The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Si Amnon at si Tamar
13 Si Absalom, isang anak na lalaki ni David, ay may magandang kapatid na babae, si Tamar. Si Amnon, isa ring anak na lalaki ni David sa ibang babae, ay umibig kay Tamar. 2 Dahil sa labis na pag-ibig sa kapatid niyang ito, siya ay nagkasakit. Hindi niya malaman ang gagawin at kung paano makukuha si Tamar sapagkat ito'y isang birhen. 3 Ngunit may napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangala'y Jonadab. Pamangkin ito ni David sa kanyang kapatid na si Simea. 4 Sinabi ni Jonadab kay Amnon, “Ikaw ay isang anak ng hari ngunit tuwing umaga'y napapansin kong matamlay ka, bakit ba?” Ipinagtapat ni Amnon na umiibig siya kay Tamar. 5 Kaya't sinabi ni Jonadab, “Ganito ang gawin mo. Mahiga ka sa kama at magkunwari kang may sakit. Pagdalaw ng iyong ama, sabihin mong papuntahin si Tamar upang magluto ng pagkain mo. Gusto mong makita siyang nagluluto at siya na rin ang magpakain sa iyo.” 6 Kaya't nahiga nga si Amnon at nagsakit-sakitan. Pagdating ng hari, sinabi niya, “Sabihin naman ninyo kay Tamar na pumarito, at ipagluto ako ng tinapay. Gusto ko pong makitang siya ang nagluluto, at siya na rin ang magpakain sa akin.”
7 Ipinagbilin nga ni David na magpunta si Tamar sa tirahan ni Amnon upang ipaghanda ito ng pagkain. 8 Nagpunta naman si Tamar at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng minasang harina at nagluto ng ilang tinapay habang pinagmamasdan siya ni Amnon. 9 Kinuha niya ito sa kawali at inihain kay Amnon, ngunit ayaw nitong kumain. Inutusan niyang lumabas ang lahat maliban kay Tamar. 10 Pagkatapos, sinabi niya, “Tamar, dalhin mo rito sa silid ang pagkain at subuan mo ako.” Dinala nga niya sa silid ang pagkain ni Amnon. 11 Nang ibibigay na ito sa kanya, biglang hinawakan ni Amnon ang kamay ni Tamar at sinabi, “Sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12 “Huwag, kapatid ko!” sabi ng dalaga. “Huwag mo akong halayin. Hindi iyan pinahihintulutan sa bayang Israel. Huwag mong gawin ang kahalayang ito. 13 Lalabas akong kahiya-hiya sa buong Israel. At ikaw, ano pa ang mukhang ihaharap mo sa mga tao? Bakit hindi ka na lang magsabi sa hari? Palagay ko'y hindi siya tututol na pakasalan mo ako.” 14 Ngunit hindi nakinig si Amnon at dahil mas malakas siya, nagawa niyang pagsamantalahan si Tamar.
15 Matapos siyang pagsamantalahan, si Amnon ay namuhi sa kanya ng pagkamuhing higit pa kaysa hibang na pag-ibig na dating iniukol niya rito. “Umalis ka na!” sabi niya kay Tamar.
16 “Hindi ako aalis!” sagot ng babae. “Ang pagtataboy mong ito ay masahol pa sa kalapastanganang ginawa mo sa akin!”
Ngunit hindi siya pinansin ni Amnon. 17 Sa halip, inutusan nito ang isang katulong niya, “Palayasin mo ang babaing iyan at ikandado mo ang pinto pagkatapos!” 18 Pinalabas nga siya ng katulong, at ikinandado ang pinto. Suot noon ni Tamar ang damit na may mahabang manggas, ang damit na karaniwang isinusuot noon ng mga birheng anak ng hari. 19 Pinunit niya ito at nilagyan ng abo ang kanyang ulo. Pagkatapos, tinakpan ng kanyang mga kamay ang mukha, at umalis na umiiyak nang malakas.
20 Nakita siya ni Absalom at tinanong, “May masama bang ginawa sa iyo si Amnon? Kung mayroon ma'y huwag mo nang alalahanin. Siya'y kapatid mo rin kaya't manahimik ka na lang.” Taglay ang matinding kalungkutan, si Tamar ay nanirahan na lang sa bahay ni Absalom.
