Bible in 90 Days
Ang mga Hangganan
13 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ito ang magiging hangganan na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labindalawang lipi ng Israel. Ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.
14 At inyong hahatiin ito bilang mana, ang bawat isa ay katulad ng iba; sapagkat aking ipinangakong ibibigay ito sa inyong mga ninuno, at ang lupaing ito ay ibibigay sa inyo bilang inyong pamana.
15 “Ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilaga, mula sa Malaking Dagat, sa daang Hetlon, hanggang sa pasukan ng Zedad,
16 Hamat, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at hangganan ng Hamat hanggang sa Haser-hatticon, na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.
17 Kaya't ang hangganan ay mula sa dagat hanggang sa Hazar-enon, na nasa hilagang hangganan ng Damasco, na ang hangganan ay ang Hamat sa hilaga. Ito ang dakong hilaga.
18 “Sa dakong silangan, ang hangganan ay mula sa Hazar-enon sa pagitan ng Hauran at ng Damasco, katapat ng Jordan sa pagitan ng Gilead at lupain ng Israel; sa silangang dagat hanggang sa Tamar. Ito ang dakong silangan.
19 “Sa dakong timog ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades, sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat. Ito ang timugang dako.
20 “Sa dakong kanluran, ang Malaking Dagat ang magiging hangganan sa isang lugar sa tapat ng pasukan sa Hamat. Ito ang dakong kanluran.
21 “Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel.
22 Inyong hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan bilang mana sa inyo at sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo at magkakaanak sa gitna ninyo. Sila'y magiging sa inyo'y gaya ng katutubong ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel.
23 Saanmang lipi manirahan ang dayuhan, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Paghahati ng Lupain
48 “Ang mga ito ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilaga, sa tabi ng daan ng Hetlon hanggang sa pasukan sa Hamat, hanggang sa Hazar-enon, (na nasa hilagang hangganan ng Damasco sa ibabaw ng Hamat) at patuloy hanggang sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ang Dan, isang bahagi.
2 Sa tabi ng nasasakupan ng Dan, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Aser, isang bahagi.
3 Sa tabi ng nasasakupan ng Aser, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Neftali, isang bahagi.
4 Sa tabi ng nasasakupan ng Neftali, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Manases, isang bahagi.
5 Sa tabi ng nasasakupan ng Manases, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Efraim, isang bahagi.
6 Sa tabi ng nasasakupan ng Efraim, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Ruben, isang bahagi.
7 Sa tabi ng nasasakupan ng Ruben, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Juda, isang bahagi.
Ang Bahagi ng mga Pari
8 “Sa tabi ng nasasakupan ng Juda, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ay ang bahagi na inyong ibubukod, dalawampu't limang libong siko ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi ng lipi, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran; at ang santuwaryo ay malalagay sa gitna niyon.
9 Ang bahagi na inyong ibubukod sa Panginoon ay magiging dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang.
10 Ang mga ito ang para sa banal na bahagi: ang mga pari ang magkakaroon ng bahagi na ang sukat ay dalawampu't limang libong siko sa hilagang bahagi. Sa dakong kanluran ay sampung libo ang luwang, sa dakong silangan ay sampung libo ang luwang, sa dakong timog ay dalawampu't limang libo ang haba, at ang santuwaryo ng Panginoon ay malalagay sa gitna niyon.
11 Ito'y para sa mga itinalagang pari na mga anak ni Zadok, na gumaganap ng aking bilin at hindi nagpakaligaw nang maligaw ang mga anak ni Israel, gaya ng ginawa ng mga Levita.
12 Ito'y magiging kanila bilang tanging bahagi mula sa banal na bahagi ng lupain, kabanal-banalang lugar, sa tabi ng nasasakupan ng mga Levita.
Ang Bahagi ng mga Levita
13 Sa tabi ng nasasakupan ng mga pari, ang mga Levita ay magkakaroon ng dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang. Ang buong haba ay magiging dalawampu't limang libo, at ang luwang ay sampung libo.
14 Hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit ang alinman doon. Hindi nila isasalin o ipagkakaloob sa iba man ang mga piling bahaging ito ng lupain, sapagkat ito'y banal sa Panginoon.
Ang Bahagi para sa Lahat
15 “Ang naiwan, limang libong siko ang luwang at dalawampu't limang libo ang haba, ay para sa karaniwang gamit para sa lunsod, upang tirahan at para sa bukas na lupain. Ang lunsod ay malalagay sa gitna niyon.
16 Ang mga ito ang magiging mga sukat niyon: sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko, sa dakong timog ay apat na libo at limang daan, sa dakong silangan ay apat na libo at limang daang siko, at sa dakong kanluran ay apat na libo at limang daan.
17 Ang lunsod ay magkakaroon ng bukas na lupain: sa dakong hilaga ay dalawandaan at limampung siko, sa dakong timog ay dalawandaan at limampu, sa dakong silangan ay dalawandaan at limampu, at sa dakong kanluran ay dalawandaan at limampu.
18 Ang nalabi sa kahabaan sa tabi ng banal na bahagi ay magiging sampung libong siko sa dakong silangan at sampung libo sa dakong kanluran; at ito'y magiging katabi ng banal na bahagi. Ang bunga niyon ay magiging pagkain para sa mga manggagawa ng lunsod.
19 At ang mga manggagawa ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel ang magbubungkal noon.
20 Ang buong bahagi na inyong ibubukod ay magiging dalawampu't limang libong sikong parisukat, ito ay ang banal na bahagi pati ang pag-aari ng lunsod.
Ang Bahagi ng mga Pinuno
21 “Ang nalabi sa magkabilang panig ng banal na bahagi at sa pag-aari ng lunsod ay magiging sa pinuno. Mula sa dalawampu't limang libong siko ng banal na bahagi hanggang sa silangang hangganan, at pakanluran mula sa dalawampu't limang libong siko sa kanlurang hangganan, katapat ng bahagi ng mga angkan, ay magiging para sa mga pinuno. Ang banal na bahagi at ang santuwaryo ng templo ay malalagay sa gitna niyon.
22 Ang pag-aari ng mga Levita at ng lunsod ay malalagay sa gitna ng pag-aari ng pinuno. Ang bahagi ng pinuno ay malalagay sa pagitan ng nasasakupan ng Juda at ng Benjamin.
Ang Bahagi ng Limang Lipi
23 “At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Benjamin, isang bahagi.
