Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 24:52-26:16

52 Pagkarinig noon ng alipin, yumukod siya at sumamba sa Dios. 53 Inilabas niya agad ang dala niyang mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, at ibinigay kay Rebeka. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid at ang ina ni Rebeka. 54 Pagkatapos, kumain ang alipin at ang mga kasama niya. Doon sila natulog nang gabing iyon.

Paggising nila kinaumagahan, sinabi ng alipin, “Uuwi na ako sa amo ko.”

55 Pero sumagot ang kapatid at ang ina ni Rebeka, “Panatilihin nʼyo muna rito si Rebeka sa amin kahit sampung araw, pagkatapos ay makakaalis na kayo.”

56 Pero sinabi ng alipin, “Huwag nʼyo naman akong pagtagalin dito. Namagitan na ang Panginoon sa pakay ko sa pagpunta rito, kaya pabalikin nʼyo na ako sa amo ko.”

57 Sumagot sila, “Tawagin muna natin si Rebeka at tanungin kung ano ang pasya niya.” 58 Kaya tinawag nila si Rebeka at tinanong, “Gusto mo bang sumama sa kanya ngayon?”

Sumagot si Rebeka, “Oo, sasama ako.”

59 Kaya ipinasama nila si Rebeka pati ang tagapag-alaga niya, sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito. 60 Binasbasan nila si Rebeka sa kanyang pag-alis. Sinabi nila,

“Kapatid, nawaʼy manggaling sa iyo ang maraming lahi.
Nawaʼy talunin ng mga lahi mo ang kanilang mga kaaway.”

61 Nang handa na ang lahat, sumakay si Rebeka at ang mga aliping babae niya sa mga kamelyo, at sumunod sila sa alipin ni Abraham.

62 Ngayon, si Isaac ay nakatira sa Negev at kararating lang galing sa Beer Lahai Roi. 63 Isang araw, nang magtatakip-silim na, lumabas si Isaac at naglakad-lakad sa kanilang bukirin. May nakita siyang mga kamelyo na papalapit. 64 Nang makita ni Rebeka si Isaac, bumaba siya sa kanyang kamelyo 65 at nagtanong sa alipin ni Abraham, “Sino ang taong iyon na naglalakad sa bukid papalapit sa atin?”

Sumagot ang alipin, “Siya ang aking amo na si Isaac.” Kaya tinakpan ni Rebeka ang kanyang mukha ng belo.

66 Sinabi ng alipin kay Isaac ang lahat ng ginawa niya. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeka sa toldang tinitirhan noon ng kanyang inang si Sara. Naging asawa niya si Rebeka at mahal na mahal niya ito. Kaya naibsan ang kalungkutan ni Isaac na dulot ng pagkamatay ng kanyang ina.

Ang Iba pang mga Lahi ni Abraham(A)

25 Nag-asawa ulit si Abraham, at ang pangalan ng asawa niya ay Ketura. Ang mga anak nila ay sina Zimran, Jokshan, Medan, Midian, Ishbak at Shua. Si Jokshan ang ama nina Sheba at Dedan. Ang mga lahi ni Dedan ay ang mga Asureo, Letuseo, at Leumeo. Ang mga anak na lalaki ni Midian ay sina Efa, Efer, Hanoc, Abida at Eldaa. Silang lahat ang mga lahi ni Ketura.

5-6 Bago namatay si Abraham, iniwan niya ang lahat ng ari-arian niya kay Isaac. Pero binigyan niya ng mga regalo ang iba niyang mga anak sa iba niyang mga asawa, at pinapunta sa silangan para ihiwalay sa anak niyang si Isaac.

Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Abraham

Nabuhay si Abraham ng 175 taon. Namatay siya sa katandaan na kontento sa buhay at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. Inilibing siya ng mga anak niyang sina Isaac at Ishmael doon sa kweba sa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa bukid na dating pagmamay-ari ni Efron na anak ni Zohar na Heteo. 10 Ang bukid na iyon ay binili ni Abraham sa harapan ng mga Heteo. Doon inilibing si Abraham at ang asawa niyang si Sara. 11 Pagkatapos mamatay ni Abraham, binasbasan ng Dios si Isaac at doon siya nanirahan sa Beer Lahai Roi.

