The Daily Audio Bible
Today's audio is from the MEV. Switch to the MEV to read along with the audio.
Ang Diyus-diyosan ni Micas
17 Sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang isang tao na Micas ang pangalan. 2 Minsan, sinabi niya sa kanyang ina, “Nang mawala ang 1,100 ninyong pilak, narinig kong sinumpa ninyo ang nagnakaw. Ako po ang kumuha. Heto po, isinasauli ko na sa inyo.”
Pagkatanggap sa mga pilak, sinabi ng ina, “Pagpalain ka ni Yahweh, anak ko. 3 Ang mga pilak na ito'y inihahandog ko kay Yahweh upang gawing imahen para hindi mangyari sa aking anak ang sumpa.” “Kaya nga po ibinabalik ko sa inyo,” sagot ni Micas. 4 Nang ibalik ni Micas ang pilak ng kanyang ina, kinuha nito ang dalawandaang piraso at ibinigay sa isang platero upang gawing imahen. Pagkayari, inilagay niya ito sa bahay ni Micas.
5 Ang lalaking si Micas ay may sariling altar. Mayroon din siyang iba't ibang diyus-diyosan, at ginawa niyang pari ang isa sa kanyang mga anak na lalaki. 6 Nang(A) panahong iyon ay wala pang hari ang Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan.
7 Samantala sa Bethlehem, Juda ay may isang kabataang Levita. 8 Isang araw, umalis ito at naghanap ng tirahan sa ibang lugar. Sa kanyang paglalakbay, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kaburulan ng Efraim. 9 Tinanong siya ni Micas, “Tagasaan ka?”
“Ako po'y taga-Bethlehem, Juda at isang Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan,” sagot niya.
10 Sinabi ni Micas, “Kung gayon, dito ka na. Gagawin kitang tagapayo at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak taun-taon, bukod sa damit at pagkain.” 11 Pumayag ang Levita sa alok ni Micas at siya'y itinuring nitong parang tunay na anak. 12 Hinirang siya ni Micas bilang pari, at doon pinatira. 13 Sinabi ni Micas, “Ngayon, sigurado kong ako'y pagpapalain ni Yahweh sapagkat mayroon na akong isang paring Levita.”
Si Micas at ang Angkan ni Dan
18 Nang panahong iyon ay wala pang hari ang Israel. Ang lipi ni Dan ay naghahanap noon ng lugar na matitirhan. Wala silang tirahan noon sapagkat wala pa silang natatanggap na lupaing mana. 2 Kaya't pumili sila ng limang pangunahing kalalakihan sa kanilang lipi, mula sa Zora at Estaol at pinahanap ng matitirhan nilang lahat. Ang limang inutusan ay nagpunta sa lugar ni Micas at sa bahay nito tumuloy. 3 Samantalang naroon sila, nakilala nilang Levita ang kasama ni Micas dahil sa punto ng salita nito. Kaya, tinanong nila ito, “Anong ginagawa mo rito? Sino ang nagdala sa iyo rito?”
4 “May usapan kami ni Micas at binabayaran niya ako bilang pari,” sagot niya.
5 Sinabi nila sa kanya, “Kung gayon, isangguni mo sa Diyos kung magtatagumpay kami sa lakad naming ito.”
6 Sinabi ng Levita, “Huwag kayong mag-alala. Pinapatnubayan kayo ni Yahweh sa lakad ninyo.”
7 Ang lima ay nagpatuloy sa kanilang lakad at nakarating sa Lais. Nakita nilang tahimik doon. Panatag ang loob ng mga tagaroon, payapa at sapat sa lahat ng pangangailangan. Ang lugar na iyon ay malayo sa mga taga-Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. 8 Nang magbalik sila sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. 9 Ang sabi nila, “Mainam na lugar iyon. Kaya, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lumusob na tayo at nang masakop natin agad. 10 Malawak ang lupaing iyon at sagana sa lahat ng bagay. Ibinigay na ito ng Diyos sa atin, at hindi nila iisiping sasalakayin natin sila.”
11 Kaya, mula sa Zora at Estaol ay lumakad ang may animnaraang mandirigma ng lipi ni Dan. 12 Nagkampo sila sa may Lunsod ng Jearim sa Juda, at hanggang ngayon, ang lugar na iyo'y tinatawag na Kampo ni Dan. 13 Mula roon, dumaan sila sa kaburulan ng Efraim at nagtuloy sa bahay ni Micas.