24 Sa tabi ng nasasakupan ng Benjamin, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Simeon, isang bahagi.
25 Sa tabi ng nasasakupan ng Simeon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Isacar, isang bahagi.
26 Sa tabi ng nasasakupan ng Isacar, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Zebulon, isang bahagi.
27 Sa tabi ng nasasakupan ng Zebulon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Gad, isang bahagi.
28 Sa tabi ng nasasakupan ng Gad sa dakong timog, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat.
29 Ito ang lupain na inyong paghahatian sa pamamagitan ng palabunutan sa mga lipi ng Israel bilang mana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang mga Pintuan ng Jerusalem
30 “Ang(A) mga ito ang mga labasan sa lunsod: Sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko sa sukat,
31 tatlong mga pintuan: ang pintuan ng Ruben, ang pintuan ng Juda, at ang pintuan ng Levi, ang mga pintuan ng lunsod ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel.
32 Sa dakong silangan na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Jose, ang pintuan ng Benjamin, at ang pintuan ng Dan.
33 Sa dakong timog na apat na libo at limang daang siko sa sukat ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Simeon, ang pintuan ng Isacar, at ang pintuan ng Zebulon.
34 Sa dakong kanluran na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Gad, ang pintuan ng Aser, at ang pintuan ng Neftali.
35 Ang sukat sa palibot ng lunsod ay labingwalong libong siko. At ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon.”
Ang Kasaysayan ni Daniel at ng Kanyang Tatlong Kaibigan
1 Nang(B) ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, dumating sa Jerusalem si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at kinubkob iyon.
2 At(C) ibinigay ng Panginoon si Jehoiakim na hari ng Juda sa kanyang kamay, kabilang ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Diyos. Ang mga ito ay dinala niya sa lupain ng Shinar sa bahay ng kanyang diyos, at inilagay niya ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng kanyang diyos.
3 At inutusan ng hari si Aspenaz, na pinuno ng kanyang mga eunuko, na dalhin ang ilan sa mga Israelita na mula sa lahi ng hari at sa mga maharlika,
4 mga kabataang walang kapintasan, makikisig at bihasa sa lahat ng sangay ng karunungan, may taglay na kaalaman at pang-unawa, at may kakayahang maglingkod sa palasyo ng hari. Ituturo sa kanila ang panitikan at wika ng mga Caldeo.
5 Ang hari ay nagtakda sa kanila sa araw-araw ng bahagi mula sa pagkain na kinakain at alak na iniinom ng hari. Sila'y tuturuan sa loob ng tatlong taon upang sa katapusan ng panahong iyon ay mailagay sila sa bulwagan ng hari.
6 Kabilang sa mga ito ay sina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias mula sa lipi ni Juda.
7 Binigyan sila ng pinuno ng mga eunuko ng ibang pangalan: si Daniel ay tinawag na Belteshasar, si Hananias ay tinawag na Shadrac, si Mishael ay tinawag na Meshac, at si Azarias ay tinawag na Abednego.
8 Ngunit ipinasiya ni Daniel na hindi niya durungisan ang sarili sa pamamagitan ng bahagi ng pagkaing mula sa hari o ng alak man na kanyang iniinom. Kaya't kanyang hiniling sa pinuno ng mga eunuko na pahintulutan siyang huwag dungisan ang kanyang sarili.
9 At pinahintulutan ng Diyos na si Daniel ay tumanggap ng lingap at habag mula sa pinuno ng mga eunuko.
10 Sinabi ng pinuno ng mga eunuko kay Daniel, “Ako'y natatakot na baka makita ng aking panginoong hari na nagtakda ng inyong pagkain at inumin, na kayo ay nasa mas masamang kalagayan kaysa mga kabataan na inyong kasinggulang. Kaya't ilalagay ninyo sa panganib ang aking ulo sa hari.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Daniel sa katiwala na hinirang ng pinuno ng mga eunuko upang mamuno kina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias:
12 “Subukin mo po sana ang iyong mga lingkod sa loob ng sampung araw. Bigyan mo kami ng mga gulay na makakain at tubig na maiinom.
13 Pagkatapos ay ihambing mo ang aming anyo sa anyo ng mga kabataang nagsisikain ng pagkain ng hari; at ayon sa iyong makikita ay gawin mo sa iyong mga lingkod.”
14 Kaya't sumang-ayon siya sa mungkahing ito, at sinubok sila sa loob ng sampung araw.
15 Sa katapusan ng sampung araw ay nakitang higit na mabuti ang kanilang anyo at higit na mataba kaysa lahat ng mga kabataang nagsikain ng pagkain ng hari.
16 Kaya't inalis ng katiwala ang kanilang bahaging pagkain at alak na mula sa hari, at binigyan sila ng mga gulay.
17 Tungkol sa apat na mga binatang ito, pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan. Si Daniel ay mayroong pagkaunawa sa lahat ng pangitain at mga panaginip.
18 Sa katapusan ng mga araw na itinakda ng hari sa paghaharap sa kanila, ipinasok sila ng pinuno ng mga eunuko sa harap ni Nebukadnezar.
19 At ang hari ay nakipag-usap sa kanila, at sa kanilang lahat ay walang natagpuang gaya nina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias. Kaya't sila'y inilagay sa bulwagan ng hari.
20 At sa bawat bagay tungkol sa karunungan at pang-unawa na inusisa ng hari sa kanila, kanyang natuklasan na sila'y sampung ulit na mas mahusay kaysa sa lahat ng salamangkero at mga engkantador na nasa kanyang buong kaharian.
21 At si Daniel ay namalagi roon hanggang sa unang taon ng haring si Ciro.
Ang Panaginip ni Haring Nebukadnezar
2 Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebukadnezar, si Nebukadnezar ay nagkaroon ng mga panaginip. Ang kanyang espiritu ay nabagabag, at hindi na siya makatulog.
2 Nang magkagayo'y ipinag-utos ng hari na tawagin ang mga salamangkero, mga engkantador, mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang sabihin sa hari ang kanyang mga panaginip. Kaya sila'y dumating at humarap sa hari.
3 At sinabi ng hari sa kanila, “Ako'y nanaginip at ang aking espiritu ay nabagabag sa pagnanais na maunawaan ang panaginip.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga Caldeo sa hari sa wikang Aramaico,[a] “O hari, mabuhay ka magpakailanman. Sabihin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”
5 Sinagot ng hari ang mga Caldeo, “Tiyak ang salita mula sa akin: kapag hindi ninyo naipaalam sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y pagpuputul-putulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing bunton ng dumi.
6 Ngunit kung inyong ipapaalam ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y tatanggap sa akin ng mga kaloob, mga gantimpala at dakilang karangalan. Kaya't ipaalam ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito.”
