Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 26-28

Hindi na Naman Pinatay ni David si Saul

26 Samantala,(A) nagbalik kay Saul sa Gibea ang mga Zifeo at sinabi nilang si David ay nagtatago sa kaburulan ng Haquila, sa silangan ng Jesimon. Kaya lumakad si Saul, kasama ang tatlong libong pinakamahusay na kawal na Israelita, patungo sa ilang ng Zif upang hanapin si David. Nagkampo sila sa tabing daan sa may kaburulan ng Haquila; sina David naman ay nasa ilang. Nang mabalitaan ni David na hinahanap na naman siya ni Saul, pinalakad niya ang ilan sa kanyang mga tauhan upang lihim na magsiyasat. Sa pamamagitan nila, natiyak niyang hinahanap nga siya ni Saul. Pumunta si David sa kampo ni Saul upang alamin ang kinalalagyan ni Saul. Nakita niyang napapaligiran si Saul ng mga kawal at natutulog sa tabi nito ang pinuno ng kanyang hukbo na si Abner na anak ni Ner.

Tinanong ni David ang Heteong si Ahimelec at si Abisai na kapatid ni Joab at anak ni Sarvia, “Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?”

“Ako,” sagot ni Abisai.

Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napapaligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatusok sa gawing ulunan. Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung gusto mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Isang saksak lang iyan at hindi na kailangang ulitin pa.”

Ngunit sinabi ni David, “Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan na pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. 10 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] darating ang araw na mamamatay rin siya, maaaring sa sakit o sa digmaan. 11 Huwag(B) nawang itulot ni Yahweh na patayin ko ang kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang kanyang sibat, pati ang lalagyan niya ng inumin, at umalis na tayo.” 12 Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan nito ng inumin, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising sapagkat niloob ni Yahweh na makatulog sila nang mahimbing. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.

13 Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar. 14 Sinigawan niya si Abner, “Abner, naririnig mo ba ako?” Ang sigaw niya'y dinig ng buong hukbo.

Sumagot si Abner, “Sino kang nambubulahaw sa hari?”

15 Sumagot naman si David, “Di ba't ikaw ang pinakamagaling na lalaki sa Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang mahal na hari? May nakapasok diyan upang patayin ang hari ngunit hindi mo man lamang namalayan. 16 Nagpabaya ka sa iyong tungkulin. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] dapat kang mamatay sapagkat hindi mo binantayang mabuti ang haring pinili ni Yahweh. Nasaan ang sibat at ang lalagyan ng tubig ng hari?”

17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David. “David, anak ko, ikaw ba iyan?” tanong niya.

“Ako nga po, mahal kong hari,” sagot ni David. 18 Sinabi pa niya, “Bakit ninyo ako inuusig hanggang ngayon? Ano po ba ang nagawa kong kasalanan? 19 Isinasamo ko, mahal na hari, pakinggan po sana ninyo ang aking sasabihin. Kung si Yahweh po ang may gusto na ako'y usigin ninyo, maghandog po kayo sa kanya para mabago ang kanyang pasya. Kung tao naman po ang may udyok nito, sumpain nawa siya ni Yahweh. Dahil sa ginagawa nilang ito, napalayo ako sa bayan ni Yahweh at napadpad sa lupaing diyus-diyosan lamang ang maaari kong sambahin. 20 Huwag ninyo sanang hayaang mapatay ako sa ibang lupain, at malayo kay Yahweh. Bakit ako, na pulgas lamang ang katulad ay gustong patayin ng hari? Bakit kailangan pa niya akong habulin na parang isang mailap na ibon?”

21 Sinabi ni Saul, “Nagkamali nga ako, David, aking anak. Magbalik ka na at hindi na kita gagawan ng masama sapagkat sa araw na ito'y hindi mo na naman ako pinatay. Naging hangal ako! Napakalaki ng kasalanan ko!”

22 Sumagot si David, “Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan. 23 Ang taong tapat at matuwid ay ginagantimpalaan ni Yahweh. Sa araw na ito'y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. 24 Pinahalagahan ko ngayon ang inyong buhay at nawa'y ganoon din ang gawin sa akin ni Yahweh. Nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kaguluhan.”

25 Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka ng Diyos, anak. Marami pang gawaing naghihintay sa iyo at tiyak kong magtatagumpay ka.”

Pagkatapos nito'y lumakad na si David at umuwi naman si Saul.

