The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
10 Mapapahamak kayo, mga gumagawa ng hindi makatarungang batas na umaapi sa mga tao,
2 upang pagkaitan ng katarungan ang mga nangangailangan,
upang alisan ng karapatan ang mahihirap,
at upang pagsamantalahan ang mga biyuda at ulila.
3 Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa,
pagdating ng pagkawasak na magmumula sa malayo?
Kanino kayo lalapit upang humingi ng tulong,
at kanino ninyo iiwanan ang inyong kayamanan,
4 upang hindi kayo mabilanggo, o mamatay sa labanan?
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nawawala ang kanyang poot;
patuloy niyang paparusahan ang kanyang bayan.
Ang Layunin ng Diyos at ang Hari ng Asiria
5 Ikaw(A) Asiria ang gagamitin kong pamalo—
ang tungkod ng aking pagkapoot.
6 Isusugo ko siya laban sa isang bayang walang diyos,
isang bayang kinapopootan ko,
upang ito'y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman
at tapakang parang putik sa lansangan.
7 Ngunit hindi ganito ang binabalak ng hari ng Asiria,
wala nga ito sa isipan niya.
Ang layunin niya'y wasakin ang maraming bansa.
8 Ang sabi niya:
“Hindi ba't pawang hari ang aking mga pinuno?
9 Ano ang pagkakaiba ng Calno sa Carquemis?
Ng Hamat sa Arpad,
at ng Samaria sa Damasco?
10 Kung paanong pinarusahan ko ang mga kahariang sumasamba sa mga diyus-diyosan;
na higit na marami ang mga larawang inanyuan kaysa naroon sa Jerusalem at Samaria,
11 hindi ko rin ba gagawin sa Jerusalem at sa mga diyus-diyosan nito,
ang ginawa ko sa Samaria at sa mga imahen nito?”
12 Ngunit kapag natapos na ni Yahweh ang kanyang layunin sa Bundok Zion at sa Jerusalem, paparusahan niya ang hari ng Asiria dahil sa kanyang kayabangan, kataasan at kapalaluan.
13 Sapagkat ang sabi niya:
“Nagawa ko iyan dahil sa taglay kong lakas at karunungan,
inalis ko ang hangganan ng mga bansa,
at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan;
ibinagsak ko sa lupa ang mga nakaupo sa trono.
14 Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang nasa isang pugad.
Tinipon ko ang buong lupa
tulad ng pagtipon sa mga itlog na iniwanan,
wala man lamang pakpak na nagbalak lumipad,
walang bibig na bumubuka o huning narinig.”
15 Mas magaling pa ba ang palakol kaysa taong may hawak nito?
Mas mahalaga ba ang lagari kaysa taong gumagamit nito?
Ang tungkod pa ba ang bubuhat sa may hawak nito?
16 Kaya nga padadalhan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
ng mapaminsalang sakit ang magigiting niyang mandirigma,
at sa ilalim ng kanilang mga kasuotan, mag-aapoy sa init ang kanilang katawan,
parang sigang maglalagablab nang walang katapusan.
17 Ang ilaw ng Israel ay magiging apoy,
ang Banal na Diyos ay magniningas,
at susunugin niya sa loob ng isang araw
maging ang mga tinik at dawag.
18 Wawasakin niya ang kanyang mga gubat at bukirin,
kung paanong winasak ng sakit ang katawan at kaluluwa ng tao.
19 Ilan lamang ang matitirang punongkahoy sa gubat,
ang mga ito'y mabibilang kahit ng isang batang musmos.
Ang Pagbabalik ng mga Natirang Sambahayan ng Israel
20 Sa araw na iyon ang matitira sa bansang Israel at Juda ay hindi na aasa sa mga nagpahirap sa kanila. Kay Yahweh lamang, sa Banal na Diyos ng Israel, sila mananalig nang buong katapatan. 21 Ang mga natira sa sambahayan ni Jacob ay magbabalik sa Diyos na Makapangyarihan, 22 sapagkat(B) kung sindami man ng buhangin sa dagat ang mga Israelita, ilan lamang ang makakabalik. Nakatakda na ang pagwasak sa iyo ayon sa nararapat. 23 Sa takdang panahon, ang buong bansa ay wawakasan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.