7 Sila'y sumagot sa ikalawang pagkakataon, at nagsabi, “Sabihin ng hari sa kanyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”
8 Ang hari ay sumagot, “Nakakatiyak ako na sinisikap ninyong magkaroon pa ng dagdag na panahon, sapagkat inyong nalalaman na ang aking salita ay tiyak,
9 na kung hindi ninyo ipaalam sa akin ang panaginip, may iisang kautusan lamang para sa inyo. Sapagkat kayo'y nagkasundong magsalita ng kasinungalingan at masasamang salita sa harapan ko hanggang sa ang panahon ay magbago. Kaya't sabihin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko kung inyong maipapaliwanag sa akin ang kahulugan nito.”
10 Ang mga Caldeo ay sumagot sa hari, at nagsabi, “Walang tao sa lupa na makapagbibigay ng hinihingi ng hari; sapagkat walang gayong kadakilang hari at makapangyarihang hari ang nagtanong ng ganyang bagay sa kaninumang salamangkero, engkantador, o Caldeo.
11 At ang bagay na hinihingi ng hari ay napakahirap at walang makakapagpakita nito sa hari, maliban sa mga diyos, na ang tahanan ay hindi kasama ng mga tao.”
12 Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at naging mabagsik at iniutos na patayin ang lahat ng pantas ng Babilonia.
13 Kaya't ang utos ay kumalat na ang mga pantas ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin sila.
Ipinakita ng Diyos kay Daniel ang Kahulugan ng Panaginip
14 Nang magkagayo'y maingat at mahinahong sumagot si Daniel kay Arioc na punong-kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas ng Babilonia.
15 Sinabi niya kay Arioc na punong-kawal ng hari, “Bakit madalian ang utos ng hari?” Ipinaliwanag ni Arioc ang pangyayari kay Daniel.
16 Kaya't si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon, upang kanyang maipaalam sa hari ang kahulugan.
17 Pumasok si Daniel sa kanyang bahay at ipinaalam ang pangyayari kina Hananias, Mishael, at Azarias na kanyang mga kaibigan.
18 Kanyang sinabihan sila na humingi ng awa sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang ito, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay huwag mamatay na kasama ng ibang mga pantas ng Babilonia.
19 At ang hiwaga ay inihayag kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit.
20 Sinabi ni Daniel:
“Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman,
sapagkat sa kanya ang karunungan at kapangyarihan.
21 Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan;
siya'y nag-aalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari;
siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong
at ng kaalaman sa may pang-unawa;
22 siya ang naghahayag ng malalalim at mahihiwagang bagay;
kanyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman,
at ang liwanag ay naninirahan sa kanya.
23 Sa iyo, O Diyos ng aking mga ninuno,
ako'y nagpapasalamat at nagpupuri,
sapagkat binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan,
at ipinaalam mo sa akin ang aming hinihiling sa iyo;
sapagkat iyong ipinaalam sa amin ang nangyari sa hari.”
24 Kaya't pinuntahan ni Daniel si Arioc na siyang hinirang ng hari upang patayin ang mga pantas ng Babilonia at sinabi sa kanya ang ganito, “Huwag mong patayin ang mga pantas ng Babilonia; dalhin mo ako sa harapan ng hari, at aking ipapaalam sa hari ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari
25 Nang magkagayo'y nagmamadaling dinala ni Arioc si Daniel sa harapan ng hari, at sinabi ang ganito sa kanya, “Ako'y nakatagpo sa mga bihag mula sa Juda ng isang lalaking makapagsasabi ng kahulugan sa hari.”
26 Sinabi ng hari kay Daniel na ang pangalan ay Belteshasar, “Kaya mo bang ipaalam sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan nito?”
27 Si Daniel ay sumagot sa hari, “Walang pantas, mga engkantador, o mga salamangkero man ang makapagpapakita sa hari ng hiwaga na hiningi ng hari.
28 Ngunit may isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at kanyang ipinaalam sa Haring Nebukadnezar kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip at pangitain habang ikaw ay nakahiga sa higaan ay ang mga ito:
29 Tungkol sa iyo, O hari, habang ikaw ay nasa iyong higaan ay bumaling ang iyong mga pag-iisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap; at siya na naghahayag ng mga hiwaga ay ipinaalam sa iyo kung ano ang mangyayari.
30 Ngunit tungkol sa akin, ang hiwagang ito ay hindi ipinahayag sa akin dahil sa anumang higit na karunungan mayroon ako kaysa sinumang may buhay, kundi upang ang kahulugan ay maipaalam sa hari, at upang iyong maunawaan ang mga nilalaman ng iyong isipan.
31 “Ikaw ay nakamasid, O hari, at nakakita ka ng isang malaking rebulto. Ang rebultong ito, makapangyarihan at lubhang makinang, ay tumayo sa harapan mo, at ang anyo nito'y kakilakilabot.
32 Ang ulo ng rebultong ito ay dalisay na ginto; ang dibdib at mga bisig nito ay pilak, ang tiyan at mga hita nito ay tanso.
33 Ang mga binti nito ay bakal, ang mga paa nito ay may bahaging bakal at may bahaging luwad.
34 Patuloy kang tumitingin hanggang sa may natibag na isang bato, hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at ito'y tumama sa rebulto sa mga paa nitong bakal at luwad, at dinurog ang mga ito.
35 Nang magkagayon, ang bakal, ang luwad, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkadurug-durog, at naging parang dayami sa mga giikan sa tag-araw. At ang mga ito ay tinangay ng hangin anupa't hindi matagpuan ang anumang bakas ng mga iyon. Ngunit ang bato na tumama sa rebulto ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa.
Ibinigay ang Kahulugan ng Panaginip ng Hari
36 “Ito ang panaginip; ngayo'y aming sasabihin sa hari ang kahulugan nito.
37 Ikaw, O hari, ay hari ng mga hari, na binigyan ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at ng kaluwalhatian;
38 at saanman naninirahan ang mga anak ng mga tao, o ang mga hayop sa parang, o ang mga ibon sa himpapawid ay ibinigay niya ang mga ito sa iyong kamay, at pinamuno ka sa kanilang lahat. Ikaw ang ulong ginto.
39 Pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mas mababa kaysa iyo; at mayroon pang ikatlong kahariang tanso na mamumuno sa buong lupa.
40 At magkakaroon ng ikaapat na kaharian, kasintibay ng bakal, sapagkat ang bakal ay nakakadurog at nakakawasak ng lahat ng bagay; at gaya ng bakal na nakakadurog, kanyang dudurugin at babasagin ang lahat ng ito.
41 Kung paanong iyong nakita na ang mga paa at mga daliri ay may bahaging luwad ng magpapalayok at may bahaging bakal, ito ay magiging kahariang hati; ngunit ang pagiging matigas ng bakal ay tataglayin nito, yamang iyong nakita na ang bakal ay nakahalo sa luwad.
42 Kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay luwad, ang kaharian ay may bahaging matibay at may bahaging marupok.
