The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Si Manase at si Efraim
48 Hindi nagtagal, may nagbalita kay Jose na may sakit ang kanyang ama. Kaya dinala niya ang dalawang anak niyang sina Manase at Efraim at pumunta kay Jacob. 2 Nang malaman ni Jacob na dumating ang anak niyang si Jose, sinikap niyang makaupo sa higaan niya.
3 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Noong naroon pa ako sa Luz, sa lupain ng Canaan, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Dios at binasbasan niya ako.” 4 Sinabi niya, “Bibigyan kita ng maraming lahi para maging ama ka ng maraming tao. At ibibigay ko ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi mo at magiging kanila ito magpakailanman.”
5 Nagpatuloy si Jacob sa pagsasalita, “Ang dalawa mong anak na sina Efraim at Manase, na ipinanganak dito sa Egipto bago ako dumating ay ituturing kong mga anak ko. Kaya kagaya kina Reuben at Simeon, magmumula rin sa kanila ang mga lahi ng mga Israelita. 6 Pero ang susunod mong mga anak ay maiiwan sa iyo at makakatanggap ng mana galing kina Efraim at Manase. 7 Naalala ko ang pagkamatay ng iyong ina. Galing kami noon sa Padan Aram at naglalakbay sa lupain ng Canaan. Malapit na kami noon sa Efrata nang mamatay siya, kaya inilibing ko na lang siya sa tabi ng daan na papunta sa Efrata. (Ang Efrata ang tinatawag ngayon na Betlehem.)”
8 Nang makita ni Israel[a] ang mga anak ni Jose, nagtanong siya, “Sino sila?”
9 Sumagot si Jose, “Sila po ang mga anak ko na ibinigay sa akin ng Dios dito sa Egipto.”
Kaya sinabi ni Israel, “Dalhin sila rito sa akin para mabasbasan ko sila.”
10 Halos hindi na makakita si Israel dahil sa katandaan, kaya dinala ni Jose ang mga anak niya papalapit kay Israel. Niyakap sila ni Israel at hinalikan.
11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi na talaga ako umaasa na makikita pa kita, pero ngayon ipinahintulot ng Dios na hindi lang ikaw ang makita ko kundi pati ang mga anak mo.”
12 Kinuha agad ni Jose ang mga anak niya sa kandungan ni Israel at yumukod siya bilang paggalang sa kanyang ama. 13 Pagkatapos, inilapit niyang muli ang mga anak niya sa lolo ng mga ito para mabasbasan sila. Si Efraim ay nasa kanan ni Jose, na nasa kaliwa ni Israel at si Manase ay nasa kaliwa ni Jose na nasa kanan ni Israel. 14 At ipinatong ni Israel ang kanang kamay niya sa ulo ni Efraim na siyang nakababata, at ipinatong ang kaliwang kamay niya sa ulo ni Manase na siya namang nakatatanda.
15 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga ito na sinasabi,
“Nawaʼy pagpalain ang mga batang ito ng Dios na pinaglingkuran ng aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, na siya ring Dios na nagbabantay sa akin simula nang ipinanganak ako hanggang ngayon.
16 At nawaʼy pagpalain din sila ng anghel na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan.
Nawaʼy maalala ako at ang aking mga ninunong sina Abraham at Isaac sa pamamagitan nila.
At nawaʼy dumami pa sila sa mundo.”
17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya ito ikinatuwa. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama para ilipat kay Manase, 18 At sinabi, “Ama hindi po iyan. Ito po ang panganay; ipatong po ninyo ang kanang kamay ninyo sa ulo niya.”
19 Pero sumagot ang kanyang ama, “Oo, alam ko anak. Ang mga lahi ni Manase ay magiging kilala ring mga bansa. Pero mas magiging kilala ang mga lahi ng nakababata niyang kapatid at magiging mas marami ang lahi nito.” 20 Kaya ginawa niya si Efraim na nakakahigit kaysa kay Manase. At sa araw na iyon, binasbasan niya ang mga ito na nagsasabing,
“Gagamitin ng mga Israelita ang pangalan mo sa pagbabasbas. Sasabihin nila, ‘Nawaʼy pagpalain ka ng Dios kagaya nina Efraim at Manase.’ ”
21 Kaya sinabi ni Israel kay Jose, “Malapit na akong mamatay, pero huwag kayong mag-aalala dahil sasamahan kayo ng Dios at pababalikin kayo sa lupain ng iyong ninuno. 22 At ikaw Jose ang magmamana ng Shekem, at hindi ang mga kapatid mo. Ang lupain na iyon na napasaakin dahil sa pakikipaglaban ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng espada at pana.”
