The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
17 Sinabi ng Faraon ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip ako na nakatayo ako sa pampang ng Ilog Nilo. 18 Biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka, at kumain sila ng damo. 19 Maya-maya paʼy may umahon ding pitong pangit at payat na baka. Wala pa akong nakitang baka sa buong Egipto na ganoon kapangit. 20 Kinain ng mga pangit at payat na baka ang pitong matatabang baka na unang nagsiahon. 21 Pero pagkakain nila, hindi man lang halata na nakakain sila ng ganoon dahil ganoon pa rin sila kapapayat. At bigla akong nagising.
22 “Pero nakatulog ulit ako at nanaginip na naman. Nakakita ako ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga. 23 At sa sanga ring iyon, sumulpot din ang pitong uhay na payat ang butil at natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan. 24 At kinain ng mga payat na uhay ang pitong matatabang butil na uhay. Sinabi ko na ito sa mga salamangkero, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”
25 Sinabi ni Jose sa Faraon, “Mahal na Hari, ang dalawang panaginip po ninyo ay iisa lang ang kahulugan. Sa pamamagitan ng mga panaginip ninyo, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano ang kanyang gagawin. 26 Ang pitong matatabang baka at pitong matatabang uhay ay parehong pitong taon ang kahulugan. 27 Ang pitong payat at pangit na baka at ang pitong payat na butil na uhay na pinatigas ng mainit na hangin na galing sa silangan ay nangangahulugan po ng pitong taong taggutom.
28 “Gaya po ng sinabi ko sa inyo, Mahal na Faraon, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano po ang kanyang gagawin. 29 Sa loob po ng darating na pitong taon, magiging labis ang kasaganaan sa buong Egipto. 30 Pero susundan po agad ito ng pitong taon na taggutom, at makakalimutan na ng mga tao ang naranasan nilang kasaganaan dahil ang taggutom ay nagdulot ng pinsala sa lupain ng Egipto. 31 Matinding taggutom po ang darating na parang hindi nakaranas ng kasaganaan ang lupain ng Egipto. 32 Dalawang beses po kayong nanaginip, Mahal na Faraon, para malaman nʼyo na itinakda ng Dios na mangyayari ito at malapit na itong mangyari.
33 “Kaya ngayon, Mahal na Faraon, iminumungkahi ko po na dapat kayong pumili ng isang matalinong tao para mamahala sa lupain ng Egipto. 34 Maglagay din po kayo ng mga opisyal sa buong Egipto para ihanda[a] ang lugar na ito sa loob ng pitong taon na kasaganaan. 35 Sa mga panahong iyon, ipaipon nʼyo rin po sa kanila ang lahat ng makokolekta ninyo galing sa mga ani at sa ilalim ng inyong pamamahala, ipatago po ninyo sa kanila ang mga ani sa mga kamalig ng mga lungsod. 36 Ang mga pagkaing ito ay ilalaan para sa mga tao kapag dumating na ang pitong taong taggutom sa Egipto, para hindi sila magutom.”
Ginawang Tagapamahala si Jose sa Egipto
37 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga opisyal ang mungkahi ni Jose. 38 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Wala na tayong makikita pang ibang tao na kagaya ni Jose na ginagabayan ng Espiritu ng Dios.”
39 Kaya sinabi ng Faraon kay Jose, “Sapagkat sinabi sa iyo ng Dios ang mga bagay na ito, wala na sigurong iba pang tao na may kaalaman at pang-unawa na kagaya mo. 40-41 Gagawin kita ngayon na tagapamahala ng aking kaharian at gobernador ng buong Egipto, at susunod sa iyo ang lahat ng tauhan ko. Pero mas mataas pa rin ang karapatan ko kaysa sa iyo.” 42 Tinanggal agad ng Faraon ang kanyang singsing na pangtatak at isinuot sa daliri ni Jose. Pinasuotan niya si Jose ng espesyal na damit na gawa sa telang linen at pinasuotan ng gintong kwintas. 43 Ipinagamit din niya kay Jose ang kanyang pangalawang karwahe,[b] at may mga tagapamalita na mauuna sa kanya na sumisigaw, “Lumuhod kayo sa gobernador!” Kaya simula noon, naging gobernador si Jose sa buong lupain ng Egipto.
44 Sinabi pa ng Faraon kay Jose, “Ako ang hari rito sa Egipto, Pero walang sinuman ang gagawa ng kahit ano rito sa Egipto nang walang pahintulot mo.” 45 Pinangalanan niya si Jose ng Zafenat Panea. Pinag-asawa rin niya si Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari mula sa lungsod ng On. Bilang gobernador, si Jose na ang namahala sa Egipto.