43 Kung paanong iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng luwad, pagsasamahin nila ang kanilang mga sarili sa binhi ng mga tao, ngunit hindi sila magkakahalo, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa luwad.
44 At sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito'y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito'y mananatili magpakailanman.
45 Kung paanong iyong nakita na ang isang bato ay natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay at dinurog ang mga bakal, ang tanso, ang luwad, ang pilak, at ang ginto, ipinaalam ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang panaginip ay totoo at ang kahulugan nito'y mapagkakatiwalaan.”
Si Daniel ay Ginantimpalaan ng Hari
46 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Haring Nebukadnezar at nagbigay-galang kay Daniel, at nag-utos na sila'y maghandog ng alay at ng insenso sa kanya.
47 Sumagot ang hari kay Daniel at nagsabi, “Tunay na ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga hiwaga, yamang naipahayag mo ang hiwagang ito.”
48 Nang magkagayo'y binigyan ng hari si Daniel ng mataas na karangalan at ng maraming malalaking kaloob, at kanyang ginawa siyang tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at punong-tagapamahala ng lahat ng pantas sa Babilonia.
49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kanyang hinirang sina Shadrac, Meshac, at Abednego, upang mamahala sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; ngunit si Daniel ay namalagi sa bulwagan[b] ng hari.
Ang Rebultong Ginto
3 Ang haring si Nebukadnezar ay gumawa ng isang rebultong ginto na ang taas ay siyamnapung talampakan,[c] at ang lapad ay siyam na talampakan.[d] Itinayo niya ito sa kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia.
2 At nagsugo si Haring Nebukadnezar upang tipunin ang mga tagapangasiwa ng lalawigan,[e] mga kinatawan, mga gobernador, mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga hukom, at ang lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan upang pumunta sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar.
3 At nagtipon ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga hukom, ang mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga pinuno at lahat ng pinuno ng mga lalawigan sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar. Sila'y tumayo sa harapan ng rebultong itinayo ni Nebukadnezar.
4 At malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Sa inyo'y ipinag-uutos, O mga bayan, mga bansa, at mga wika,
5 na kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol at ng iba pang mga panugtog, kayo'y magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ng haring si Nebukadnezar.
6 Sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.”
7 Kaya't sa oras na iyon, nang marinig ng lahat ng mga bayan ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, at ng iba pang mga panugtog, ang lahat ng bayan, mga bansa, at mga wika, ay nagpatirapa at nagsisamba sa rebultong ginto na itinayo ng haring si Nebukadnezar.
Ang Tatlong Kaibigan ni Daniel ay Pinagbintangan ng Pagsuway
8 Kaya't nang panahong iyon ay nagsilapit ang ilang Caldeo, at nagbigay ng mga paratang laban sa mga Judio.
9 Sila'y sumagot at sinabi sa haring si Nebukadnezar, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!
10 Ikaw, O hari, ay gumawa ng utos na bawat taong makarinig sa tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog, ay magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto.
11 At sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.
12 May ilang mga Judio na iyong itinalaga sa pamamahala sa lalawigan ng Babilonia na sina Shadrac, Meshac, at Abednego. O hari, ang mga lalaking ito ay hindi nakinig sa iyo. Sila'y hindi naglilingkod sa iyong mga diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na iyong itinayo.”
13 Kaya't sa poot at galit ay ipinag-utos ni Nebukadnezar na dalhin sa kanya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Dinala nga nila ang mga lalaking ito sa harapan ng hari.
14 Sumagot si Nebukadnezar at sinabi sa kanila, “O Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo ba na kayo'y hindi naglilingkod sa aking diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na aking itinayo?
15 Mabuti kung kayo'y handa ngayon na magpatirapa at sumamba sa rebultong ginawa ko sa sandaling inyong marinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog. Ngunit kapag kayo'y hindi sasamba, kayo'y kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy; at sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?”
16 Sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay sumagot sa hari, “O Nebukadnezar, hindi namin kailangang sagutin ka sa bagay na ito.
17 Kung mangyayari na ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; ay hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari.
18 Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo.”
Ang Tatlong Kaibigan ni Daniel ay Nahatulang Mamatay
19 Kaya't napuno ng galit si Nebukadnezar, at ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago laban kina Shadrac, Meshac, at Abednego. Siya'y nagsalita at iniutos na painitin ang hurno ng pitong ulit na higit kaysa dating init nito.
20 Kanyang inutusan ang ilang magigiting na mandirigma mula sa kanyang hukbo na gapusin sina Shadrac, Meshac, at Abednego, at sila'y ihagis sa hurno ng nagniningas na apoy.
21 Ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may ibang mga kasuotan, at sila'y inihagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.
22 Sapagkat ang utos ng hari ay pang-madalian at ang hurno ay lubhang pinainit, pinatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking bumuhat kina Shadrac, Meshac, at Abednego.
23 Ngunit ang tatlong lalaking ito, sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay bumagsak na nakagapos sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.
24 Kaya't ang haring si Nebukadnezar ay nagtaka at nagmamadaling tumindig. Sinabi niya sa kanyang mga tagapayo, “Di ba tatlong nakagapos na lalaki ang ating inihagis sa apoy?” Sila'y sumagot sa hari, “Totoo, O hari.”
25 Siya'y sumagot, “Tingnan ninyo, ang nakikita ko'y apat na lalaki na hindi nakagapos na naglalakad sa gitna ng apoy at sila'y walang paso at ang anyo ng ikaapat ay gaya ng isang anak ng mga diyos.”
26 Nang magkagayo'y lumapit si Nebukadnezar sa pintuan ng hurno ng nagniningas na apoy at sinabi, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo at pumarito kayo!” Kaya't sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay lumabas mula sa kalagitnaan ng apoy.
27 At ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, at ang mga tagapayo ng hari ay nagtipun-tipon at nakita na ang apoy ay hindi nagkaroon ng anumang kapangyarihan sa katawan ng mga lalaking ito. Ang mga buhok ng kanilang mga ulo ay hindi nadarang, ni nasunog man ang kanila mga suot, ni nag-amoy apoy man sila.
Nagbago ang Isip ng Hari
28 Nagsalita si Nebukadnezar at sinabi, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na nagsugo ng kanyang anghel at nagligtas sa kanyang mga lingkod na nagtiwala sa kanya. Kanilang sinuway ang utos ng hari, at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa maglingkod o sumamba sa sinumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.
29 Kaya't ako'y nag-uutos na ang bawat bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anumang masama laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay pagpuputul-putulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing bunton ng basura, sapagkat walang ibang diyos na makapagliligtas sa ganitong paraan.”
30 Nang magkagayo'y, itinaas ng hari sa katungkulan sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa lalawigan ng Babilonia.