Si David sa Lupain ng mga Filisteo

27 Sinabi ni David sa kanyang sarili, “Balang araw ay mahuhuli rin ako ni Saul kapag hindi ako umalis dito. Ang mabuti pa'y magtago na lang ako sa lupain ng mga Filisteo. Baka hindi na niya ako habulin kung hindi na niya ako makita sa lupain ng Israel. Ito na lamang ang paraan upang makaligtas ako sa kanya.” Kaya, isinama niya ang animnaraan niyang tauhan at nagpunta sila kay Aquis na anak ni Maoc at hari ng Gat. Doon nanirahan sina David, kasama ang mga asawa niyang si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Kasama naman ng kanyang mga tauhan ang kani-kanilang pamilya. Nang mabalitaan ni Saul na si David ay nasa Gat, itinigil nga niya ang paghahanap dito.

Sinabi ni David kay Aquis, “Kung mamarapatin mo, bigyan mo kami ng isang maliit na bayan sa lalawigan upang doon manirahan. Hindi nararapat na kami ay kasama mong naninirahan dito sa iyong maharlikang lunsod.” Ibinigay naman sa kanya ni Aquis ang Ziklag, kaya hanggang ngayon, ito ay sakop ng hari ng Juda. At sila'y isang taon at apat na buwang nanirahan sa lupain ng mga Filisteo.

Sa loob ng panahong iyon, sinalakay nina David ang mga Gesureo, ang mga Girzita at ang mga Amalekita na matagal nang naninirahan doon; umabot sila sa Shur at hanggang sa Egipto. Bawat lugar na salakayin nila ay wala silang itinitirang buháy, maging lalaki man o babae. At bago bumalik kay Aquis, sinasamsam nila ang lahat ng kanilang makita: tupa, baka, asno, kamelyo at mga damit. 10 Kapag tinatanong siya ni Aquis kung alin ang sinalakay nila, sinasabi niyang ang gawing timog ng Juda, timog ng Jerameel o kaya'y ang lupain ng Cineo. 11 Pinapatay nga niyang lahat ang nakatira sa alinmang lugar na salakayin niya para walang makapagbalita sa Gat na ang lugar na iyon ang kanilang nilusob. Palaging ganoon ang ginagawa nina David sa buong panahon ng paninirahan nila sa lupain ng mga Filisteo. 12 Si Aquis naman ay labis na nagtiwala sa kanya, sapagkat akala niya'y masamang-masama na si David sa mga Israelita at dahil doo'y maaalipin na niya ito habang panahon.

28 Nang panahong iyon, inihahanda ng mga Filisteo ang kanilang hukbong sandatahan upang digmain ang Israel. Sinabi ni Aquis kay David, “Inaasahan kong ikaw at ang mga tauhan mo'y sasanib sa aking hukbo.”

Sumagot si David, “Maaasahan po ninyo. Ngayon ko ipapakita sa inyo kung ano ang magagawa ko.”

Sinabi ni Aquis, “Mabuti kung gayon. Ikaw ang gagawin kong pansariling bantay ko habang buhay.”

Sumangguni si Saul sa Isang Kumakausap sa Espiritu ng mga Namatay na

Patay(C) na noon si Samuel at ipinagluksa siya ng buong Israel. Siya'y inilibing nila sa Rama, sa kanyang sariling bayan. Noon ay pinalayas na ni Saul ang mga sumasangguni sa espiritu ng mga namatay na at ang mga manghuhula.

Ang mga Filisteo ay nagkampo sa Sunem at sina Saul naman ay sa Gilboa. Nanginig sa takot si Saul nang makita niya ang hukbo ng mga Filisteo. Nang(D) sumangguni siya kay Yahweh, hindi sumagot si Yahweh kahit sa pamamagitan ng panaginip, ni sa pamamagitan man ng Urim o ng mga propeta. Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ihanap siya ng isang babaing kumakausap sa mga espiritu ng namatay na upang siya'y tanungin. Sinabi naman sa kanya ng kanyang mga lingkod na mayroong ganoong babae sa Endor.

Nagbalatkayo si Saul, isinama ang dalawa niyang tagapaglingkod at sila'y lumakad. Gabi na nang dumating sila sa Endor. Sinabi niya sa babae, “Tingnan mo nga kung ano ang magiging kapalaran ko; kausapin mo ang espiritu ng sinumang sasabihin ko sa iyo.”