Ang mga Angkan ni Ishmael(B)

12 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Ishmael na anak ni Abraham kay Hagar na Egipcio, na alipin ni Sara.

13 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ishmael mula sa pinakamatanda: Nebayot, Kedar, Adbeel, Mibsam, 14 Mishma, Duma, Masa, 15 Hadad, Tema, Jetur, Nafis at Kedema. 16 Sila ang mga anak ni Ishmael at naging pinuno ng 12 niyang angkan. Ang mga pangalan nila ay ang ipinangalan sa ibaʼt ibang lugar na kanilang tinitirhan.

17 Nabuhay si Ishmael ng 137 taon. Namatay siya at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. 18 Tumira ang mga angkan niya sa mga lugar na galing sa Havila hanggang sa Shur, sa silangan ng Egipto na papunta sa Asiria. Kinalaban nila ang lahat ng kamag-anak nila na mga lahi ni Isaac.

Ipinanganak sina Esau at Jacob

19 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Isaac na anak ni Abraham.

20 Si Isaac ay 40 taong gulang nang napangasawa niya si Rebeka na anak ni Betuel na Arameo na taga-Padan Aram.[a] Si Rebeka ay kapatid ni Laban na Arameo rin.

21 Dahil baog si Rebeka, nanalangin si Isaac sa Panginoon na magkaanak ito. Tinugon ng Panginoon ang dalangin niya, kaya nagbuntis si Rebeka. 22 Naramdaman niya na nagtutulakan ang kambal na sanggol sa loob ng kanyang tiyan. Sinabi ni Rebeka, “Kung ganyan lang ang mangyayari sa kanila pagdating ng panahon mabuti pang mamatay na lang ako.” Kaya nagtanong siya sa Panginoon tungkol dito. Sinabi sa kanya ng Panginoon,

23 “Manggagaling sa dalawang sanggol na nasa tiyan mo ang dalawang bansa;
dalawang grupo ng mga tao na maglalaban-laban.
Ang isaʼy magiging makapangyarihan kaysa sa isa.
Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata niyang kapatid.”

24 Nang nanganak na si Rebeka, kambal ang anak niya. 25 Ang unang lumabas ay mapula-pula at balbon, kaya pinangalanan nila siyang Esau.[b] 26 Nang lumabas ang ikalawa, ang kamay niya ay nakahawak sa sakong ng kanyang kapatid, kaya pinangalanan nila siyang Jacob.[c] Si Isaac ay 60 taong gulang nang manganak si Rebeka ng kambal.

Ibinenta ni Esau ang Kanyang Karapatan bilang Panganay

27 Nang lumaki na ang dalawang sanggol, naging maliksing mangangaso si Esau at palagi lang siya sa bukid habang si Jacob naman ay tahimik na tao at palaging nasa loob ng mga tolda. 28 Mas nagustuhan ni Isaac si Esau dahil mahilig siyang kumain ng mga ipinangaso ni Esau, pero si Jacob naman ay mas nagustuhan ni Rebeka.

29 Isang araw, habang nagluluto si Jacob ng sabaw, dumating si Esau galing sa pangangaso na gutom na gutom. 30 Sinabi niya kay Jacob, “Pakiusap, bigyan mo nga ako ng niluluto mong mapula-pulang sabaw dahil gutom na gutom na ako.” (Kaya tinatawag din si Esau na Edom.)[d]

31 Pero sumagot si Jacob, “Bibigyan kita nito kung ibibigay mo sa akin ang karapatan mo bilang panganay.” 32 Sinabi ni Esau, “Sige, ano bang gagawin ko sa karapatan na iyan kung mamamatay din lang ako sa gutom.” 33 Sumagot si Jacob, “Kung ganoon, sumumpa ka muna sa akin,” Kaya sumumpa si Esau na mapupunta kay Jacob ang karapatan niya bilang panganay.