Ang Ikalawang Panaginip ni Nebukadnezar
4 Si Nebukadnezar na hari, sa lahat ng bayan, mga bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: Nawa'y sumagana sa inyo ang kapayapaan!
2 Inaakala kong mabuting ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa para sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3 Napakadakila ng kanyang mga tanda!
at makapangyarihan ang kanyang mga kababalaghan!
Ang kanyang kaharian ay walang hanggang kaharian,
at ang kanyang kapangyarihan ay mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi.
4 Akong si Nebukadnezar ay nagpapahinga sa aking bahay, at namumuhay nang sagana sa aking palasyo.
5 Ako'y nakakita ng isang panaginip na tumakot sa akin; habang ako'y nakahiga sa aking higaan, ang mga guni-guni at mga pangitain ay bumagabag sa akin.
6 Kaya't ipinag-utos ko na iharap sa akin ang lahat ng pantas sa Babilonia, upang kanilang ipaalam sa akin ang kahulugan ng panaginip.
7 Nang magkagayo'y dumating ang mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ang mga manghuhula, at isinalaysay ko sa kanila ang panaginip, ngunit hindi nila maipaalam sa akin ang kahulugan nito.
8 Ngunit sa wakas dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Belteshasar, ayon sa pangalan ng aking diyos, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos;[f] at isinalaysay ko sa kanya ang panaginip:
9 O Belteshasar, na puno ng mga salamangkero, sapagkat nalalaman ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at walang hiwagang napakahirap para sa iyo, narito ang panaginip na aking nakita, sabihin mo sa akin ang kahulugan nito.
10 Ngayon ay ganito ang mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nasa higaan: Ako'y nakatingin, at narito, may isang punungkahoy sa gitna ng lupa, at ito'y napakataas.
11 Ang punungkahoy ay lumaki, at naging matibay, at ang tuktok nito'y umabot hanggang sa langit, at ito'y natatanaw hanggang sa dulo ng buong lupa.
12 Ang mga dahon nito'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at doo'y may pagkain para sa lahat. Ang mga hayop sa parang ay may lilim sa ilalim nito, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagpupugad sa mga sanga nito, at ang lahat na tao ay pinakakain mula roon.
13 “Aking nakita sa mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nakahiga sa aking higaan, at nakita ko ang isang bantay, isang banal ang bumaba mula sa langit.
14 Siya'y sumigaw nang malakas at nagsabi ng ganito, ‘Ibuwal ang punungkahoy at putulin ang kanyang mga sanga, lagasin ang mga dahon at ikalat ang kanyang mga bunga; paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa kanyang mga sanga.
15 Gayunma'y inyong iwan ang tuod ng kanyang mga ugat sa lupa, na gapos ng bakal at tanso sa gitna ng murang damo sa parang. Hayaan siyang mabasa ng hamog ng langit, hayaan siyang makasama ng mga hayop sa damo ng lupa.
16 Hayaang ang kanyang isipan na pusong tao ay mapalitan at puso ng hayop ang ibigay sa kanya; at hayaang ang pitong mga panahon ay lumipas sa kanya.
17 Ang hatol na ito ay sa pamamagitan ng utos ng mga bantay, ang pasiya ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang malaman ng mga may buhay na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninumang kanyang naisin, at pinamumuno niya rito ang pinakamababa sa mga tao.’
18 Akong si Haring Nebukadnezar ay nakakita ng panaginip na ito. At ngayon ikaw, O Belteshasar, ipahayag mo ang kahulugan, sapagkat lahat ng pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpahayag sa akin ng kahulugan, ngunit magagawa mo sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos[g] ay nasa iyo.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip
19 Nang magkagayon, si Daniel na tinatawag na Belteshasar ay sandaling nabagabag at ikinatakot niya ang nasa kanyang isipan. Sinabi ng hari, “Belteshasar, huwag kang mabagabag dahil sa panaginip, o sa kahulugan.” Si Belteshasar ay sumagot, “Aking panginoon, ang panaginip nawa ay para sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan nito'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway!
20 Ang punungkahoy na iyong nakita na tumubo at naging matibay, na ang taas ay umabot sa langit, at ito'y natatanaw sa buong lupa;
21 na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at naging pagkain para sa lahat; na sa lilim nito ay tumitira ang mga hayop sa parang, at sa kanyang mga sanga'y dumadapo ang mga ibon sa himpapawid—
22 ikaw iyon, O hari, na naging napakalaki at matibay. Ang iyong kadakilaan ay lumaki at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa dulo ng lupa.
23 At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, ‘Ibuwal ninyo ang punungkahoy at inyong wasakin, ngunit itira ninyo ang tuod ng mga ugat nito sa lupa na gapos ng bakal at tanso, sa sariwang damo sa parang. Bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasama siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa ang pitong panahon ay lumipas sa kanya’—
24 ito ang kahulugan, O hari, at ito ay utos ng Kataas-taasan na sumapit sa aking panginoong hari:
25 Ikaw ay palalayasin mula sa mga tao, at ang iyong tahanan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit. Pitong panahon ang lilipas sa iyo hanggang sa iyong malaman na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay ito sa sinumang maibigan niya.
26 Kung paanong iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay magiging tiyak para sa iyo, mula sa panahon na iyong malaman na ang Langit ang namumuno.
27 Kaya't, O hari, tanggapin mo nawa ang aking payo: putulin mo na ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng paggawa ng katuwiran, at ang iyong mga kasamaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaawaan sa naaapi, upang humaba pa ang iyong kasaganaan.”
28 Lahat ng ito'y nangyari sa haring si Nebukadnezar.
29 Sa katapusan ng labindalawang buwan, siya ay lumalakad sa bubungan ng palasyo ng hari ng Babilonia.
30 Nagsalita ang hari at sinabi, “Hindi ba ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan bilang tahanan ng hari at para sa kaluwalhatian ng aking kadakilaan?”
31 Samantalang ang mga salita ay nasa bibig pa ng hari, may isang tinig na nanggaling sa langit, “O Haring Nebukadnezar, sa iyo'y ipinahahayag: Ang kaharian ay umalis na sa iyo!
32 Ikaw ay palalayasin sa mga tao, at ang iyong tirahan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka at pitong panahon ang daraan sa iyo, hanggang sa iyong kilalanin na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa sinumang kanyang naisin.”
33 Kaagad natupad ang salita tungkol kay Nebukadnezar. Siya'y pinalayas mula sa mga tao at kumain ng damo na gaya ng mga baka. Ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kanyang buhok ay lumago na kasinghaba ng balahibo ng mga agila, at ang kanyang mga kuko ay gaya ng sa mga ibon.
