The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Ang Pagkamatay ni Saul
1 Nang magbalik si David buhat sa matagumpay na pakikidigma laban sa mga Amalekita, tumigil siya ng dalawang araw sa Ziklag. 2 Nang sumunod na araw, dumating buhat sa labanan ang isang lalaking punit ang kasuotan at puno ng alikabok ang ulo. Lumapit ito kay David at nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. 3 “Saan ka galing?” tanong ni David.
“Tumakas po ako sa kampo ng Israel,” sagot ng lalaki.
4 “Bakit? Ano bang nangyari?” tanong ni David.
“Umatras po sa labanan ang hukbo at maraming mga kawal ang napatay. Napatay rin po ang mag-amang Saul at Jonatan,” sagot ng lalaki.
5 “Paano mo nalamang napatay sina Saul at si Jonatan?” tanong ni David.
6 Isinalaysay(A) ng lalaki ang pangyayari. “Nagkataon pong ako'y nasa Bundok ng Gilboa. Nakita ko pong hinahabol si Haring Saul ng mga kaaway sakay ng mga karwahe at kabayo. Noon po'y nakasandal siya sa kanyang sibat. 7 Nang ako'y kanyang makita, tinanong niya kung sino ako. 8 Sinabi ko pong ako'y isang Amalekita. 9 Pinalapit po ako at ang sabi, ‘Hirap na hirap na ako sa kalagayang ito. Mabuti pa'y patayin mo na ako.’ 10 Lumapit naman po ako at pinatay ko nga siya, sapagkat alam kong hindi na rin siya mabubuhay pa dahil sa kanyang tama. Pagkatapos, kinuha ko ang kanyang korona at ang pulseras sa kanyang braso. Heto po't dala ko para sa inyo, panginoon.”
11 Nang marinig ito, pinunit ni David ang kanyang kasuotan; gayundin ang ginawa ng mga kasamahan niya. 12 Tumangis sila, nag-ayuno at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ni Yahweh sa bansang Israel ay nasawi sa labanan. 13 Muling tinanong ni David ang lalaki, “Tagasaan ka nga ba?”
“Ako po'y anak ng isang dayuhang Amalekita,” sagot naman nito.
14 Sinabi ni David, “Hindi ka man lamang natakot na patayin ang haring pinili ni Yahweh?” 15 Kaya't inutusan ni David ang isa niyang kabataang tauhan, “Patayin ang taong ito.” Iyon nga ang kanyang ginawa. 16 At sa harap ng bangkay ay sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa iyong pagkamatay sapagkat hinatulan mo ang iyong sarili nang sabihin mong pinatay mo ang haring pinili ni Yahweh.”
Dinamdam ni David ang Pagkamatay ng Mag-ama
17 Dahil dito, kumanta si David ng isang awit ng pagluluksa bilang alaala kina Saul at sa anak nitong si Jonatan. (18 Iniutos(B) niyang ituro ito sa lahat ng mamamayan ng Juda. Nakasulat ito sa Aklat ni Jaser.)
19 “Karangalan ng Israel sa burol ay niyurakan,
nang mabuwal ang magigiting mong kawal!
20 Dapat itong ilihim, hindi dapat ipaalam,
lalo sa Gat, at Ashkelon, sa liwasan at lansangan;
kung ito ay mababatid, tiyak na magdiriwang,
ang mga Filisteong mga Hentil ang magulang.
21 “Ang lupain ng Gilboa, ang iyong mga bundok, hindi na dapat ulanin, ni bigyan kahit hamog,
mga bukid mo'y hindi na makapaghandog.
Pagkat sandata ni Saul ay sa iyo nadungisan,
na dati-rating makintab, ngayo'y balot ng kalawang.
22 “Ang pana ni Jonatan noo'y hindi nabibigo.
Ang kay Saul na sandata ay hindi naigugupo.
23 “Si Saul at si Jonatan ay ulirang mag-ama,
sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama.
Bilis nila'y higit pa sa agila, higit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila.
24 “Mga kababaihan ng Israel, kayo'y magsitangis,
sa pagpanaw ni Saul na sa inyo'y nagparamit
ng magandang kasuotang may hiyas na nakakabit.
25 “Ang magigiting na kawal ay nabuwal sa labanan,
ganyan napansin sa burol, nang bumagsak si Jonatan.
26 “Sa pagpanaw mo, kapatid kong Jonatan, ngayon ako'y nagluluksa,
pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo'y humahanga.
Ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira,
mahigit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya.
27 “Ang magigiting na kawal sa labana'y nabuwal,
ang kanilang mga sandata ay wala na ngayong kabuluhan.”
Si David ay Naging Hari ng Juda
2 Pagkaraan ng lahat ng ito, sumangguni si David kay Yahweh. “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” tanong niya.
“Lumakad ka,” sagot sa kanya ni Yahweh.
“Saan pong lunsod?” tanong ni David.
“Sa Hebron,” sagot ni Yahweh. 2 Kaya't(C) lumakad si David kasama ang dalawa niyang asawa, sina Ahinoam na Jezreelita, at si Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. 3 Isinama rin ni David ang kanyang mga tauhan pati ang kani-kanilang pamilya. 4 Dumating(D) sa Hebron ang mga taga-Juda at binuhusan nila ng langis si David bilang hari ng Juda.
Nang sabihin nila kay David, “Ang mga taga-Jabes-gilead ang naglibing kay Saul,” 5 nagpadala siya ng mga tauhan sa mga taong iyon dala ang pagbating, “Nawa'y pagpalain kayo ni Yahweh sa kagandahang-loob at kabutihang ginawa ninyo sa panginoon ninyong si Saul, nang siya'y inyong ilibing. 6 Kamtan nawa ninyo ang pag-ibig at katapatan ni Yahweh, at ako nama'y handang gumanti sa inyong kabutihang ginawa. 7 Maging matatag at matapang kayo. Patay na ang inyong haring si Saul at ginawa na akong hari ng mga taga-Juda.”
Ginawang Hari ng Israel si Isboset
8 Samantala, si Isboset[a] na anak ni Saul ay kinuha ni Abner na anak ni Ner, pinuno ng hukbo ni Saul. Siya'y dinala sa Mahanaim, sa kabilang ibayo ng Jordan. 9 Doo'y ginawang hari ni Abner si Isboset upang mamuno sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin at sa buong Israel. 10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taon noon at dalawang taóng naghari sa Israel, ngunit si David ang kinilalang hari ng lipi ni Juda. 11 Naghari si David roon sa loob ng pito't kalahating taon habang siya'y nanirahan sa Hebron.
Hinanap ng Ilang Griego si Jesus
20 May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”
22 Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 Ang(A) taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay
27 “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”
Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”
29 Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”
30 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.
34 Sinagot(B) siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”
Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio
Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38 Nangyari(C) ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”
39 Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,
40 “Binulag(D) ng Diyos ang kanilang mga mata
at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
ni makaunawa ang kanilang mga isip,
baka pa sila'y manumbalik sa akin
at sila'y pagalingin ko.”
41 Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.[a]
42 Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43 Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.
Ang Salita ni Jesus ang Hahatol
44 Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50 At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.
22 Ang(A) (B) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(C) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.
26 Pinagpala(D) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.
28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
27 Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan,
ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal.
28 Tinitimbang ng matuwid kung ano ang sasabihin,
ngunit di na iniisip ng masama ang kanyang sasalitain.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.