Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Awit ni Solomon 1-4

Ito(A) ang pinakamagandang awit ni Solomon:

Ang Unang Awit

Babae:

Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik;
    ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak.
Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad?
    Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap,
    kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag.
Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan,
    at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan.
Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito,
    ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo;
pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin;
    hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin.

Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi;
    katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari,
    tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari.
Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay,
    pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw.
Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan,
    nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan.
Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman,
    anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan.
Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal,
    sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan;
    sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan?
Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw.

Mangingibig:

Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda,
    ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa.
Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaan
    sa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan.
Saan ko ba itutulad ang gayuma mo, aking hirang?
    Sa kabayo ng Faraon, anong ganda kung pagmasdan!
10 Mga pisnging malalambot, may balani, may pang-akit,
    na lalo pang pinaganda ng pahiyas na naglawit.
Ang nililok na leeg mo, kung masdan ko'y anong rikit,
    lalo na nga kung may kuwintas na doon ay nakasabit.
11 Ika'y aming igagawa ng kuwintas na gintong lantay,
    palamuting ikakabit ay pilak na dinalisay.

Babae:

12 Habang siya'y nakahimlay, tila hari ang katulad,
    ako nama'y magsasabog ng mabangong halimuyak.
13 Ang samyo ng aking mahal ay katulad nitong mira,
    habang siya sa dibdib ko'y nakahilig na masaya.
14 Ang kawangis ng mahal ko'y isang kumpol ng bulaklak
    sa ubasan ng En-gedi, magiliw kong pinamitas.

Mangingibig:

15 Maganda ka, aking sinta, ang mata mo'y mapupungay,
    nagniningning, nang-aakit habang aking minamasdan.

Babae:

16 Makisig ka, aking mahal, anong kisig, anong inam,
    magiging himlayan nati'y laging kulay na luntian.
17 At sedar ang siyang biga nitong ating tatahanan,
    mga kisame ay pinong pili, kahoy na talagang maiinam.

Isa lamang akong rosas na sa Saron ay naligaw
    sa libis nitong bundok, isang ligaw na halaman.

Mangingibig:

Katulad mo'y isang liryo sa gitna ng kasukalan,
    namumukod ka sa lahat, bukod-tangi, aking hirang.

Babae:

Sa gitna ng kagubatan katulad niya ay mansanas,
    sa lahat ng mga tao, siya'y walang makatulad;
ako'y laging nananabik sa lilim niya'y manatili,
    ang tamis ng bunga niya kung kanin ko'y anong sarap.
Nang ako ay kanyang dalhin sa sagana niyang hapag,
    sa piling niya'y nadama ko ang pag-ibig niyang tapat.
Ako'y kanyang pinakain ng sariwang mga ubas,
    at magiliw na binusog ng matamis na mansanas;
    dahil aking puso'y uhaw sa pagsinta mong wagas.
Ang kaliwa niyang bisig ang siya kong inuunan,
    habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
    sa ngalan ng mga usa't mga hayop na matutulin,
    ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.

Ang Ikalawang Awit

Babae:

Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
    mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig.
Itong aking mangingibig ay tulad ng isang usa,
    mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
    sumisilip sa bintana upang ako ay makita.
10 Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang sinabi:

Mangingibig:

Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
11 Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
    at ang tag-ulan ay natapos na rin.
12 Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad,
    ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
    sa bukid, ang mga ibo'y masayang umaawit.
13 Ang mga puno ng igos, hinog na ang bunga,
    at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
14 Ika'y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan,
halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan,
    at nang akin ding marinig ang tinig mong ginintuan.

15 Asong-gubat ay hulihin, maninira ng ubasan,
    baka pumasok sa ating namumulaklak na ubasan.

Babae:

16 Mangingibig ko ay akin at ako nama'y kanya,
    sa gitna ng mga liryo, kumakain ang kawan niya.
17 Hanggang dilim ay maparam, ganito ang ginagawa,
    sa pag-ihip ng amihang umaga ang siyang badya.
Magbalik ka, aking sinta magmadali ka, aking mahal
    tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan.[a]

Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko'y hinahanap,
    ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
Akong ito'y bumabangon, sa lunsod ay naglalakad,
    ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
    ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
Sa akin ngang paglalakad, nakita ko'y mga bantay,
    nagmamanman, naglilibot, sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
Nang aking iwan ang nasabing mga tanod,
    bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog.
Siya'y aking hinawakan at hindi na binitiwan,
    hanggang siya'y madala ko sa bahay kong sinilangan.