Pinuri ni Nebukadnezar ang Diyos
34 At sa katapusan ng panahong iyon, akong si Nebukadnezar ay nagtaas ng aking paningin sa langit, at ang aking katinuan ay nanumbalik sa akin. Aking pinuri ang Kataas-taasan, at aking pinuri at pinarangalan siya na nabubuhay magpakailanman.
Sapagkat ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan,
at ang kanyang kaharian ay nananatili sa sali't salinlahi.
35 Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay ibinibilang na wala;
at kanyang ginagawa ang ayon sa kanyang kalooban sa hukbo ng langit,
at sa mga nananahan sa lupa.
Walang makakahadlang sa kanyang kamay,
o makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”
36 Sa oras na iyon ay nanumbalik sa akin ang aking katinuan, at ang aking kadakilaan at kamahalan ay ibinalik sa akin para sa kaluwalhatian ng aking kaharian. Hinanap ako ng aking mga tagapayo at mga maharlikang tao; at ako'y muling inilagay sa aking kaharian, at higit pang kadakilaan ang naparagdag sa akin.
37 Ngayon akong si Nebukadnezar ay nagpupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagkat ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kanyang mga pamamaraan ay makatarungan; at kaya niyang ibaba ang mga lumalakad na may kapalaluan.
Ang Handaan ni Belshasar
5 Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
2 Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
3 Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
4 Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
6 Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
7 Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
8 Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
9 Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
10 Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
11 May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
12 palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat
13 Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, “Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari?
14 Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo.
15 Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
16 Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, “Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan.
18 O hari, ang Kataas-taasang Diyos ay nagbigay kay Nebukadnezar na iyong ama ng kaharian, kadakilaan, kaluwalhatian, at kamahalan.
19 Dahil sa kadakilaang ibinigay niya sa kanya, nanginig at natakot sa harapan niya ang lahat ng mga bayan, mga bansa, at wika. Ang ibig niyang patayin ay kanyang pinapatay, at ang ibig niyang buhayin ay kanyang hinahayaang mabuhay. Ang ibig niyang itaas ay kanyang itinataas, at ang ibig niyang ibaba ay kanyang ibinababa.
20 Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya.
21 Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan.
22 Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito!
23 Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati.
24 Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit.
25 At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang.
28 PERES;[h] ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia.”
29 Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian.
30 Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo.
31 At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang.
Si Daniel sa Yungib ng mga Leon
6 Minabuti ni Dario na magtalaga sa kaharian ng isandaan at dalawampung satrap, na mamamahala sa buong kaharian.
2 Ang namumuno sa kanila'y tatlong pangulo, na isa sa kanila ay si Daniel. Ang mga tagapamahalang ito ay magbibigay-sulit sa kanila upang ang hari ay huwag malagay sa panganib.
3 Hindi nagtagal, si Daniel ay nangibabaw sa lahat ng ibang mga pangulo at sa mga satrap, sapagkat taglay niya ang isang di-pangkaraniwang espiritu; at pinanukala ng hari na italaga siya upang mamuno sa buong kaharian.
4 Nang magkagayo'y sinikap ng mga pangulo at ng mga tagapamahala na makakita ng batayan upang makapagsumbong laban kay Daniel tungkol sa kaharian. Ngunit hindi sila makakita ng anumang batayan upang makapagsumbong o anumang pagkukulang sapagkat tapat siya, at walang kamalian ni pagkukulang na natagpuan sa kanya.
5 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, “Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”
6 Kaya't ang mga pangulo at mga tagapamahalang ito ay dumating na magkakasama sa hari, at sinabi sa kanya, “O Haring Dario, mabuhay ka magpakailanman!
7 Lahat ng mga pangulo ng kaharian, mga kinatawan, mga tagapamahala, mga tagapayo, at ang mga gobernador, ay nagkasundo na ang hari ay dapat gumawa ng isang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na sinumang manalangin sa sinumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari ay ihahagis sa yungib ng mga leon.
8 Ngayon, O hari, pagtibayin mo ang pagbabawal, at lagdaan mo ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia na hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Kaya't nilagdaan ni Haring Dario ang kasulatan at ang pagbabawal.
10 Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa.
11 Nang magkagayo'y nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito at natagpuan si Daniel na nananalangin at sumasamo sa kanyang Diyos.
12 Kaya't lumapit sila at nagsalita sa harapan ng hari tungkol sa ipinagbabawal ng hari, “O hari! Hindi ba lumagda ka ng isang pagbabawal, na sinumang tao na humingi sa kanino mang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Ang hari ay sumagot, “Ang pagbabawal ay matatag, ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia, na hindi maaaring pawalang-bisa.”
13 Nang magkagayo'y sumagot sila sa hari, “Ang Daniel na iyon na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi nakikinig sa iyo, O hari, maging ang pagbabawal man na iyong nilagdaan, kundi nananalangin ng tatlong ulit sa loob ng isang araw.”
14 Nang marinig ng hari ang mga salitang ito, siya ay lubhang nabahala. Ipinasiya niyang iligtas si Daniel, at hanggang sa paglubog ng araw ay kanyang pinagsikapang iligtas siya.
15 At nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito sa hari at sinabi sa kanya, “Alalahanin mo, O hari, na isang batas ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia na walang pagbabawal o utos man na pinagtibay ng hari ang maaaring baguhin.”
16 Nang magkagayo'y nag-utos ang hari, at dinala si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon. Nagsalita ang hari at sinabi kay Daniel, “Ang iyo nawang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ang siyang magligtas sa iyo!”
17 Dinala ang isang bato at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan ng hari ng kanyang sariling pantatak at ng pantatak ng kanyang mga maharlika upang walang anumang bagay na mabago tungkol kay Daniel.
18 Umuwi ang hari sa kanyang palasyo, at pinalipas ang buong magdamag na nag-aayuno. Walang libangang dinala sa kanya at ayaw siyang dalawin ng antok.
19 Nang mag-uumaga na, ang hari ay bumangon at nagmamadaling pumunta sa yungib ng mga leon.
20 Nang siya'y mapalapit sa yungib na kinaroroonan ni Daniel, siya'y sumigaw na may pagdadalamhati at sinabi kay Daniel, “O Daniel, lingkod ng buháy na Diyos, ang iyo bang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ay nakapagligtas sa iyo sa mga leon?”
21 Sinabi naman ni Daniel sa hari, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!
22 Isinugo ng aking Diyos ang kanyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon. Hindi nila ako sinaktan sapagkat ako'y natagpuang walang sala sa harap niya at gayundin sa harapan mo. O hari, wala akong ginawang kasalanan.”
23 Nang magkagayo'y tuwang-tuwa ang hari, at ipinag-utos na kanilang iahon si Daniel mula sa yungib. Kaya't iniahon si Daniel mula sa yungib, at walang anumang sugat na natagpuan sa kanya sapagkat siya'y nagtiwala sa kanyang Diyos.
