Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 39:1-41:16

Mga Sugo mula sa Babilonia(A)

39 Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo. Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo. Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, “Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?” Sumagot ang hari, “Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia.” Nagtanong na muli si Isaias, “Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?” Sinabi ng hari, “Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.”

Dahil dito'y sinabi ni Isaias, “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!’ Pati(B) ang iyong salinlahi na ipapanganak pa lamang ay dadalhin sa Babilonia at gagawin nilang mga eunuko sa palasyo ng hari.” “Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti,” sagot ni Hezekias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan habang siya'y nabubuhay.

Mga Salita ng Pag-asa

40 “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
    “Aliwin ninyo sila!
Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem,
tapos na ang kanilang pagdurusa
sapagkat nabayaran na nila ng lubos
    ang kasalanang ginawa nila sa akin.”

Ganito(C) (D) ang isinisigaw ng isang tinig:
“Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang;
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
Tambakan ang mga libis,
    patagin ang mga burol at bundok,
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh,
    at makikita ito ng lahat ng tao.
Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
“Magpahayag(E) ka!” ang sabi ng tinig.
“Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko.
Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
    ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak,
    kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh.
    Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak,
    ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”

Ang Diyos ay Narito Na

Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion,
    magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem!
Sumigaw ka at huwag matatakot,[a]
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
    “Narito na ang inyong Diyos!”

10 Dumarating(F) ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan,
    dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11 At(G) tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan;
    sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin.
    Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
    at papatnubayan ang mga tupang may supling.

Walang Katulad ang Diyos

12 Sino ang makakasukat ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang kamay?
    Sino ang makakasukat sa lawak ng kalangitan?
Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang sisidlan?
    Sino kaya ang makakapagtimbang sa mga bundok at burol?
13 Sino(H) ang makakapagsabi ng dapat gawin ni Yahweh?
    May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya?
14 Sino ang kanyang puwedeng sanggunian para maliwanagan?
    Sinong nagturo sa kanya ng landas ng katarungan?
    Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa?

15 Sa(I) harap ni Yahweh ang mga bansa ay walang kabuluhan,
    tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan;
    at ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang.
16 Hindi sapat na panggatong ang lahat ng kahoy sa Lebanon.
    Kulang pang panghandog ang lahat ng hayop sa gubat roon.
17 Sa kanyang harapan, ay walang halaga ang lahat ng bansa.

18 Saan(J) ninyo ihahambing ang Diyos
    at kanino ninyo siya itutulad?
19 Siya ba'y maihahambing sa mga imaheng ginawa ng tao,
    na binalutan ng ginto,
    at ipinatong sa pilak?
20 Hindi(K) rin siya maitutulad sa rebultong kahoy
    matigas man ang kahoy at hindi nabubulok,
na nililok upang hindi tumumba
    at mabibili lang sa murang halaga.

21 Hindi ba ninyo nalalaman?
    Wala bang nagbalita sa inyo noon,
    kung paano nagsimulang likhain ang sanlibutan?
22 Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan;
    mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam.
Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina,
    tulad ng tolda upang matirahan.

23 Inaalis niya ang mga pinuno sa kapangyarihan,
    at ginagawang walang kabuluhan.
24 Tulad nila'y mga halamang walang ugat,
    bagong tanim at natutuyo agad;
at tila dayaming tinatangay ng hangin.

25 Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos?
    Mayroon ba siyang katulad?
26 Tumingala(L) kayo sa langit!
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
    Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos,
    at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan,
    walang nawala sa kanila kahit isa man.

Si Yahweh ang Nagbibigay ng Kalakasan

27 Israel, bakit ka ba nagrereklamo
    na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo,
    o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan?
28 Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig?
Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos,
    ang siyang lumikha ng buong daigdig?
Hindi siya napapagod;
    sa isipan niya'y walang makakaunawa.
29 Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas.
30 Kahit na ang mga kabataan ay napapagod
    at nanlulupaypay.
31 Ngunit muling lumalakas
    at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh.
Lilipad silang tulad ng mga agila.
    Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod,
    sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.

Ang Pangako ng Diyos sa Israel

41 Sinabi ni Yahweh,
“Tumahimik kayo at makinig, kayo na nasa malalayong lupain!
Pag-ibayuhin ninyo ang inyong lakas,
    at dalhin sa hukuman ang inyong usapin.
Doon ang panig ninyo ay papakinggan upang malaman kung sino ang may katuwiran.