Binasbasan ni Jacob ang mga Anak Niya
49 Pagkatapos, tinawag ni Jacob ang mga anak niya, at sinabi, “Magsiparito kayo dahil sasabihin ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa darating na panahon.
2 “Mga anak, lumapit kayo at makinig sa akin na inyong ama.
3 “Ikaw Reuben, na panganay ko, ang kauna-unahang lalaki kong anak. Mas tanyag ka at mas makapangyarihan kaysa sa iyong mga kapatid.
4 “Pero katulad ka ng kumukulong tubig dahil hindi ka makapagpigil sa iyong pagnanasa, kaya ka sumiping sa aking asawang alipin. Hindi ka na hihigit sa iba.
5 “Kayo, Simeon at Levi na magkakampi, ginagamit ninyo ang inyong armas sa pagmamalupit sa iba.
6 “Hindi ako sasama o dadalo sa pagtitipon ninyo dahil pumapatay kayo ng mga tao kapag galit kayo, at pinipilayan ninyo ang mga toro kapag gusto ninyo.
7 “Susumpain ko kayo dahil sa inyong galit na napakalupit. Paghihiwalayin ko kayo at ipapangalat sa Israel.
8 “Ikaw Juda, pupurihin ka at igagalang ng iyong mga kapatid. Tatalunin mo ang iyong mga kalaban. 9 Katulad ka ng batang leon na matapos hanapin ang sisilain ay bumabalik sa kanyang lungga at doon magpapahinga. At walang makakapagtangkang gumambala sa kanya. 10 Patuloy kang mamumuno, Juda. Magmumula sa mga lahi mo ang magiging mga pinuno. Kaya magbibigay ng buwis sa iyo ang mga bansa at susunod sila sa iyo. 11 Magiging sagana ang iyong lupain; kaya kahit itali mo ang asno malapit sa pinakamagandang tanim na ubas, hindi niya ito makakayang ubusin dahil sa dami. At kahit ipanglaba pa ang katas ng ubas, hindi ito mauubos. 12 Kaya dahil sa masaganang katas ng ubas, magniningning ang iyong mga mata at sa masaganang gatas higit na puputi ang ngipin mo.
13 “Ikaw Zebulun, maninirahan ka sa tabi ng dagat. Ang lupain mo ay magiging daungan ng mga sasakyang pandagat. Ang lupain mo ay aabot hanggang sa Sidon.
14 “Ikaw Isacar, katulad ka ng malakas na asno pero nagpapahinga sa tirahan ng mga tupa.[b] 15 Titiisin mong magpaalipin kahit pa pagpasanin ka ng mabigat at sapilitang pagtrabahuhin, bastaʼt mabuti at sagana lang ang lupaing titirhan mo.
16 “Ikaw Dan, pangungunahan mong mabuti ang iyong mga tao bilang isa sa mga lahi ng Israel. 17 Magiging katulad ka ng makamandag na ahas sa tabi ng daan na tumutuklaw ng paa ng dumaraan na kabayo, kaya nahuhulog ang nakasakay dito.”
18 Pagkatapos, sinabi ni Jacob, “O Panginoon, naghihintay po ako sa inyong pagliligtas.”
19 Nagpatuloy pa siya sa pagsasalita,
“Ikaw Gad, lulusubin ka ng grupo ng mga tulisan, pero gagantihan mo sila habang tumatakas sila.
20 “Ikaw Asher, magiging sagana ka sa pagkain. Aani ka ng mga pagkain na para sa mga hari.
21 “Ikaw Naftali, katulad ka ng pinakawalang usa na nanganganak ng magagandang supling.