24 Ang hari ay nag-utos, at ang mga lalaking nagparatang kay Daniel ay kanilang hinuli at sila'y inihagis sa yungib ng mga leon—sila, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Hindi pa man sila umaabot sa ibaba ng yungib, ang mga leon ay nanaig sa kanila, at pinagputul-putol ang lahat nilang mga buto.
25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring si Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: “Kapayapaa'y sumagana sa inyo.
26 Ako'y nag-uutos na sa lahat ng sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat manginig at matakot sa Diyos ni Daniel:
Sapagkat siya ang buháy na Diyos,
at nananatili magpakailanman.
Ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak,
at ang kanyang kapangyarihan ay walang katapusan.
27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya,
siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa,
sapagkat iniligtas niya si Daniel
mula sa kapangyarihan ng mga leon.”
28 Kaya't ang Daniel na ito ay umunlad sa panahon ng paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga-Persia.
Ang Pangitain tungkol sa Apat na Halimaw
7 Nang unang taon ni Belshasar na hari sa Babilonia, si Daniel ay nanaginip at nagkaroon ng mga pangitain habang nakahiga sa kanyang higaan. At kanyang isinulat ang panaginip, at isinalaysay ang kabuuan nito.
2 Sinabi ni Daniel, “Nakita ko sa aking pangitain sa gabi at narito, ang apat na hangin ng langit na humihihip sa malaking dagat,
3 at(D) apat na malalaking halimaw[i] na magkakaiba ang umahon mula sa dagat.
4 Ang(E) una'y gaya ng leon at may mga pakpak ng agila. Habang aking minamasdan, ang mga pakpak nito'y nahugot, at ito'y nataas mula sa lupa, at pinatayo sa dalawang paa na gaya ng isang tao; at binigyan din ito ng isip ng tao.
5 Lumitaw ang isa pang halimaw, ang ikalawa, na gaya ng isang oso. Ito ay nakataas sa isang tagiliran, may tatlong tadyang sa kanyang bibig sa pagitan ng kanyang mga ngipin; at sinabi rito, ‘Bumangon ka, lumamon ka ng maraming laman.’
6 Pagkatapos nito'y tumingin ako at may isa pang gaya ng leopardo na may apat na pakpak ng ibon sa likod nito. Ang halimaw ay mayroong apat na ulo; at binigyan siya ng kapangyarihan.
7 Pagkatapos(F) nito'y nakita ko sa pangitain sa gabi ang ikaapat na halimaw na kakilakilabot, nakakatakot, at napakalakas. Ito'y may malaking ngiping bakal; ito'y nananakmal at lumuluray, at niyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi. Ito ay kaiba sa lahat ng halimaw na una sa kanya, at siya'y may sampung sungay.
8 Habang(G) tinitingnan kong mabuti ang mga sungay, narito, lumitaw sa gitna ng mga iyon ang isa pang munting sungay, at sa harap nito ay tatlo sa mga unang sungay ang nabunot sa mga ugat. Narito, sa sungay na ito ay may mga mata na gaya ng mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan.
9 Habang(H) ako'y nakatingin, may mga tronong inilagay,
at ang Matanda sa mga Araw ay umupo.
Ang kanyang kasuotan ay kasimputi ng niyebe,
at ang buhok ng kanyang ulo ay gaya ng purong lana.
Ang kanyang trono ay naglalagablab sa apoy
at ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy.
10 May(I) dumaloy na isang ilog ng apoy
at lumabas mula sa harapan niya,
libu-libo ang naglilingkod sa kanya,
at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan niya.
Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom,
at ang mga aklat ay nabuksan.
11 Ako'y tumingin dahil sa ingay ng mga palalong salita na sinasabi ng sungay. Nagpatuloy akong tumingin hanggang ang halimaw ay napatay, at ang kanyang katawan ay winasak, at ibinigay upang sunugin ng apoy.
12 At tungkol sa iba pang mga halimaw, ang kanilang kapangyarihan ay inalis, ngunit ang kanilang mga buhay ay pinahaba pa ng isang kapanahunan at isang panahon.
13 Patuloy(J) akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito,
ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap.
At siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw,
at iniharap sa kanya.
14 Binigyan(K) siya ng kapangyarihan,
kaluwalhatian, at kaharian,
upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika
ay maglingkod sa kanya.
Ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan
na hindi lilipas,
at ang kanyang kaharian
ay hindi mawawasak.
Ang Panaginip ay Ipinaliwanag
15 “Tungkol sa akin, akong si Daniel, ang aking espiritu ay nabalisa sa loob ko, at binagabag ako ng aking mga pangitain sa aking pag-iisip.
16 Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo roon at itinanong ko sa kanya ang katotohanan tungkol sa lahat ng ito. Kaya't sinabi niya at ipinaalam sa akin ang kahulugan ng mga bagay.
17 Ang apat na malaking halimaw na ito ay apat na hari na lilitaw mula sa lupa.
18 Ngunit(L) tatanggapin ng mga banal ng Kataas-taasan ang kaharian, at aangkinin ang kaharian magpakailan kailanpaman.
19 Pagkatapos ay ninais kong malaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na halimaw na kaiba sa lahat, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumuluray, at niyuyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi;
20 at tungkol sa sampung sungay na nasa kanyang ulo, at ang isa pang sungay na sumibol, na sa harapan nito'y nabuwal ang tatlo, ang sungay na may mga mata, at bibig na nagsasalitang may kapalaluan, na ang anyo ay parang higit na makapangyarihan kaysa kanyang mga kasama.
21 Habang(M) ako'y nakatingin, ang sungay na ito ay nakipagdigma sa mga banal, at nagtagumpay laban sa kanila,
22 hanggang(N) sa ang Matanda sa mga Araw ay dumating. At ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan, at ang panaho'y dumating na tinanggap ng mga banal ang kaharian.
23 “Ganito ang kanyang sinabi:
‘Ang ikaapat na halimaw ay
magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa,
na magiging kaiba sa lahat ng kaharian,
at sasakmalin nito ang buong lupa,
yuyurakan ito at pagluluray-lurayin.
24 Tungkol(O) sa sampung sungay,
mula sa kahariang ito ay babangon ang sampung hari,
at may isa pang babangong kasunod nila.
Siya'y magiging kaiba kaysa mga nauna,
at kanyang ibabagsak ang tatlong hari.
25 At(P) siya'y magsasalita laban sa Kataas-taasan,
at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan;
at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan;
at sila'y ibibigay sa kanyang kamay
hanggang sa isang panahon,
mga panahon at kalahati ng isang panahon.
26 Pagkatapos nito, ang hukuman ay uupo sa paghatol,
at ang kanyang kapangyarihan ay aalisin,
upang mapuksa at ganap na mawasak.