“Sino ang nagdala sa isang mananakop mula sa silangan,
    at nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikipaglaban?
Ang mga hari't mga bansa ay parang alikabok na lumilipad
    sa bawat hataw ng kanyang tabak;
    at parang dayaming tinatangay dahil sa kanyang pana.
Buong bilis na tinutugis niya ang mga kaaway,
    ang kanyang mga paa'y hindi halos sumayad sa lupa.
Sinong nasa likod ng lahat ng ito?
    Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula?
Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man,
    at mananatili hanggang sa katapusan.

“Ito'y nasaksihan ng mga tao sa malalayong lupain,
    at nanginginig sila sa takot;
    kaya silang lahat ay lumapit sa akin at sumamba.
Sila-sila ay nagtutulungan at nagpapayuhan, ‘Huwag kayong matakot.’
Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto, ‘Magandang trabaho!’
    Hinangaan ng mga gumagawa ng rebulto ang mga nagkabit-kabit nito,
at ang sabi, ‘Mahusay ang pagkahinang’;
    pagkatapos ay ipinako ang rebulto sa patungan nito.

“Ngunit(M) ikaw, Israel, na aking lingkod
    lahi ni Abraham na aking kaibigan.
    Ikaw ang bayang aking hinirang.
Ikaw ay kinuha ko sa mga dulo ng daigdig;
    sa pinakamalalayong sulok nito,
    sinabi ko sa iyo noon, ‘Ikaw ay aking lingkod.’
Pinili kita at hindi itinakwil.
10 Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot,
    ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba.
Palalakasin kita at tutulungan,
    iingatan at ililigtas.

11 “Lahat ng may galit sa iyo
    ay mapapahiya,
at mamamatay ang sinumang lumaban sa iyo.
12 Hahanapin ninyo sila ngunit hindi makikita,
    mawawala na sila ng lubusan dito sa lupa.
13 Ako si Yahweh na inyong Diyos,
    ang magpapalakas sa inyo.
Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”

14 Sinabi pa ni Yahweh,
“Israel, mahina ka man at maliit,
    huwag kang matakot, sapagkat tutulungan kita.
Ako ang iyong tagapagligtas, ang banal na Diyos ng Israel.
15 Gagawin kitang tulad ng panggiik,
    na may bago at matatalim na ngipin.
Iyong gigiikin ang mga bundok at burol,
    at dudurugin hanggang maging alabok.
16 Ihahagis mo sila at tatangayin ng hangin;
    pagdating ng bagyo ay pakakalatin.
Magdiriwang kayo sa pangalan ni Yahweh,
    at pararangalan ang Banal na Diyos ng Israel.

Efeso 1

Mula(A) kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos,

Para sa mga hinirang ng Diyos [na nasa Efeso][a] at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus:

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin at kalooban. Sa gayon ay purihin ang kaluwalhatian ng kanyang kagandahang-loob na sagana niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos(B) tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo at pinatawad ang ating mga kasalanan. Ganoon kasagana ang kanyang kagandahang-loob na ibinuhos niya sa atin. Ayon sa kanyang karunungan at kaalaman, ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang layunin na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo.

11 Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula na maging kanya sa pamamagitan ni Cristo, ayon sa kanyang plano. Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. 12 Kaming mga unang umasa sa kanya ay pinili niya at hinirang upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian.

13 Sa pamamagitan ni Cristo, kayo rin na nakarinig ng salita ng katotohanan, ng Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan, at sumampalataya sa kanya, ay pinagkalooban ng ipinangakong Espiritu Santo bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. 14 Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin nang lubos ang lahat ng pangako ng Diyos sa atin, at sa gayon ay pupurihin ang kanyang kaluwalhatian.

Ang Panalangin ni Pablo

15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon 20 ang(C) muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. 21 Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. 22 Ipinailalim(D)(E) ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, 23 na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay.

Mga Awit 66

Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat

Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.

66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
    Awitan siya't luwalhatiin siya!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
    “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
    yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
    awit ng papuri yaong kinakanta;
    ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]

Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
    ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
    mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
Makapangyarihang hari kailanman,
    siya'y nagmamasid magpakailanman;
    kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]

Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
    inyong iparinig papuring malugod.

Iningatan niya tayong pawang buháy,
    di tayo bumagsak, di niya binayaan!

10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
    sinubok mo kami upang dumalisay;
    at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
    at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
    sinubok mo kami sa apoy at baha,
    bago mo dinala sa dakong payapa.

13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
    ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
    ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
    mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[c]

16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
    at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
    kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
    di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
    sa aking dalangin, ako ay sinagot.

20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
    pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
    at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.

Mga Kawikaan 23:25-28

25 Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.

-17-

26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. 28 Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.