46 Si Jose ay 30 taong gulang pa lang nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Umalis siya sa palasyo at umikot sa buong Egipto.
47 Tunay ngang naging masagana ang ani sa loob ng pitong taong kasaganaan. 48 At sa panahong iyon, ipinaipon ni Jose ang lahat ng nakolekta galing sa mga ani.[c] Ipinatago niya sa bawat lungsod ang mga ani na galing sa bukid sa palibot nito. 49 Napakarami ng trigong naipon ni Jose; parang kasing dami ng buhangin sa tabing-dagat. Itinigil na lang niya ang pagtatakal nito dahil hindi na ito makayanang takalin.
50 Bago dumating ang taggutom, ipinanganak ang dalawang anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari ng lungsod ng On. 51 Pinangalanan ni Jose ang panganay na Manase[d] dahil ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, nakalimutan ko ang mga paghihirap ko at ang aking pananabik sa sambahayan ng aking ama.” 52 Pinangalanan niya ang pangalawa niyang anak na Efraim.[e] Sapagkat ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, naging masagana ako sa lugar kung saan nakaranas ako ng mga paghihirap.”
53 Natapos na ang pitong taong kasaganaan sa Egipto, 54 at nagsimula na ang pitong taong taggutom katulad ng sinabi ni Jose. May taggutom sa ibaʼt ibang lugar pero may pagkain sa buong Egipto. 55 Dumating ang panahon na naramdaman din ng mga taga-Egipto ang taggutom, kaya humingi sila ng pagkain sa hari. Sinabi ng hari sa kanila, “Pumunta kayo kay Jose dahil siya ang magsasabi sa inyo kung ano ang gagawin ninyo.”
56 Lumaganap ang taggutom kahit saan. At dahil sa matinding taggutom sa buong Egipto, pinabuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at pinagbilhan ng pagkain ang mga taga-Egipto. 57 Pumunta rin sa Egipto ang halos lahat ng bansa para bumili ng pagkain kay Jose dahil matindi ang taggutom sa kanilang bansa.
Pumunta sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose
42 Nang malaman ni Jacob na may ipinagbibiling pagkain sa Egipto, sinabi niya sa mga anak niyang lalaki, “Ano pa ang hinihintay ninyo? 2 Nabalitaan ko na may ipinagbibili raw na pagkain sa Egipto kaya pumunta kayo roon at bumili para hindi tayo mamatay sa gutom.”
3 Kaya lumakad ang sampung kapatid ni Jose sa Egipto para bumili ng pagkain. 4 Pero hindi ipinasama ni Jacob si Benjamin na nakababatang kapatid ni Jose dahil natatakot siya na baka may masamang mangyari sa kanya. 5 Kaya pumunta ang mga anak ni Jacob[f] sa Egipto kasama ng mga taga-ibang lugar para bumili ng pagkain, dahil laganap na ang taggutom sa buong Canaan.
6 Bilang gobernador ng Egipto, tungkulin ni Jose na pagbilhan ng pagkain ang lahat ng tao. Kaya pagdating ng mga kapatid niya, yumukod sila kay Jose bilang paggalang sa kanya. 7-9 Pagkakita ni Jose sa kanila, nakilala niya agad ang mga ito pero siyaʼy hindi nila nakilala. Hindi lang siya nagpahalata na siya si Jose. Nagtanong siya sa kanila kung taga-saan sila.
Sumagot sila, “Taga-Canaan po kami, at pumunta po kami rito para bumili ng pagkain.” Naalala agad ni Jose ang panaginip niya tungkol sa kanila na naging dahilan kung bakit sila nagalit sa kanya. Kaya nagsalita siya ng masasakit na salita sa kanila, “Mga espiya kayo! Pumunta kayo rito para tingnan kung ano ang kahinaan ng bansa namin.”
10 Sumagot sila, “Hindi po! Hindi po kami espiya. Pumunta po kami rito para bumili ng pagkain. 11 Magkakapatid po kaming lahat sa isang ama, at nagsasabi po kami ng totoo. Hindi po kami espiya.”
12 Pero sinabi ni Jose, “Hindi ako naniniwala! Pumunta kayo rito para tingnan kung ano ang kahinaan ng bansa namin.”
13 Sumagot sila, “12 po kaming magkakapatid, at isa lang po ang aming ama na naroon ngayon sa Canaan. Ang bunso po namin ay naiwan sa kanya. Ang isa po naming kapatid ay wala na.”
