Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 13-14

Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Israel

13 Nang ikadalawampu't tatlong taon nang paghahari sa Juda ni Joas na anak ni Ahazias, nagsimula namang maghari sa Israel si Jehoahaz na anak ni Jehu. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labimpitong taon. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan rin niya ang mga masasamang gawain ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nanguna sa Israel para magkasala. Nagpakasama rin siyang tulad nila. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel kaya hinayaan niyang matalo ito ni Haring Hazael ng Siria at ng anak nitong si Ben-hadad. Nanalangin si Jehoahaz kay Yahweh at pinakinggan naman siya sapagkat nakita ni Yahweh ang kalupitang dinaranas ng Israel sa kamay ng hari ng Siria. Binigyan sila ni Yahweh ng isang tagapagligtas na siyang nagpalaya sa kanila sa kapangyarihan ng Siria. At muling namuhay nang mapayapa ang mga Israelita sa kani-kanilang tahanan. Ngunit hindi pa rin nila tinalikuran ang kasamaan ni Jeroboam na umakay sa Israel para magkasala. Hinayaan nilang manatili sa Samaria ang haliging simbolo ng diyus-diyosang si Ashera. Walang natira sa hukbo ni Jehoahaz maliban sa limampung mangangabayo, sampung karwahe at 10,000 kawal. Parang alikabok na dinurog ni Hazael ang buong hukbo ni Jehoahaz. Ang iba pang ginawa ni Jehoahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay siya at inilibing sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Humalili sa kanya ang anak niyang si Jehoas.

Ang Paghahari ni Jehoas sa Israel

10 Nang ikatatlumpu't pitong taon ng paghahari ni Joas sa Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz naman ay nagsimulang maghari sa Israel. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labing-anim na taon. 11 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel sa pagkakasala. Wala siyang pinag-iba sa kanila. 12 Ang iba pang ginawa ni Jehoas, pati ang pakikipaglaban niya kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 13 Namatay si Jehoas at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Si Jeroboam ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Pagkamatay ni Eliseo

14 Si(A) Eliseo ay nagkasakit nang malubha at dinalaw siya ni Haring Jehoas ng Israel. Lumuluha nitong sinabi, “Ama ko, ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!”

15 Iniutos ni Eliseo sa hari, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Kumuha naman si Jehoas. Muling nag-utos si Eliseo, “Humanda ka sa pagtudla.” 16 Sinabi uli ni Eliseo, “Banatin mo ang pana.” Binanat ng hari ang pana at ipinatong ni Eliseo sa kamay ni Jehoas ang kanyang mga kamay. 17 Pagkatapos, iniutos ni Eliseo, “Buksan mo ang bintanang nakaharap sa Siria at itudla mo ang palaso.” Sinunod naman ito ni Jehoas. Sinabi ni Eliseo, “Iyan ang palaso ng tagumpay ni Yahweh laban sa mga taga-Siria. Lalabanan mo sila sa Afec hanggang sa sila'y malipol. 18 Ngayon, kumuha ka muli ng mga palaso at itudla mo sa lupa.” Sumunod muli si Jehoas. Tatlong beses siyang tumudla sa lupa. 19 Dahil dito'y pagalit na sinabi ni Eliseo, “Bakit tatlong beses ka lamang tumudla? Sana'y lima o anim na beses para lubusan mong malupig ang Siria. Sa ginawa mong iyan, tatlong beses ka lang magtatagumpay laban sa Siria.”

20 Namatay si Eliseo at inilibing.

Nang panahong iyon, nakagawian na ng mga Moabita na salakayin ang Israel taun-taon tuwing tagsibol. 21 Minsan, may mga Israelitang naglilibing ng isang lalaki. Walang anu-ano, may natanawan silang pangkat ng mga tulisan na palapit sa kanila. Kaya't sa pagmamadali ay naitapon na lamang nila ang bangkay sa libingan ni Eliseo. Nang ito'y sumayad sa kalansay ni Eliseo, nabuhay ang bangkay at bumangon.

Ang Digmaan ng Israel at Siria

22 Ang Israel ay pinahirapan ni Haring Hazael ng Siria sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz. 23 Ngunit kinahabagan sila ni Yahweh dahil sa kasunduan niya kina Abraham, Isaac at Jacob. Kaya hanggang ngayo'y hindi niya ito hinayaang lubusang nililipol ni pinababayaan man.

24 Nang mamatay si Haring Hazael ng Siria, ang anak niyang si Ben-hadad ang humalili sa kanya. 25 Tatlong beses siyang natalo ni Jehoas at nabawi nito ang lahat ng bayan ng Israel na nasakop ni Hazael sa panahon ng paghahari ni Jehoahaz na ama ni Jehoas.

Ang Paghahari ni Amazias sa Juda(B)

14 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas sa Israel, nagsimula namang maghari sa Juda si Amazias na anak ni Joas. Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. Naging kalugud-lugod din siya sa paningin ni Yahweh kahit hindi siya naging katulad ng ninuno niyang si David. Tulad ng kanyang amang si Jehoas, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso doon. Nang matatag na ang kanyang paghahari sa Juda, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. Ngunit(C) hindi niya idinamay ang mga anak ng mga ito. Sinunod niya ang nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang nagkasala lamang ang siyang dapat patayin.”

Si Amazias ay nakapatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin at nasakop niya ang Sela. Tinawag niya itong Jokteel na siya pa ring pangalan nito hanggang ngayon.

Pagkatapos, si Amazias ay nagpadala ng sugo kay Haring Jehoas ng Israel, anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito sa isang labanan, “Pumarito ka't harapin mo ako.”