14 Sinabi sa kanila ng limang nagsiyasat sa Lais, “Sa bahay na ito ay may isang imaheng balot ng pilak, bukod pa sa ibang diyus-diyosan at efod. Ano sa palagay ninyo ang mainam nating gawin para makuha ang mga iyon?” 15 Kaya't pumunta sila sa bahay ni Micas at kinumusta ang kabataang Levita na nakatira roon. 16 Samantalang naghihintay sa tarangkahan ang kasama nilang animnaraang kawal, 17 ang limang espiya ay tuluy-tuloy na pumasok sa bahay ni Micas at kinuha ang mga diyus-diyosan doon, pati ang nababalot ng pilak. Ang pari naman ay nasa tarangkahan, kasama ng animnaraang kawal.
18 Nang makita ng pari na sinamsam ng limang lalaki ang mga imahen, itinanong niya, “Anong ginagawa ninyo?”
19 Sinabi nila, “Huwag kang maingay. Tumahimik ka lang diyan! Sumama ka sa amin at gagawin ka naming pari at tagapayo. Alin ba ang mas gusto mo, ang maging pari ng isa sa lipi ng Israel o ng isang pamilya lamang?” 20 Nagustuhan ng pari ang alok sa kanya, kaya kinuha niya ang mga imahen at masayang sumama sa kanila.
21 At nagpatuloy sila ng paglalakbay. Nasa unahan nila ang mga bata, mga alagang hayop at mga kagamitan. 22 Hindi pa sila gaanong nakakalayo sa bahay ni Micas ay tinipon nito ang kanyang mga kapitbahay at hinabol nila ang mga Daneo, 23 na kanilang sinisigawan. Nang mag-abot sila, tinanong ng mga Daneo si Micas, “Ano ba ang nangyayari at napakarami ninyo?”
24 Sumagot si Micas, “Itinatanong pa ninyo gayong tinangay ninyo ang aking pari at kinuhang lahat ang aking mga diyus-diyosan! Wala na kayong itinira sa akin.”
25 Sinabi nila, “Mabuti pa'y manahimik ka na lang! Baka marinig ka ng mga kasama namin, magalit sila at patayin ka pati ang iyong pamilya.” 26 At nagpatuloy ang lipi ni Dan sa paglakad. Nakita ni Micas na hindi niya kaya ang mga Daneo kaya umuwi na lamang siya.
27 Nagtuloy ang mga Daneo sa Lais, dala ang diyus-diyosan ni Micas pati ang pari. Sinalakay nila ang Lais, isang bayang tahimik at payapa. Pinatay nila ang mga tagaroon, at sinunog ang buong lunsod. 28 Walang nagtanggol sa mga tagaroon sapagkat malayo ito sa Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Ang lugar na ito ay nasa kapatagan ng Beth-rehob. Matapos sunugin, muli itong itinayo ng mga Daneo at kanilang tinirhan. 29 Ang dating pangalang Lais ay pinalitan nila ng Dan, batay sa pangalan ng kanilang ninuno na isa sa mga anak ni Jacob. 30 Ipinagtayo nila ng altar ang diyus-diyosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gersom, apo ni Moises,[a] ang ginawa nilang pari. Mula noon, ang lahi nito ang nagsilbing pari nila hanggang sa sila'y dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway. 31 Ang diyus-diyosan naman ni Micas ay nanatili roon habang nasa Shilo pa ang tabernakulo ng Diyos.
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.”
3 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli[a] ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”
4 “Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo.
5 Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’[b] 8 Umiihip ang hangin[c] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”
9 “Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo.
10 Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung(A) hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13 Wala(B) pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.”
14 At(C) kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.
Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha
104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
2 O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
3 Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
4 Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
5 Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
6 Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
7 Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
8 Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
9 matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.
10 Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11 Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,
maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12 Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,
mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
13 Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14 Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,
nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15 Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,
may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,
at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.
16 Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig,
mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17 Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,
mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18 Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,
sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.
19 Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,
araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20 Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag,
kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21 Umuungal itong leon, samantalang humahanap
ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22 Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli,
pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23 samantalang itong tao humahayo sa gawain,
sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.
24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
20 Ang taong mahirap kadalasa'y tinatalikuran,
ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay gumagawa ng masama,
ngunit ang matulungin, ligaya ang tinatamasa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.