14 Sinabi ni Jose, “Kagaya ng sinabi ko, mga espiya talaga kayo! 15 Pero susubukan ko kayo kung totoo talaga ang mga sinasabi ninyo. Isinusumpa ko sa pangalan ng Faraon na hindi kayo makakaalis dito hanggaʼt hindi ninyo maisasama ang bunsong kapatid nʼyo rito. 16 Pauuwiin ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo. Ang maiiwan sa inyoʼy ikukulong hanggang sa mapatunayan ninyo ang sinasabi ninyo, dahil kung hindi, talagang mga espiya nga kayo!” 17 At ipinakulong niya ang mga ito sa loob ng tatlong araw.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Muling nagbigay ng talinghaga si Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Pero kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo at umalis. 26 Nang tumubo ang mga tanim at namunga, lumitaw din ang masasamang damo. 27 Kaya pumunta sa kanya ang kanyang mga alipin at sinabi, ‘Hindi po ba mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Paano po ba ito nagkaroon ng masasamang damo?’ 28 Sinabi ng may-ari, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Gusto po ba ninyong bunutin namin ang masasamang damo?’ 29 Sumagot siya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo pati ang trigo. 30 Hayaan na lang muna ninyong lumagong pareho hanggang sa anihan. Kapag dumating na ang panahong iyon, sasabihin ko sa mga tagapag-ani na unahin muna nilang bunutin ang masasamang damo, at bigkisin para sunugin. Pagkatapos, ipapaani ko sa kanila ang trigo at ipapaimbak sa aking bodega.’ ”
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)
31 Ikinuwento pa sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng isang buto ng mustasa[a] na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halamang gulay, na parang punongkahoy ang taas, at pinupugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(B)
33 Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Jesus: “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng pampaalsang inihalo ng babae sa isang malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”
Ang Paggamit ni Jesus ng mga Paghahalintulad o mga Talinghaga(C)
34 Gumamit si Jesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios. Hindi siya nangaral sa mga tao nang hindi sa pamamagitan nito. 35 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Dios sa pamamagitan ng kanyang propeta:
“Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad.
Sasabihin ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang mundo.”[b]
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
36 Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa isang bahay. Nilapitan siya ng mga tagasunod niya at sinabi, “Pakipaliwanag po sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang damo.” 37 Sumagot si Jesus, “Ang naghasik ng mabuting binhi ay walang iba kundi ako na Anak ng Tao. 38 Ang bukid ay ang mundo, at ang mabuting binhi ay ang mga kabilang sa kaharian ng Dios. Ang masasamang damo naman ay ang mga sakop ni Satanas. 39 Si Satanas ang kaaway na nagtanim sa kanila. Ang anihan ay ang katapusan ng mundo, at ang tagapag-ani ay ang mga anghel. 40 Kung paanong binubunot at sinusunog ang masasamang damo, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. 41 Ako na Anak ng Tao ay magpapadala ng mga anghel, at aalisin nila sa aking kaharian ang lahat ng gumagawa ng kasalanan at nagiging dahilan ng pagkakasala ng iba. 42 Itatapon sila sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.[c] 43 Pero ang matutuwid ay magniningning na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”
Ang Paghahalintulad sa Natatagong Kayamanan
44 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago[d] niya itong muli. At sa tuwa niyaʼy umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon.”
Ang Paghahalintulad sa Perlas
45 “Ang kaharian ng Dios ay katulad din nito: May isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”
Awit ng Tagumpay ni David(A)
18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
2 Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
3 Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
6 Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.
7 Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
8 Umusok din ang inyong ilong,
at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
9 Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
4 Mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang mga pagtutuwid ng inyong ama sa inyong pag-uugali, upang lumawak ang inyong pang-unawa. 2 Mabuti ang itinuturo kong ito, kaya huwag ninyong ipagwalang bahala. 3 Noong bata pa ako at nasa piling pa ng aking mga magulang, mahal na mahal ako ng aking ina bilang nag-iisang anak. 4 Tinuruan ako ni ama. Sinabi niya sa akin, “Anak, ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo ko. Sundin mo ang mga utos ko at mabubuhay ka nang matagal. 5 Pagsikapan mong magkaroon ng karunungan at pang-unawa. Huwag mong kalilimutan ang mga sinasabi ko at huwag kang hihiwalay dito. 6 Huwag mong tanggihan ang karunungan, sa halip pahalagahan mo ito, dahil iingatan ka nito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®