34 Binigyan agad siya ni Jacob ng tinapay at sabaw. Pagkatapos niyang kumain at uminom, umalis siya agad. Dahil sa ginawang iyon ni Esau, binalewala niya ang karapatan niya bilang panganay.

Nanirahan si Isaac sa Gerar

26 Dumating ang taggutom sa lugar na tinitirhan ni Isaac, bukod pa ito sa taggutom na nangyari noong panahon ni Abraham. Kaya pumunta si Isaac kay Abimelec na hari ng mga Filisteo sa Gerar. Nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto, manatili ka sa lugar na ituturo ko sa iyo. Dito ka lang muna manirahan dahil sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lahat ng lupaing ito. Tutuparin ko ang ipinangako ko sa iyong amang si Abraham. Pararamihin ko ang mga lahi mo na kasindami ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa kanila ang lahat ng lupaing ito. At sa pamamagitan nila, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. Gagawin ko ito dahil sumunod si Abraham sa akin, tinupad niya ang lahat ng aking kautusan at katuruan.” Kaya roon nanirahan si Isaac sa Gerar.

Kapag may nagtatanong kay Isaac na taga-Gerar tungkol sa kanyang asawa, sinasabi niyang kapatid niya si Rebeka. Maganda si Rebeka, kaya natatakot siyang sabihing asawa niya ito dahil baka siyaʼy patayin nila para makuha si Rebeka.

Matagal-tagal na ang pananatili nina Isaac doon sa Gerar. At isang araw, nagkataon na dumungaw sa bintana si Abimelec na hari ng mga Filisteo at nakita niyang naglalambingan sina Isaac at Rebeka. Kaya ipinatawag niya si Isaac at sinabi, “Asawa mo pala siya? Bakit sinabi mo na kapatid mo siya?”

Sumagot si Isaac, “Natatakot po kasi ako na baka patayin ninyo ako dahil sa kanya.”

10 Sinabi ni Abimelec, “Hindi mabuti ang ginawa mo sa amin. Kung nangyaring ang isa sa tauhan koʼy sumiping sa kanya, ikaw ang magiging dahilan ng pagkakasala namin.”

11 Binalaan agad ni Abimelec ang lahat ng tao. Sinabi niya, “Ang sinumang gagawa ng masama sa lalaking ito o sa asawa niya ay papatayin.”

12 Nang taon ding iyon nagtanim si Isaac sa lugar na iyon at masaganang-masagana ang kanyang ani, dahil pinagpala siya ng Panginoon. 13 Nagpatuloy ang pag-unlad niya hanggang sa yumaman siya nang husto. 14 Nainggit sa kanya ang mga Filisteo dahil marami na ang kanyang tupa, kambing, baka at alipin. 15 Sa inggit nila kay Isaac, tinabunan nila ng lupa ang mga balon na hinukay noon ng mga alipin ng ama niyang si Abraham.

16 Ngayon, sinabi ni Abimelec kay Isaac, “Umalis ka na rito, dahil mas makapangyarihan ka na kaysa sa amin.”

Mateo 8:18-34

Ang Pagsunod kay Jesus(A)

18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa kanyang paligid, inutusan niya ang mga tagasunod niya na tumawid sa kabila ng lawa. 19 May tagapagturo ng Kautusan na lumapit sa kanya at sinabi, “Guro, susunod po ako sa inyo kahit saan.” 20 Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon. Ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.” 21 Isa pa sa mga tagasunod niya ang nagsabi, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”[a] 22 Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay.”

Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(B)

23 Sumakay sa bangka si Jesus, at sumama ang mga tagasunod niya. 24 At habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin at halos matabunan na ng malalaking alon ang kanilang bangka. Natutulog noon si Jesus. 25 Kaya nilapitan siya ng mga tagasunod niya at ginising, “Panginoon, iligtas nʼyo po kami! Malulunod na tayo!” 26 Sumagot si Jesus, “Bakit kayo natatakot? Kay liit ng inyong pananampalataya.” Bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at ang mga alon, at biglang kumalma ang tubig. 27 Namangha ang mga tagasunod niya at sinabi, “Anong klaseng tao ito? Kahit ang hangin at mga alon ay napapasunod niya!”

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Lalaking Sinasaniban ng Masasamang Espiritu(C)

28 Nang dumating siya sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno,[b] sinalubong siya ng dalawang lalaking galing sa mga kwebang libingan. Ang mga lalaking itoʼy sinasaniban ng masasamang espiritu. Napakababangis nila, kaya walang nakakadaan doon. 29 Sumigaw sila kay Jesus, “Ano ang pakialam mo sa amin, ikaw na anak ng Dios? Pumunta ka ba rito para pahirapan kami nang wala pa sa takdang panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng baboy na nanginginain. 31 Nakiusap ang masasamang espiritu sa kanya, “Kung palalayasin mo kami, payagan mo na lang kaming pumasok sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, umalis kayo!” Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang buong kawan ng baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

33 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita ang nangyari sa mga baboy at sa dalawang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 34 Kaya lumabas ang lahat ng tao sa bayan at pinuntahan si Jesus, at nakiusap sila na umalis siya sa lugar nila.

Salmo 10:1-15

Panalangin upang Tulungan

10 Panginoon, bakit parang kay layo nʼyo sa akin?
    Bakit sa panahon ng kaguluhan kayo ay nagtatago sa amin?
Ang dukha ay pinahihirapan ng masasama at mayayabang.
    Sanaʼy mangyari rin sa kanila ang kanilang masasamang plano.
Ipinagmamalaki nila ang kanilang masasamang kagustuhan.
    Pinupuri nila ang mga sakim,
    ngunit kinukutya ang Panginoon.
Dahil sa kahambugan ng mga taong masama,
    binabalewala nila ang Dios,
    at ayaw nila siyang lapitan.
Ang kanilang pamumuhay ay laging matagumpay,
    at hindi man lang sila nag-aalala na silaʼy inyong hahatulan.
    Hinahamak nila ang lahat ng kanilang mga kaaway.
Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila at wala silang magiging problema.
Silaʼy lapastangan kapag nagsalita, sinungaling at mapagbanta,
    at sila na rin ang nagsasabi ng masasakit at masasamang salita.
Sa liblib na mga lugar silaʼy nagtatago,
    at nag-aabang sa mga inosente na kanilang papatayin.
Naghihintay silang nakakubli na parang leon,
    upang sakmalin at kaladkarin ang mahihirap.
10 Dahil malakas sila, ibinabagsak nila ang mga kawawa,
    hanggang sa hindi na makabangon.
11 Ang akala nilaʼy hindi sila pinapansin ng Dios at hinding-hindi niya nakikita ang kanilang mga ginagawa.

12 Sige na Panginoong Dios, parusahan nʼyo na po ang mga taong masama.
    Huwag nʼyong pababayaan ang mga inaapi.
13 O Dios, bakit nilalait kayo ng mga taong masama?
    Sinasabi pa nila, “Hindi tayo parurusahan ng Dios.”
14 Ngunit nakikita nʼyo, O Dios, ang mga taong nagdurusa at naghihirap.
    Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa tulad ng mga ulila,
    at nakahanda kayong tumulong sa kanila.
15 Alisan nʼyo ng lakas ang mga taong masama,
    at parusahan nʼyo sila hanggang sa silaʼy tumigil na sa paggawa ng masama.

Kawikaan 3:7-8

Huwag mong isipin na napakarunong mo na. Matakot ka sa Panginoon, at huwag gumawa ng masama. Para iyon sa ikabubuti at ikalalakas ng iyong katawan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®