita ng buong Israel ang pagsiping niya sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama.
23 Noong panahong iyon, ang mga payo ni Ahitofel ay itinuturing na salita ng Diyos. Maging sina David at Absalom ay sumusunod sa kanyang mga payo.
Muling Ikinaila ni Pedro si Jesus(A)
25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay nakatayo at nagpapainit pa rin sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?”
Ipinagkaila ito ni Pedro. “Hindi!” sagot niya.
26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama ni Jesus sa halamanan?” 27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at agad na tumilaok ang manok.
Dinala si Jesus kay Pilato(B)
28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo ng gobernador mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. 29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?”
30 Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.”
31 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kayo na ang bahala sa kanya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.”
Subalit sumagot ang mga Judio, “Hindi ipinapahintulot sa aming humatol ng kamatayan kaninuman.” 32 Sa(C) gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.
33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya.
34 Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”
35 Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”
36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”
37 “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
38 “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus(D)
Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”
40 “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan.
19 Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. 2 Ang mga kawal ay kumuha ng halamang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube. 3 Lumapit sila sa kanya at sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At kanilang pinagsasampal si Jesus.
4 Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya!” 5 At lumabas si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Pagmasdan ninyo ang taong ito!”
6 Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!”
Sinabi ni Pilato, “Kayo ang bahala sa kanya at magpako sa kanya sa krus, dahil wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya.”
7 Sumagot ang mga Judio, “Mayroon kaming batas at ayon dito ay nararapat siyang mamatay, sapagkat sinasabi niyang siya'y Anak ng Diyos.”
8 Nang marinig ni Pilato ang sinabi nila, lalo siyang natakot. 9 Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Jesus. 10 Muling nagtanong si Pilato, “Ayaw mong magsalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?”
11 Sumagot(E) si Jesus, “Hindi ka magkakaroon ng kapangyarihan sa akin kung hindi iyan ibinigay sa iyo mula sa langit, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.”
12 Nang marinig ito ni Pilato, naghanap siya ng paraan upang palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagsasabing siya'y hari ay kalaban ng Emperador.”
13 Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa upuan ng hukom na nasa dakong tinatawag na “Plataporma,” Gabatha sa wikang Hebreo.
14 Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas-dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!”
15 Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!”
“Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador!”
16 Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y ipako sa krus.
Ipinako si Jesus sa Krus(F)
Kinuha nga nila si Jesus. 17 Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y “Dako ng Bungo,” Golgotha sa wikang Hebreo. 18 Doon ay ipinako siya sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. 19 Gumawa si Pilato ng isang karatula at inilagay sa krus; ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lungsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya't sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag ninyong isulat ang, ‘Ang Hari ng mga Judio’, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”
22 Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko'y naisulat ko na.”
Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh
(Samek)
113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Ayin)
121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.
10 Ang bibig ng hari ay bukal ng mga pasyang kinasihan,
hindi siya namamali sa lahat niyang kahatulan.
11 Ang nais ni Yahweh ay tamang timbangan,
at sa negosyo ay katapatan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.