21 Galit na galit si Haring David nang mabalitaan ito.[a] 22 Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon.
Gumanti si Absalom
23 Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim. 24 Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno. 25 “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari.
26 Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.”
“Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari. 27 Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito.[b]
28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo si Amnon at kapag lasing na, sesenyas ako at patayin ninyo siya. Hindi kayo dapat matakot. Ako ang mananagot nito. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong mag-atubili!” 29 Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin; pinatay nila si Amnon. Kaya't nagmamadaling tumakas ang mga anak na lalaki ng hari, sakay ng kani-kanilang mola.
30 Nasa daan pa sila'y may nagbalita na kay David na pinatay ni Absalom ang lahat ng anak niyang lalaki. 31 Kaya't tumayo siya, pinunit ang kanyang kasuotan at naglupasay sa lupa. Pinunit din ng mga alipin niya ang kanilang damit. 32 Ngunit si Jonadab, ang pamangkin ni David kay Simea, ay lumapit sa hari. Sinabi niya, “Huwag po kayong maniwala na pinatay ang lahat ninyong anak na lalaki. Si Amnon po lang ang pinatay! Siya po lamang ang pinag-initan ni Absalom mula nang pagsamantalahan niya si Tamar. 33 Kaya, huwag po kayong maniwala sa balitang iyon; talaga pong si Amnon lamang ang pinatay.”
34 Samantala, si Absalom ay tumakas matapos ipapatay si Amnon.
Ang bantay sa palasyo'y may natanaw na pulutong ng mga taong bumababa sa burol, sa gawi ng Horonaim.[c] 35 Kaya't sinabi ni Jonadab sa hari, “Dumarating na po ang mga anak ninyo, tulad ng sinabi ko sa inyo.” 36 Nag-uusap pa sila'y dumating nga ang mga prinsipe na nag-iiyakan. Umiyak na rin ang hari at ang kanyang mga lingkod. 37 Mahabang(A) panahong nagluksa ang hari dahil sa pagkamatay ni Amnon. Si Absalom nama'y nagtago kina Talmai, anak ng haring Amihud ng Gesur. 38 Tatlong taon siyang nagtago roon. 39 Pagkalipas ng pagdadalamhati ng hari sa pagkamatay ni Amnon, nanabik siyang makita si Absalom.
Idinalangin ni Jesus ang Kanyang mga Alagad
17 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang luwalhatiin ka niya. 2 Sapagkat binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. 3 At ito(A) ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila na iisang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. 4 Inihayag ko dito sa lupa ang iyong kaluwalhatian; natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin. 5 Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon sa iyong harapan ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.
6 “Ipinahayag ko na kung sino ka sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila'y iyo at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. 7 Alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; 8 dahil ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.
9 “Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iniiwan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa. 12 Habang(B) kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong tiyak na mapapahamak,[a] upang matupad ang kasulatan. 13 Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. 14 Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. 15 Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama! 16 Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. 17 Ibukod mo sila para sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko ang aking sarili para sa iyo, upang maitalaga rin sila sa katotohanan.
20 “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. 21 Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ibinigay ko na sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa: 23 ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin.
24 “Ama, sila na ibinigay mo sa akin ay nais kong makasama sa kinaroroonan ko upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. 25 Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng sanlibutan, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinahayag ko na sa kanila kung sino ka, at patuloy ko itong ipapahayag, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.”
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Kap)
81 Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas;
lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
82 Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin,
ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?”
83 Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad,
gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas.
84 Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay,
sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway?
85 Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin,
nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin.
86 Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang,
sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan!
87 Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay,
ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan.
88 Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin,
at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin.
Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh
(Lamedh)
89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93 Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.
6 Katapatan(A) kay Yahweh, bunga ay kapatawaran,
ang sa kanya'y gumagalang at sumusunod, malayo sa kasamaan.
7 Kung ang buhay ng tao ay kalugud-lugod kay Yahweh,
maging ang mga kalaban, sa kanya'y makikipagbati.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.