The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Nalinlang ni Cusai si Absalom
17 Sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Papiliin mo ako ng labindalawang libong tauhan at ngayon ding gabi'y hahabulin namin si David. 2 Sasalakayin ko siya habang pagod pa siya at nanghihina. Malilito siya at tiyak na magtatakbuhan ang kanyang mga tauhan. Ang hari lamang ang aking papatayin. 3 Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng kanyang mga tauhan, gaya ng isang babaing ikakasal sa naghihintay niyang mapapangasawa. Iisang tao lamang ang nais mong mamatay, kaya't ang iba ay hindi masasaktan.” 4 Nagustuhan ni Absalom at ng pinuno ng Israel ang payo ni Ahitofel.
5 Ngunit sinabi ni Absalom, “Tanungin din natin si Cusai na Arkita kung ano ang kanyang maipapayo tungkol sa bagay na ito.” 6 Pagdating ni Cusai, sinabi ni Absalom ang payo ni Ahitofel. Tinanong niya si Cusai, “Susundin ba natin si Ahitofel? At kung hindi, ano ang masasabi mo?”
7 Sinabi naman ni Cusai kay Absalom, “Sa ngayon, ang balak ni Ahitofel ay hindi mabuting sundin. 8 Hindi mo ba alam na ang mga tauhan ng iyong ama'y mga sanay na mandirigma? Mababangis silang tulad ng inahing osong inagawan ng anak. Sa talino ng iyong ama'y hindi iyon matutulog na kasama ng kanyang mga tauhan. 9 Malamang siya ngayo'y nagtatago sa isang hukay o sa ibang lugar. At kung sa unang pagsalakay ay malagasan ka ng mga tauhan, tiyak na ang sinumang makabalita ay ganito ang sasabihin: ‘Natalo ang mga tauhan ni Absalom.’ 10 Matapang ma't may pusong-leon ay matatakot din, sapagkat alam ng buong Israel na magiting na mandirigma ang iyong ama, at hindi aatras sa labanan ang mga tauhan niya. 11 Ganito ang payo ko: ‘Hintayin mo munang ang mga Israelita mula sa Dan hanggang Beer-seba ay matipong lahat na sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Pagkatapos, ikaw mismo ang manguna sa pakikipaglaban. 12 Hahabulin natin ang kaaway saanman siya magsuot. Sasalakayin natin siya na parang hamog na pumapatak sa lupa, at wala isa man sa kanilang sambahayan at mga tauhan ang matitirang buháy. 13 Kung siya'y umatras sa isang lunsod, ating iguguho ang lunsod na iyon at itatambak sa bangin upang wala ni kapirasong bato na matira roon.”
14 Pagkarinig niyon, sinabi ni Absalom at ng buong Israel, “Mas maganda ang payo ni Cusai na Arkita kaysa payo ni Ahitofel.” Nagpasya si Yahweh na huwag masunod ang mabuting payo ni Ahitofel upang mapahamak si Absalom.
Nakatakas si David
15 Pagkatapos, sinabi ni Cusai sa dalawang paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa matatandang pinuno. Matapos ipagtapat ang lahat, 16 sinabi niya, “Babalaan ninyo agad si David na huwag matutulog ngayong gabi sa may batis sa ilang. Patawirin siya sa ibayo ng Jordan bago mahuli ang lahat, baka mapahamak siya at ang mga kasama niya!”
17 Para walang makakita sa kanila, sina Jonatan at Ahimaaz ay hindi na pumasok ng lunsod; doon na lamang sila naghintay sa En-rogel. Ang anumang balita para kay David ay dinadala sa kanila ng isang aliping babae. 18 Ngunit may binatilyo palang nakakita sa kanila at ito ang nagsumbong kay Absalom. Nang malaman nila ito, umalis agad ang dalawa at nagtago sa Bahurim. Lumusong sila sa balon sa loob ng bakuran ng isang tagaroon. 19 Tinakpan agad ng asawa nito ang balon at kinalatan ng trigo ang ibabaw niyon upang hindi paghinalaang may nagtatago roon. 20 Dumating ang mga alipin ni Absalom at nagtanong sa babae, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonatan?”
“Tumawid na sila sa ilog,” tugon ng babae.
Ginalugad nila ang lugar na iyon, ngunit walang nakita, kaya't nagbalik na sila sa Jerusalem. 21 Pagkaalis ng mga tauhan, umahon sa balon ang dalawa. Nagpunta agad sila kay David at ipinagtapat ang masamang binabalak ni Ahitofel. Pagkatapos, sinabi nila, “Tumawid kayo agad ng ilog.” 22 Tumawid nga si David at ang buo niyang pangkat, at nang magmamadaling-araw, wala isa mang naiwan sa kabila ng Jordan.
23 Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang kanyang payo, umuwi agad siyang sakay ng asno. Matapos mag-iwan ng huling habilin sa mga kasambahay, siya'y nagbigti. Inilibing siya sa puntod ng kanyang ama.
Dumating si David sa Mahanaim
24 Nasa Mahanaim na si David nang tumawid sa Jordan sina Absalom at mga kasamang Israelita. 25 Sa halip na si Joab, si Amasa ang ginawa ni Absalom na pinuno ng buong hukbo. Si Amasa ay anak kay Abigail ni Itra, isang lalaking Ismaelita.[a] Si Abigail naman ay anak ni Nahas, kapatid ni Zeruias na ina ni Joab. 26 Ang mga Israelita at si Absalom ay nagkampo sa Gilead.
27 Pagdating sa Mahanaim, si David ay sinalubong ni Sobi, anak ni Nahas na Ammonitang taga-Rabba. Kasama ni Sobi si Maquir, anak ni Amiel na taga-Lo-debar at si Barzilai, isang Gileaditang taga-Rogelim. 28 May dala silang mga banig, kumot, mangkok at banga. May dala rin silang trigo, sebada, harina, mga butil na sinangag, gulayin, 29 pulot-pukyutan, keso at mga tupa. Ipinagkaloob nila ito kina David at mga kasama nito upang may makain sila, sapagkat alam nilang ang mga ito'y pagod na pagod at nagdanas ng matinding gutom at uhaw sa ilang.
23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hati sa apat na bahagi, isa sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya't(A) nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,
“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”
Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.
25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!”
27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus.
Ang Pagkamatay ni Jesus(B)
28 Alam(C) ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”
29 May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at inilapit sa kanyang bibig. 30 Pagkatanggap ni Jesus ng alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Sinaksak ng Sibat ang Tagiliran ni Jesus
31 Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasama ni Jesus. 33 Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad lumabas doon ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ang nagpatotoo upang kayo rin ay maniwala.[a] Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. 36 Nangyari(D) ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” 37 At(E) may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.”
Ang Paglilibing kay Jesus(F)
38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. (Dati ay inilihim ni Jose na siya'y isang alagad ni Jesus dahil sa takot niya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama(G) rin niya si Nicodemo na noong una ay sa gabi nagsadya kay Jesus. May dala itong pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango at binalot sa telang lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.
Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh
(Pe)
129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133 Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Tsade)
137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Qof)
145 Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;
ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146 Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,
iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147 Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,
sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
148 Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,
at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
149 Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,
iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
150 Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,
mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.
151 Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,
ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
152 Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,
ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.
12 Di dapat tulutan ng isang hari ang gawang kasamaan,
pagkat ang katatagan ng pamamahala ay nasa katarungan.
13 Ang nais pakinggan ng hari ay ang katotohanan,
at ang nagsasabi nito ay kanyang kinalulugdan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.