Ganito naman ang sagot na ipinadala ni Jehoas sa hari ng Juda, “May isang maliit na puno sa Lebanon na nagpasabi sa isang malaking puno ng sedar sa Lebanon, ‘Ibigay mo ang anak mong babae para maging asawa ng anak ko.’ Dumating ang isang mabangis na hayop sa Lebanon at tinapakan ang maliit na puno. 10 Nang matalo mo ang Edom ay naging palalo ka na. Masiyahan ka na sana sa kasikatan mo at manatili ka na lang sa bahay mo. Bakit naghahanap ka pa ng gulo na ikapapahamak mo at ng buong Juda?”

11 Ngunit hindi pinansin ni Haring Amazias ang sinabi ni Haring Jehoas. Kaya sumalakay ang hukbo ni Jehoas sa Beth-semes na sakop ng Juda. 12 Natalo ng Israel ang Juda at ang mga tauhan nito'y nagkanya-kanyang takas pauwi. 13 Binihag ni Haring Jehoas si Amazias at sinalakay ang Jerusalem. Iginuho niya ang pader nito mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuang Sulok; ito'y may habang halos 180 metro. 14 Sinamsam niya ang mga pilak at ginto at ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag nang magbalik siya sa Samaria.

15 Ang iba pang ginawa ni Jehoas pati ang kagitingan sa kanyang pakikidigma kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 16 Siya'y namatay at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jeroboam.

Ang Kamatayan ni Haring Amazias ng Juda(D)

17 Si Haring Amazias ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon mula nang mamatay si Haring Jehoas ng Israel. 18 Ang iba pang ginawa ni Amazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.

19 Mayroong pangkat sa Jerusalem na nagkaisang patayin si Amazias kaya tumakas siya sa Laquis. Ngunit siya'y sinundan nila roon at pinatay. 20 Iniuwi sa Jerusalem ang kanyang bangkay sakay ng kabayo at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. 21 Pagkatapos, kinuha ng mga taga-Juda si Azarias na labing-anim na taon pa lamang noon, at ginawang hari bilang kapalit ng kanyang amang si Amazias. 22 Muli niyang ipinatayo ang Elat at ibinalik niya ito sa Juda nang mamatay si Haring Amazias.

Ang Paghahari ni Jeroboam sa Israel

23 Nang ikalabing limang taon ng paghahari ni Amazias sa Juda, naging hari ng Israel sa Samaria si Jeroboam. Apatnapu't isang taon siyang naghari. 24 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh; wala rin siyang pinag-iba sa mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. 25 Bilang(E) katuparan ng sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng lingkod niyang si propeta Jonas na anak ni Amitai ng Gat-hefer, nabawi ni Jeroboam ang dating sakop ng Israel mula sa may pasukan ng Hamat sa hilaga hanggang sa Dagat ng Araba sa timog. 26 Nakita ni Yahweh ang matinding kahirapang dinaranas ng Israel. Halos wala nang ligtas sa kanila, maging malaya o alipin at wala namang ibang maaaring asahan. 27 Ayaw naman ni Yahweh na lubusang mawala sa daigdig ang Israel, kaya iniligtas niya ito sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas.

28 Ang iba pang ginawa ni Jeroboam, ang kanyang mga pakikidigma pati ang pagbawi niya sa Damasco at Hamat para sa Israel ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 29 Nang mamatay si Jeroboam, inilibing siya sa Samaria sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Ang anak niyang si Zacarias ang humalili sa kanya bilang hari.

Mga Gawa 18:23-19:12

23 Tumigil siya roon nang kaunting panahon, at pagkatapos ay muling naglakbay. Pinuntahan niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad doon.

Si Apolos sa Efeso at sa Corinto

24 Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. 25 Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit hanggang sa bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman. 26 Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mas mabuti tungkol sa Daan ng Diyos. 27 At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sumulat sila sa mga mananampalataya sa Acaya na tanggapin si Apolos. Pagdating niya doon, malaki ang naitulong niya sa mga taong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay sumampalataya, 28 sapagkat nadaig niya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo.

Si Pablo sa Efeso

19 Habang nasa Corinto si Apolos, tinahak naman ni Pablo ang iba't ibang dako ng lalawigan hanggang sa siya'y makarating sa Efeso. May natagpuan siya roon na ilang alagad at sila'y tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?”

“Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala,” tugon nila.

“Kung gayon, anong uri ng bautismo ang tinanggap ninyo?” tanong niya.

“Bautismo ni Juan,” tugon nila.

Kaya't(A) sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ni Juan ang mga nagsisi at tumalikod sa kasalanan. Ipinangaral niya sa mga Israelita na sila'y sumampalataya kay Jesus, ang dumarating na kasunod niya.”

Nang marinig nila iyon, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang ipatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumabâ sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos. Humigit-kumulang sa labindalawang lalaki ang nagpabautismo.

Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo'y pumapasok sa sinagoga at buong tapang na nagpapaliwanag sa mga naroon at hinihikayat sila tungkol sa kaharian ng Diyos.

Ngunit may ilan sa kanila na nagmatigas at ayaw sumampalataya, at nagsalita pa ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw[a] sa bulwagan ni Tirano. 10 Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia[b], maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Ang mga Anak ni Esceva

11 Gumawa ang Diyos ng mga pambihirang himala sa pamamagitan ni Pablo. 12 Kahit panyo o damit na kanyang ginamit ay dinala sa mga maysakit, at gumaling ang mga ito at lumayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila.

Mga Awit 146

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 18:2-3

Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay,
    ang nais lang niya'y ipakitang siya'y may alam.
Pagsipot ng kasamaan, kasunod ay kahihiyan;
    kapag nawala ang karangalan, kapalit ay kadustaan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.