Sinabi sa kanya ng babae, “Hindi mo ba alam na pinalayas na ni Saul sa Israel ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng patay at ang mga manghuhula? Bakit mo inilalagay sa panganib ang aking buhay?”

10 Kaya't nangako si Saul sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] hindi ka mapaparusahan dahil sa gagawin mong ito.”

11 Itinanong(E) ng babae, “Kaninong espiritu ang gusto mong tawagin ko?”

“Kay Samuel,” sagot niya.

12 Nang makita ng babae si Samuel, napasigaw ito. Sinabi niya kay Saul, “Bakit ninyo ako nilinlang? Kayo pala si Haring Saul!”

13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?”

“Isang espiritu na lumilitaw mula sa lupa,” sagot ng babae.

14 Itinanong ni Saul, “Ano ang hitsura?”

“Isa siyang matandang lalaking nakabalabal,” sagot ng babae. Natiyak ni Saul na si Samuel ang tinutukoy ng babae, kaya siya'y nagpatirapa at nagbigay-galang.

15 Itinanong ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ginagambala ang aking pamamahinga?”

Sumagot siya, “May malaki akong suliranin. Sinasalakay kami ng mga Filisteo. Tinalikuran na ako ng Diyos at ayaw na niyang magpahayag sa akin, maging sa mga propeta o sa mga panaginip. Ipinatawag nga kita upang itanong kung ano ang dapat kong gawin.”

16 Sinabi ni Samuel, “Bakit magtatanong ka pa sa akin gayong tinalikuran ka na ni Yahweh at siya'y kaaway mo na? 17 Iyan(F) na ang katuparan ng ipinasabi niya sa iyo. Inalis na sa iyo ang pagiging hari, at ibinigay na kay David. 18 Hindi(G) mo sinunod ang kanyang utos na lipulin ang mga Amalekita, kaya ginagawa niya ito sa iyo. 19 Ikaw at ang buong Israel ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay mamamatay rin sapagkat niloob na ni Yahweh na mahulog kayo sa kamay ng mga Filisteo.”

20 Dahil sa matinding takot sa sinabi ni Samuel, biglang nabuwal si Saul sa lupa. Bukod dito, hinang-hina na siya dahil sa pagod at gutom sapagkat maghapo't magdamag na siyang hindi kumakain. 21 Nilapitan siya ng babae at nakita niyang takot na takot si Saul. Kaya, sinabi niya, “Pinagbigyan ko po ang inyong kahilingan kahit alam kong nakataya ang aking buhay. 22 Ngayon po, ako naman ang hihiling sa inyo. Ipaghahanda ko kayo ng pagkain para lumakas kayo at makapagpatuloy sa inyong lakad.”

23 Sumagot si Saul, “Ayokong kumain.” Ngunit pinilit siya ng kanyang mga tauhan at ng babae. Pumayag na rin siya at pagkatapos ay naupo sa isang higaan. 24 Ang babae ay may isang pinatabang guya. Dali-dali niya itong kinatay. Nagmasa siya ng harina, ginawa itong tinapay na walang pampaalsa, 25 saka inihain kay Saul at sa mga kasamahan nito. Pagkakain, nagmamadali silang umalis.

Juan 11:1-54

Ang Pagkamatay ni Lazaro

11 May(A) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si(B) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”

Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”

Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”

Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”

12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.

13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”

16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”

23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.

24 Sumagot(C) si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”

27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.”

Tumangis si Jesus

28 Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”

29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. 30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Martha. 31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”

33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.

Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”

35 Tumangis si Jesus. 36 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo, talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” 37 Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya napigilang mamatay si Lazaro?”

Muling Binuhay si Lazaro

38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus.

Ngunit si Martha na kapatid ng namatay ay sumagot, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.”

40 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakabalot ding tela sa mukha niya. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalakad siya.”

Ang Balak Laban kay Jesus(D)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.”

49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, nagpahayag siya ng propesiya na dapat mamatay si Jesus alang-alang sa bansa 52 at hindi lamang para sa bansa kundi upang tipunin ang mga anak ng Diyos na nasa iba't ibang dako. 53 Mula noon, pinagplanuhan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.

Mga Awit 117

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

117 Purihin(A) si Yahweh!

Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 15:22-23

22 Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan,
    ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay.
23 Ang matalinong pananalita ay nagdudulot ng kasiyahan,
    at ang salitang angkop sa pagkakataon, may dulot na pakinabang.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.