24 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon: “O bayan kong naninirahan sa Zion, huwag kang matakot sa mga taga-Asiria kung ikaw ma'y hampasin nila o pahirapan tulad ng ginawa sa iyo ng mga taga-Egipto. 25 Sapagkat hindi magtatagal at lilipas na ang galit ko sa iyo, at sa kanila ko ibabaling ang aking poot. 26 At hahagupitin ko sila tulad ng puksain ko ang mga Midianita sa Bato ng Oreb. Itataas ko ang aking tungkod sa ibabaw ng dagat tulad ng ginawa ko sa mga taga-Egipto. 27 Sa araw na iyon aalisin sa iyong balikat ang pahirap na ginagawa ng Asiria at wawasakin na ang pamatok sa iyong leeg.”
Sumalakay siya buhat sa Rimon.
28 At nakarating na sa Aiat,[a]
lumampas na siya sa Migron
at iniwan sa Micmas ang kanyang dala-dalahan.
29 Nakatawid na sila sa tawiran,
at sa Geba magpapalipas ng gabi.
Nanginginig ang mga taga-Rama
at tumakas na ang mga taga-Gibea na kababayan ni Saul.
30 Sumigaw kayo ng malakas, mga taga-Galim!
Makinig kayo, mga taga-Laisa;
sumagot kayo, taga-Anatot!
31 Tumatakas na ang Madmena,
nag-alisan na ang mga taga-Gebim para sa kanilang kaligtasan.
32 Sa araw na ito darating sa Nob ang kaaway,
ibinigay na niya ang hudyat
na salakayin ang Bundok ng Zion,
ang Burol ng Jerusalem.
33 Masdan ninyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon!
Sa pamamagitan ng nakakapangilabot na lakas,
ibubuwal niya ang pinakamatataas na puno.
Ibinabagsak niya ang mga palalo.
34 Ibinubuwal niya ang mga punongkahoy sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol,
bagsak na ang Lebanon at ang matatayog nitong punongkahoy.
Ang Mapayapang Kaharian
11 Naputol(C) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.
2 Mananahan sa kanya ang Espiritu[b] ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.
4 Ngunit(D) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
5 Maghahari(E) siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.
6 Maninirahan(F) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Walang(G) mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
Ang Pagbabalik ng mga Itinapon
10 Sa(H) araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan.
11 Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon
upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan na mga bihag sa Asiria, sa Egipto, sa Patros, sa Etiopia,[c] sa Elam,
sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan.
12 Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa,
at titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain.
Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda
mula sa apat na sulok ng daigdig.
13 Mapapawi na ang pagkainggit ng Israel,
at mapuputol na ang pagkamarahas ng Juda.
Hindi na maninibugho ang Israel sa Juda,
at hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel.
14 Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran
at magkasama nilang sasamsamin ang ari-arian, ang mga bansa sa silangan;
sasakupin nila ang Edom at Moab,
at susundin sila ng mga Ammonita.
15 Tutuyuin(I) ni Yahweh ang Dagat ng Egipto,
at magpapadala siya ng mainit na hangin
upang tuyuin ang Ilog Eufrates.
Ang matitira lang ay pitong maliliit na batis
na tatawiran ng mga tao.
16 At magkakaroon ng isang malapad na daan mula sa Asiria
para sa mga nalabi sa kanyang bayan,
kung paanong ang Israel ay may nadaanan
nang sila'y umalis mula sa Egipto.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. 12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13 Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon.
14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? 16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. 17 Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan?
19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo.
20 Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.
56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
2 nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
3 Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
4 Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
5 Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
6 Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
7 Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!
8 Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
9 Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10 May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!
-8-
6 Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain. 7 Sapagkat iyon ay maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom, ngunit hindi bukal sa kalooban. 8 Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lang ang maganda mong sasabihin.
by