27 At(Q) ang kaharian, ang kapangyarihan,
at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit,
ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan.
Ang kanyang kaharian ay magiging walang hanggang kaharian,
at ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa kanya.’
28 “Dito nagwakas ang pahayag. Tungkol sa akin, akong si Daniel, ay lubhang binabagabag ng aking pag-iisip, at ang aking mukha ay namutla; ngunit iningatan ko ang bagay na ito sa aking isipan.”
Ang Pangitain tungkol sa Lalaking Tupa at Lalaking Kambing
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ng haring si Belshasar, akong si Daniel ay nakakita ng isang pangitain pagkatapos ng unang pangitaing nakita ko.
2 Ako'y tumingin sa pangitain, at habang ako'y tumitingin, ako'y nasa palasyo sa Susa na nasa lalawigan ng Elam, at ako'y nasa tabi ng ilog Ulai.
3 At itiningin ko ang aking mga mata, at aking nakita ang isang lalaking tupa na nakatayo sa pampang ng ilog. Ito ay may dalawang sungay, at ang dalawang sungay ay kapwa mahaba, ngunit ang isa'y higit na mahaba kaysa isa, at ang higit na mahaba ay huling lumitaw.
4 Aking nakita ang lalaking tupa na sumasalakay sa dakong kanluran, hilaga, at timog. Walang hayop na makatagal sa harapan niya, at walang sinumang makapagliligtas mula sa kanyang kapangyarihan. Kanyang ginawa ang ayon sa kanyang nais at itinaas ang kanyang sarili.
5 Habang aking pinapanood, narito, lumitaw ang isang lalaking kambing mula sa kanluran na tumatawid sa ibabaw ng buong lupa, at hindi sumasayad sa lupa. Ang lalaking kambing ay may lantad na sungay sa pagitan ng kanyang mga mata.
6 Ito'y dumaluhong sa lalaking tupa na may dalawang sungay na aking nakitang nakatayo sa pampang ng ilog, at kanyang sinalakay ito na may matinding poot.
7 Nakita ko itong lumalapit sa lalaking tupa, at ito'y napoot sa kanya at sinaktan ang tupa at binali ang kanyang dalawang sungay. Ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatagal sa harapan nito. Ibinuwal nito sa lupa ang lalaking tupa at niyapakan ito, at walang sinumang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kapangyarihan nito.
8 At lubhang itinaas ng lalaking kambing ang kanyang sarili, ngunit nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali. Sa lugar nito'y lumitaw ang apat na lantad na mga sungay, paharap sa apat na hangin ng langit.
9 Mula sa isa sa mga iyon ay lumitaw ang isang maliit na sungay na lubhang naging makapangyarihan sa dakong timog, sa dakong silangan at sa maluwalhating lupain.
10 Ito(R) ay lumaki nang lumaki, hanggang sa ang hukbo sa langit at ang ilan sa mga hukbo at mga bituin ay ibinagsak nito sa lupa at niyapakan ang mga iyon.
11 Nagpalalo pa ito laban sa Pinuno ng hukbo; ang patuloy na handog na sinusunog ay pinahinto nito at ang lugar ng kanyang santuwaryo ay ibinagsak.
12 Dahil sa paglabag, ang hukbo ay ibinigay sa kanya kasama ng patuloy na handog na sinusunog. Ibinagsak nito ang katotohanan sa lupa, at ang sungay ay patuloy na nagtagumpay sa ginagawa nito.
13 Pagkatapos nito, narinig kong nagsasalita ang isang banal, at sinabi ng isa pang banal sa nagsalita, “Hanggang kailan magtatagal ang pangitaing ito tungkol sa patuloy na handog na sinusunog, ang pagsuway na sumisira, at ang pagsusuko sa santuwaryo at sa hukbo upang mayapakan ng paa?”
14 At sinabi niya sa akin, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain ni Daniel
15 Nang ako, si Daniel, ay makakita sa pangitain, pinagsikapan ko itong maunawaan. At narito, nakatayo sa harapan ko ang isang kawangis ng tao.
16 Narinig(S) ko ang tinig ng isang tao sa may pampang ng Ulai, at ito'y tumawag at nagsabi, “Gabriel, ipaunawa mo sa taong ito ang pangitain.”
17 Sa gayo'y lumapit siya sa kinatatayuan ko; at nang siya'y lumapit, ako'y natakot at napasubsob. Ngunit sinabi niya sa akin, “Unawain mo, O anak ng tao, na ang pangitain ay para sa panahon ng wakas.”
18 Samantalang siya'y nagsasalita sa akin, ako'y nakatulog nang mahimbing na ang mukha ay nakasubsob sa lupa. At hinipo niya ako at itinayo.
19 Sinabi niya, “Narito, ipapaalam ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa huling panahon ng pagkagalit; sapagkat ito'y tungkol sa takdang panahon ng wakas.
20 Ang lalaking tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay ang mga hari ng Media at Persia.
21 Ang lalaking kambing na may magaspang na balahibo ay ang hari ng Grecia, at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari.
22 Ang sungay na nabali, sa dakong tinayuan ng apat, ay ang apat na kaharian na babangon mula sa kanyang bansa, ngunit hindi sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
23 Sa pagtatapos ng kanilang paghahari, kapag ang mga paglabag ay umabot sa kanilang ganap na sukat, isang hari na may mabagsik na pagmumukha ang babangon na nakakaunawa ng mga palaisipan.
24 Ang kanyang kapangyarihan ay magiging malakas, ngunit hindi sa pamamagitan ng kanyang sariling kapangyarihan; at siya'y gagawa ng nakakatakot na pagwasak, at siya'y magtatagumpay at gagawin ang kanyang maibigan. Pupuksain niya ang mga makapangyarihan at ang banal na bayan.
25 Sa pamamagitan ng kanyang katusuhan ay kanyang pauunlarin ang pandaraya sa ilalim ng kanyang kamay; at sa kanyang sariling isipan ay itataas niya ang kanyang sarili. Walang babalang papatayin niya ang marami; siya'y tatayo rin laban sa Pinuno ng mga pinuno; ngunit siya'y mawawasak, hindi sa pamamagitan ng kamay ng tao.
26 Ang pangitain tungkol sa mga hapon at mga umaga na isinalaysay ay totoo; ngunit ilihim mo ang pangitain, sapagkat ito'y tungkol sa maraming mga araw mula ngayon.”
27 At akong si Daniel ay nanghina, at nagkasakit ng ilang araw. Pagkatapos ay bumangon ako, at ginawa ko ang mga gawain ng hari. Ngunit ako'y pinapanlumo ng pangitain, at walang makapagpaliwanag nito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001