Ipangako ninyo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem
    sa ngalan ng mga usa at hayop na matutulin,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.

Ang Ikatlong Awit

Babae:

Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan?
    Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang,
    na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal.
Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo,
    ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu,
    pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno.
Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan,
    nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban.
Ang magandang trono nitong haring si Solomon,
    pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon.
10 Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak,
    ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak,
iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot;
    mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak.
11 Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon,
    nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal
    sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal.

Mangingibig:

Kay ganda mo, aking mahal,
    ang mata mo'y mapupungay!
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y nagsasayaw
    parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
Ang ngipin mo ay simputi nitong tupang bagong linis,
walang bungi kahit isa, maganda ang pagkaparis.
Ang labi mo'y pulang-pula katulad ng escarlata,
    kapag ika'y nangungusap lalo itong gumaganda,
aninag sa iyong belo ang pisngi mong namumula.
Ang leeg mo'y ubod kinis, may kuwintas na kay inam,
    parang tore ni David, na ligid ng mga kawal.
Parang usang magkaparis ang malusog na dibdib mo,
    masayang kumakain sa gitna ng mga liryo.
Hanggang sa dumating ang bukang-liwayway,
    hanggang sa mapawi ang pusikit na karimlan,
sa dibdib mong ubod bango ako ay hihimlay,
    pagkat ito ay simbango ng mira
    at ng kamanyang.
Kay ganda mo, aking sinta; kay ganda mo, aking mahal.
    Wala akong maipintas sa taglay mong kagandahan.

Halika na, aking mahal, sa akin ay sumama ka,
    lisanin na natin ang Lebanon at ang Bundok ng Amana,
iwan mo na ang Bundok ng Senir at ng Hermon,
    ang taguan niyong mga leopardo at mga leon.
Aking mahal, aking sinta, ang puso ko ay nabihag,
    ng mata mong mapang-akit at leeg mo na may kuwintas.
10 Aking mahal, aking sinta, kay tamis ng iyong pag-ibig,
    alak man na ubod-tamis, sa iyo'y di maipaparis,
    halimuyak ng bango mo ay walang makakatalo.
11 Ang labi mo, aking hirang, sintamis ng mga pulot,
    ang dila mo'y waring gatas, ligaya ang siyang dulot,
    ang bango ng Lebanon ay tila nasa iyong suot.

12 Katulad ng isang hardin itong aking minamahal,
    na may bakod sa palibot at sarili ang bukal.
13 Halaman ay magaganda, waring hardin ng granada,
    namumukod, natatangi ang kanyang mga bunga—
    mahalimuyak ang mga nardo, mababango ang hena.
14 Nardo at safron, mabangong kanela at kalamo,
    at lahat ng punongkahoy ay may samyo ng insenso,
mira, at aloe na pangunahing pabango.
15 Ang tubig na ginagamit na pandilig nitong hardin,
    ay ang agos ng tubig na sa Lebanon pa nanggagaling.

Babae:

16 Umihip ka hanging timog, sa hilaga ay gayon din,
    nang masamyo ko ang bango na buhat sa aking hardin.
Hayaang ang aking sinta'y magpunta sa hardin niya,
    upang pumitas at kumain ng mga bunga.

2 Corinto 8:16-24

Si Tito at ang Kanyang mga Kasama

16 Salamat sa Diyos dahil inilagay niya sa puso ni Tito ang gayunding pagmamalasakit. 17 Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. 18 Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. 19 Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong pagkakawanggawa ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon at upang maipakita ang aming hangaring makatulong.

20 Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Ang(A) layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.

22 Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga kinatawan ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. 24 Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo.

Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Mga Kawikaan 22:22-23

-1-

22 Huwag mong samantalahin ang kahinaan ng mahihirap, ni pagmalabisan ang dukha sa harap ng hukuman. 23 Sapagkat ipagtatanggol sila ni Yahweh, at aagawan niya ang nang-agaw sa mga iyon.