22 “Ikaw Jose, katulad ka ng mailap na asno sa tabi ng bukal o sa tabi ng bangin.[c] 23 Kaiinisan ka ng mga mamamana. Sa galit nila ay papanain ka nila, 24 pero palagi mo rin silang papanain. At ang braso mo ay patuloy na lalakas, dahil sa tulong ng Makapangyarihang Dios ni Jacob, ang tagapagbantay at ang Bato na kanlungan ng Israel. 25 Siya ang Makapangyarihang Dios ng iyong mga ninuno na tumutulong at nagpapala sa iyo. Bibiyayaan ka niya ng ulan at tubig sa mga bukal. At bibiyayaan ka niya ng maraming anak at hayop. 26 Ngayon, marami akong pagpapala; labis pa sa kasaganaan noon ng mga sinaunang kaburulan. Nawaʼy matanggap mo ang mga pagpapalang ito, Jose – ikaw na nakakahigit kaysa sa iyong mga kapatid.
27 “Ikaw Benjamin, katulad ka ng asong lobo na sumisila sa umaga ng kanyang nahuli para kainin, at sa gabi ay pinaghahati-hatian ang natirang nasamsam.”
28 Sila ang 12 anak ni Jacob na pinanggalingan ng mga lahi ng Israel. At iyon ang huling habilin ni Jacob sa bawat isa sa kanila.
Ang Pagkamatay ni Jacob
29 Matapos habilinan ni Jacob ang mga anak niya. Sinabi niya, “Ngayon, sandali na lang at makakasama ko na ang mga kamag-anak ko sa kabilang buhay, ilibing nʼyo ako sa libingan ng aking mga ninuno, doon sa kweba na nasa sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang bukid na iyon ay nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, na sakop ng Canaan. Binili ng lolo kong si Abraham ang bukid na iyon kay Efron para gawing libingan. 31 Doon siya inilibing pati ang lola kong si Sara at ang mga magulang kong sina Isaac at Rebeka, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at kweba ay binili sa mga Heteo.”
33 Pagkatapos magsalita ni Jacob sa kanyang mga anak, nahiga siya at nalagutan ng hininga. At isinama siya sa kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.
39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.
Humingi ng Himala ang mga Pariseo at Saduceo(B)
16 May mga Pariseo at Saduceo na lumapit kay Jesus para subukin siya. Hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[a] bilang patunay na sugo siya ng Dios. 2 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag palubog na ang araw at mapula ang langit, sinasabi ninyo, ‘Magiging maayos ang panahon bukas.’ 3 At kapag umaga at makulimlim ang langit, sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon.’ Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon? 4 Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas.” Pagkatapos, umalis si Jesus.
Ang Babala ni Jesus tungkol sa Turo ng mga Pariseo at mga Saduceo(C)
5 Tumawid ng lawa si Jesus at ang mga tagasunod niya, pero nakalimutan ng mga tagasunod na magbaon ng pagkain. 6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[b] ng mga Pariseo at mga Saduceo.” 7 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 8 Pero alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan ang hindi ninyo pagdadala ng tinapay? Kay liit ng pananampalataya ninyo! 9 Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ko sa limang tinapay para mapakain ang 5,000 tao? Hindi ba ninyo naalala kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 10 Nakalimutan na rin ba ninyo ang ginawa ko sa pitong tinapay para mapakain ang 4,000 tao, at kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 11 Hindi ba ninyo naiintindihan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at Saduceo?’ ” 12 At saka lang nila naintindihan na hindi pala sila pinag-iingat sa pampaalsa kundi sa mga aral ng mga Pariseo at Saduceo.
Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan
20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
2 Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
3 Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
pati na ang iyong mga haing sinusunog.
4 Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
7 May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
8 Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
9 Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.
20 Anak, pakinggan mong mabuti ang itinuturo ko sa iyo. 21 Huwag mo itong kalilimutan kundi ingatan sa puso mo. 22 Sapagkat magbibigay ito ng malusog na katawan at mahabang buhay sa sinumang makakasumpong nito.
23 Higit sa lahat, ingatan mo ang iyong isipan, sapagkat kung ano ang iyong iniisip iyon din ang magiging buhay mo. 24 Huwag kang magsalita ng kasinungalingan at walang kabuluhan. 25 Ituon mo ang iyong paningin sa mga bagay na mabuti. 26 Pag-isipan mong mabuti ang iyong mga gagawin upang magtagumpay ka. 27 Mamuhay ka sa katuwiran at layuan mo ang kasamaan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®